Exodo 21:28-36
Ang Biblia, 2001
28 “Kung suwagin ng isang baka ang isang lalaki o ang isang babae, anupa't namatay, babatuhin ang baka at ang kanyang laman ay hindi kakainin; subalit ang may-ari ng baka ay pawawalang-sala.
29 Ngunit kung ang baka ay dati nang nanunuwag at naisumbong na sa may-ari ngunit hindi niya ikinulong, anupa't nakamatay ng isang lalaki, o isang babae, babatuhin ang baka at ang may-ari niyon ay papatayin din.
30 Kung siya'y atangan ng pantubos, magbibigay siya ng pantubos sa kanyang buhay anuman ang iniatang sa kanya.
31 Kung suwagin nito ang anak na lalaki o babae ng isang tao ay gagawin sa kanya ayon sa kahatulang ito.
32 Kung suwagin ng baka ang isang aliping lalaki o babae ay magbabayad ang may-ari ng tatlumpung siklong pilak sa kanilang amo, at ang baka ay babatuhin.
33 “Kung iwanang bukas ng sinuman ang isang balon, o kung huhukay ng isang balon at hindi ito tatakpan, at ang isang baka o ang isang asno ay mahulog dito,
34 magbabayad ang may-ari ng balon; magbabayad siya ng salapi sa may-ari niyon, at ang patay na hayop ay magiging kanya.
35 “Kung ang baka ng sinuman ay nanakit sa baka ng iba, na anupa't namatay, kanila ngang ipagbibili ang bakang buháy, at kanilang paghahatian ang halaga niyon; at ang patay ay paghahatian din nila.
36 O kung kilala na ang baka ay dati nang manunuwag, at hindi ikinulong ng may-ari, magbabayad siya ng baka sa baka, at ang patay na hayop ay magiging kanya.
Read full chapter