Daniel 7:8-10
Ang Biblia, 2001
8 Habang(A) tinitingnan kong mabuti ang mga sungay, narito, lumitaw sa gitna ng mga iyon ang isa pang munting sungay, at sa harap nito ay tatlo sa mga unang sungay ang nabunot sa mga ugat. Narito, sa sungay na ito ay may mga mata na gaya ng mata ng tao, at isang bibig na nagsasalita ng mga kapalaluan.
9 Habang(B) ako'y nakatingin, may mga tronong inilagay,
at ang Matanda sa mga Araw ay umupo.
Ang kanyang kasuotan ay kasimputi ng niyebe,
at ang buhok ng kanyang ulo ay gaya ng purong lana.
Ang kanyang trono ay naglalagablab sa apoy
at ang mga gulong nito ay nagniningas na apoy.
10 May(C) dumaloy na isang ilog ng apoy
at lumabas mula sa harapan niya,
libu-libo ang naglilingkod sa kanya,
at laksa-laksa ang nakatayo sa harapan niya.
Ang hukuman ay humanda para sa paghuhukom,
at ang mga aklat ay nabuksan.