2 Timoteo 2:8-19
Magandang Balita Biblia
8 Alalahanin mo si Jesu-Cristo, ang muling binuhay at nagmula sa angkan ni David, ayon sa Magandang Balitang ipinapangaral ko. 9 Ito ang dahilan ng aking pagdurusa at pagkagapos na parang isang kriminal. Subalit hindi kailanman maigagapos ang salita ng Diyos. 10 Tinitiis ko ang lahat ng bagay alang-alang sa mga hinirang ng Diyos upang magkaroon sila ng kaligtasan at walang hanggang kaluwalhatian mula kay Cristo Jesus. 11 Totoo ang kasabihang ito:
“Kung tayo'y namatay na kasama ni Jesu-Cristo,
mabubuhay din tayong kasama niya.
12 Kung(A) tayo'y nagtitiis ng hirap sa mundong ito,
maghahari din tayong kapiling niya.
Kapag itinakwil natin siya,
itatakwil rin niya tayo.
13 Kung tayo man ay hindi tapat,
siya'y nananatiling tapat pa rin
sapagkat hindi niya maaaring itakwil ang kanyang sarili.”
Tapat na Lingkod ni Cristo
14 Ipaalala mo sa kanila ang mga bagay na ito at pagbilinan mo sila, sa pangalan ng Diyos, na iwasan nila ang mga pagtatalo tungkol sa mga salita na walang kabuluhan at walang ibinubungang mabuti; sa halip, ito'y nagpapahamak lamang sa mga nakikinig. 15 Sikapin mong maging kalugud-lugod sa paningin ng Diyos, isang manggagawang walang dapat ikahiya at tama ang paggamit sa salita ng katotohanan. 16 Iwasan mo ang mga usapang walang paggalang sa Diyos, sapagkat ang mga iyan ang lalong naglalayo ng mga tao sa Diyos. 17 Ang mga salita nila ay parang ganggrena na kumakalat sa katawan. Kabilang sa mga nagturo ng ganito ay sina Himeneo at Fileto. 18 Lumihis sila sa katotohanan at ginugulo nila ang pananampalataya ng iba sa pamamagitan ng pagtuturo na ang muling pagkabuhay ay naganap na. 19 Ngunit(B) matibay ang pundasyong itinatag ng Diyos, at doo'y nakatatak: “Kilala ng Panginoon kung sinu-sino ang tunay na kanya,” at, “Ang bawat nagsasabing siya'y sa Panginoon ay dapat lumayo sa kasamaan.”
Read full chapterMagandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.