Efeso 4:25-5:4
Magandang Balita Biblia
25 Dahil(A) dito, itakwil na natin ang pagsisinungaling at tayong lahat ay magsabi ng totoo sa isa't isa, sapagkat tayo'y bahagi ng iisang katawan. 26 Kung(B) magagalit man kayo, iwasan ninyo ang kayo'y magkasala. Huwag ninyong hayaang lumubog ang araw na galit pa rin kayo. 27 Huwag ninyong bigyan ng pagkakataon ang diyablo. 28 Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw; sa halip, magtrabaho siya nang marangal para sa sariling ikabubuhay at makatulong sa mga nangangailangan. 29 Huwag kayong gumamit ng masasamang salita kundi iyong makapagpapalakas at angkop sa pagkakataon upang makapagdulot ng mabuti sa mga nakakarinig. 30 At huwag ninyong saktan ang kalooban ng Espiritu Santo, sapagkat siya ang tatak ng Diyos sa inyo, ang katibayan na kayo'y tutubusin pagdating ng takdang araw. 31 Alisin na ninyo ang lahat ng sama ng loob, poot at galit; huwag na kayong mambubulyaw, manlalait at mananakit ng damdamin ng kapwa. 32 Sa(C) halip, maging mabait kayo at maawain; magpatawad kayo sa isa't isa tulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos dahil kay Cristo.
Mamuhay Ayon sa Liwanag
5 Yamang kayo'y mga anak na minamahal ng Diyos, tularan ninyo siya. 2 Mamuhay(D) kayo nang may pagmamahal tulad ni Cristo; dahil sa kanyang pagmamahal sa atin, inialay niya ang kanyang buhay bilang mabangong alay at handog sa Diyos.
3 Kayo'y mga hinirang ng Diyos, kaya't hindi dapat mabanggit man lamang na kayo'y nakikiapid o gumagawa ng anumang uri ng kahalayan o pag-iimbot. 4 Huwag din kayong gagamit ng anumang malaswa o walang kabuluhang pananalita at pagbibirong di nararapat. Sa halip, magpasalamat kayo sa Diyos.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.