Mga Gawa 28:1-16
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Si Pablo sa Malta
28 Nang kami'y ligtas na at nasa pampang, noon namin nalamang ang pulo ay tinatawag na Malta. 2 Napakaganda ng ipinakita sa amin ng mga katutubo roon. Dahil sa nagsimula nang bumagsak ang ulan at naging maginaw, nagsiga sila at malugod kaming tinanggap. 3 Nagtipon naman si Pablo ng kahoy. At nang nailagay na niya ang mga iyon sa siga, lumabas ang isang ulupong nang mainitan, at pumulupot sa kanyang kamay. 4 Nang makita ng mga katutubo ang ulupong na nakabitin sa kanyang kamay, nasabi nila sa isa't isa, “Tiyak na mamamatay-tao ang taong ito. Nakaligtas nga siya sa dagat ngunit hindi naman hinayaan ng Katarungan na siya'y mabuhay.” 5 Subalit ipinagpag ni Pablo ang ulupong sa apoy at hindi man lamang siya nasaktan. 6 Naghintay ang mga tao na mamaga si Pablo, o kaya'y biglang mabuwal at mamatay. Ngunit nang matagal na silang naghihintay, at nakitang walang masamang nangyari sa kanya, nagbago ang kanilang isip at nagsabing siya'y isang diyos. 7 Malapit sa lugar na iyon ang mga lupaing pag-aari ni Publio, ang pinuno ng pulong iyon. Malugod niya kaming tinanggap at pinatuloy sa kanyang tahanan sa loob ng tatlong araw. 8 Nagkataong nakaratay ang ama ni Publio, nilalagnat at may disenteriya, kaya't pinuntahan siya ni Pablo. Pagkatapos manalangin, ipinatong ni Pablo ang kanyang kamay sa maysakit at ito'y gumaling. 9 Dahil sa pangyayaring ito, nagdatingan ang mga may karamdamang tagaroon, at pati sila'y gumaling. 10 Kami nama'y binigyan nila ng maraming parangal, at nang maglalayag na kami ay binigyan pa nila kami ng lahat ng aming kailangan sa paglalakbay.
Mula sa Malta Patungong Roma
11 Tatlong buwan kaming namalagi sa Malta bago kami naglayag sakay ng isang barkong nagpalipas din ng tagginaw sa pulo. Ang barkong ito na mula sa Alejandria ay may sagisag na “Kambal na Diyos.” 12 Dumaong kami sa Siracusa at tumigil doon ng tatlong araw. 13 Mula roo'y nagpatuloy kami at nakarating sa Regio. Kinabukasa'y umihip ang hanging habagat, at sa loob ng dalawang araw ay nakarating kami sa Puteoli. 14 Doon ay may natagpuan kaming mga kapatid. Pinakiusapan nila kaming tumigil doon ng isang linggo. Mula roo'y ipinagpatuloy namin ang aming paglalakbay hanggang makarating kami sa Roma. 15 Nang mabalitaan ng mga kapatid doon ang tungkol sa amin, dumating sila mula pa sa Pamilihan ng Appio at sa Tatlong Bahay-Tuluyan upang salubungin kami. Nang makita sila ni Pablo, siya'y nagpasalamat sa Diyos at lumakas ang kanyang loob.
Si Pablo sa Roma
16 Nang makarating kami sa Roma, si Pablo ay pinahintulutang manirahang mag-isa, kasama ang isang kawal na magbabantay sa kanya.
Read full chapterAng Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.