Add parallel Print Page Options

Huling Dalaw ni Pablo sa Troas

Nang unang araw ng sanlinggo, kami'y nagkatipon upang magpira-piraso ng tinapay. Si Pablo'y nangaral sa kanila hanggang hatinggabi, sapagkat aalis na siya kinabukasan. Maraming ilaw sa silid sa itaas na pinagtitipunan namin. Nakaupo sa bintana ang isang binata na ang pangala'y Eutico. Dahil sa kahabaan ng pagsasalita ni Pablo, si Eutico ay inantok at nakatulog nang mahimbing. Nahulog siya mula sa ikatlong palapag na kanyang kinaroroonan, kaya't patay na siya nang buhatin. 10 Nanaog si Pablo at niyakap ang binata. Sinabi niya, “Huwag kayong mabahala, buháy siya!” 11 Muling pumanhik si Pablo, nagpira-piraso ng tinapay at kumain. Pagkatapos, nakipag-usap pa siya sa kanila nang matagal hanggang mag-uumaga, at saka umalis. 12 Ang binata naman ay buháy na iniuwi, at ito'y nagdulot sa kanila ng malaking kaaliwan.

Read full chapter