Mga Gawa 10:1-13
Ang Biblia, 2001
Si Pedro at si Cornelio
10 Sa Cesarea ay may isang lalaki na ang pangalan ay Cornelio, isang senturion ng tinatawag na pulutong Italiano;
2 isang taong masipag sa kabanalan at may takot sa Diyos kasama ang kanyang buong sambahayan, naglilimos ng marami sa mga tao, at laging nananalangin sa Diyos.
3 Minsan, nang may oras na ikasiyam ng araw,[a] nakita niyang maliwanag sa isang pangitain ang isang anghel ng Diyos na dumarating at sinasabi sa kanya, “Cornelio.”
4 Siya'y tumitig sa kanya na may pagkatakot, at nagsabi, “Ano iyon, Panginoon?” Sinabi sa kanya, “Ang mga panalangin mo at ang iyong mga limos ay umakyat bilang alaala sa harapan ng Diyos.
5 Ngayo'y magsugo ka ng mga tao sa Joppa, at ipatawag mo ang isang Simon na tinatawag na Pedro.
6 Siya'y nanunuluyan kay Simon, isang tagapagluto ng balat, na ang bahay ay nasa tabi ng dagat.”
7 Nang umalis na ang anghel na kumausap sa kanya, tinawag niya ang dalawa sa kanyang mga alila at ang isang tapat na kawal mula sa mga naglilingkod sa kanya.
8 Pagkatapos maisalaysay ang lahat ng mga bagay sa kanila, sila'y isinugo niya sa Joppa.
9 Nang sumunod na araw, nang may oras na ikaanim,[b] samantalang sila'y naglalakbay at malapit na sa lunsod, si Pedro ay umakyat sa itaas ng bahay upang manalangin.
10 Siya'y nagutom at nagnais kumain; subalit samantalang inihahanda nila ito, nawalan siya ng malay
11 at nakita niyang bumukas ang langit, at may isang bagay na bumababa, tulad ng isang malapad na kumot na ibinababa sa lupa na nakabitin sa apat na sulok.
12 Naroroon ang lahat ng uri ng mga hayop na may apat na paa at ang mga gumagapang sa lupa at ang mga ibon sa himpapawid.
13 Dumating sa kanya ang isang tinig, “Tumindig ka, Pedro; magkatay ka at kumain.”
Read full chapterFootnotes
- Mga Gawa 10:3 o mag-iikatlo ng hapon sa makabagong pagbilang ng oras .
- Mga Gawa 10:9 o magtatanghaling-tapat sa makabagong pagbilang ng oras .