2 Cronica 34-35
Magandang Balita Biblia
Si Haring Josias ng Juda(A)
34 Si(B) Josias ay walong taóng gulang nang maging hari ng Juda. Tatlumpu't isang taon siyang naghari sa Jerusalem. 2 Tulad ng ninuno niyang si David, naging kalugud-lugod kay Yahweh ang mga ginawa niya. Namuhay siya nang matuwid. 3 Nang ikawalong taon ng kanyang pamamahala, kahit bata pa, ay naglingkod na siya nang tapat sa Diyos ni David na kanyang ninuno. Kaya noong ikalabindalawang taon, sinimulan niyang alisin sa Juda at Jerusalem ang mga sambahan ng mga pagano, ang mga larawan ng diyosang si Ashera at ang lahat ng diyus-diyosang kahoy o tanso. 4 Ipinasibak(C) niya sa kanyang harapan ang larawan ng mga Baal. Giniba niya ang mga altar ng insenso. Winasak niya ang mga imahen ni Ashera at ang mga diyus-diyosang kahoy at ginto. Ipinadurog niya ito nang pinung-pino at ipinasabog sa libingan ng mga sumamba sa kanila. 5 Ipinasunog(D) niya ang mga kalansay ng mga paring pagano sa ibabaw ng kanilang mga dambana. Sa ganoong paraan, nilinis ni Josias ang Jerusalem at ang buong Juda. 6 Ganoon din ang ginawa niya sa mga lunsod ng Manases, Efraim at Simeon at sa mga nawasak na nayon sa paligid ng Neftali. 7 Matapos niyang gawin ang lahat ng ito sa buong Israel, bumalik na siya sa Jerusalem.
Natagpuan ang Aklat ng Kautusan(E)
8 Inalis ni Josias ang lahat ng karumal-dumal sa buong lupain at sa Templo ng Diyos. Kaya't noong ikalabing walong taon ng kanyang paghahari, sinugo niya si Safan na anak ni Azalias, ang pinuno ng lunsod na si Maasias at ang kalihim niyang si Joas na anak ni Joahaz, upang ipaayos muli ang Templo ni Yahweh. 9 Ibinigay nila kay Hilkias na pinakapunong pari ang pilak na nalikom sa Templo. Ito ang mga nalikom mula sa mga taga-Manases, Efraim, Benjamin, Juda at iba pang mga Israelita at mga taga-Jerusalem. Tinipon ito ng mga Levitang naglilingkod sa Templo. 10 Ibinigay nila ang salaping ito sa namamahala ng gawain sa Templo ni Yahweh para sa pagpapaayos nito. 11 Ang iba nama'y ibinili ng mga bato at kahoy na gagamitin sa pag-aayos ng bubong ng Templo na nasira dahil sa kapabayaan ng mga naunang hari ng Juda. 12 Naging tapat ang mga taong katulong sa gawain. Pinamahalaan sila nina Jahat at Obadias, mga Levita buhat sa angkan nina Merari, Zacarias at Mesulam sa sambahayan ni Kohat. Mga Levita rin na pawang bihasang manunugtog 13 ang nangasiwa sa mga manggagawang naghahakot ng mga gagamitin at sa iba pang gawain. Ang ibang Levita ay ginawang kalihim, karaniwang kawani o kaya'y mga bantay.
14 Nang ilabas nila ang salaping natipon sa Templo, natagpuan ng paring si Hilkias ang Aklat ng Kautusang ibinigay ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises. 15 Kaya tinawag niya si Safan, ang kalihim ng hari at sinabi, “Natagpuan ko sa Templo ang Aklat ng Kautusan.” Ibinigay ni Hilkias kay Safan ang aklat 16 at dinala naman nito sa hari nang siya'y mag-ulat tungkol sa pagpapaayos ng Templo. Sabi niya, “Maayos po ang takbo ng lahat ng gawaing ipinagkatiwala ninyo sa inyong mga lingkod. 17 Tinunaw na po nila ang pilak na nakuha sa Templo at ibinigay sa namamahala ng trabaho.” 18 Sinabi rin ng kalihim ang tungkol sa aklat na ibinigay sa kanya ng paring si Hilkias at binasa niya ito nang malakas sa hari.
19 Nang marinig ng hari ang nilalaman ng aklat, pinunit nito ang kanyang kasuotan. 20 Iniutos niya agad kay Hilkias, kay Ahikam na anak ni Safan, kay Abdon na anak ni Mica, kay Safan, na kalihim, at kay Asaias, ang lingkod ng hari, na sumangguni kay Yahweh. Ang sabi niya, 21 “Sumangguni kayo kay Yahweh para sa akin at para sa nalalabing sambayanan ng Juda at Israel. Alamin ninyo ang mga itinuturo ng aklat na ito. Galit si Yahweh sa atin dahil sinuway ng ating mga ninuno ang salita ni Yahweh at hindi nila sinunod ang mga utos na nakasulat sa aklat na ito.”
22 Ang lahat ng inutusan, sa pangunguna ni Hilkias ay sama-samang sumangguni kay Hulda na isang babaing propeta at asawa ni Sallum. Si Sallum ay anak ni Tokat at apo naman ni Hasra na tagapag-ingat ng mga kasuotan. Siya'y pinuntahan nila sa kanyang tirahan sa bagong bahagi ng Jerusalem at sinabi rito ang nangyari. 23 Sinabi ni Hulda: “Ito ang sinasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: ‘Sabihin ninyo sa nagsugo sa inyo 24 na padadalhan ko ng malaking sakuna ang lugar na ito at padaranasin ng matinding hirap. Mangyayari ang lahat ng sumpang sinasabi sa aklat na binasa sa harapan ng hari ng Juda. 25 Matutupad iyon sapagkat ako'y kanilang itinakwil at sa ibang mga diyos sila naghandog at sumamba. Ginalit nila ako dahil sa mga diyus-diyosang ginawa nila. Kaya't hindi mapapawi ang galit na ibubuhos ko sa bayang ito.’ 26 Ito ang sabihin ninyo sa hari ng Juda. Sinasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: ‘Nakita kong buong puso kang nagsisi at nagpakumbaba nang marinig mo ang kanyang salita laban sa lugar na ito at sa mamamayan dito. 27 Dahil nagpakumbaba ka, sinira mo ang iyong kasuotan at nakita kong tumangis ka nang marinig mo ang nakahanda kong parusa sa Jerusalem at sa mga naninirahan dito, pinakinggan ko ang iyong panalangin. 28 Kaya, hindi mo na maaabutan ang parusang igagawad ko sa lugar na ito. Isasama kita sa iyong mga ninuno at mamamatay kang mapayapa.’” Ito ang kasagutang dinala nila sa hari.
Ang Pangako ni Josias at ng mga Mamamayan kay Yahweh
29 Dahil dito'y ipinatawag ng hari ang mga matatandang pinuno ng sambayanan sa Juda at Jerusalem. 30 Kaya't sama-sama silang pumunta sa Templo kasama ang mga pari, Levita at lahat ng mamamayan sa Juda at Jerusalem. Tumayo ang hari sa harap ng madla at binasa ang buong Aklat ng Tipan na natagpuan sa Templo. 31 Nakatayo noon ang hari malapit sa isang haligi ng Templo. Nanumpa siya kay Yahweh na susundin nila nang buong puso at kaluluwa ang Kautusan at ang mga itinatakda ng kasunduang nakasulat sa aklat na iyon. 32 Pagkatapos, pinanumpa rin niya ang lahat ng taga-Jerusalem pati ang taga-Benjamin na sumunod sa kasunduang ginawa ng Diyos ng kanilang mga ninuno. 33 Inalis ni Josias sa buong nasasakupan ng bayang Israel ang lahat ng mga diyus-diyosang kasuklam-suklam sa Diyos at habang siya'y nabubuhay, inatasan niya ang bawat mamamayan na maglingkod kay Yahweh, ang Diyos na sinamba ng kanilang mga ninuno.
Ang Pagdiriwang ng Paskwa sa Panahon ni Haring Josias(F)
35 Iniutos ni Josias na ang Paskwa ni Yahweh ay ipagdiwang sa Jerusalem noong ikalabing apat na araw ng unang buwan. Kaya't pinatay nila ang mga korderong pampaskwa. 2 Ibinalik niya ang mga pari sa kani-kanilang tungkulin at pinagbilinang pagbutihin ang paglilingkod sa loob ng Templo ni Yahweh. 3 Sinabi naman niya sa mga Levita, na mga tagapagturo sa mga Israelita at matatapat kay Yahweh: “Dalhin ninyo ang Kaban ng Tipan sa Templong ipinagawa ni Solomon na anak ni David. Hindi na ninyo ito papasanin ngayon. Panahon na upang paglingkuran ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh at ang bayang Israel. 4 Ayusin(G) ninyo ang inyong mga pangkat na manunungkulan ayon sa kani-kanilang sambahayan batay sa mga tagubilin ni Haring David at ng anak niyang si Solomon. 5 Pagbukud-bukurin ninyo sa bulwagan ng Templo ang inyong mga kababayang hindi Levita ayon din sa sambahayan. Bawat pangkat ay pasasamahan ninyo ng isang pangkat ng mga Levita. 6 Patayin ninyo ang korderong pampaskwa, linisin ninyo ang inyong mga sarili ayon sa Kautusan at ihanda ang mga handog upang magampanan ng inyong mga kababayan ang ayon sa mga bilin ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises.”
7 Nagbigay si Josias ng 30,000 kordero at mga batang kambing bilang handog na susunugin bukod pa sa 3,000 torong panghandog para pagsalu-saluhan. 8 Ang mga pinuno sa ilalim niya ay buong puso ring nagkaloob ng handog para sa bayan, sa mga pari at sa mga Levita. Ang mga punong-katiwala naman sa Templo na sina Hilkias, Zacarias at Jehiel ay nagbigay ng dalawang libo at animnaraang tupa para sa mga pari at tatlong daang toro bilang handog pampaskwa. 9 Ang mga pinuno naman ng mga Levita na sina Conanias, Semaya, Nathanael, Hosabias, Jehiel at Jozabad ay nagbigay ng limanlibong kordero at batang kambing para sa mga Levita at limandaang toro bilang handog na pampaskwa.
10 Matapos ihanda ang lahat, tumayo na sa kanya-kanyang puwesto ang mga pari. Ang mga Levita nama'y kasama ng kani-kanilang pangkat ayon sa utos ng hari. 11 Pinatay nila ang mga korderong pampaskwa at ang dugo nito ay ibinuhos ng mga pari sa ibabaw ng altar samantalang binabalatan naman ng mga Levita ang mga hayop. 12 Pagkatapos, kinuha nila ang taba nito at ipinamahagi sa mga tao ayon sa kani-kanilang sambahayan upang ihandog kay Yahweh ayon sa nakasulat sa Aklat ni Moises. Ganoon din ang ginawa nila sa mga toro. 13 Nilitson(H) nila ang korderong pampaskwa ayon sa tuntunin. Ang iba namang karneng handog ay inilaga sa mga palayok, kaldero at kawa at ipinamigay sa mga tao. 14 Pagkatapos nito, naghanda ang mga Levita ng pagkain para sa kanila at sa mga paring mula sa angkan ni Aaron. Sila rin ang naghanda ng pagkain ng mga pari sapagkat hanggang sa gabi ang mga ito'y abalang-abala sa pag-aalay ng mga handog na susunugin at ng mga taba. 15 Nanatili(I) sa kanilang mga puwesto ang mga mang-aawit, ang mga anak ni Asaf ayon sa tuntuning itinakda ni Haring David at ng mga lingkod niyang sina Asaf, Heman at Jeduthun na propeta ng hari. Hindi na rin kailangang umalis ang mga bantay sa pinto sapagkat lahat sila'y dinadalhan ng pagkain ng mga Levita.
16 Ang lahat ay ginawa ayon sa tagubilin ni Haring Josias: ang pagpupuri kay Yahweh, ang pagdiriwang ng Paskwa at ang paghahandog. 17 Pitong(J) araw na ipinagdiwang ng mga Israelita ang Paskwa at ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. 18 Mula pa noong panahon ni propeta Samuel, wala pang ganitong pagdiriwang ng Paskwa na naganap sa Israel. Wala ring ibang hari sa Israel na nakagawa ng ginawang ito ni Haring Josias. Siya lamang ang nakapagtipon ng lahat ng pari, Levita at ng mga taga-Juda at taga-Israel kasama ang mga taga-Jerusalem upang ipagdiwang ang Paskwa. 19 Naganap ito noong ikalabing walong taon ng kanyang paghahari.
Ang Buod ng Kasaysayan ni Haring Josias(K)
20 Nang maisaayos na ni Josias ang lahat ng nauukol sa Templo, sinalakay ni Haring Neco ng Egipto ang Carquemis sa may Ilog Eufrates. Hindi ito nagustuhan ni Josias kaya't hinarap niya ito. 21 Dahil dito, nagpadala ng sugo si Neco at sinabi, “Wala tayong dapat pag-awayan, mahal na hari ng Juda. Hindi ikaw ang pinuntahan ko rito kundi ang aking mga kaaway. Sinabi sa akin ng Diyos na tapusin ko agad ito. Kakampi ko ang Diyos kaya't huwag mo na akong hadlangan kung ayaw mong puksain ka niya.” 22 Ngunit hindi nagbago ng isip si Josias. Ipinasiya niyang lumaban. Hindi siya naniwala sa sinabi ng Diyos sa pamamagitan ni Neco. Nagbalatkayo siya at pumunta sa labanan sa kapatagan ng Megido. 23 Sa kainitan ng labanan ay tinamaan si Haring Josias ng palaso at malubhang nasugatan. Kaya't iniutos niya sa kanyang mga tauhan na ilayo na siya roon. 24 Inilipat siya ng mga ito sa ikalawang karwahe at dinala sa Jerusalem. Subalit namatay din siya at inilibing sa libingan ng kanyang mga ninuno. Nagluksa ang buong Juda at Jerusalem dahil sa kanyang pagkamatay. 25 Nagluksa rin si Jeremias at lumikha pa siya ng isang awit ng pagluluksa sa pagkamatay ni Josias. Inaawit pa ito hanggang ngayon ng mga mang-aawit bilang pag-alala sa kanya. Naging kaugalian na ito sa Israel at ang awiting ito'y matatagpuan sa Aklat ng mga Pagluluksa.
26 Ang iba pang mga ginawa ni Josias at ang kanyang paglilingkod sa Diyos, pagsunod sa Kautusan ni Yahweh, 27 buhat sa simula hanggang wakas, ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel at Juda.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.