Add parallel Print Page Options

Muling Pinasimulan ang Pagsamba

Nang sumapit ang ikapitong buwan, at ang mga anak ni Israel ay nasa mga bayan, ang taong-bayan ay nagtipun-tipon na parang isang tao sa Jerusalem.

Nang(A) magkagayo'y tumayo si Jeshua na anak ni Jozadak, at ang kanyang mga kapatid na mga pari, at si Zerubabel na anak ni Shealtiel at ang kanyang mga kamag-anak, at itinayo nila ang dambana ng Diyos ng Israel upang pag-alayan ng mga handog na sinusunog, gaya ng nasusulat sa kautusan ni Moises, na tao ng Diyos.

Inilagay(B) nila ang dambana sa lugar nito, sapagkat sila ay natatakot sa mga tao ng mga lupain, at sila'y nag-alay sa ibabaw nito ng mga handog na sinusunog sa Panginoon, mga handog na sinusunog sa umaga at hapon.

Kanilang(C) ipinagdiwang ang kapistahan ng mga kubol,[a] gaya ng nasusulat, at nag-alay ng pang-araw-araw na mga handog na sinusunog sa tamang bilang, ayon sa itinakda sa bawat araw,

pagkatapos(D) niyon ay ang patuloy na handog na sinusunog, at mga handog sa mga bagong buwan at sa lahat ng takdang kapistahan sa Panginoon, at ang handog ng bawat isa na gumawa ng kusang-loob na handog sa Panginoon.

Mula sa unang araw ng ikapitong buwan, sila ay nagsimulang mag-alay ng mga handog na sinusunog sa Panginoon. Ngunit ang pundasyon ng templo ng Panginoon ay hindi pa nailalagay.

Pinasimulan ang Muling Pagtatayo ng Templo

Kaya't sila'y nagbigay ng salapi sa mga kantero at sa mga karpintero; at ng pagkain, inumin, at langis sa mga taga-Sidon at sa mga taga-Tiro upang magdala ng mga kahoy na sedro mula sa Lebanon patungo sa dagat, hanggang sa Joppa, ayon sa pahintulot na tinanggap nila buhat kay Ciro na hari ng Persia.

Nang ikalawang taon ng kanilang pagdating sa bahay ng Diyos sa Jerusalem, sa ikalawang buwan, sina Zerubabel na anak ni Shealtiel at si Jeshua na anak ni Jozadak ay nagpasimulang maglingkod, kasama ang iba pa nilang mga kapatid, ang mga pari at mga Levita at silang lahat na dumating sa Jerusalem mula sa pagkabihag. Kanilang hinirang ang mga Levita, mula sa dalawampung taong gulang pataas, upang mamahala sa gawain sa bahay ng Panginoon.

Si Jeshua at ang kanyang mga anak at mga kamag-anak, si Cadmiel pati ang kanyang mga anak na lalaki, at ang mga anak ni Juda, ay magkasamang namahala sa mga manggagawa sa bahay ng Diyos, kasama ng mga anak ni Henadad at ng mga Levita, at ng kanilang mga anak at mga kamag-anak.

10 Nang(E) ilagay ng mga manggagawa ang pundasyon ng templo ng Panginoon, ang mga pari sa kanilang kasuotan ay lumapit na may mga trumpeta, at ang mga Levita, ang mga anak ni Asaf na may mga pompiyang, upang magpuri sa Panginoon, ayon sa mga tagubilin ni David na hari ng Israel.

11 At(F) sila'y nag-awitan sa isa't isa na pinupuri at pinapasalamatan ang Panginoon, “Sapagkat siya'y mabuti, sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman sa Israel.” Ang buong bayan ay sumigaw nang malakas nang kanilang purihin ang Panginoon, sapagkat ang pundasyon ng bahay ng Panginoon ay nailagay na.

12 Ngunit marami sa mga pari at mga Levita, at sa mga puno ng mga sambahayan, na mga matatandang nakakita sa unang bahay nang ito ay itayo, ang umiyak nang malakas nang kanilang nakita ang bahay, bagaman marami ang sumigaw nang malakas dahil sa kagalakan.

13 Dahil dito, hindi makilala ng taong-bayan ang kaibahan ng ingay ng sigaw ng kagalakan sa ingay ng iyak ng bayan, sapagkat ang taong-bayan ay sumigaw nang malakas, at ang ingay ay narinig sa malayo.

Pagsalungat sa Muling Pagtatayo ng Templo

Nang mabalitaan ng mga kaaway ng Juda at Benjamin na ang mga bumalik na bihag ay nagtatayo ng templo para sa Panginoong Diyos ng Israel,

lumapit(G) sila kay Zerubabel at sa mga puno ng mga sambahayan at sinabi sa kanila, “Isama ninyo kami sa inyong pagtatayo, sapagkat sinasamba namin ang inyong Diyos na gaya ng inyong ginagawa; at kami ay naghahandog sa kanya mula ng mga araw ni Esarhadon na hari ng Asiria na siyang nagdala sa amin dito.”

Ngunit sinabi sa kanila nina Zerubabel, Jeshua, at ng iba pa sa mga puno ng mga sambahayan ng Israel, “Kayo'y walang pakialam sa amin sa pagtatayo ng isang bahay para sa aming Diyos; kundi kami lamang ang magtatayo para sa Panginoon, ang Diyos ng Israel, gaya ng iniutos sa amin ni Ciro na hari ng Persia.”

Nang magkagayo'y pinanlupaypay ng mga tao ng lupain ang taong-bayan ng Juda, at tinakot silang magtayo.

Umupa sila ng mga tagapayo laban sa kanila upang biguin ang kanilang layunin, sa lahat ng mga araw ni Ciro na hari ng Persia, maging hanggang sa paghahari ni Dario na hari ng Persia.

Pagsalungat sa Muling Pagtatayo ng Jerusalem

Sa(H) paghahari ni Artaxerxes, sumulat sila ng isang bintang laban sa mga mamamayan ng Juda at Jerusalem.

At sa mga araw ni Artaxerxes, sumulat sina Bislam, Mitridates, Tabeel at ang iba pa sa kanilang mga kasama kay Artaxerxes na hari ng Persia. Ang liham ay nakasulat sa Aramaico at isinalin.[b]

Si Rehum na punong-kawal at si Simsai na eskriba ay sumulat ng ganito kay Artaxerxes na hari laban sa Jerusalem.

Nang magkagayo'y sumulat sina Rehum na punong-kawal, si Simsai na eskriba, at ang iba pa nilang mga kasamahan, ang mga hukom, mga tagapamahala, mga pinuno, mga taga-Persia, mga lalaki ng Erec, mga taga-Babilonia, mga lalaki ng Susa, na ito'y mga Elamita,

10 at ang iba pang mga bansa na ipinatapon ng dakila at marangal na si Osnapar, at pinatira sa mga lunsod ng Samaria at sa iba pang lalawigan sa kabila ng Ilog,—at ngayon

11 ito ang sipi ng sulat na kanilang ipinadala, “Sa Haring Artaxerxes: Ang iyong mga lingkod, ang mga lalaki sa lalawigan sa kabila ng Ilog ay bumabati. At ngayon,

12 dapat malaman ng hari na ang mga Judio na umahong galing sa iyo patungo sa amin ay nagpunta sa Jerusalem. Kanilang muling itinatayo ang mapaghimagsik at masamang lunsod na iyon, tinatapos nila ang mga pader, at kinukumpuni ang mga pundasyon.

13 Dapat malaman ngayon ng hari na kapag ang lunsod na ito ay muling naitayo at ang mga pader ay natapos, sila'y hindi magbabayad ng buwis, buwis sa kalakal, o upa, at ang kikitain ng kaharian ay hihina.

14 Ngayon, sapagkat kami ay nakikibahagi ng asin ng palasyo, at hindi marapat sa amin na makita ang ikasisirang-puri ng hari, kaya't kami ay nagsugo at ipinaaalam sa hari,

15 upang maisagawa ang isang pagsusuri sa aklat ng mga talaan ng iyong mga magulang. Matatagpuan mo sa aklat ng mga talaan at malalaman na ang lunsod na ito ay isang mapaghimagsik na lunsod, nakakasira sa mga hari at mga lalawigan, at nagkaroon ng pag-aalsa roon noong unang panahon. Iyon ang dahilan kung bakit ang lunsod na ito ay giniba.

16 Ipinaaalam namin sa hari, na kapag ang lunsod na ito ay muling naitayo, at ang mga pader ay natapos, hindi ka na magkakaroon pa ng pag-aari sa lalawigan sa kabila ng Ilog.”

17 Nagpadala ng sagot ang hari: “Kay Rehum na punong-kawal, at kay Simsai na eskriba, at sa iba pa nilang mga kasamahan na nakatira sa Samaria at sa iba pang lalawigan sa kabila ng Ilog, pagbati. At ngayon,

18 ang sulat na inyong ipinadala sa amin ay maliwanag na binasa sa harapan ko.

19 Ako'y gumawa ng utos, at ang pagsaliksik ay naisagawa at natagpuan na ang lunsod na ito nang una ay nag-alsa laban sa mga hari, at ang paghihimagsik at panggugulo ay nagawa roon.

20 Ang mga makapangyarihang hari ay namahala sa Jerusalem, na naghari sa buong lalawigan sa kabila ng Ilog, at sa kanila ay ibinayad ang buwis, buwis sa kalakal, at upa.

21 Kaya't gumawa kayo ng utos upang patigilin ang mga taong ito, at upang ang lunsod na ito ay hindi muling maitayo, hanggang sa ang isang utos ay magawa ko.

22 Kayo'y mag-ingat na huwag magpabaya sa bagay na ito; bakit kailangang lumaki ang pinsala na ikasisira ng hari?”

23 Nang mabasa ang sipi ng sulat ni Haring Artaxerxes sa harapan nina Rehum, ni Simsai na eskriba, at ng kanilang mga kasamahan, sila'y dali-daling pumunta sa mga Judio sa Jerusalem at pinatigil nila sa pamamagitan ng lakas at kapangyarihan.

24 Nang(I) magkagayo'y natigil ang paggawa sa bahay ng Diyos na nasa Jerusalem; at ito ay napatigil hanggang sa ikalawang taon ng paghahari ni Dario na hari ng Persia.

Muling Sinimulan ang Pagtatayo ng Templo

Noon,(J) ang mga propetang sina Hagai at Zacarias na anak ni Iddo ay nagsalita ng propesiya sa mga Judio na nasa Juda at Jerusalem, sa pangalan ng Diyos ng Israel na namumuno sa kanila.

Nang(K) magkagayo'y tumindig si Zerubabel na anak ni Shealtiel, at si Jeshua na anak ni Jozadak, at sinimulang itayong muli ang bahay ng Diyos na nasa Jerusalem; at kasama nila ang mga propeta ng Diyos na tumulong sa kanila.

Nang panahon ding iyon ay pumunta sa kanila si Tatenai na tagapamahala sa lalawigan sa kabila ng Ilog, at si Setarboznai at ang kanilang mga kasama, at sinabi sa kanila ang ganito, “Sino ang nagbigay sa inyo ng utos upang itayo ang bahay na ito?”

Kanilang tinanong din sila ng ganito, “Anu-ano ang mga pangalan ng mga taong gumagawa ng bahay na ito?”

Ngunit ang mata ng kanilang Diyos ay nakatingin sa matatanda ng mga Judio, at sila'y hindi nila napatigil hanggang sa ang isang ulat ay makarating kay Dario at ang sagot ay maibalik sa pamamagitan ng sulat tungkol doon.

Ang sipi ng sulat na ipinadala ni Tatenai, na tagapamahala ng lalawigan sa kabila ng Ilog at ni Setarboznai, at ng kanyang mga kasamang tagapamahala na nasa lalawigan sa kabila ng Ilog kay Haring Dario;

Footnotes

  1. Ezra 3:4 o tabernakulo .
  2. Ezra 4:7 Sa Hebreo ay isinalin sa Aramaico, nagpapahiwatig na ang 4:8–6:18 ay isinulat sa Aramaico.