Add parallel Print Page Options

Tagubilin sa mga Magulang at mga Anak

Mga(A) anak, sundin ninyo ang inyong mga magulang, [alang-alang sa Panginoon,][a] sapagkat ito ang nararapat. “Igalang(B) mo ang iyong ama at ina.” Ito ang unang utos na may kalakip na pangako: “Magiging maganda at mahaba ang iyong buhay sa lupa.”

Mga(C) magulang, huwag ninyong ibuyo sa paghihimagsik laban sa inyo ang inyong mga anak. Sa halip, palakihin ninyo sila ayon sa disiplina at aral ng Panginoon.

Katuruan para sa mga Alipin at mga Amo

Mga(D) alipin, sundin ninyo ang inyong mga amo dito sa lupa nang may buong katapatan, takot at paggalang, na parang si Cristo ang siya ninyong pinaglilingkuran. Gawin ninyo iyan, may nakakakita man o wala, hindi upang mapuri ng mga tao kundi dahil kayo'y mga lingkod ni Cristo at buong pusong sumusunod sa kalooban ng Diyos. Maglingkod kayo nang masaya ang kalooban na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa tao. Sapagkat alam ninyong gagantimpalaan ng Panginoon ang bawat mabuting gawa ninuman, maging siya man ay alipin o malaya.

Mga(E) amo, maging mabait kayo sa inyong mga alipin at huwag silang pagbabantaan. Huwag ninyong kalilimutan na kayo'y parehong alipin ng iisang Panginoon na nasa langit, at pantay ang kanyang pagtingin sa inyo.

Read full chapter

Footnotes

  1. Efeso 6:1 alang-alang sa Panginoon: Sa ibang manuskrito’y hindi nakasulat ang mga salitang ito.