Add parallel Print Page Options

Pagbati

Si Pablo, na apostol ni Cristo Jesus ayon sa utos ng Diyos na ating Tagapagligtas, at ni Cristo Jesus na ating pag-asa,

Kay(A) Timoteo na aking tunay na anak sa pananampalataya: Biyaya, kahabagan, at kapayapaan mula sa Diyos Ama at kay Jesu-Cristo na Panginoon natin.

Babala Laban sa Maling Aral

Pinapakiusapan kitang manatili sa Efeso gaya noong patungo ako sa Macedonia, na iyong atasan ang ilang tao na huwag magturo ng ibang aral,

ni huwag bigyang-pansin ang mga alamat at walang katapusang talaan ng lahi, na nagiging sanhi ng mga haka-haka sa halip ng pagsasanay na mula sa Diyos na nakikilala sa pamamagitan ng pananampalataya.

Subalit ang layunin ng aming tagubilin ay pag-ibig na nagmumula sa malinis na puso at sa mabuting budhi at sa pananampalatayang hindi pakunwari.

Ang ilan ay lumihis mula rito at bumaling sa walang kabuluhang pag-uusap,

na nagnanais na maging mga guro ng kautusan, gayong hindi nila nauunawaan ang kanilang sinasabi, maging ang mga bagay na kanilang buong tiwalang pinaninindigan.

Ngunit nalalaman natin na ang kautusan ay mabuti, kung ginagamit ng tao sa matuwid na paraan.

Ito ay nangangahulugang nauunawaan na ang kautusan ay hindi ginawa para sa taong matuwid, kundi para sa mga walang kinikilalang batas at mapaghimagsik, para sa masasama at mga makasalanan, para sa mga hindi banal at lapastangan, para sa mga pumapatay sa ama at sa ina, para sa mga mamamatay-tao,

10 para sa mga mapakiapid, para sa nakikipagtalik sa kapwa lalaki o kapwa babae, para sa mga nagbebenta ng alipin, para sa mga sinungaling, para sa mga mandaraya, at kung may iba pang bagay na salungat sa mahusay na aral;

11 ayon sa maluwalhating ebanghelyo ng mapagpalang Diyos na ipinagkatiwala sa akin.

Pasasalamat sa Awa ng Diyos

12 Nagpapasalamat ako sa kanya na nagpapalakas sa akin, kay Cristo Jesus na Panginoon natin, sapagkat ako'y itinuring niyang tapat, na ako'y inilagay sa paglilingkod sa kanya.

13 Kahit(B) na noong una ako'y isang lapastangan, mang-uusig at mang-aalipusta, gayunma'y kinahabagan ako, sapagkat sa kamangmangan ay ginawa ko iyon sa kawalan ng pananampalataya,

14 at labis na sumagana sa akin ang biyaya ng ating Panginoon na may pananampalataya at pag-ibig na na kay Cristo Jesus.

15 Tapat ang salita at nararapat tanggapin nang lubos, na si Cristo Jesus ay pumarito sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan; na ako ang pangunahin sa mga ito.

16 Ngunit dahil dito, nakatanggap ako ng habag upang sa akin na pangunahin ay maipahayag ni Jesu-Cristo ang kanyang sakdal na pagtitiis, bilang halimbawa sa mga sasampalataya sa kanya, tungo sa buhay na walang hanggan.

17 Sa Haring walang hanggan, walang kamatayan, di-nakikita, tanging Diyos, ang karangalan at kaluwalhatian magpakailanpaman. Amen.

18 Ang biling ito ay ipinagkakatiwala ko sa iyo, Timoteo na aking anak, ayon sa mga propesiya na ginawa noong una tungkol sa iyo, upang sa pamamagitan ng mga ito ay makipaglaban ka ng mabuting pakikipaglaban,

19 na iniingatan ang pananampalataya at ang mabuting budhi. Sa pamamagitan ng pagtatakuwil sa budhi, ang ibang tao ay nakaranas ng pagkawasak ng barko sa kanilang pananampalataya;

20 kabilang sa mga ito sina Himeneo at Alejandro na aking ibinigay kay Satanas, upang sila'y maturuang huwag manlapastangan.

Mga Panalangin sa Kapulungan

Una sa lahat, ay isinasamo ko na gawin ang mga paghiling, mga panalangin, mga pamamagitan, at mga pagpapasalamat patungkol sa lahat ng mga tao;

patungkol sa mga hari at sa lahat ng nasa mataas na katungkulan upang tayo'y mamuhay na tahimik at payapa sa buong kabanalan at paggalang.

Ito'y mabuti at kaaya-aya sa paningin ng Diyos na ating Tagapagligtas;

na nagnanais na ang lahat ng tao ay maligtas at makarating sa pagkakilala ng katotohanan.

Sapagkat may isang Diyos at may isang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus,

na ibinigay ang kanyang sarili na pantubos sa lahat; na siyang patotoo sa tamang panahon.

Para(C) dito'y itinalaga ako na isang mangangaral at apostol (sinasabi ko ang katotohanan,[a] hindi ako nagsisinungaling), guro sa mga Hentil sa pananampalataya at katotohanan.

Ibig ko ngang ang mga lalaki ay manalangin sa bawat dako, na itinataas ang kanilang mga banal na kamay na walang galit at pag-aalinlangan.

Gayundin(D) naman, na ang mga babae ay dapat na magdamit na may kahinhinan, naaangkop at hindi mahalay; hindi ng napapalamutiang buhok, at ng ginto o perlas o mamahaling damit;

10 kundi ng mabubuting gawa na siyang nararapat sa mga babaing nagpapahayag ng paggalang sa Diyos.

11 Hayaang ang babae'y matuto sa katahimikan na may buong pagpapasakop.

12 Hindi ko ipinahihintulot na ang babae ay magturo, ni magkaroon ng pamumuno sa lalaki, kundi tumahimik.

13 Sapagkat(E) si Adan ang unang nilalang, pagkatapos ay si Eva;

14 at(F) si Adan ay hindi nadaya, kundi ang babae nang madaya ay nahulog sa pagkakasala.

15 Ngunit ililigtas ang babae sa pamamagitan ng panganganak, kung sila'y mananatiling may kaayusan sa pananampalataya, pag-ibig at sa kabanalan.

Mga Katangian ng Magiging Obispo

Tapat ang salita: Kung ang sinuman ay naghahangad na maging obispo,[b] siya ay nagnanais ng mabuting gawain.

Kailangan(G) na ang obispo ay walang kapintasan, asawa ng isang babae, mapagpigil, matino ang pag-iisip, kagalang-galang, mapagpatuloy ng panauhin, mahusay magturo,

hindi mahilig sa alak, hindi mapusok kundi mahinahon, hindi palaaway, at hindi maibigin sa salapi.

Dapat ay pinamamahalaan niyang mabuti ang kanyang sariling sambahayan, sinusupil ang kanyang mga anak, at may lubos na paggalang.

Sapagkat kung ang sinuman ay hindi marunong mamahala ng kanyang sariling sambahayan, paano niya pangangalagaan ang iglesya ng Diyos?

Hindi isang bagong hikayat, baka siya magpalalo at mahulog sa kahatulan ng diyablo.

Bukod dito'y dapat din namang siya'y magkaroon ng mabuting patotoo mula sa mga nasa labas, baka siya mahulog sa kahihiyan at bitag ng diyablo.

Mga Katangian sa Pagiging Diakono

Gayundin naman ang mga diakono ay dapat na maging kagalang-galang, hindi dalawang dila, hindi nalululong sa maraming alak, hindi mga sakim sa masamang pagkakakitaan,

na iniingatan ang hiwaga ng pananampalataya nang may malinis na budhi.

10 At ang mga ito rin naman ay subukin muna; at kung mapatunayang walang kapintasan, hayaan silang maglingkod bilang mga diakono.

11 Gayundin naman, ang mga babae ay dapat na maging kagalang-galang, hindi mapanirang-puri, kundi mapagpigil, tapat sa lahat ng mga bagay.

12 Ang mga diakono ay dapat na may tig-iisang asawa lamang, at pinamamahalaang mabuti ang kanilang mga anak at ang kanilang sariling mga sambahayan.

13 Sapagkat ang mga nakapaglingkod nang mabuti bilang mga diakono ay nagtatamo para sa kanilang sarili ng isang mabuting katayuan, at ng malaking pagtitiwala sa pananampalataya kay Cristo Jesus.

Ang Hiwaga ng Ating Pananampalataya

14 Ang mga bagay na ito ay aking isinusulat sa iyo, na umaasang makakarating sa iyo sa madaling panahon,

15 ngunit kung ako'y maantala, ay maaari mong malaman kung ano ang dapat ugaliin ng bawat tao sa bahay ng Diyos, na siyang iglesya ng Diyos na buháy, ang haligi at suhay ng katotohanan.

16 Walang pag-aalinlangan, dakila ang hiwaga ng kabanalan:

Siyang[c] nahayag sa laman,
    pinatunayang matuwid sa espiritu,[d] nakita ng mga anghel,
ipinangaral sa mga bansa,
    sinampalatayanan sa sanlibutan,
    tinanggap sa itaas sa kaluwalhatian.

Footnotes

  1. 1 Timoteo 2:7 Sa ibang mga kasulatan ay katotohanan kay Cristo .
  2. 1 Timoteo 3:1 o tagapangasiwa .
  3. 1 Timoteo 3:16 Sa ibang mga kasulatan ay Ang Diyos .
  4. 1 Timoteo 3:16 o sa pamamagitan ng Espiritu .