1 Samuel 14:1-24
Ang Biblia, 2001
Ang Mapangahas na Ginawa ni Jonathan
14 Isang araw, sinabi ni Jonathan na anak ni Saul sa kabataang tagadala ng kanyang sandata, “Halika at tayo'y dumaan sa himpilan ng mga Filisteo na nasa kabilang ibayo.” Ngunit hindi niya ipinagbigay-alam sa kanyang ama.
2 Si Saul ay namamalagi sa mga karatig-pook ng Gibea sa ilalim ng puno ng granada na nasa Migron. Ang mga taong kasama niya ay may animnaraang lalaki,
3 at si Achias na anak ni Achitob, na kapatid ni Icabod, na anak ni Finehas, na anak ni Eli, na pari ng Panginoon sa Shilo, na may suot na efod. Hindi nalalaman ng taong-bayan na si Jonathan ay nakaalis na.
4 Sa pagitan ng mga lagusan na pinagsikapan ni Jonathan na daanan tungo sa himpilan ng mga Filisteo ay mayroong isang batong maraming tulis sa isang dako at isang batong maraming tulis sa kabilang dako. Ang pangalan ng isa ay Boses at ang pangalan ng isa pa ay Sene.
5 Ang isang tulis ay pataas sa hilaga sa tapat ng Mikmas, at ang isa ay sa timog sa tapat ng Geba.
6 Sinabi ni Jonathan sa kabataang tagadala ng kanyang sandata, “Halika at tayo ay dumaan sa himpilan ng mga hindi tuling ito. Marahil ang Panginoon ay tutulong sa atin sapagkat walang makakahadlang sa Panginoon na magligtas sa pamamagitan ng marami o ng kaunti.”
7 At sinabi sa kanya ng kanyang tagadala ng sandata, “Gawin mo ang lahat ng nasa isip mo; ako'y kasama mo, kung ano ang nasa isip mo ay gayundin ang sa akin.”
8 Nang magkagayo'y sinabi ni Jonathan, “Ngayon ay lampasan natin ang mga lalaking iyon, at ipakita natin ang ating sarili sa kanila.
9 Kapag sinabi nila sa atin, ‘Maghintay kayo hanggang sa kami ay dumating sa inyo;’ ay maghihintay nga tayo sa ating lugar at hindi aahon sa kanila!
10 Ngunit kapag sinabi nila, ‘Umahon kayo sa amin,’ ay aahon nga tayo sapagkat ibinigay sila ng Panginoon sa ating kamay. Ito ang magiging tanda sa atin.”
11 Kaya't kapwa sila nagpakita sa himpilan ng mga Filisteo. Sinabi ng mga Filisteo, “Tingnan ninyo, ang mga Hebreo ay lumabas sa mga lungga na kanilang pinagtaguan.”
12 Tinawag ng mga lalaki sa himpilan si Jonathan at ang kanyang tagadala ng sandata, at sinabi, “Umahon kayo rito at mayroon kaming ipapakita sa inyo.” At sinabi ni Jonathan sa kanyang tagadala ng sandata, “Umahon ka na kasunod ko, sapagkat ibinigay sila ng Panginoon sa kamay ng Israel.”
13 At umakyat si Jonathan sa pamamagitan ng kanyang mga kamay at paa at ang kanyang tagadala ng sandata ay kasunod niya. Ang mga Filisteo[a] ay nabuwal sa harap ni Jonathan; at ang mga iyo'y pinagpapatay ng kanyang tagadala ng sandata na kasunod niya.
14 Sa unang pagpatay na iyon na ginawa ni Jonathan at ng kanyang tagadala ng sandata, may dalawampung lalaki ang napatay sa nasasakupan ng kalahating tudling sa isang acre[b] ng lupa.
15 Nagkaroon ng kaguluhan sa kampo, sa parang, at sa buong bayan. Ang himpilan at ang mga mandarambong ay nanginig din; nayanig ang lupa, at ito'y naging isang napakalaking pagkasindak.
Nagapi ang mga Filisteo
16 Ang mga bantay ni Saul sa Gibea ng Benjamin ay nakamasid habang ang napakaraming tao ay nagpaparoo't parito.
17 Nang magkagayo'y sinabi ni Saul sa mga taong kasama niya, “Magbilang kayo ngayon at tingnan ninyo kung sino ang umalis sa atin.” Nang sila'y magbilang, si Jonathan at ang kanyang tagadala ng sandata ay wala roon.
18 Sinabi ni Saul kay Achias, “Dalhin dito ang kaban ng Diyos.” Ang kaban ng Diyos nang panahong iyon ay kasama ng mga anak ni Israel.
19 Samantalang nakikipag-usap si Saul sa pari, ang kaguluhan sa kampo ng mga Filisteo ay lumaki nang lumaki. Sinabi ni Saul sa pari, “Iurong mo ang iyong kamay.”
20 At si Saul at ang buong bayang kasama niya ay nagsama-sama at pumunta sa labanan. Ang tabak ng bawat isa ay laban sa kanyang kapwa at nagkaroon ng malaking pagkalito.
21 Ang mga Hebreo na nakasama ng mga Filisteo nang una pa at umahong kasama nila sa kampo ay pumanig na rin sa mga Israelita na kasama nina Saul at Jonathan.
22 Gayundin, nang mabalitaan ng mga lalaki ng Israel na nagkubli sa lupaing maburol ng Efraim na ang mga Filisteo ay tumakas, sila man ay humabol rin sa kanila sa pakikipaglaban.
23 Kaya't iniligtas ng Panginoon ang Israel nang araw na iyon; at ang pakikipaglaban ay lumampas pa sa kabila ng Bet-haven.
Ang Pangyayari Pagkalipas ng Digmaan
24 Ang mga lalaki ng Israel ay namanglaw nang araw na iyon. Sumumpa si Saul sa taong-bayan, na sinasabi, “Sumpain ang taong kumain ng anumang pagkain hanggang sa kinahapunan at ako'y makaganti sa aking mga kaaway.” Kaya't walang sinuman sa bayan ang tumikim ng pagkain.
Read full chapterFootnotes
- 1 Samuel 14:13 Sa Hebreo ay Sila .
- 1 Samuel 14:14 Katumbas ng bahagi ng nabungkal ng baka sa maghapon.