Add parallel Print Page Options

Hindi ba ninyo alam na ang masasamang tao ay hindi makababahagi sa kaharian ng Diyos? Huwag kayong padaya! Ang mga nakikiapid, mga sumasamba sa diyus-diyosan, mga nangangalunya, mga nakikipagtalik sa kapwa lalaki o sa kapwa babae, 10 ang mga magnanakaw, mga sakim, mga lasenggo, mga mapanlait, mga magdaraya ay hindi makababahagi sa kaharian ng Diyos. 11 At ganyan ang ilan sa inyo noon. Ngunit hinugasan na kayo; ginawa na kayong banal, at itinuring na matuwid sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo, at ng Espiritu ng Diyos.

Ang Katawan at ang Pagluwalhati sa Diyos

12 “Maaari kong gawin ang lahat ng bagay;” ngunit hindi lahat ng bagay ay kapaki-pakinabang. “Maaari kong gawin ang lahat ng bagay,” ngunit hindi ako magpapasakop sa kapangyarihan ng anuman. 13 “Ang pagkain ay para sa tiyan, at ang tiyan ay para sa pagkain,” ngunit ang mga ito'y kapwa wawasakin ng Diyos. Subalit ang katawan ay hindi para sa pakikiapid, kundi para sa Panginoon, at ang Panginoon ay para sa katawan. 14 Muling binuhay ng Diyos ang Panginoon at muli rin niya tayong bubuhayin sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. 15 Hindi ba ninyo alam na ang inyong mga katawan ay mga bahagi ni Cristo? Kaya't kukuha ba ako ng mga bahagi ni Cristo at gagawin kong mga bahagi ng isang bayarang babae? Huwag nawang mangyari! 16 Hindi ba ninyo alam na ang lalaking nakikisama sa isang bayarang babae ay nagiging kaisang katawan nito? Sapagkat nasasaad, “Ang dalawa ay magiging isang laman.” 17 Ngunit ang taong nakikisama sa Panginoon ay nagiging kaisa ng Panginoon sa espiritu. 18 Layuan ninyo ang pakikiapid. Ang bawat kasalanang nagagawa ng isang tao ay nasa labas ng katawan; ngunit ang nakikiapid ay nagkakasala laban sa kanyang sariling katawan. 19 O hindi ba ninyo alam na ang inyong katawan ay templo ng Banal na Espiritu na taglay ninyo mula sa Diyos? At hindi ninyo pag-aari ang inyong sarili, 20 sapagkat mahal ang pagkabili sa inyo. Kaya't luwalhatiin ninyo ang Diyos sa pamamagitan ng inyong katawan.

Read full chapter