Deuteronomio 7:6-16
Ang Biblia, 2001
6 “Sapagkat(A) ikaw ay isang banal na bayan sa Panginoon mong Diyos; pinili ka ng Panginoon mong Diyos upang maging kanyang sariling pag-aari, mula sa lahat ng mga bayan na nasa balat ng lupa.
7 Kayo'y inibig at pinili ng Panginoon hindi dahil sa kayo'y mas marami kaysa alinmang bayan ni sapagkat kayo ang pinakakaunti sa lahat ng mga tao;
8 kundi dahil iniibig kayo ng Panginoon, at kanyang tinutupad ang pangako na kanyang ipinangako sa inyong mga ninuno, kaya inilabas kayo ng Panginoon sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay at tinubos kayo sa bahay ng pagkaalipin, mula sa kamay ng Faraon na hari sa Ehipto.
9 Dahil(B) dito, kilalanin ninyo na ang Panginoon ninyong Diyos ay siyang Diyos; ang tapat na Diyos, na nag-iingat ng tipan at may wagas na pag-ibig sa mga umiibig sa kanya at tumutupad ng kanyang mga utos, hanggang sa isanlibong salinlahi;
10 at pinaghihigantihan ang mga napopoot sa kanya, upang puksain sila. Siya'y hindi magpapaliban kundi kanyang gagantihan sila na napopoot sa kanya.
11 Kaya't maingat mong tuparin ang utos, mga tuntunin, at mga batas na aking iniutos sa iyo sa araw na ito.
Ang mga Pagpapala sa Pagiging Masunurin(C)
12 “Sapagkat(D) iyong pinakinggan ang mga batas na ito, at iyong iningatan at sinunod ang mga ito, ay tutuparin sa iyo ng Panginoon mong Diyos ang tipan at ang wagas na pag-ibig na kanyang ipinangako sa iyong mga ninuno.
13 Iibigin ka niya, pagpapalain, at pararamihin. Pagpapalain din niya ang iyong mga supling,[a] ang bunga ng iyong lupa, ang iyong trigo, ang iyong alak, ang iyong langis, ang karagdagan ng iyong mga bakahan, at ang mga guya ng iyong kawan sa lupain na kanyang ipinangakong ibibigay sa iyo at sa iyong mga ninuno.
14 Pagpapalain ka kaysa lahat ng mga bayan; walang magiging baog na babae o lalaki sa inyo o sa inyong mga hayop.
15 Aalisin sa iyo ng Panginoon ang lahat ng karamdaman; at hindi niya ilalagay sa iyo ang alinman sa masamang sakit sa Ehipto na iyong nalaman, kundi ilalagay niya ang mga ito sa lahat ng napopoot sa iyo.
16 At iyong pupuksain ang lahat ng mga tao na ibibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos; huwag kang mahahabag sa kanila; ni maglilingkod sa kanilang mga diyos, sapagkat iyon ay magiging isang bitag sa iyo.
Read full chapterFootnotes
- Deuteronomio 7:13 Sa Hebreo ay bunga ng iyong katawan .