Genesis 5:1-24:14
Ang Dating Biblia (1905)
5 Ito ang aklat ng mga lahi ni Adam. Nang araw na lalangin ng Dios ang tao, sa wangis ng Dios siya nilalang;
2 Lalake at babae silang nilalang; at sila'y binasbasan, at tinawag na Adam ang kanilang pangalan, nang araw na sila'y lalangin.
3 At nabuhay si Adam ng isang daan at tatlong pung taon, at nagkaanak ng isang lalaking kaniyang wangis na hawig sa kaniyang larawan; at tinawag ang kaniyang pangalan na Set:
4 At ang mga naging araw ni Adam, pagkatapos na maipanganak si Set, ay walong daang taon: at nagkaanak ng mga lalake at mga babae.
5 At ang lahat na araw na ikinabuhay ni Adam ay siyam na raan at tatlong pung taon; at siya'y namatay.
6 At nabuhay si Set ng isang daan at limang taon at naging anak niya si Enos.
7 At nabuhay si Set pagkatapos na maipanganak si Enos ng walong daan at pitong taon; at nagkaanak ng mga lalake at mga babae:
8 At ang lahat na naging araw ni Set ay siyam na raan at labing dalawang taon: at siya'y namatay.
9 At nabuhay si Enos ng siyam na pung taon, at naging anak si Cainan:
10 At nabuhay si Enos, pagkatapos na maipanganak si Cainan, ng walong daan at labing limang taon; at nagkaanak ng mga lalake at mga babae:
11 At ang lahat na naging araw ni Enos ay siyam na raan at limang taon, at siya'y namatay.
12 At nabuhay si Cainan ng pitong pung taon, at naging anak si Mahalaleel:
13 At nabuhay si Cainan, pagkatapos na maipanganak si Mahalaleel, ng walong daan at apat na pung taon, at nagkaanak ng mga lalake at mga babae:
14 At ang lahat na naging araw ni Cainan, siyam na raan at sangpung taon, at namatay.
15 At nabuhay si Mahalaleel ng anim na pu't limang taon, at naging anak si Jared:
16 At nabuhay si Mahalaleel, pagkatapos na maipanganak si Jared, ng walong daan at tatlong pung taon, at nagkaanak ng mga lalake at mga babae:
17 At ang lahat na naging araw ni Mahalaleel ay walong daan at siyam na pu't limang taon: at namatay.
18 At nabuhay si Jared ng isang daan at anim na pu't dalawang taon, at naging anak si Enoc:
19 At nabuhay si Jared, pagkatapos na maipanganak si Enoc, ng walong daang taon, at nagkaanak ng mga lalake at mga babae:
20 At ang lahat na naging araw ni Jared ay siyam na raan at anim na pu't dalawang taon: at namatay.
21 At nabuhay si Enoc na anim na pu't limang taon, at naging anak si Matusalem:
22 At lumakad si Enoc na kasama ng Dios, pagkatapos na maipanganak si Matusalem na tatlong daang taon, at nagkaanak ng mga lalake at mga babae:
23 At ang lahat na naging araw ni Enoc ay tatlong daan at anim na pu't limang taon:
24 At lumakad si Enoc na kasama ng Dios: at di siya nasumpungan, sapagka't kinuha ng Dios.
25 At nabuhay si Matusalem ng isang daan at walong pu't pitong taon; at naging anak si Lamec:
26 At nabuhay si Matusalem pagkatapos na maipanganak si Lamec, ng pitong daan at walong pu't dalawang taon; at nagkaanak ng mga lalake at mga babae;
27 At ang lahat na naging araw ni Matusalem ay siyam na raan at anim na pu't siyam na taon: at siya'y namatay.
28 At nabuhay si Lamec ng isang daan at walong pu't dalawang taon, at nagkaanak ng isang lalake:
29 At tinawag ang kaniyang pangalan na Noe, na sinabi, Ito nga ang aaliw sa atin tungkol sa ating gawa at sa pinagpagalan ng ating mga kamay, dahil sa lupang sinumpa ng Panginoon.
30 At nabuhay si Lamec, pagkatapos na maipanganak si Noe, ng limang daan at siyam na pu't limang taon, at nagkaanak ng mga lalake at mga babae:
31 At ang lahat na naging araw ni Lamec ay pitong daan at pitong pu't pitong taon: at namatay.
32 At si Noe ay may limang daang taon: at naging anak ni Noe si Sem, si Cham, at si Japhet.
6 At nangyari, nang magpasimula na dumami ang mga tao sa balat ng lupa, at mangagkaanak ng mga babae,
2 Na nakita ng mga anak ng Dios, na magaganda ang mga anak na babae ng mga tao; at sila'y nangagsikuha ng kanikaniyang asawa sa lahat ng kanilang pinili.
3 At sinabi ng Panginoon, Ang aking Espiritu ay hindi makikipagpunyagi sa tao magpakailan man, sapagka't siya ma'y laman: gayon ma'y magiging isang daan at dalawang pung taon ang kaniyang mga araw.
4 Ang mga higante ay nasa lupa ng mga araw na yaon, at pagkatapos din naman na makasiping ang mga anak ng Dios sa mga anak na babae ng tao, at mangagkaanak sila sa kanila: ang mga ito rin ang naging makapangyarihan nang unang panahon na mga lalaking bantog.
5 At nakita ng Panginoon na mabigat ang kasamaan ng tao sa lupa, at ang buong haka ng mga pagiisip ng kaniyang puso ay pawang masama lamang na parati.
6 At nagsisi ang Panginoon na kaniyang nilalang ang tao sa lupa, at nalumbay sa kaniyang puso.
7 At sinabi ng Panginoon, Lilipulin ko ang tao na aking nilalang sa ibabaw ng lupa; ang tao at gayon din ang hayop, at ang mga umuusad at ang mga ibon sa himpapawid; sapagka't pinagsisisihan ko na aking nilalang sila.
8 Datapuwa't si Noe ay nakasumpong ng biyaya sa mga mata ng Panginoon.
9 Ito ang mga lahi ni Noe. Si Noe ay lalaking matuwid at sakdal noong kapanahunan niya: si Noe ay lumalakad na kasama ng Dios.
10 At nagkaanak si Noe ng tatlong lalake: si Sem, si Cham, at si Japhet.
11 At sumama ang lupa sa harap ng Dios, at ang lupa ay napuno ng karahasan.
12 At tiningnan ng Dios ang lupa, at, narito sumama; sapagka't pinasama ng lahat ng tao ang kanilang paglakad sa ibabaw ng lupa.
13 At sinabi ng Dios kay Noe, Ang wakas ng lahat ng tao ay dumating sa harap ko; sapagka't ang lupa ay napuno ng karahasan dahil sa kanila; at, narito, sila'y aking lilipuling kalakip ng lupa.
14 Gumawa ka ng isang sasakyang kahoy na gofer; gagawa ka ng mga silid sa sasakyan, at iyong sisiksikan sa loob at sa labas ng sahing.
15 At ganitong paraan gagawin mo: tatlong daang siko ang haba ng sasakyan, limang pung siko ang luwang, at tatlong pung siko ang taas.
16 Gagawa ka ng isang durungawan sa sasakyan; at wawakasan mo ng isang siko sa dakong itaas; at ang pintuan ng sasakyan ay ilalagay mo sa tagiliran; gagawin mong may lapag na lalong mababa, pangalawa at pangatlo.
17 At ako, narito, ako'y magpapadagsa ng isang baha ng tubig sa ibabaw ng lupa, upang lipulin sa silong ng langit ang lahat ng laman na may hininga ng buhay; ang lahat na nasa lupa ay mangamamatay.
18 Datapuwa't pagtitibayin ko ang aking tipan sa iyo; at ikaw ay lululan sa sasakyan, ikaw, at ang iyong mga anak na lalake, at ang iyong asawa, at ang mga asawa ng iyong mga anak na kasama mo.
19 At sa bawa't nangabubuhay, sa lahat ng laman ay maglululan ka sa loob ng sasakyan ng dalawa sa bawa't uri upang maingatan silang buhay, na kasama mo; lalake at babae ang kinakailangan.
20 Sa mga ibon ayon sa kanikanilang uri, at sa mga hayop ayon sa kanikanilang uri, sa bawa't nagsisiusad, ayon sa kanikanilang uri, dalawa sa bawa't uri, ay isasama mo sa iyo, upang maingatan silang buhay.
21 At magbaon ka ng lahat na pagkain na kinakain, at imbakin mo sa iyo; at magiging pagkain mo at nila.
22 Gayon ginawa ni Noe; ayon sa lahat na iniutos sa kaniya ng Dios, ay gayon ang ginawa niya.
7 At sinabi ng Panginoon kay Noe, Lumulan ka at ang iyong buong sangbahayan sa sasakyan; sapagka't ikaw ay aking nakitang matuwid sa harap ko sa panahong ito.
2 Sa bawa't malinis na hayop ay kukuha ka ng tigpipito, ng lalake at ng kaniyang babae; at sa mga hayop na hindi malinis ay dalawa, ng lalake at ng kaniyang babae;
3 Gayon din naman sa mga ibon sa himpapawid tigpipito, ng lalake at ng babae; upang ingatang binhing buhay sa ibabaw ng buong lupa.
4 Sapagka't pitong araw pa, at pauulanan ko na ang ibabaw ng lupa ng apat na pung araw at apat na pung gabi, at aking lilipulin ang lahat ng may buhay na aking nilikha sa balat ng lupa.
5 At ginawa ni Noe ayon sa lahat na iniutos sa kaniya ng Panginoon.
6 At may anim na raang taon si Noe nang ang baha ng tubig ay dumagsa sa ibabaw ng lupa.
7 At lumulan sa sasakyan si Noe at ang kaniyang mga anak, at ang kaniyang asawa, at ang mga asawa ng kaniyang mga anak, dahil sa tubig ng baha.
8 Sa mga hayop na malinis, at sa mga hayop na hindi malinis, at sa mga ibon at sa bawa't umuusad sa ibabaw ng lupa,
9 Ay dalawa't dalawang dumating kay Noe sa sasakyan, na lalake at babae ayon sa iniutos ng Dios kay Noe.
10 At nangyari na pagkaraan ng pitong araw, na ang tubig ng baha ay umapaw sa ibabaw ng lupa.
11 Sa ikaanim na raang taon ng buhay ni Noe, nang ikalawang buwan, sa ikalabing pitong araw ng buwan, nang araw ding yaon, ay nangasira ang lahat ng bukal ng lubhang kalaliman, at ang mga durungawan ng langit ay nabuksan.
12 At umulan sa ibabaw ng lupa ng apat na pung araw at apat na pung gabi.
13 Nang araw ding yaon, ay lumulan sa sasakyan si Noe, at si Sem, at si Cham, at si Japhet, na mga anak ni Noe, at ang asawa ni Noe, at ang tatlong asawa ng kaniyang mga anak na kasama nila;
14 Sila, at ang bawa't hayop gubat ayon sa kanikanilang uri, at lahat ng hayop na maamo ayon sa kanikanilang uri, at bawa't umuusad sa ibabaw ng lupa ayon sa kanikanilang uri, at bawa't ibon ayon sa kanikanilang uri, lahat ng sarisaring ibon.
15 At nagsidating kay Noe sa sasakyan na dalawa't dalawa, ang lahat ng hayop na may hinga ng buhay.
16 At ang mga nagsilulan, ay lumulang lalake at babae, ng lahat na laman, gaya ng iniutos sa kaniya ng Dios: at kinulong siya ng Panginoon.
17 At tumagal ang baha ng apat na pung araw sa ibabaw ng lupa; at lumaki ang tubig at lumutang ang sasakyan, at nataas sa ibabaw ng lupa.
18 At dumagsa ang tubig at lumaking mainam sa ibabaw ng lupa; at lumutang ang sasakyan sa ibabaw ng tubig.
19 At dumagsang lubha ang tubig sa ibabaw ng lupa: at inapawan ang lahat na mataas na bundok na nasa silong ng buong langit.
20 Labing limang siko ang lalim na idinagsa ng tubig; at inapawan ang mga bundok.
21 At namatay ang lahat ng lamang gumagalaw sa ibabaw ng lupa, ang mga ibon at gayon din ang hayop, at ang hayop gubat, at ang bawa't nagsisiusad na umuusad sa ibabaw ng lupa, at ang bawa't tao.
22 Ang bawa't may hinga ng diwa ng buhay sa kanilang ilong, lahat na nasa lupang tuyo ay namatay.
23 At nilipol ang bawa't may buhay na nasa ibabaw ng lupa, ang tao at gayon din ang hayop, at ang mga umuusad at ang mga ibon sa himpapawid; at sila'y nalipol sa lupa: at ang natira lamang, ay si Noe at ang mga kasama niya sa sasakyan.
24 At tumagal ang tubig sa ibabaw ng lupa, ng isang daan at limang pung araw.
8 At naalaala ng Dios si Noe, at ang lahat ng may buhay, at ang lahat ng hayop na kasama niya sa sasakyan: at nagpahihip ang Dios ng isang hangin sa ibabaw ng lupa, at humupa ang tubig;
2 Natakpan din ang mga bukal ng kalaliman at ang mga dungawan ng langit, at napigil ang ulan sa langit;
3 At humupang patuloy ang tubig sa lupa; at kumati ang tubig pagkaraan ng isang daan at limang pung araw.
4 At sumadsad ang sasakyan nang ikapitong buwan, nang ikalabing pitong araw ng buwan, sa ibabaw ng mga bundok ng Ararat.
5 At ang tubig ay nagpatuloy ng paghupa hanggang sa ikasangpung buwan: nang ikasangpung buwan, nang unang araw ng buwan, ay nakita ang mga taluktok ng mga bundok.
6 At nangyari, pagkaraan ng apat na pung araw, na binuksan ni Noe ang dungawan ng sasakyan na kaniyang ginawa:
7 At siya'y nagpalipad ng isang uwak, at ito'y nagparoo't parito hanggang sa natuyo ang tubig sa lupa.
8 At nagpalipad siya ng isang kalapati, upang tingnan kung humupa na ang tubig sa ibabaw ng lupa.
9 Datapuwa't hindi nakasumpong ang kalapati ng madapuan ng talampakan ng kaniyang paa, at nagbalik sa kaniya sa sasakyan, sapagka't ang tubig ay nangasa ibabaw pa ng buong lupa: at iniunat ang kaniyang kamay at hinawakan, at ipinasok niya sa sasakyan.
10 At naghintay pa ng muling pitong araw; at muling pinalipad ang kalapati sa labas ng sasakyan;
11 At ang kalapati ay nagbalik sa kaniya ng dakong hapon; at, narito't may dalang isang dahong sariwa ng olivo sa tuka: sa gayon ay naunawa ni Noe na humupa na ang tubig sa lupa.
12 At naghintay pang muli siya ng pitong araw; at pinalipad ang kalapati; at hindi na muling nagbalik pa sa kaniya.
13 At nangyari, nang taong ikaanim na raan at isa, nang unang buwan, nang unang araw ng buwan, ay natuyo ang tubig sa ibabaw ng lupa: at inalis ni Noe ang takip ng sasakyan at tumanaw siya, at, narito't ang ibabaw ng lupa ay tuyo.
14 At nang ikalawang buwan nang ikadalawang pu't pitong araw ng buwan, ay natuyo ang lupa.
15 At nagsalita ang Dios kay Noe, na sinasabi,
16 Lumunsad ka sa sasakyan, ikaw at ang iyong asawa, at ang iyong mga anak, at ang mga asawa ng iyong mga anak na kasama mo.
17 Ilabas mong kasama mo ang bawa't may buhay na kasama mo sa lahat ng laman, ang mga ibon, at ang mga hayop, at ang bawa't nagsisiusad na umuusad sa ibabaw ng lupa; upang magsipanganak ng sagana sa lupa, at magpalaanakin, at mangagsidami sa ibabaw ng lupa.
18 At lumunsad si Noe, at ang kaniyang mga anak, at ang kaniyang asawa, at ang mga asawa ng kaniyang mga anak na kasama niya:
19 Ang bawa't hayop, bawa't umuusad, at bawa't ibon, anomang gumagalaw sa ibabaw ng lupa ayon sa kanikaniyang angkan ay nangagsilunsad sa sasakyan.
20 At ipinagtayo ni Noe ng isang dambana ang Panginoon; at kumuha sa lahat na malinis na hayop, at sa lahat na malinis na ibon, at nagalay ng mga handog na susunugin sa ibabaw ng dambana.
21 At sinamyo ng Panginoon ang masarap na amoy; at nagsabi ang Panginoon sa sarili, Hindi ko na muling susumpain ang lupa, dahil sa tao, sapagka't ang haka ng puso ng tao ay masama mula sa kaniyang pagkabata; ni hindi ko na muling lilipulin pa ang lahat na nabubuhay na gaya ng aking ginawa.
22 Samantalang ang lupa ay lumalagi, ay hindi maglilikat ang paghahasik at pagaani, at ang lamig at init, at ang tagaraw at taginaw, at ang araw at gabi.
9 At binasbasan ng Dios si Noe at ang kaniyang mga anak, at sa kanila'y sinabi, Kayo'y magpalaanakin, at magpakarami at inyong kalatan ang lupa.
2 At ang takot sa inyo at sindak sa inyo ay mapapasa bawa't hayop sa lupa, at sa bawa't ibon sa himpapawid; lahat ng umuusad sa lupa, at lahat ng isda sa dagat, ay ibinibigay sa inyong kamay.
3 Bawa't gumagalaw na nabubuhay ay magiging pagkain ninyo; gaya ng mga sariwang pananim na lahat ay ibinibigay ko sa inyo.
4 Nguni't ang lamang may buhay, na siya niyang dugo, ay huwag ninyong kakanin.
5 At tunay na hihingan ko ng sulit ang inyong dugo, ang dugo ng inyong mga buhay: sa kamay ng bawa't ganid ay hihingan ko ng sulit; at sa kamay ng tao, sa kamay ng bawa't kapatid ng tao ay hihingan ko ng sulit ang buhay ng tao.
6 Ang magbubo ng dugo ng tao, sa pamamagitan ng tao ay mabububo ang kaniyang dugo: sapagka't sa larawan ng Dios nilalang ang tao.
7 At kayo'y magpalaanakin at magpakarami; magsilago kayo ng sagana sa lupa, at kayo'y magsidami riyan.
8 At nagsalita ang Dios kay Noe, at sa kaniyang mga anak na kasama niya, na sinasabi,
9 At ako, narito, aking pinagtitibay ang aking tipan sa inyo, at sa inyong binhi na susunod sa inyo;
10 At sa bawa't nilikhang may buhay na kasama ninyo, ang mga ibon, ang hayop at bawa't ganid sa lupa na kasama ninyo; sa lahat ng lumunsad sa sasakyan pati sa bawa't ganid sa lupa.
11 At aking pagtitibayin ang aking tipan sa inyo; ni hindi ko na lilipulin ang lahat ng laman sa pamamagitan ng tubig ng baha; ni hindi na magkakaroon pa ng bahang gigiba ng lupa.
12 At sinabi ng Dios, Ito ang tanda ng tipang ginawa ko sa inyo, at sa bawa't kinapal na may buhay na kasama ninyo sa buong panahon:
13 Ang aking bahaghari ay inilalagay ko sa alapaap, at siyang magiging tanda ng tipan ko at ng lupa.
14 At mangyayari, pagka ako'y magbababa ng isang alapaap sa ibabaw ng lupa, na makikita ang bahaghari sa alapaap.
15 At aalalahanin ko ang aking tipan, na inilagda ko sa akin at sa inyo, at sa bawa't kinapal na may buhay sa lahat ng laman; at ang tubig ay hindi na magiging bahang lilipol ng lahat ng laman.
16 At ang bahaghari ay pasa sa alapaap, at aking mamasdan, upang aking maalaala, ang walang hanggang tipan ng Dios at ng bawa't kinapal na may buhay sa lahat ng lamang nasa ibabaw ng lupa.
17 At sinabi ng Dios kay Noe, Ito ang tanda ng tipang inilagda ko sa akin at sa lahat ng laman na nasa ibabaw ng lupa.
18 At ang mga anak ni Noe na nagsilunsad sa sasakyan ay si Sem, at si Cham at si Japhet: at si Cham ay siyang ama ni Canaan.
19 Ang tatlong ito ay mga anak ni Noe: at sa mga ito'y nakalatan ang buong lupa.
20 At nagpasimula si Noe na maging mangbubukid, at naglagay ng isang ubasan.
21 At uminom ng alak at nalango; at siya'y nahubaran sa loob ng kaniyang tolda.
22 At si Cham na ama ni Canaan ay nakakita ng kahubaran ng kaniyang ama, at isinaysay sa kaniyang dalawang kapatid na nangasa labas.
23 At kumuha si Sem at si Japhet ng isang balabal, at isinabalikat nilang dalawa, at lumakad ng paurong, at tinakpan ang kahubaran ng kanilang ama; at ang mukha nila ay patalikod, at hindi nila nakita ang kahubaran ng kanilang ama.
24 At nagising si Noe sa kaniyang pagkalango sa alak, at naalaman ang ginawa sa kaniya ng kaniyang bunsong anak.
25 At sinabi, Sumpain si Canaan! Siya'y magiging alipin ng mga alipin sa kaniyang mga kapatid.
26 At sinabi niya, Purihin ang Panginoon, ang Dios ni Sem! At si Canaan ay maging alipin niya.
27 Pakapalin ng Dios si Japhet. At matira siya sa mga tolda ni Sem; At si Canaan ay maging alipin niya.
28 At nabuhay si Noe pagkaraan ng bahang gumunaw, ng tatlong daan at limang pung taon.
29 At ang lahat ng naging araw ni Noe ay siyam na raan at limang pung taon: at namatay.
10 Ito nga ang sali't saling lahi ng mga anak ni Noe: si Sem, si Cham, at si Japhet: at sila'y nangagkaanak pagkaraan ng bahang gumunaw.
2 Ang mga anak ni Japhet; si Gomer, at si Magog, at si Madai, at si Javan, at si Tubal, at si Meshech, at si Tiras.
3 At ang mga anak ni Gomer: si Azkenaz, at si Rifat, at si Togarma.
4 At ang mga anak ni Javan; si Elisa, at si Tarsis, si Cittim, at si Dodanim.
5 Sa mga ito nangabahagi ang mga pulo ng mga bansa, sa kanilang mga lupain, na bawa't isa'y ayon sa kanikaniyang wika; ayon sa kanikanilang angkan, sa kanikanilang bansa.
6 At ang mga anak ni Cham; si Cush, at si Mizraim, at si Phut, at si Canaan.
7 At ang mga anak ni Cush; si Seba, at si Havila, at si Sabta, at si Raama, at si Sabtech: at ang mga anak ni Raama; si Sheba, at si Dedan.
8 At naging anak ni Cush si Nimrod: siyang napasimulang maging makapangyarihan sa lupa.
9 Siya'y makapangyarihang mangangaso sa harap ng Panginoon kaya't karaniwang sabihin: Gaya ni Nimrod, na makapangyarihang mangangaso sa harap ng Panginoon.
10 At ang pinagsimulan ng kaniyang kaharian ay ang Babel, at ang Erech, at ang Accad, at ang Calneh, sa lupain ng Shinar.
11 Buhat sa lupaing yaon ay napasa Asiria at itinayo ang Ninive, at ang Rehobotir, at ang Calah,
12 At ang Ressen, sa pagitan ng Ninive at ng Calah (na siyang malaking bayan).
13 At naging anak ni Mizraim si Ludim, at si Anamim, at si Lehabim, at si Naphtuhim.
14 At si Pathrusim, at si Casluim (na siyang pinagbuhatan ng mga Filisteo), at ang Caphtorim.
15 At naging anak ni Canaan si Sidon, na kaniyang panganay, at si Heth.
16 At ang Jebuseo, at ang Amorrheo, at ang Gergeseo;
17 At ang Heveo, at ang Araceo, at ang Sineo.
18 At ang Aradio, at ang Samareo at ang Amatheo: at pagkatapos ay kumalat ang mga angkan ng Cananeo.
19 At ang hangganan ng Cananeo ay mula sa Sidon, kung patungo sa Gerar, hanggang sa Gaza; kung patungo sa Sodoma at Gomorra, at Adma, at Zeboim hanggang Lasa.
20 Ito ang mga anak ni Cham, ayon sa kanikanilang angkan, ayon sa kanikanilang wika, sa kanikanilang mga lupain, sa kanilang mga bansa.
21 At nagkaroon din naman ng mga anak si Sem, na ama ng lahat ng mga anak ni Heber, na siya ring lalong matandang kapatid ni Japhet.
22 Ang mga anak ni Sem; si Elam, at si Assur, at si Arphaxad, at si Lud, at si Aram.
23 At ang mga anak ni Aram: si Uz, at si Hul, at si Gether, at si Mas.
24 At naging anak ni Arphaxad si Sala; at naging anak ni Sala si Heber.
25 At nagkaanak si Heber ng dalawang lalake; ang pangalan ng una'y Peleg; sapagka't sa mga araw niya'y nahati ang lupa; at ang pangalan ng kaniyang kapatid ay Joctan.
26 At naging anak ni Joctan si Almodad, at si Sheleph, at si Hazarmavet, at si Jerah;
27 At si Hadoram, at si Uzal, at si Dicla.
28 At si Obal, at si Abimael, at si Sheba.
29 At si Ophir, at si Havila, at si Jobad: lahat ng ito ay mga naging anak ni Joctan.
30 At ang naging tahanan nila ay mula sa Mesa, kung patungo sa Sephar, na siyang bundok sa silanganan.
31 Ito ang mga anak ni Sem, ayon sa kanikanilang angkan, ayon sa kanikanilang wika, sa kanikanilang lupain, ayon sa kanikanilang bansa.
32 Ito ang mga angkan ng mga anak ni Noe, ayon sa kanikanilang lahi, sa kanikanilang bansa: at sa mga ito nangabahagi ang mga bansa pagkatapos ng bahang gumunaw.
11 At ang buong lupa ay iisa ang wika at iisa ang salita.
2 At nangyari, na, sa kanilang paglalakbay sa silanganan, ay nakasumpong sila ng isang kapatagan sa lupain ng Sinar; at sila'y nanahan doon.
3 At nagsangusapang, Halikayo! tayo'y gumawa ng mga laryo, at ating lutuing mabuti. At inari nilang bato ang laryo at ang betun ay inaring argamasa.
4 At nagsipagsabi, Halikayo! Magtayo tayo ng isang bayan natin at ng isang moog, na ang taluktok niyaon ay aabot hanggang sa langit, at magtaglay tayo ng isang ngalan; baka tayo'y mangalat sa ibabaw ng buong lupa.
5 At bumaba ang Panginoon upang tingnan ang bayan at ang moog, na itinayo ng mga anak ng mga tao.
6 At sinabi ng Panginoon, Narito, sila'y iisang bayan at silang lahat ay may isang wika; at ito ang kanilang pinasimulang gawin: at, ngayon nga'y walang makasasawata sa anomang kanilang balaking gawin.
7 Halikayo! tayo'y bumaba at diyan din ay ating guluhin ang kanilang wika, na anopa't sila'y huwag magkatalastasan sa kanilang salita.
8 Ganito pinanabog sila ng Panginoon mula riyan, sa ibabaw ng buong lupa; at kanilang iniwan ang pagtatayo ng bayan.
9 Kaya ang pangalang itinawag ay Babel; sapagka't doon ginulo ng Panginoon ang wika ng buong lupa: at mula roon ay pinanabog sila ng Panginoon sa ibabaw ng buong lupa.
10 Ito ang sali't saling lahi ni Sem. May isang daan taon si Sem at naging anak si Arphaxad, dalawang taon pagkatapos ng bahang gumunaw,
11 At nabuhay si Sem, pagkatapos na maipanganak si Arphaxad, ng limang daang taon, at nagkaanak ng mga lalake at mga babae.
12 At nabuhay si Arphaxad, ng tatlong pu't limang taon, at naging anak si Sala.
13 At nabuhay si Arphaxad pagkatapos na maipanganak si Sala, ng apat na raan at tatlong taon, at nagkaanak ng mga lalake at mga babae.
14 At nabuhay si Sala ng tatlong pung taon, at naging anak si Heber:
15 At nabuhay si Sala pagkatapos na maipanganak si Heber, ng apat na raan at tatlong taon, at nagkaanak ng mga lalake at mga babae.
16 At nabuhay si Heber ng tatlong pu't apat na taon, at naging anak si Peleg:
17 At nabuhay si Heber pagkatapos na maipanganak si Peleg, ng apat na raan at tatlong pung taon, at nagkaanak ng mga lalake at mga babae.
18 At nabuhay si Peleg ng tatlong pung taon, at naging anak si Reu:
19 At nabuhay si Peleg pagkatapos na maipanganak si Reu, ng dalawang daan at siyam na taon; at nagkaanak ng mga lalake at mga babae.
20 At nabuhay si Reu ng tatlong pu't dalawang taon, at naging anak si Serug:
21 At nabuhay si Reu pagkatapos na maipanganak si Serug, ng dalawang daan at pitong taon, at nagkaanak ng mga lalake at mga babae.
22 At nabuhay si Serug ng tatlong pung taon, at naging anak si Nachor:
23 At nabuhay si Serug pagkatapos maipanganak si Nachor, ng dalawang daang taon, at nagkaanak ng mga lalake at mga babae.
24 At nabuhay si Nachor ng dalawang pu't siyam na taon, at naging anak si Thare:
25 At nabuhay si Nachor pagkatapos na maipanganak si Thare, ng isang daan at labing siyam na taon, at nagkaanak ng mga lalake at mga babae.
26 At nabuhay si Thare ng pitong pung taon, at naging anak si Abram, si Nachor at si Haran.
27 Ito nga ang mga lahi ni Thare. Naging anak ni Thare si Abram, si Nachor, at si Haran; at naging anak ni Haran si Lot.
28 At namatay si Haran bago namatay ang kaniyang amang si Thare sa lupaing kaniyang tinubuan, sa Ur ng mga Caldeo.
29 At nagsipagasawa si Abram at si Nachor: ang pangalan ng asawa ni Abram ay Sarai; at ang pangalan ng asawa ni Nachor, ay Milca, anak ni Haran, ama ni Milca at ama ni Iscah.
30 At si Sarai ay baog; siya'y walang anak.
31 At ipinagsama ni Thare si Abram na kaniyang anak, at si Lot na anak ni Haran, na anak ng kaniyang anak, at si Sarai na kaniyang manugang, asawa ni Abram na kaniyang anak; at samasamang nagsialis sa Ur ng mga Caldeo upang magsipasok sa lupain ng Canaan, at nagsidating sila sa Haran, at nagsitahan doon.
32 At ang mga naging araw ni Thare ay dalawang daan at limang taon: at namatay si Thare sa Haran.
12 Sinabi nga ng Panginoon kay Abram, Umalis ka sa iyong lupain, at sa iyong mga kamaganak, at sa bahay ng iyong ama, na ikaw ay pasa lupaing ituturo ko sa iyo:
2 At gagawin kitang isang malaking bansa, at ikaw ay aking pagpapalain, at padadakilain ko ang iyong pangalan; at ikaw ay maging isang kapalaran:
3 At pagpapalain ko ang mga magpapala sa iyo, at susumpain ko ang mga susumpa sa iyo: at pagpapalain sa iyo ang lahat ng angkan sa lupa.
4 Kaya't yumaon si Abram, ayon sa sinalita sa kaniya ng Panginoon; at si Lot ay sumama sa kaniya: at si Abram ay may pitong pu't limang taon, nang umalis sa Haran.
5 Isinama ni Abram si Sarai na kaniyang asawa, at si Lot na anak ng kaniyang kapatid, at ang lahat ng pag-aaring kanilang natipon at ang mga taong kanilang nakuha sa Haran; at nagsialis upang pasa lupain ng Canaan; at dumating sa lupain ng Canaan.
6 At naglakbay sa lupain si Abram hanggang sa dako ng Sichem, hanggang sa punong encina ng More. At noo'y nasa lupaing yaon ang Cananeo,
7 At napakita ang Panginoon kay Abram, at nagsabi, Sa iyong lahi ay ibibigay ko ang lupaing ito: at siya'y nagtayo roon ng isang dambana sa Panginoon na napakita sa kaniya.
8 At mula roon ay lumipat siya sa bundok na nasa silanganan ng Bethel, at doon niya itinayo ang kaniyang tolda, na nasa kalunuran ang Bethel, at nasa silanganan ang Hai: at siya'y nagtayo roon ng dambana sa Panginoon, at sinambitla ang pangalan ng Panginoon.
9 At si Abram ay naglakbay na nagtuloy sa dakong Timugan.
10 At nagkagutom sa lupaing yaon: at bumaba si Abram na nasok sa Egipto, upang manirahan doon; sapagka't mahigpit ang kagutom sa lupain.
11 At nangyari, nang siya'y malapit nang papasok sa Egipto, ay sinabi niya kay Sarai na kaniyang asawa, Narito, ngayon, talastas kong ikaw ay magandang babae sa tingin:
12 At mangyayari na pag makikita ka ng mga Egipcio, ay kanilang sasabihin, Ito'y kaniyang asawa; at ako'y kanilang papatayin, datapuwa't kanilang ililigtas kang buhay.
13 Isinasamo ko sa iyo, na sabihin mong ikaw ay aking kapatid, upang ako'y mapabuti dahil sa iyo, at upang ang kaluluwa ko'y mabuhay dahil sa iyo.
14 At nangyari, nang pumasok si Abram sa Egipto, nakita ng mga Egipcio, na ang babae ay napakaganda.
15 At nakita siya ng mga prinsipe ni Faraon, at kanilang pinuri siya kay Faraon: at dinala ang babae sa bahay ni Faraon.
16 At pinagpakitaan nito ng magandang loob si Abram dahil sa kaniya: at nagkaroon si Abram ng mga tupa, at ng mga baka, at ng mga asno, at ng mga aliping lalake at mga alilang babae, at ng mga asna, at ng mga kamelyo,
17 At sinalot ng Panginoon si Faraon at ang kaniyang sangbahayan, ng malaking pagsalot dahil kay Sarai na asawa ni Abram.
18 At tinawag ni Faraon si Abram, at sinabi, Ano itong ginawa mo sa akin? Bakit hindi mo ipinahayag sa akin na siya'y iyong asawa?
19 Bakit sinabi mong siya'y aking kapatid? na ano pa't siya'y aking kinuha upang maging asawa: ngayon nga'y nariyan ang iyong asawa; siya'y kunin mo at yumaon ka.
20 At nagbilin si Faraon sa mga tao tungkol sa kaniya: at siya'y kanilang inihatid sa daan, at ang kaniyang asawa, at ang lahat ng kaniyang pag-aari.
13 At umahon sa Timugan si Abram mula sa Egipto, siya at ang kaniyang asawa, at ang lahat ng kaniyang tinatangkilik, at si Lot na kaniyang kasama.
2 At si Abram ay totoong mayaman sa hayop, sa pilak, at sa ginto.
3 At nagpatuloy si Abram ng kaniyang paglalakbay mula sa Timugan hanggang sa Bethel, hanggang sa dakong kinaroroonan noong una ng kaniyang tolda sa pagitan ng Bethel at ng Hai;
4 Sa dako ng dambana na kaniyang ginawa roon nang una: at sinambitla doon ni Abram ang pangalan ng Panginoon.
5 At si Lot man na kinasama ni Abram ay may tupahan at bakahan, at mga tolda.
6 At sila'y hindi makayanan ng lupain, na sila'y manahan na magkasama: sapagka't napakarami ang kanilang pag-aari, na ano pa't hindi maaring manirahang magkasama.
7 At nagkaroon ng pagtatalo ang mga pastor ng hayop ni Abram at ang mga pastor ng hayop ni Lot; at ang Cananeo at ang Pherezeo ay naninirahan noon sa lupain.
8 At sinabi ni Abram kay Lot, Ipinamamanhik ko sa iyong huwag magkaroon ng pagtatalo, ikaw at ako, at ang mga pastor mo at mga pastor ko; sapagka't tayo'y magkapatid.
9 Di ba ang buong lupain ay nasa harap mo? Humiwalay ka nga sa akin, ipinamamanhik ko sa iyo: kung ikaw ay pasa sa kaliwa, ay pasa sa kanan ako: o kung ikaw ay pasa sa kanan, ay pasa sa kaliwa ako.
10 At itiningin ni Lot ang kaniyang mga mata, at natanaw niya ang buong kapatagan ng Jordan, na pawang patubigan na magaling sa magkabikabila, kung pasa sa Zoar, bago giniba ng Panginoon ang Sodoma at Gomorra, ay gaya ng halamanan ng Panginoon, gaya ng lupain ng Egipto.
11 Kaya't pinili ni Lot sa kaniya ang buong kapatagan ng Jordan; at si Lot ay naglakbay sa silanganan: at sila'y kapuwa naghiwalay.
12 Tumahan si Abram sa lupain ng Canaan; at si Lot ay tumahan sa mga bayan ng kapatagan, at inilipat ang kaniyang tolda hanggang sa Sodoma.
13 Ang mga tao nga sa Sodoma ay masasama at mga makasalanan sa harap ng Panginoon.
14 At sinabi ng Panginoon kay Abram, pagkatapos na makahiwalay si Lot sa kaniya, Itingin mo ngayon ang iyong mga mata, at tumanaw ka mula sa dakong iyong kinalalagyan, sa dakong hilagaan, at sa dakong timugan, at sa dakong silanganan, at sa dakong kalunuran:
15 Sapagka't ang buong lupaing iyong natatanaw ay ibibigay ko sa iyo, at sa iyong binhi magpakaylan man.
16 At gagawin kong parang alabok ng lupa ang iyong binhi: na ano pa't kung mabibilang ng sinoman ang alabok ng lupa ay mabibilang nga rin ang iyong binhi.
17 Magtindig ka, lakarin mo ang lupain, ang hinabahaba at niluwang-luwang niyan; sapagka't ibibigay ko sa iyo.
18 At binuhat ni Abram ang kaniyang tolda, at yumaon at tumahan sa mga punong encina ni Mamre na nasa Hebron, at siya'y nagtayo roon ng dambana sa Panginoon.
14 At nangyari sa mga kaarawan ni Amraphel, hari sa Sinar, ni Ariok hari sa Elasar, ni Chedorlaomer hari sa Elam, at ni Tidal na hari ng mga Goiim,
2 Na ang mga ito ay nakipagbaka laban kay Bera hari sa Sodoma, at laban kay Birsha hari sa Gomorra, kay Shinab hari sa Adma, at kay Shemeber, hari sa Zeboim, at sa hari sa Bela (na si Zoar).
3 Lahat ng ito'y nagkatipon sa libis ng Siddim (na siyang Dagat na Alat).
4 Labingdalawang taong nagsipaglingkod kay Chedorlaomer, at sa ikalabingtatlong taon ay nagsipaghimagsik.
5 At sa ikalabingapat na taon ay dumating si Chedorlaomer at ang mga haring kasama niya, at sinaktan ang mga Refaim sa Ashteroth-Carnaim, at ang mga Zuzita sa Ham, at ang mga Emita sa Shave-ciriataim.
6 At ang mga Horeo sa kanilang kabundukan ng Seir, hanggang Elparan na nasa tabi ng ilang.
7 At sila'y nangagbalik at nagsiparoon sa Enmispat (na siyang Cades), at kanilang sinaktan ang buong lupain ng mga Amalecita at pati ng mga Amorrheo na nagsisitahan sa Hazezon-tamar.
8 At nagsilabas ang hari sa Sodoma, at ang hari sa Gomorra, at ang hari sa Adma, at ang hari sa Zeboim, at ang hari sa Bela (na dili iba't si Zoar); at sila'y humanay ng pakikipagbaka laban sa kanila sa libis ng Siddim;
9 Laban kay Chedorlaomer, hari sa Elam, at kay Tidal na hari ng mga Goiim at kay Amraphel, hari sa Shinar, at kay Arioch, hari sa Elasar; apat na hari laban sa lima.
10 At ang libis ng Siddim ay puno ng hukay ng betun; at nagsitakas ang mga hari sa Sodoma at sa Gomorra, at nangahulog doon, at ang natira ay nagsitakas sa kabundukan.
11 At kanilang sinamsam ang lahat ng pag-aari ng Sodoma at Gomorra, at ang lahat nilang pagkain, at nagsiyaon.
12 At dinala nila si Lot, na anak ng kapatid ni Abram, na nananahan sa Sodoma at ang kaniyang mga pag-aari at sila'y nagsiyaon.
13 At dumating ang isang nakatanan, at ibinalita kay Abram na Hebreo; na tumatahan nga sa mga puno ng encina ni Mamre na Amorrheo, kapatid ni Eschol, at kapatid ni Aner; at ang mga ito ay kakampi ni Abram.
14 At pagkarinig ni Abram, na nabihag ang kaniyang kapatid ay ipinagsama ang kaniyang mga subok na lalake, na mga ipinanganak sa kaniyang bahay, na tatlong daan at labing walo, at kanilang hinabol sila hanggang sa Dan.
15 At sila'y nangagpangkatpangkat sa kinagabihan, laban sa kaaway, siya at ang kaniyang mga alipin, at kanilang sinaktan sila, at hinabol nila sila hanggang sa Hobah, na nasa kaliwa ng Damasco.
16 At iniuwi niya ang lahat ng pag-aari; at iniuwi rin niya si Lot na kaniyang kapatid, at ang kaniyang mga pag-aari, at gayon din ang mga babae at ang bayan.
17 At nilabas na sinalubong siya ng hari sa Sodoma pagkatapos na siya'y magbalik na mula sa pagpatay kay Chedorlaomer, at sa mga haring kasama niya sa libis ng Shave (na siyang libis ng hari).
18 At si Melquisedec, na hari sa Salem, ay naglabas ng tinapay at alak; at siya'y saserdote ng Kataastaasang Dios.
19 At binasbasan niya siya na sinabi, Pagpalain si Abram ng Kataastaasang Dios, na may-ari ng langit at ng lupa:
20 At purihin ang Kataastaasang Dios, na nagbigay ng iyong mga kaaway sa iyong kamay. At binigyan siya ni Abram ng ikasangpung bahagi ng buong samsam.
21 At sinabi ng hari sa Sodoma kay Abram, Ibigay mo sa akin ang mga tao at kunin mo sa ganang iyo ang mga pag-aari.
22 At sinabi ni Abram sa hari sa Sodoma, Itinaas ko ang aking kamay sa Panginoong Dios na Kataastaasan, na may ari ng langit at ng lupa.
23 Isinumpa kong hindi ako kukuha maging isang sinulid, o maging isang panali ng pangyapak, o ng anomang nauukol sa iyo, baka iyong sabihin, Pinayaman ko si Abram:
24 Liban na lamang ang kinain ng mga binata at ang bahagi ng mga lalaking kinasama ko; si Aner, si Eschol, at si Mamre, ay pakunin mo ng kanilang bahagi.
15 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay dumating ang salita ng Panginoon kay Abram sa pangitain na nagsasabi, Huwag kang matakot, Abram: ako ang iyong kalasag, at ang iyong ganting pala na lubhang dakila.
2 At sinabi ni Abram, Oh Panginoong Dios, anong ibibigay mo sa akin, kung ako'y nabubuhay na walang anak at ang magaari ng aking bahay ay itong taga Damascong si Eliezer?
3 At sinabi ni Abram, Narito, hindi mo ako binigyan ng anak at, narito't isang ipinanganak sa aking bahay ang siyang tagapagmana ko.
4 At, narito, ang salita ng Panginoon ay dumating sa kaniya, na nagsabi, Hindi ang taong ito ang magiging tagapagmana mo; kundi lalabas sa iyong sariling katawan ang magiging tagapagmana mo.
5 At siya'y inilabas at sinabi, Tumingala ka ngayon sa langit, at iyong bilangin ang mga bituin, kung mabibilang mo: at sa kaniya'y sinabi, Magiging ganiyan ang iyong binhi.
6 At sumampalataya siya sa Panginoon; at ito'y ibinilang na katuwiran sa kaniya.
7 At sinabi sa kaniya, Ako ang Panginoon na nagpaalis sa iyo sa Ur ng mga Caldeo, upang ibigay sa iyo ang lupaing ito na manahin mo.
8 At sinabi niya, Oh Panginoong Dios, paanong pagkakilala ko na aking mamanahin?
9 At sinabi sa kaniya, Magdala ka rito sa akin ng isang dumalagang bakang tatlong taon ang gulang, at ng isang babaing kambing na tatlong taon ang gulang, at ng isang lalaking tupang tatlong taon ang gulang, at ng isang inakay na batobato at ng isang inakay na kalapati.
10 At dinala niya ang lahat ng ito sa kaniya, at pinaghati niya sa gitna, at kaniyang pinapagtapattapat ang kalakalahati; datapuwa't hindi hinati ang mga ibon.
11 At binababa ng mga ibong mangdadagit ang mga bangkay, at binubugaw ni Abram.
12 At nang lulubog na ang araw, ay nakatulog si Abram ng mahimbing; at, narito, ang isang kasindaksindak na malaking kadiliman ay sumakaniya.
13 At sinabi ng Dios kay Abram, Tunay na pakatalastasin mo, na ang iyong binhi ay magiging taga ibang bayan sa lupaing hindi kanila, at mangaglilingkod sa mga yaon; at pahihirapang apat na raang taon.
14 At yaon namang bansang kanilang paglilingkuran ay aking hahatulan: at pagkatapos ay aalis silang may malaking pag-aari.
15 Datapuwa't ikaw ay payapang pasa sa iyong mga magulang; at ikaw ay malilibing sa mabuting katandaan.
16 At sa ikaapat na salin ng iyong binhi, ay magsisipagbalik rito: sapagka't hindi pa nalulubos ang katampalasanan ng mga Amorrheo.
17 At nangyari, na paglubog ng araw, at pagdilim, na narito, ang isang hurnong umuusok, at ang isang tanglaw na nagniningas na dumaan sa gitna ng mga hinating hayop.
18 Nang araw na yaon, ang Panginoon ay nakipagtipan kay Abram, na nagsabi, Sa iyong binhi ibinigay ko ang lupaing ito, mula sa ilog ng Egipto hanggang sa malaking ilog, na ilog Eufrates.
19 Ang mga Cineo, at ang mga Ceneceo, at ang mga Cedmoneo,
20 At ang mga Heteo, at ang mga Pherezeo, at ang mga Refaim,
21 At ang mga Amorrheo, at ang mga Cananeo, at ang mga Gergeseo, at ang mga Jebuseo.
16 Si Sarai nga na asawa ni Abram ay hindi nagkaanak sa kaniya; at siya'y may isang alilang babae na taga Egipto, na nagngangalang Agar.
2 At sinabi ni Sarai kay Abram, Narito, ngayon, ako'y hinadlangan ng Panginoon na ako'y magkaanak; ipinamamanhik ko sa iyong sumiping ka sa aking alilang babae; marahil ay magkakaanak ako sa pamamagitan niya. At dininig ni Abram ang sabi ni Sarai.
3 At kinuha ni Sarai na asawa ni Abram, si Agar na taga Egipto, na kaniyang alila, pagkaraan ng sangpung taon na makatahan si Abram sa lupain ng Canaan, at ibinigay kay Abram na kaniyang asawa upang maging asawa niya.
4 At siya'y sumiping kay Agar, at naglihi: at nang makita niyang siya'y naglihi, ay niwalang halaga niya ang kaniyang panginoong babae sa kaniyang paningin.
5 At sinabi ni Sarai kay Abram, Ang aking pagkaapi ay sumaiyo: idinulot ko ang aking alila sa iyong sinapupunan; at nang makita niyang siya'y naglihi, ay niwalan akong kabuluhan sa kaniyang paningin: ang Panginoon ang humatol sa akin at sa iyo.
6 Datapuwa't sinabi ni Abram kay Sarai, Narito, ang iyong alila ay nasa iyong kamay; gawin mo sa kaniya ang iyong minamagaling sa iyong paningin. At dinuwahagi siya ni Sarai, at si Agar ay tumakas mula sa kaniyang harap.
7 At nasumpungan siya ng anghel ng Panginoon sa tabi ng isang bukal ng tubig sa ilang, sa bukal na nasa daang patungo sa Shur.
8 At sinabi, Agar, alila ni Sarai, saan ka nanggaling? at saan ka paroroon? at kaniyang sinabi, Ako'y tumatakas mula sa harap ni Sarai na aking panginoon.
9 At sinabi sa kaniya ng anghel ng Panginoon, Magbalik ka sa iyong panginoon, at pahinuhod ka sa kaniyang mga kamay.
10 At sinabi sa kaniya ng anghel ng Panginoon, Pararamihin kong mainam ang iyong binhi, na hindi mabibilang dahil sa karamihan.
11 At sinabi sa kaniya ng anghel ng Panginoon, Narito't ikaw ay nagdadalang-tao at ikaw ay manganganak ng isang lalake; at ang itatawag mo sa kaniyang ngalan ay Ismael, sapagka't diningig ng Panginoon ang iyong kadalamhatian.
12 At siya'y magiging parang asnong bundok sa gitna ng mga tao; ang kaniyang kamay ay magiging laban sa lahat, at ang kamay ng lahat ay laban sa kaniya; at siya'y tatahan sa harap ng lahat niyang mga kapatid.
13 At kaniyang tinawagan ang ngalan ng Panginoon na nagsalita sa kaniya, Ikaw ay Dios na nakakakita: sapagka't sinabi niya, Namasdan ko rin ba rito ang likuran niyaong nakakakita sa akin?
14 Kaya't nginalanan ang balong yaon Balon ng Nabubuhay na nakakakita sa akin; narito't ito'y nasa pagitan ng Cades at Bered.
15 At nanganak si Agar ng isang lalake kay Abram at ang itinawag ni Abram, na pangalan sa kaniyang anak na ipinanganak ni Agar, ay Ismael.
16 At si Abram ay may walong pu't anim na taon nang ipanganak si Ismael ni Agar kay Abram.
17 At nang si Abram ay may siyam na pu't siyam na taon, ay napakita ang Panginoon kay Abram, at sa kaniya'y nagsabi, Ako ang Dios na Makapangyarihan sa lahat lumakad ka sa harapan ko, at magpakasakdal ka.
2 At ako'y makikipagtipan sa iyo at ikaw ay aking pararamihing mainam.
3 At nagpatirapa si Abram: at ang Dios ay nakipagusap sa kaniya, na sinasabi,
4 Tungkol sa akin, narito, ang aking tipan ay sumasaiyo, at ikaw ang magiging ama ng maraming bansa.
5 At hindi na tatawagin ang pangalan mong Abram, kundi Abraham ang magiging iyong pangalan; sapagka't ikaw ay ginawa kong ama ng maraming bansa.
6 At ikaw ay aking gagawing totoong palaanakin at papanggagalingin ko sa iyo ang mga bansa; at magbubuhat sa iyo ang mga hari.
7 At aking papagtitibayin ang aking tipan sa iyo at sa iyong binhi pagkamatay mo sa buong kalahian nila, na tipang walang hanggan, na ako'y magiging iyong Dios, at ng iyong binhi, pagkamatay mo.
8 At ibibigay ko sa iyo, at sa iyong binhi, pagkamatay mo, ang lupaing iyong mga pinaglakbayan, ang buong lupain ng Canaan, na pag-aaring walang hanggan at ako ang magiging Dios nila.
9 At sinabi pa ng Dios kay Abraham, At tungkol sa iyo, iingatan mo ang aking tipan, iingatan mo at ng iyong binhi pagkamatay mo, sa buong kalahian nila.
10 Ito ang aking tipan na inyong iingatan sa akin at sa inyo, at ng iyong binhi, pagkamatay mo; tutuliin ang bawa't lalake sa inyo.
11 At kayo'y tutuliin sa laman ng inyong balat ng masama; at ito ang magiging tanda ng aking tipan sa inyo.
12 At ang may walong araw ay tutuliin sa inyo, ang bawa't lalake sa buong kalahian ninyo; ang ipinanganak sa bahay, o ang binili ng salapi sa sinomang taga ibang lupa na hindi sa iyong lahi.
13 Ang ipinanganak sa bahay at ang binili ng iyong salapi, ay dapat tuliin: at ang aking tipan ay sasa iyong laman na pinakatipang walang hanggan.
14 At ang lalaking hindi tuli, na hindi tinuli ang laman ng kaniyang balat ng masama, ang taong yaon ay mahihiwalay sa kaniyang bayan; sinira niya ang aking tipan.
15 At sinabi ng Dios kay Abraham, Tungkol kay Sarai na iyong asawa, ay huwag mo nang tatawagin ang kaniyang pangalang Sarai, kundi Sara ang magiging kaniyang pangalan.
16 At akin siyang pagpapalain, at saka sa kaniya'y bibigyan kita ng anak: oo, siya'y aking pagpapalain, at magiging ina ng mga bansa; ang mga hari ng mga bayan ay magmumula sa kaniya.
17 Nang magkagayo'y nagpatirapa si Abraham, at nagtawa, at nasabi sa kaniyang sarili, Magkakaanak kaya siya na may isang daang taon na? at manganak pa kaya si Sara na may siyam na pung taon na?
18 At sinabi ni Abraham sa Dios, Kahimanawari, si Ismael ay mabuhay sa harapan mo!
19 At sinabi ng Dios, Hindi, kundi ang iyong asawang si Sara ay magkakaanak sa iyo; at tatawagin mo ang kaniyang ngalang Isaac; at aking pagtitibayin ang aking tipan sa kaniya ng pinakatipang walang hanggan, sa kaniyang lahi pagkamatay niya.
20 At tungkol kay Ismael, ay dininig din kita. Narito't aking pinagpala siya, at siya'y aking papagaanakin ng marami, at siya'y aking pararamihin ng di kawasa; labing dalawang prinsipe ang kaniyang magiging anak, at siya'y gagawin kong malaking bansa.
21 Nguni't ang aking tipan ay pagtitibayin ko kay Isaac na iaanak sa iyo ni Sara, sa tadhanang araw, sa taong darating.
22 At nang matapos na makipagusap sa kaniya, ay napaitaas ang Dios mula sa piling ni Abraham.
23 At ipinagsama ni Abraham si Ismael, na kaniyang anak, at ang lahat na ipinanganak sa kaniyang bahay, at ang lahat ng binili niya ng kaniyang salapi, ang lahat ng lalake sa mga lalaking kasangbahay ni Abraham, at tinuli ang laman ng kanilang balat ng masama ng araw ding yaon, ayon sa sinabi ng Dios sa kaniya.
24 At si Abraham ay may siyam na pu't siyam na taon, nang tuliin ang laman ng kaniyang balat ng masama.
25 At si Ismael ay may labing tatlong taon, nang tuliin ang laman ng kaniyang balat ng masama.
26 Nang araw ding yaon tinuli si Abraham, at si Ismael na kaniyang anak.
27 At lahat ng lalaking kasangbahay niya, maging ang mga ipinanganak sa bahay, at ang mga binili ng salapi sa taga ibang lupain, ay pinagtuling kasama niya.
18 At napakita ang Panginoon sa kaniya sa mga punong encina ni Mamre, habang siya'y nakaupo sa pintuan ng tolda, ng kainitan ng araw.
2 At itiningin ang kaniyang mga mata at nagmalas, at, narito't tatlong lalake ay nakatayo sa tabi niya: at pagkakita niya sa kanila, ay tinakbo niya upang sila'y salubungin mula sa pintuan ng tolda, at yumukod siya sa lupa.
3 At nagsabi, Panginoon ko, kung ngayo'y nakasumpong ako ng biyaya sa iyong paningin, ay ipinamamanhik ko sa iyo, na huwag mong lagpasan ang iyong lingkod.
4 Itulot mong dalhan kayo rito ng kaunting tubig, at maghugas kayo ng inyong mga paa, at mangagpahinga kayo sa lilim ng kahoy.
5 At magdadala ako ng isang subong tinapay at inyong palakasin ang inyong puso; at pagkatapos ay magsisipagtuloy kayo: yamang kayo'y naparito sa inyong lingkod, At nagsipagsabi, Mangyari ang ayon sa iyong sinabi.
6 At si Abraham ay nagmadaling napasa tolda ni Sara, at sinabi, Maghanda ka agad ng tatlong takal ng mainam na harina, iyong tapayin at gawin mong mga munting tinapay.
7 At tumakbo si Abraham sa bakahan at nagdala ng isang bata at mabuting guya, at ibinigay sa alipin; at siya'y nagmadali, upang lutuin.
8 At siya'y kumuha ng mantekilla, at ng gatas, at ng guyang niluto niya, at inihain sa harapan nila; at siya'y tumayo sa siping nila sa lilim ng punong kahoy; at sila'y nagsikain.
9 At sinabi nila sa kaniya, Saan naroon si Sara na iyong asawa? At sinabi niya Narito, nasa tolda.
10 At sinabi niya, Walang salang di ako babalik sa iyo sa ganitong panahon ng taong darating; at narito't si Sara na iyong asawa ay magkakaanak ng isang lalake. At narinig ni Sara sa pintuan ng tolda, na nasa likod niya.
11 Si Abraham at si Sara nga'y matatanda na, at lipas na sa panahon; at tinigilan na si Sara ng kaugalian ng mga babae.
12 At nagtawa si Sara sa kaniyang sarili, na sinasabi, Pagkatapos na ako'y tumanda ay magtatamo ako ng kaligayahan, at matanda na rin pati ng panginoon ko?
13 At sinabi ng Panginoon kay Abraham, Bakit tumawa si Sara, na sinasabi, Tunay kayang ako'y manganganak, na matanda na ako?
14 May anomang bagay kayang napakahirap sa Panginoon? Sa tadhanang panahon ay babalik ako sa iyo, sa taong darating, at si Sara ay magkakaanak ng isang lalake.
15 Nang magkagayo'y nagkaila si Sara, na sinasabi, Hindi ako tumawa, sapagka't siya'y natakot. Nguni't sinabi niya, Hindi gayon; kundi ikaw ay tumawa.
16 At nangagtindig doon ang mga lalake, at nangagsitingin sa dakong Sodoma; at sinamahan sila ni Abraham, upang ihatid sila sa daan.
17 At sinabi ng Panginoon, Ililihim ko ba kay Abraham ang aking gagawin;
18 Dangang si Abraham ay tunay na magiging isang bansang malaki at matibay, at pagpapalain sa kaniya ang lahat ng bansa sa lupa?
19 Sapagka't siya'y aking kinilala, upang siya'y magutos sa kaniyang mga anak at sa kaniyang sangbahayan pagkamatay niya, na maingatan nila ang daan ng Panginoon, na gumawa ng kabanalan, at kahatulan; upang padatnin ng Panginoon, kay Abraham ang kaniyang ipinangako tungkol sa kaniya.
20 At sinabi ng Panginoon, Sapagka't ang sigaw ng Sodoma at Gomorra ay malakas, at sapagka't ang kasalanan nila ay napakalubha;
21 Ay bababa ako ngayon at titingnan ko kung ginawa nga ang ayon sa sigaw na dumarating hanggang sa akin; at kung hindi ay aking malalaman.
22 At ang mga lalake ay nagsilayo roon at nagsitungo sa Sodoma datapuwa't si Abraham ay nakatayo pa sa harapan ng Panginoon.
23 At lumapit si Abraham, at nagsabi, Ang mga banal ba ay iyong lilipuling kasama ng mga masama?
24 Kung sakaling may limang pung banal sa loob ng bayan: lilipulin mo ba, at di mo patatawarin ang dakong yaon, alangalang sa limang pung banal na nasa loob niyaon?
25 Malayo nawa sa iyo ang paggawa ng ganito, na ang banal ay iyong pataying kasama ng masama, anopa't ang banal ay mapara sa masama; malayo nawa ito sa iyo: di ba gagawa ng matuwid ang Hukom ng buong lupa?
26 At sinabi ng Panginoon, Kung makasumpong ako sa Sodoma ng limang pung banal sa loob ng bayan, patatawarin ko ang buong dakong yaon, alangalang sa kanila.
27 At sumagot si Abraham, at nagsabi, Narito, ngayo'y nangahas akong magsalita sa Panginoon, akong alabok at abo lamang:
28 Kung sakaling magkukulang ng lima sa limang pung banal: lilipulin mo ba, dahil sa limang kulang, ang buong bayan? At sinabi niya, Hindi ko lilipulin kung makasumpong ako roon ng apat na pu't lima.
29 At siya'y muling nagsalita pa sa kaniya, at nagsabi, Marahil ay may masusumpungang apat na pu. At sinabi niya, Hindi ko gagawin, alangalang sa apat na pu.
30 At sinabi niya, Oh huwag magalit ang Panginoon, at ako'y magsasalita: kung sakaling may masusumpungan doong tatlong pu. At sinabi niya, Hindi ko gagawin kung makakasumpong ako roon ng tatlong pu.
31 At kaniyang sinabi, Narito ngayon, ako'y nangahas na magsalita sa Panginoon: kung sakaling may masusumpungan doong dalawang pu. At sinabi niya, Hindi ko lilipulin, alangalang sa dalawang pu.
32 At sinabi niya, Oh huwag magalit ang Panginoon at magsasalita na lamang akong minsan: kung sakaling may masusumpungan doong sangpu: at sinabi niya, Hindi ko lilipulin, alangalang sa sangpu.
33 At ang Panginoon ay nagpatuloy, pagkatapos na makipagusap kay Abraham: at si Abraham ay nagbalik sa kaniyang dako.
19 At nagsidating ang dalawang anghel sa Sodoma, nang nagtatakip silim; at si Lot ay nakaupo sa pintuang-bayan ng Sodoma: at sila'y nakita ni Lot, at nagtindig upang salubungin sila; at iniyukod ang mukha sa lupa;
2 At nagsabi, Ngayon nga mga panginoon ko, ipinamamanhik ko sa inyo na kayo'y magsiliko at magsipasok sa bahay ng inyong lingkod, at kayo'y matira sa buong magdamag, at maghugas ng inyong mga paa, at sa madaling araw ay magsipagbangon kayo at magpatuloy ng inyong paglakad. At kanilang sinabi, Hindi, kundi sa langsangan mananahan kami sa buong magdamag.
3 At kaniyang pinakapilit sila; at sila'y nagsiliko, at nagsipasok sa kaniyang bahay; at sila'y kaniyang pinaghandaan, at ipinagluto ng mga tinapay na walang levadura, at nagsikain.
4 Datapuwa't bago nagsihiga, ang bahay ay kinulong ng mga tao sa bayan sa makatuwid baga'y ng mga tao sa Sodoma, na mga binata at gayon din ng mga matanda ng buong bayan sa buong palibot;
5 At kanilang tinawagan si Lot, at sinabi sa kaniya, Saan nangaroon ang mga lalaking dumating sa iyo ng gabing ito? ilabas mo sila sa amin upang kilalanin namin sila.
6 At nilabas sila ni Lot sa pintuan, at isinara ang pinto sa likuran niya.
7 At sinabi niya, Ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid ko, na huwag kayong gumawa ng ganiyang kasamaan.
8 Narito, ngayon, may dalawa akong anak na babae, na hindi nakakilala ng lalake; ipinamamanhik ko sa inyo, na sila'y aking ilalabas sa inyo, at gawin ninyo sa kanila ang magalingin ninyo sa inyong paningin: huwag lamang ninyong gawan ng anoman ang mga lalaking ito; yamang sila'y nangasa silong ng aking bubungan.
9 At sinabi nila, Umurong ka! At sinabi pa nila, Ang taong ito'y naparito upang makipamayan, at ibig niyang maging hukom: ngayon nga'y gagawan ka namin ng lalong masama kay sa kanila. At kanilang ipinagtulakan ang lalaking si Lot, at nagsilapit upang sirain ang pintuan.
10 Datapuwa't iniunat ng mga lalake ang kanilang kamay at binatak si Lot sa loob ng bahay at kanilang sinarhan ang pintuan.
11 At ang mga taong nangasa pintuan ng bahay ay mga pinagbulag nila, ang munti't malaki: ano pa't sila'y nangayamot sa paghahanap ng pintuan.
12 At sinabi ng mga lalake kay Lot, Mayroon ka pa ritong kamaganakan? Ang iyong mga manugang, at ang iyong mga anak na lalake at babae, at ang lahat ng iyong tinatangkilik sa bayan: ay ipagaalis mo sa dakong ito:
13 Sapagka't aming lilipulin ang dakong ito dahil sa napakalakas ang kanilang sigaw sa harap ng Panginoon; at kami ay sinugo ng Panginoon upang aming lipulin.
14 At si Lot ay lumabas, at pinagsabihan niya ang kaniyang mga manugang na nagasawa sa kaniyang mga anak na babae, at sinabi, Magtindig kayo, magsialis kayo sa dakong ito; sapagka't gugunawin ng Panginoon ang bayan. Datapuwa't ang akala ng kaniyang mga manugang ay nagbibiro siya.
15 At nang umumaga ay pinapagmadali ng mga anghel si Lot, na sinasabi, Magbangon ka, ipagsama mo ang iyong asawa at ang iyong dalawang anak na babae na narito, baka pati ikaw ay madamay sa parusa sa bayan.
16 Datapuwa't siya'y nagluluwat; at hinawakan ng mga lalake ang kaniyang kamay, at ang kamay ng kaniyang asawa, at ang kamay ng kaniyang dalawang anak na babae; sa habag sa kaniya ng Panginoon: at siya'y kanilang inilabas, at siya'y kanilang inilagay sa labas ng bayan.
17 At nangyari, na nang sila'y mailabas na nila, ay sinabi, Itakas mo ang iyong buhay; huwag kang lumingon o huminto man sa buong kapatagan; tumakas ka hanggang sa bundok, baka ikaw ay mamatay.
18 At sinabi sa kanila ni Lot, Huwag ganiyan, panginoon ko:
19 Narito, ngayo't ang lingkod mo ay nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin, at pinakalaki mo ang iyong awang ipinakita sa akin sa pagliligtas ng aking buhay; at ako'y di makatatakas sa bundok, baka ako'y abutan ng sama, at ako'y mamatay.
20 Narito, ang bayang ito ay malapit takasan at maliit: Oh tulutan mong tumakas ako roon, (di ba yao'y maliit?) at mabubuhay ako.
21 At sinabi sa kaniya, Narito, sa bagay mang ito ay pinayagan din kita, na hindi ko gugunawin ang bayang iyong sinalita.
22 Magmadali ka, tumakas ka roon; sapagka't wala akong magagawa hanggang sa dumating ka roon. Kaya't ang pangalang itinawag sa bayang yaon ay Zoar.
23 Ang araw ay nakalitaw na sa lupa nang dumating si Lot sa Zoar.
24 Nang magkagayo'y nagpaulan ang Panginoon sa Sodoma at Gomorra ng azufre at apoy mula sa Panginoon na buhat sa langit;
25 At ginunaw niya ang mga bayang yaon, at ang buong Kapatagan at ang lahat ng nangananahan sa mga bayang yaon, at ang tumutubo sa lupang yaon.
26 Datapuwa't ang asawa ni Lot ay lumingon sa likuran ni Lot, at naging haliging asin.
27 At si Abraham ay sumampang maaga ng kinaumagahan sa dakong kinatayuan niya sa harap ng Panginoon.
28 At siya'y tumingin sa dakong Sodoma at Gomorra, at sa buong lupain ng Kapatagan, at tumanaw, at narito, ang usok ng lupain ay napaiilanglang na parang usok ng isang hurno.
29 At nangyari, na nang gunawin ng Dios ang mga bayan ng Kapatagan, na naalaala ng Dios si Abraham, at pinalabas si Lot, mula sa gitna ng pinaggunawan, nang gunawin ang mga bayan na kinatitirahan ni Lot.
30 At sumampa si Lot mula sa Zoar at tumira sa bundok, at ang kaniyang dalawang anak na babae na kasama niya; sapagka't siya'y natakot na tumira sa Zoar: at siya'y tumira sa isang yungib, siya at ang kaniyang dalawang anak na babae.
31 At sinabi ng panganay sa bunso: Ang ating ama ay matanda, at walang lalake sa lupa na sumiping sa atin, ayon sa ugali ng sangkalupaan:
32 Halika, painumin natin ng alak ang ating ama, at tayo'y sumiping sa kaniya; upang mapalagi natin ang binhi ng ating ama.
33 At pinainom nila ng alak ang kanilang ama ng gabing yaon: at pumasok ang panganay at sumiping sa kaniyang ama; at hindi naalaman, ng ama nang siya'y mahiga ni nang siya'y magbangon.
34 At nangyari nang kinabukasan, na sinabi ng panganay sa bunso. Narito, ako'y sumiping kagabi sa aking ama; painumin din natin ng alak sa gabing ito; at pumasok ka, at sumiping ka sa kaniya; upang mapalagi natin ang binhi ng ating ama.
35 At pinainom din nila ng alak ang kanilang ama ng gabing yaon: at nagtindig ang bunso, at sumiping sa ama; at hindi naalaman ng ama nang siya'y mahiga, ni nang siya'y magbangon.
36 Sa ganito'y kapuwa nagdalangtao ang mga anak ni Lot sa pamamagitan ng kanilang ama.
37 At nanganak ang panganay ng isang lalake, at tinawag ang kaniyang ngalang Moab: na siya ngang ama ng mga Moabita, hanggang sa araw na ito.
38 At ang bunso ay nanganak din ng isang lalake, at tinawag ang kaniyang pangalang Ben-ammi: na siya ngang ama ng mga anak ni Ammon, hanggang ngayon.
20 At mula roon ay naglakbay si Abraham sa dakong lupain ng Timugan, at tumahan sa pagitan ng Cades at Shur; at siya'y nakipamayan sa Gerar.
2 At sinabi ni Abraham tungkol kay Sara na kaniyang asawa, Siya'y aking kapatid; at si Abimelech na hari sa Gerar, ay nagsugo at kinuha si Sara.
3 Datapuwa't naparoon ang Dios kay Abimelech sa panaginip sa gabi, at sa kaniya'y sinabi, Narito, ikaw ay dili iba't isang patay dahil sa babaing iyong kinuha; sapagka't siya'y asawa ng isang lalake.
4 Nguni't si Abimelech ay hindi pa, nakasisiping sa kaniya: at nagsabi, Panginoon, papatayin mo ba pati ng isang bansang banal?
5 Hindi ba siya rin ang nagsabi sa akin, Siya'y aking kapatid? at si Sara man ay nagsabi, Siya'y aking kapatid; sa katapatang loob ng aking puso, at kawalang sala ng aking mga kamay, ay ginawa ko ito.
6 At sinabi sa kaniya ng Dios sa panaginip: Oo, talastas ko, na sa katapatang loob ng iyong puso ay ginawa mo ito, at hinadlangan din naman kita sa pagkakasala ng laban sa akin: kaya't hindi ko ipinahintulot sa iyong galawin mo siya.
7 Ngayon nga'y isauli mo ang asawa ng lalaking ito; sapagka't siya'y profeta, at ikaw ay ipananalangin niya, at mabubuhay ka: at kung di mo siya isauli, ay talastasin mong walang pagsalang mamamatay ka, ikaw at ang lahat ng iyo.
8 At si Abimelech ay bumangong maaga ng kinaumagahan at tinawag ang lahat niyang bataan, at sinabi sa kanilang pakinig ang lahat ng bagay na ito: at ang mga tao'y natakot na mainam.
9 Nang magkagayo'y tinawag ni Abimelech si Abraham, at sa kaniya'y sinabi, Anong ginawa mo sa amin? at sa ano ako nagkasala laban sa iyo, na dinalhan mo ako at ang aking kaharian ng isang malaking kasalanan? Ginawan mo ako ng mga gawang di marapat gawin.
10 At sinabi ni Abimelech kay Abraham, Anong nakita mo na ginawa mo ang bagay na ito?
11 At sinabi ni Abraham, Sapagka't inisip ko. Tunay na walang takot sa Dios sa dakong ito: at papatayin nila ako dahil sa aking asawa.
12 At saka talagang siya'y kapatid ko, na anak ng aking ama, datapuwa't hindi anak ng aking ina; at siya'y naging asawa ko:
13 At nangyari, na nang ako'y palayasin ng Dios sa bahay ng aking ama, na sinabi ko sa kaniya, Ito ang magandang kalooban mo na maipakikita sa akin; sa lahat ng dakong ating datnin, ay sabihin mo tungkol sa akin, Siya'y aking kapatid.
14 At si Abimelech ay kumuha ng mga tupa at mga baka, at mga aliping lalake at babae, at ipinagbibigay kay Abraham, at isinauli sa kaniya si Sara na kaniyang asawa.
15 At sinabi ni Abimelech, Narito ang lupain ko ay nasa harapan mo: tumahan ka kung saan mo magalingin.
16 At kay Sara'y sinabi niya, Narito, nagbigay ako ng isang libong putol na pilak sa iyong kapatid: narito, ito sa iyo'y piring sa mga mata ng lahat ng kasama mo; at sa harap ng lahat ay nagbangong puri ka.
17 At nanalangin si Abraham sa Dios; at pinagaling ng Dios si Abimelech, at ang kaniyang asawa, at ang kaniyang mga aliping babae, na ano pa't nagkaanak sila.
18 Sapagka't sinarhang lubos ng Panginoon ang lahat ng bahay-bata sa bahay ni Abimelech, dahil kay Sara, na asawa ni Abraham.
21 At dumalaw ang Panginoon kay Sara, ayon sa sinabi niya, at ginawa ng Panginoon kay Sara ang ayon sa kaniyang sinalita.
2 At si Sara ay naglihi at nagkaanak ng isang lalake kay Abraham sa kaniyang katandaan, sa tadhanang panahong sinabi ng Dios sa kaniya.
3 At tinawag na Isaac ni Abraham ang ngalan ng kaniyang anak na ipinanganak sa kaniya, na siyang ipinanganak ni Sara.
4 At tinuli ni Abraham si Isaac ng magkaroon ng walong araw gaya ng iniutos ng Dios sa kaniya.
5 At si Abraham ay may isang daang taon, nang sa kaniya'y ipanganak si Isaac na kaniyang anak.
6 At sinabi ni Sara, Pinatawa ako ng Dios, sinomang makarinig ay makikitawa.
7 At sinabi niya, Sinong nakapagsabi kay Abraham na si Sara ay magpapasuso ng anak? sapagka't ako'y nagkaanak sa kaniya ng isang lalake sa kaniyang katandaan.
8 At lumaki ang sanggol, at inihiwalay sa suso; at nagpiging ng malaki si Abraham ng araw na ihiwalay sa suso si Isaac.
9 At nakita ni Sara ang anak ni Agar na taga Egipto, na ito'y nagkaanak kay Abraham, na tumutuya sa kaniya.
10 Kaya't sinabi niya kay Abraham, Palayasin mo ang aliping ito at ang kaniyang anak: sapagka't hindi magmamana ang anak ng aliping ito na kahati ng aking anak, sa makatuwid baga'y ni Isaac.
11 At ang bagay na ito ay naging lubhang mabigat sa paningin ni Abraham dahil sa kaniyang anak.
12 At sinabi ng Dios kay Abraham, Huwag mong mabigatin ito sa iyong paningin dahil sa iyong alipin; sa lahat na sabihin sa iyo ni Sara, ay makinig ka sa kaniyang tinig, sapagka't kay Isaac tatawagin ang iyong lahi.
13 At ang anak din naman ng alipin ay gagawin kong isang bansa, sapagka't siya'y anak mo.
14 At nagbangong maaga sa kinaumagahan si Abraham, at kumuha ng tinapay at ng isang bangang balat ng tubig, at ibinigay kay Agar, na ipinatong sa kaniyang balikat, at ang bata at siya ay pinapagpaalam, at siya'y nagpaalam at naggala sa ilang ng Beerseba.
15 At naubos ang tubig sa bangang balat, at kaniyang inilapag ang bata sa ilalim ng isa sa mabababang punong kahoy.
16 At yumaon at naupo sa tapat niya, na ang layo ay isang hilagpos ng pana; sapagka't sinabi niya, Huwag kong makita ang kamatayan ng bata. At naupo sa tapat, at naghihiyaw at umiyak.
17 At narinig ng Dios ang tinig ng bata; at tinawag ng anghel ng Dios si Agar, mula sa langit, at sa kaniya'y sinabi, Naano ka Agar? Huwag kang matakot; sapagka't narinig ng Dios ang tinig ng bata sa kinalalagyan.
18 Magtindig ka, iyong itayo ang bata, at alalayan mo siya ng iyong kamay; sapagka't siya'y gagawin kong isang bansang malaki.
19 At idinilat ng Dios ang kaniyang mga mata, at siya'y nakakita ng isang balon ng tubig: at naparoon at pinuno ng tubig ang bangang balat, at pinainom ang bata.
20 At ang Dios ay sumabata, at siya'y lumaki; at tumahan sa ilang at naging mamamana.
21 At nanahan siya sa ilang ng Paran: at ikinuha siya ng kaniyang ina ng asawa sa lupain ng Egipto.
22 At nangyari ng panahong yaon, na si Abimelech, at si Ficol na kapitan ng kaniyang hukbo ay nagsalita kay Abraham, na nagsasabi, Sumasaiyo ang Dios sa lahat mong ginagawa:
23 Ngayon nga'y ipanumpa mo sa akin dito alangalang sa Dios, na di ka maglililo sa akin, kahit sa aking anak, kahit sa anak ng aking anak; kundi ayon sa kagandahang loob na ipinakita ko sa iyo, ay gayon ang gagawin mo sa akin, at sa lupaing iyong pinakipamayanan.
24 At sinabi ni Abraham, Susumpa ako.
25 At pinagwikaan ni Abraham si Abimelech dahil sa isang balon ng tubig, na marahas na inalis sa kaniya ng mga bataan ni Abimelech.
26 At sinabi ni Abimelech, Aywan, kung sinong gumawa ng bagay na ito: na di mo man sinabi sa akin, at hindi ko man nabalitaan kundi ngayon.
27 At kumuha si Abraham ng mga tupa, at mga baka, at ibinigay kay Abimelech; at gumawa silang dalawa ng isang tipan.
28 At ibinukod ni Abraham ang pitong korderong babae sa kawan.
29 At sinabi ni Abimelech kay Abraham, Anong kahulugan nitong pitong korderong babae na iyong ibinukod?
30 At kaniyang sinabi, Itong pitong korderong babae ay iyong kukunin sa aking kamay, upang sa akin ay maging patotoo na hinukay ko ang balong ito.
31 Kaya't tinawag niya ang dakong yaong Beerseba; sapagka't doon sila kapuwa nanumpa.
32 Sa gayo'y gumawa sila ng isang tipan sa Beerseba: at nagtindig si Abimelech, at si Ficol na kapitan ng kaniyang hukbo at nagsipagbalik sa lupain ng mga Filisteo.
33 At nagtanim si Abraham ng isang punong kahoy na tamaring sa Beerseba, at sinambitla doon ang pangalan ng Panginoong Dios na walang hanggan.
34 At maraming araw na nakipamayan si Abraham sa lupain ng mga Filisteo.
22 At nangyari pagkatapos ng mga bagay na ito, na sinubok ng Dios si Abraham, at sa kaniya'y sinabi, Abraham; at sinabi niya, Narito ako.
2 At kaniyang sinabi, Kunin mo ngayon ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak na si Isaac, na iyong minamahal at pumaroon ka sa lupain ng Moria; at ihain mo siya roong handog na susunugin sa ibabaw ng isa sa mga bundok na aking sasabihin sa iyo.
3 At si Abraham ay bumangong maaga, at inihanda ang kaniyang asno, at ipinagsama ang dalawa sa kaniyang mga alila, at si Isaac na kaniyang anak: at nagsibak ng kahoy para sa haing susunugin, at bumangon at naparoon sa dakong sinabi sa kaniya ng Dios.
4 Nang ikatlong araw ay itiningin ni Abraham ang kaniyang mga mata at natanaw niya ang dakong yaon sa malayo.
5 At sinabi ni Abraham sa kaniyang mga alila, Maghintay kayo rito sangpu ng asno, at ako at ang bata ay paroroon doon; at kami ay sasamba, at pagbabalikan namin kayo.
6 At kinuha ni Abraham ang kahoy ng handog na susunugin, at ipinasan kay Isaac na kaniyang anak; at dinala sa kaniyang kamay ang apoy at ang sundang; at sila'y kapuwa yumaong magkasama.
7 At nagsalita si Isaac kay Abraham na kaniyang ama, na sinabi, Ama ko: at kaniyang sinabi, Narito ako, anak ko. At sinabi, Narito, ang apoy at ang kahoy, nguni't saan naroon ang korderong pinakahandog na susunugin?
8 At sinabi ni Abraham, Dios ang maghahanda ng korderong pinakahandog na susunugin, anak ko: ano pa't sila'y kapuwa yumaong magkasama.
9 At sila'y dumating sa dakong sa kaniya'y sinabi ng Dios; at nagtayo si Abraham doon ng isang dambana, at inayos ang kahoy, at tinalian si Isaac na kaniyang anak at inilagay sa ibabaw ng dambana, sa ibabaw ng kahoy.
10 At iniunat ni Abraham ang kaniyang kamay at hinawakan ang sundang upang patayin ang kaniyang anak.
11 At tinawag siya ng anghel ng Panginoon mula sa langit, at sinabi, Abraham, Abraham: at kaniyang sinabi, Narito ako.
12 At sa kaniya'y sinabi, Huwag mong buhatin ang iyong kamay sa bata, o gawan man siya ng anoman: sapagka't talastas ko ngayon, na ikaw ay natatakot sa Dios, sa paraang hindi mo itinanggi sa akin ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak.
13 At itiningin ni Abraham ang kaniyang mga mata, at nagmalas, at narito, ang isang tupang lalake, sa dakong likuran niya na huli sa dawag sa kaniyang mga sungay: at pumaroon si Abraham, at kinuha ang tupa, at siyang inihandog na handog na susunugin na inihalili sa kaniyang anak.
14 At pinanganlan ni Abraham ang dakong yaon, ng Jehova-jireh: gaya ng kasabihan hanggang sa araw na ito: Sa bundok ng Panginoon ay mahahanda.
15 At tinawag ng anghel ng Panginoon si Abraham na ikalawa mula sa langit.
16 At sinabi, Sa aking sarili ay sumumpa ako, anang Panginoon, sapagka't ginawa mo ito, at hindi mo itinanggi sa akin ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak;
17 Na sa pagpapala ay pagpapalain kita, at sa pagpaparami ay pararamihin ko ang iyong binhi, na gaya ng mga bituin sa langit, at gaya ng mga buhangin sa baybayin ng dagat; at kakamtin ng iyong binhi ang pintuang-bayan ng kaniyang mga kaaway;
18 At pagpapalain sa iyong binhi ang lahat ng bansa sa lupa; sapagka't sinunod mo ang aking tinig.
19 Sa gayo'y nagbalik si Abraham sa kaniyang mga alila, at nagsitindig at samasamang nagsiparoon sa Beerseba; at tumahan si Abraham sa Beerseba.
20 At nangyari, pagkatapos ng mga bagay na ito, na ibinalita kay Abraham na sinasabi, Narito, si Milca rin naman ay nagkaroon ng mga anak kay Nahor na iyong kapatid.
21 Si Huz ang kaniyang panganay, at si Buz na kaniyang kapatid, at si Kemuel na ama ni Aram;
22 Si Chesed din naman, at si Hazo, at si Pildas, at si Jidlaph, at si Bethuel.
23 At naging anak ni Bethuel si Rebeca: ang walong ito ay naging anak ni Milca kay Nachor na kapatid ni Abraham.
24 At ipinanganak din naman ng kaniyang babae na tinatawag na Reuma, si Teba, at si Gaham, at si Taas at si Maacha.
23 At ang buhay ni Sara ay tumagal ng isang daan at dalawang pu't pitong taon: ito ang naging mga taon ng buhay ni Sara.
2 At namatay si Sara sa Kiriatharba (na siyang Hebron), sa lupain ng Canaan: at naparoon si Abraham na ipinagluksa si Sara at iniyakan.
3 At tumindig si Abraham sa harap ng kaniyang patay, at nagsalita sa mga anak ni Heth, na sinasabi,
4 Ako'y tagaibang bayan at nakikipamayan sa inyo: bigyan ninyo ako ng isang pag-aaring libingan sa gitna ninyo, upang aking ilibing ang aking patay, na malingid sa aking paningin.
5 At ang mga anak ni Heth ay sumagot kay Abraham, na nagsasabi sa kaniya,
6 Dinggin mo kami, panginoon ko: ikaw ay prinsipe ng Dios sa gitna namin: sa pinakahirang sa aming mga libingan ay ilibing mo ang iyong patay; wala sa amin na magkakait sa iyo ng kaniyang libingan, upang paglibingan ng iyong patay.
7 At tumindig si Abraham, at yumukod sa bayan ng lupain, sa mga anak nga ni Heth.
8 At nakiusap sa kanila, na sinasabi, Kung kalooban ninyo na aking ilibing ang aking patay na malingid sa aking paningin, ay dinggin ninyo ako, at pamagitanan ninyo ako kay Ephron, na anak ni Zohar,
9 Upang ibigay niya sa akin ang yungib ng Macpela, na kaniyang inaari, na nasa hangganan ng kaniyang parang; sa tapat na halaga ay ibigay niya sa akin, upang maging pag-aaring libingan sa gitna ninyo.
10 Si Ephron nga ay nakaupo sa gitna ng mga anak ni Heth: at sumagot si Ephron na Hetheo kay Abraham, sa harap ng mga anak ni Heth, na naririnig ng lahat na pumapasok sa pintuan ng bayan, na sinasabi,
11 Hindi, panginoon ko, dinggin mo ako: ang parang ay ibinibigay ko sa iyo, at ang yungib na naroroon ay ibinibigay ko sa iyo; sa harap ng mga anak ng aking bayan, ay ibinigay ko sa iyo: ilibing mo ang iyong patay.
12 At si Abraham ay yumukod sa harapan ng bayan ng lupain.
13 At nagsalita kay Ephron sa harap ng bayan ng lupain, na sinasabi, Maanong ako lamang ay iyong pakinggan: ibibigay ko sa iyo ang halaga ng parang; tanggapin mo sa akin, at ililibing ko roon ang aking patay.
14 At sumagot si Ephron kay Abraham, na sinasabi sa kaniya,
15 Panginoon ko, dinggin mo ako: isang putol ng lupa na ang halaga'y apat na raang siklong pilak: gaano sa akin at sa iyo? ilibing mo nga ang iyong patay.
16 At dininig ni Abraham si Ephron; at tinimbang ni Abraham kay Ephron ang salaping sinabi, sa harap ng mga anak ni Heth, apat na raang siklong pilak, na karaniwang salapi ng mga mangangalakal.
17 Kaya't ang parang ni Ephron na nasa Macpela, na nasa tapat ng Mamre, ang parang at ang yungib na nandoon, at ang lahat ng mga punong kahoy na nasa parang na yaon, na ang nasa buong hangganan niyaon sa palibot, ay pinagtibay
18 Kay Abraham na pag-aari sa harap ng mga anak ni Heth, sa harapan ng lahat ng nagsisipasok sa pintuang daan ng kaniyang bayan.
19 At pagkatapos nito ay inilibing ni Abraham si Sara na kaniyang asawa sa yungib ng parang sa Macpela sa tapat ng Mamre (na siyang Hebron) sa lupain ng Canaan.
20 At ang parang at ang yungib na naroroon, ay pinagtibay kay Abraham ng mga anak ni Heth, na pag-aaring libingan niya.
24 At si Abraham ay matanda na, at lipas na sa panahon: at pinagpala ng Panginoon si Abraham sa lahat ng mga bagay.
2 At sinabi ni Abraham sa kaniyang alilang katiwala, sa pinakamatanda sa kaniyang bahay na namamahala ng lahat niyang tinatangkilik: Ipinamamanhik ko sa iyo na ilagay mo ang iyong kamay sa ilalim ng aking hita:
3 At ikaw ay aking pasusumpain, alangalang sa Panginoon sa Dios ng langit at Dios ng lupa, na hindi mo papag-aasawahin ang aking anak sa mga anak ng mga Cananeo na siyang aking pinakikitahanan:
4 Kundi ikaw ay paroroon sa aking lupain, at sa aking kamaganakan, at papag-aasawahin mo roon ang aking anak na si Isaac.
5 At sinabi sa kaniya ng lingkod, Sakaling hindi iibigin ng babae na sumama sa akin sa lupaing ito: dapat ko bang ibalik ang anak mo sa lupaing pinanggalingan mo?
6 At sinabi sa kaniya ni Abraham, Ingatan mong huwag ibalik doon ang aking anak.
7 Ang Panginoon, ang Dios ng langit, na kumuha sa akin sa bahay ng aking ama, at sa lupaing aking tinubuan, at sa akin ay nagsalita, at sa akin ay sumumpa, na nagsasabi, Sa iyong binhi, ibibigay ko ang lupaing ito: ay magsusugo siya ng kaniyang anghel sa unahan mo, at papag-aasawahin mo roon ang aking anak.
8 At kung ang babae ay ayaw sumama sa iyo, ay maliligtas ka rito sa aking sumpa; huwag mo lamang pabalikin ang aking anak doon.
9 At inilagay ng alilang katiwala ang kaniyang kamay sa ilalim ng hita ni Abraham na kaniyang panginoon, at sumumpa sa kaniya tungkol sa bagay na ito.
10 At kumuha ang alilang katiwala ng sangpung kamelyo sa mga kamelyo ng kaniyang panginoon, at yumaon; na dala ang pinakamabuti sa lahat ng pag-aari ng kaniyang panginoon: at tumindig at napasa Mesopotamia, sa bayan ni Nachor.
11 At kaniyang pinaluhod ang mga kamelyo sa labas ng bayan, sa tabi ng balon ng tubig, ng dakong palubog na ang araw, na kapanahunan nang paglabas ng mga babae upang umigib ng tubig.
12 At sinabi, Oh Panginoon, Dios ng aking panginoong si Abraham, ipinamamanhik ko sa iyong pagkalooban mo ako ng mabuting kapalaran ngayon, at ikaw ay magmagandang loob sa aking panginoong kay Abraham.
13 Narito, ako'y nakatayo sa tabi ng bukal ng tubig: at ang mga anak na babae ng mga tao sa bayan, ay nagsilabas upang umigib ng tubig:
14 At mangyari nga na ang dalagang aking pagsabihan, Ibaba mo, isinasamo ko sa iyo, ang iyong banga upang ako'y uminom; at siya'y magsabi, Uminom ka, at paiinumin ko pati ng iyong mga kamelyo: maging siyang iyong itinalaga sa iyong lingkod na kay Isaac: at sa ganito ay malalaman kong nagmagandang loob ka sa aking panginoon.