Add parallel Print Page Options

10 Kaya't ang mga tagapagdala ng sulat ay nagtungo sa bayan-bayan sa lupain ng Efraim at Manases hanggang sa Zebulon; ngunit sila'y pinagtawanang may pagkutya at paghamak.

11 Tanging ang ilan sa Aser, sa Manases, at sa Zebulon ang nagpakumbaba, at pumunta sa Jerusalem.

12 Ang kamay ng Diyos ay nasa Juda rin upang bigyan sila ng isang puso upang gawin ang iniutos ng hari at ng mga pinuno sa pamamagitan ng salita ng Panginoon.

Ipinagdiwang ang Paskuwa

13 Maraming tao ang sama-samang dumating sa Jerusalem upang ipagdiwang ang pista ng tinapay na walang pampaalsa sa ikalawang buwan, iyon ay isang napakalaking pagtitipon.

14 Nagsimula silang gumawa at inalis ang mga dambanang nasa Jerusalem, at ang lahat ng dambana para sa pagsusunog ng insenso ay inalis nila at itinapon sa libis ng Cedron.

15 Kanilang pinatay ang kordero ng paskuwa nang ikalabing-apat na araw ng ikalawang buwan. Ang mga pari at mga Levita ay nalagay sa kahihiyan, kaya't sila'y nagpakabanal at nagdala ng mga handog na sinusunog sa bahay ng Panginoon.

16 At sila'y tumayo sa kanilang kinagawiang puwesto ayon sa kautusan ni Moises na tao ng Diyos. Iwinisik ng mga pari ang dugo na kanilang tinanggap mula sa kamay ng mga Levita.

17 Sapagkat marami sa kapulungan na hindi nagpakabanal ng kanilang sarili; kaya't kailangang patayin ng mga Levita ang kordero ng paskuwa para sa bawat isa na hindi malinis, upang iyon ay gawing banal sa Panginoon.

18 Sapagkat napakarami sa mga tao, marami sa kanila ay mula sa Efraim, Manases, Isacar, at sa Zebulon, ang hindi naglinis ng kanilang sarili, gayunma'y kumain sila ng kordero ng paskuwa na hindi ayon sa ipinag-utos. Sapagkat idinalangin sila ni Hezekias, na sinasabi, “Patawarin nawa ng mabuting Panginoon ang bawat isa,

19 na nagtatalaga ng kanyang puso upang hanapin ang Diyos, ang Panginoong Diyos ng kanyang mga ninuno, bagaman hindi ayon sa batas ng santuwaryo hinggil sa paglilinis.”

20 Pinakinggan ng Panginoon si Hezekias, at pinagaling ang taong-bayan.

Read full chapter