Add parallel Print Page Options

Ang Pista ng Purim ay Ginawa

20 Itinala ni Mordecai ang mga bagay na ito, at nagpadala ng mga sulat sa lahat ng Judio, na nasa lahat ng lalawigan ni Haring Ahasuerus, sa malapit at gayundin sa malayo,

21 na ipinagbilin sa kanila na kanilang ipagdiwang ang ikalabing-apat na araw ng buwan ng Adar, at ang ikalabinlima niyon, taun-taon,

22 bilang mga araw na nagkaroon ng kapahingahan ang mga Judio sa kanilang mga kaaway, at ang buwan na ang kapanglawan ay naging kasayahan para sa kanila, at mula sa pagtangis ay naging mga araw ng kapistahan. Gagawin nila ang mga iyon na mga araw ng pagsasaya at kagalakan, mga araw para sa pagdadala ng mga piling bahagi ng handog na pagkain para sa isa't isa at kaloob para sa mga dukha.

23 At ginawang kaugalian ng mga Judio ang bagay na kanilang sinimulan, at gaya ng isinulat ni Mordecai sa kanila.

24 Si(A) Haman na anak ni Amedata na Agageo, na kaaway ng lahat na Judio ay nagbalak laban sa mga Judio upang lipulin sila, at pinagpalabunutan ang Pur, upang durugin, at lipulin sila.

25 Ngunit nang si Esther ay humarap sa hari, siya ay nagbigay ng utos na nakasulat na ang kanyang masamang balak laban sa mga Judio ay mauwi sa kanyang sariling ulo; at siya at ang kanyang mga anak ay dapat ibitin sa bitayan.

26 Kaya't kanilang tinawag ang mga araw na ito na Purim, ayon sa katagang Pur. Iyon ay dahil sa lahat ng nakasulat sa sulat na ito, at dahil sa naranasan nila sa bagay na ito, at dahil sa lahat ng dumating sa kanila,

27 ang mga Judio ay nagpasiya at nangako sa kanilang sarili at sa kanilang mga anak, at sa lahat ng umanib sa kanila, na walang pagsalang kanilang ipagdiriwang ang dalawang araw na ito ayon sa nakasulat, at ayon sa panahong itinakda taun-taon.

28 Ang mga araw na ito ay aalalahanin at ipagdiriwang ng bawat salinlahi, sa bawat angkan, lalawigan, at lunsod. At ang mga araw na ito ng Purim ay hindi lilipas sa mga Judio, o ang alaala man sa mga iyon ay lilipas sa kanilang mga anak.

29 Nang magkagayo'y si Reyna Esther na anak ni Abihail, at si Mordecai na Judio, ay nagbigay ng buong nakasulat na kapamahalaan, upang pagtibayin ang ikalawang sulat tungkol sa Purim.

30 Ang sulat ay ipinadala sa lahat ng mga Judio, sa isandaan at dalawampu't pitong lalawigan ng kaharian ni Ahasuerus, na may mga salita ng kapayapaan at katotohanan,

31 na ang mga araw na ito ng Purim ay ipagdiwang sa kanilang mga takdang panahon, ayon sa ibinilin sa mga Judio nina Mordecai na Judio at ni Reyna Esther, at ayon sa kanilang ipinasiya sa kanilang sarili at para sa kanilang mga anak, tungkol sa kanilang mga pag-aayuno at pagdaing.

32 At pinagtibay ng utos ni Reyna Esther ang mga kaugaliang ito ng Purim, at iyon ay itinala.

Ang Kadakilaan ni Mordecai

10 Si Haring Ahasuerus ay nagpataw ng buwis sa lupain at sa mga baybayin ng dagat.

At lahat ng mga gawa ng kanyang kapangyarihan at kalakasan, at ang buong kasaysayan ng mataas na karangalan ni Mordecai na ibinigay sa kanya ng hari, hindi ba nakasulat sa Aklat ng mga Kasaysayan ng mga Hari ng Media at Persia?

Sapagkat si Mordecai na Judio ay pangalawa kay Haring Ahasuerus, at siya ay makapangyarihan sa gitna ng mga Judio at bantog sa karamihan ng kanyang mga kamag-anak, sapagkat inuna niya ang kapakanan ng kanyang bayan, at namagitan para sa ikabubuti ng lahat niyang mga kababayan.