Genesis 7-14
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Baha
7 Sinabi ng Panginoon kay Noe, “Pumasok ka sa barko kasama ng buong pamilya mo. Sapagkat sa lahat ng tao sa panahong ito, ikaw lang ang nakita kong matuwid. 2 Magdala ka ng pitong pares sa bawat uri ng malinis[a] na hayop, pero isang pares lang sa bawat uri ng maruming hayop. 3 At magdala ka rin ng pitong pares sa bawat uri ng ibon. Gawin mo ito para mabuhay sila sa mundo. 4 Sapagkat pagkatapos ng pitong araw mula ngayon, magpapaulan ako sa buong mundo sa loob ng 40 araw at 40 gabi, para mamatay ang lahat ng nilikha ko.”
5 Sinunod ni Noe ang lahat ng iniutos ng Panginoon sa kanya.
6 Nasa 600 taong gulang na si Noe nang dumating ang baha sa mundo. 7 Pumasok siya sa barko kasama ang asawa niya, mga anak na lalaki, at mga manugang para hindi sila mamatay sa baha. 8-9 Ayon sa iniutos ng Dios kay Noe, pinapasok niya sa barko ang bawat pares ng lahat ng uri ng hayop na malinis at marumi na lumapit sa kanya. 10 At pagkalipas ng pitong araw, bumaha sa mundo.
11 Nang ika-17 araw ng ikalawang buwan, umulan ng napakalakas at umapaw ang lahat ng bukal. Si Noe ay 600 taong gulang na noon. 12 Umulan sa mundo sa loob ng 40 araw at 40 gabi.
13 Noong mismong araw na nagsimulang umulan, pumasok sa barko si Noe, ang asawa niya at ang tatlo nilang anak na sina Shem, Ham at Jafet kasama ang mga asawa nila. 14 Kasama rin nila ang lahat ng uri ng hayop: mga lumalakad, gumagapang at lumilipad. 15-16 Ayon sa iniutos ng Dios kay Noe, pinapasok niya sa barko ang bawat pares ng lahat ng uri ng hayop na lumalapit sa kanya. Pagkatapos, isinara ng Panginoon ang barko.
17-18 Walang tigil ang ulan sa mundo sa loob ng 40 araw. Tumaas ang tubig hanggang sa lumutang ang barko. 19 Tumaas pa nang lubusan ang tubig hanggang matakpan ang lahat ng matataas na bundok. 20 At hanggang umabot sa mga pitong metro ang taas ng tubig mula sa tuktok ng pinakamataas na bundok. 21 Kaya namatay ang lahat ng may buhay – ang mga hayop na lumilipad, lumalakad, gumagapang at ang lahat ng tao. 22 Namatay ang lahat ng nabubuhay sa lupa. 23 Nalipol ang lahat ng tao at ang lahat ng hayop sa mundo. Si Noe lang at ang mga kasama niya sa loob ng barko ang hindi namatay.
24 Bumaha sa mundo sa loob ng 150 araw.
Ang Pagbaba ng Baha
8 Hindi kinalimutan ng Dios si Noe at ang mga kasama niyang hayop sa loob ng barko. Kaya pinaihip niya ang hangin sa mundo at dahan-dahang bumaba ang tubig. 2 Tinakpan niya ang mga bukal at pinahinto ang ulan. 3 Patuloy ang pagbaba ng tubig sa loob ng 150 araw. 4 At nang ika-17 araw ng ikapitong buwan, sumadsad ang barko sa Bundok ng Ararat. 5 Patuloy ang pagbaba ng tubig. At nang unang araw ng ikasampung buwan, nakikita na ang tuktok ng mga bundok.
6 Pagkalipas ng 40 araw mula ng panahon na nakita na ang tuktok ng mga bundok, binuksan ni Noe ang bintana ng barko 7 at pinakawalan ang isang uwak. At ang uwak na itoʼy parooʼt paritong lumilipad hanggang sa patuloy na pagbaba ng tubig. 8 Pinakawalan din ni Noe ang isang kalapati para malaman niya kung bumaba na ang tubig, 9 pero walang madapuan ang kalapati dahil natatakpan pa rin ng tubig ang buong mundo. Kaya bumalik na lamang ang kalapati kay Noe sa barko. Pinadapo ni Noe ang kalapati sa kamay niya at pinapasok sa barko. 10 Pinalipas muna ni Noe ang pitong araw at muli niyang pinakawalan ang kalapati. 11 Gabi na nang bumalik ang kalapati na may dalang sariwang dahon ng olibo sa kanyang tuka. Kaya nalaman ni Noe na bumaba na ang tubig. 12 Pinalipas muli ni Noe ang pitong araw pa at muli niyang pinakawalan ang kalapati, pero hindi na ito bumalik.
13 Noong unang araw ng unang buwan tuluyan nang bumaba ang tubig. Si Noe ay 601 taong gulang na noon. Binuksan niya ang takip ng barko at nakita niya na tuyo na ang lupa. 14 Nang ika-27 araw ng ikalawang buwan, tuyong-tuyo na talaga ang lupa sa buong mundo.
15 Sinabi agad ng Dios kay Noe, 16 “Lumabas na kayong lahat sa barko. 17 Palabasin nʼyo rin ang lahat ng hayop para dumami sila at mangalat sa buong mundo.” 18 Kaya lumabas si Noe kasama ang kanyang asawa, mga anak na lalaki at mga manugang niya. 19 Lumabas din ang lahat ng hayop: mga lumalakad, lumilipad at gumagapang. Magkakasama sila ayon sa kani-kanilang uri.
Naghandog si Noe
20 Gumawa si Noe ng altar para sa Panginoon. Pagkatapos, kumuha siya ng isa sa bawat uri ng hayop na malinis[b] pati rin sa bawat uri ng mga ibon na malinis, at sinunog niya ito sa altar bilang handog sa Panginoon. 21 Nang naamoy ng Panginoon ang mabangong samyo nito, sinabi niya sa kanyang sarili, “Hindi ko na muling susumpain ang lupa dahil sa ginawa ng tao, kahit alam kong makasalanan ang tao mula nang bata pa siya. Hindi ko na talaga muling lilipulin ang lahat ng nabubuhay katulad ng aking ginawa noon. 22 Habang nagpapatuloy ang mundo, may panahon ng pagtatanim at pag-ani. May taglamig at may tag-init, may tag-ulan at may tag-araw, at may araw at may gabi.”
Ang Kasunduan ng Dios kay Noe
9 Binasbasan ng Dios si Noe at ang mga anak niya at sinabi, “Magkaroon kayo ng mga anak para dumami at mangalat kayo sa buong mundo. 2 Matatakot sa inyo ang lahat ng hayop: ang mga lumalakad, lumilipad, gumagapang, at ang mga nakatira sa tubig. Kayo ang maghahari sa kanilang lahat. 3 Makakakain na kayo ngayon ng mga hayop. Ibinibigay ko ito sa inyo bilang pagkain, kagaya ng mga ibinigay ko sa inyo na mga pananim na makakain.
4 “Pero huwag ninyong kakainin ang hayop na nang mamatay ay hindi lumabas ang dugo, dahil ang dugo ay simbolo ng buhay. 5 Sisingilin ko ang sinumang papatay sa inyo, kahit ang mga hayop. Sisingilin ko ang sinumang papatay sa kanyang kapwa.
6 “Ang sinumang pumatay sa kanyang kapwa ay papatayin din ng kanyang kapwa. Sapagkat ang tao ay ginawa ng Dios na kawangis niya. 7 Ngayon, magkaroon kayo ng mga anak para dumami at mangalat sa buong mundo.”
8 Sinabi pa ng Dios kay Noe at sa mga anak niya, 9-11 “Ito ang kasunduan ko sa inyo at sa mga lahi ninyo, at sa lahat ng nabubuhay sa mundo pati sa lahat ng hayop na naging kasama ninyo sa barko: Hindi ko na muling lilipulin ang lahat ng nabubuhay sa pamamagitan ng baha. At wala nang baha na mangyayari pa para malipol ang mundo.”
12-13 At sinabi pa ng Dios, “Bilang palatandaan ng kasunduan ko sa inyo at sa mga hayop, at sa lahat ng susunod nʼyo pang mga henerasyon, maglalagay ako ng bahaghari sa ulap. 14 Sa tuwing gagawin kong maulap ang langit at lilitaw ang bahaghari, 15 aalalahanin ko agad ang kasunduan ko sa inyo at sa lahat ng uri ng hayop, na hindi ko na lilipuling muli sa pamamagitan ng baha ang lahat ng may buhay. 16 Tuwing lilitaw ang bahaghari sa mga ulap, aalalahanin ko agad ang walang hanggang kasunduan ko sa lahat ng may buhay sa mundo.”
17 Kaya sinabi ng Dios kay Noe, “Ang bahaghari ang siyang palatandaan ng kasunduan ko sa lahat ng nabubuhay sa mundo.”
Ang mga Anak ni Noe
18 Ito ang mga anak ni Noe na kasama niya sa barko: sina Shem, Ham at Jafet. (Si Ham ang ama ni Canaan.) 19 Silang tatlo ang pinagmulan ng lahat ng tao sa mundo.
20 Si Noe ay isang magsasaka at siya ang unang nagtanim ng ubas. 21 Isang araw, uminom siya ng alak na mula sa ubas, at nalasing. Nakatulog siyang hubad sa loob ng kanyang tolda. 22 Ngayon, si Ham na ama ni Canaan ay pumasok sa tolda, at nakita niyang hubad ang kanyang ama. Kaya lumabas siya at sinabi ito sa dalawang kapatid niya. 23 Kumuha sina Shem at Jafet ng damit at inilagay sa balikat nila, pagkatapos, lumakad sila nang paurong papasok sa tolda para takpan ang kanilang ama. Hindi sila lumingon dahil ayaw nilang makita ang kahubaran ng kanilang ama. 24 Nang mahimasmasan na si Noe sa pagkalasing niya, at nalaman kung ano ang ginawa ng bunsong anak niya, 25 sinabi niya;
“Sumpain ka Canaan! Maghihirap ka at magiging alipin ng iyong mga kapatid.”
26 At sinabi rin niya,
“Purihin ang Panginoon, ang Dios ni Shem.
Nawaʼy maging alipin ni Shem si Canaan.
27 Nawaʼy palawakin ng Dios ang lupain ni Jafet,
at maging mabuti ang pagsasama ng mga lahi niya at ng mga lahi ni Shem.
At nawaʼy maging alipin din ni Jafet si Canaan.”
28 Nabuhay pa si Noe ng 350 taon pagkatapos ng baha. 29 Namatay siya sa edad na 950.
Ang mga Lahi ng mga Anak ni Noe(A)
10 Ito ang salaysay tungkol sa mga pamilya ng mga anak ni Noe na sina Shem, Ham at Jafet. Nagkaroon sila ng mga anak pagkatapos ng baha.
2 Ang mga anak ni Jafet na lalaki ay sina Gomer, Magog, Madai, Javan, Tubal, Meshec at Tiras.
3 Si Gomer ay may mga anak din na lalaki na sina Ashkenaz, Rifat at Togarma.
4 Ang mga anak naman ni Javan ay sina Elisha, Tarshish, Kitim at Dodanim.[c] 5 Ito ang mga lahi ni Jafet. Sila ang pinagmulan ng mga tao na nakatira sa mga dalampasigan at mga isla. Ang bawat pamilya nila ay nakatira sa sarili nilang lugar na sakop ng bansa nila, at may sarili silang wika.
6 Ang mga anak ni Ham na lalaki ay sina Cush, Mizraim[d], Put at Canaan.
7 Si Cush ay may mga anak din na lalaki na sina Sheba, Havila, Sabta, Raama at Sabteca. Ang mga anak ni Raama ay sina Sheba at Dedan.
8 May isa pang anak si Cush na ang pangalan ay Nimrod. Si Nimrod ay naging magiting na sundalo sa mundo. 9 Alam ng Panginoon[e] na mahusay siyang mangangaso; dito nanggaling ang kasabihang, “Katulad ka ni Nimrod na alam ng Panginoon na mahusay na mangangaso.” 10 Ang unang kaharian na pinamahalaan ni Nimrod ay ang Babilonia, Erec, Akad. Ang lahat ng ito[f] ay sakop ng Shinar. 11 Mula sa mga lugar na iyon, pumunta siya sa Asiria at itinayo ang Nineve, Rehobot Ir, Cala, 12 at Resen na nasa gitna ng Nineve at ng Cala na isang tanyag na lungsod.
13 Si Mizraim[g] ang pinagmulan ng mga Ludeo, Anameo, Lehabeo, Naftu, 14 Patruseo, Caslu at ng Caftoreo na siyang pinagmulan ng mga Filisteo.
15 Si Canaan ang ama nina Sidon at Het. Si Sidon ang kanyang panganay. 16 Si Canaan ang siya ring pinagmulan ng mga Jebuseo, Amoreo, Gergaseo, 17 Hiveo, Arkeo, Sineo, 18 Arvadeo, Zemareo, at Hamateo.
Sa bandang huli, nangalat ang mga lahi ni Canaan. 19 Ang hangganan ng lupain nila ay mula sa Sidon papuntang Gerar hanggang sa Gaza, at umabot sa Sodom, Gomora, Adma, Zeboyim at hanggang sa Lasha.
20 Ito ang mga lahi ni Ham. Ang bawat pamilya nila ay nakatira sa kanilang sariling lupain na sakop ng kanilang bansa, at may sarili silang wika.
21 Si Shem na nakatatandang kapatid ni Jafet ang pinagmulan ng lahat ng Eber.
22 Ang mga anak na lalaki ni Shem:
sina Elam, Ashur, Arfaxad, Lud at Aram.
23 Ang mga anak ni Aram:
sina Uz, Hul, Geter at Meshec.
24 Si Arfaxad ang ama ni Shela, at si Shela ang ama ni Eber.
25 May dalawang anak na lalaki si Eber: ang isa ay pinangalanang Peleg, dahil noong panahon niya, ang mga tao sa mundo ay nagkahati-hati; ang pangalan naman ng kanyang kapatid ay Joktan.
26 Si Joktan ang ama nina Almodad, Shelef, Hazarmavet, Jera, 27 Hadoram, Uzal, Dikla, 28 Obal, Abimael, Sheba, 29 Ofir, Havila at Jobab. Silang lahat ang anak ni Joktan.
30 Ang lupaing tinitirhan nila ay mula sa Mesha at papunta sa Sefar, sa kabundukan sa silangan.
31 Ito ang mga lahi ni Shem. Ang bawat pamilya nila ay nakatira sa sarili nilang lupain na sakop ng kanilang bansa, at may sarili silang wika.
32 Ito ang lahat ng lahi ng mga anak ni Noe, na nasa ibaʼt ibang bansa. Sa kanila nagmula ang mga bansa sa buong mundo pagkatapos ng baha.
Ang Tore ng Babel
11 Noon, isang wika lang ang ginagamit ng lahat ng tao sa buong mundo. 2 Habang lumilipat ng tirahan ang mga tao patungo sa silangan, nakarating sila sa isang patag na lugar sa Shinar, at doon sila nanirahan.
3-4 Ngayon, sinabi ng mga tao, “Magtayo tayo ng isang lungsod na may tore na aabot sa langit, para maging tanyag tayo at hindi mangalat sa buong mundo.” Kaya gumawa sila ng mga tisa,[h] at pinainitan nila ito nang mabuti para tumigas nang husto. Tisa ang ginamit nila sa halip na bato. At aspalto ang ginamit nila bilang semento.
5 Ngayon, bumaba ang Panginoon para tingnan ang pagtatayo ng mga tao ng lungsod at tore. 6 Sinabi ng Panginoon, “Ang mga taong ito ay nagkakaisa at may isang wika lang. At ang ginagawa nilang ito ay simula pa lamang ng mga binabalak pa nilang gawin. Hindi magtatagal, gagawin nila ang kahit anong gusto nilang gawin. 7 Kaya bumaba tayo. Pag-iba-ibahin natin ang wika nila para hindi sila magkaintindihan.”
8 Kaya pinangalat sila ng Panginoon sa buong mundo dahil hindi na sila magkaintindihan, at nahinto ang pagtatayo nila ng lungsod. 9 Ang lungsod na ito ay tinawag na Babel[i] dahil doon pinag-iba-iba ng Panginoon ang wika ng mga tao, at mula roon ay pinangalat niya sila sa buong mundo.
Ang mga Lahi ni Shem(B)
10 Ito ang salaysay tungkol sa pamilya ni Shem:
Dalawang taon pagkatapos ng baha, nasa 100 taong gulang na noon si Shem, nang isilang ang anak niyang lalaki na si Arfaxad. 11 Matapos isilang si Arfaxad, nabuhay pa si Shem ng 500 taon at nadagdagan pa ang mga anak niya.
12 Nang 35 taong gulang na si Arfaxad, isinilang ang anak niyang lalaki na si Shela. 13 Matapos isilang si Shela, nabuhay pa si Arfaxad ng 403 taon at nadagdagan pa ang mga anak niya.
14 Nang 30 taong gulang na si Shela, isinilang ang anak niyang lalaki na si Eber. 15 Matapos isilang si Eber, nabuhay pa si Shela ng 403 taon at nadagdagan pa ang mga anak niya.
16 Nang 34 taong gulang na si Eber, isinilang ang anak niyang lalaki na si Peleg. 17 Matapos isilang si Peleg, nabuhay pa si Eber ng 430 taon at nadagdagan pa ang mga anak niya.
18 Nang 30 taong gulang na si Peleg, isinilang ang anak niyang lalaki na si Reu. 19 Matapos isilang si Reu, nabuhay pa si Peleg ng 209 na taon at nadagdagan pa ang mga anak niya.
20 Nang 32 taong gulang na si Reu, isinilang ang anak niyang lalaki na si Serug. 21 Matapos isilang si Serug, nabuhay pa si Reu ng 207 taon at nadagdagan pa ang mga anak niya.
22 Nang 30 taong gulang na si Serug, isinilang ang anak niyang lalaki na si Nahor. 23 Matapos isilang si Nahor, nabuhay pa si Serug ng 200 taon at nadagdagan pa ang mga anak niya.
24 Nang 29 taong gulang na si Nahor, isinilang ang anak niyang lalaki na si Tera. 25 Matapos isilang si Tera, nabuhay pa si Nahor ng 119 na taon at nadagdagan pa ang mga anak niya.
26 Nang 70 taong gulang na si Tera, isinilang ang mga anak niyang lalaki na sina Abram, Nahor at Haran.
Ang mga Lahi ni Tera
27 Ito ang salaysay tungkol sa pamilya ni Tera:
Si Tera ang ama nina Abram, Nahor at Haran. Si Haran ang ama ni Lot. 28 Namatay si Haran doon sa Ur na sakop ng mga Caldeo,[j] sa lugar mismo kung saan isinilang siya. Namatay siya habang buhay pa ang ama niyang si Tera. 29 Naging asawa ni Abram si Sarai, at si Nahor ay naging asawa ni Milca. Ang ama ni Milca at ng kapatid niyang si Isca ay si Haran. 30 Si Sarai ay hindi magkaanak dahil siyaʼy baog.
31 Umalis si Tera sa Ur na sakop ng mga Caldeo. Kasama niya ang anak niyang si Abram, ang kanyang manugang na si Sarai, at ang apo niyang si Lot na anak ni Haran. Papunta sana sila sa Canaan, pero pagdating nila sa Haran doon na lamang sila tumira. 32 Doon namatay si Tera sa edad na 205.[k]
Ang Pagtawag ng Dios kay Abram
12 Ngayon, sinabi ng Panginoon kay Abram, “Lisanin mo ang iyong bansa, ang mga kamag-anak mo, at kahit ang sambahayan ng iyong ama, at pumunta ka sa lugar na ipapakita ko sa iyo.
2 Gagawin kong isang tanyag na bansa ang lahi mo.
Pagpapalain kita at magiging tanyag ang iyong pangalan.
Sa pamamagitan mo, marami ang pagpapalain.
3 Pagpapalain ko ang magmamagandang loob sa iyo.
Pero isusumpa ko naman ang susumpa sa iyo.
Sa pamamagitan mo, pagpapalain ko ang lahat ng tao sa mundo.”
4-5 Kaya umalis si Abram sa Haran at pumunta sa Canaan, ayon sa sinabi ng Panginoon sa kanya. Nasa 75 taong gulang noon si Abram. Sumama sa kanya ang pamangkin niyang si Lot. Kasama rin niya ang asawa niyang si Sarai at ang lahat ng ari-arian at aliping natipon nila sa Haran.
6 Pagdating nila sa Canaan, nagpatuloy sila hanggang sa nakarating sa malaking puno[l] ng Moreh roon sa Shekem. (Nang panahong iyon, naroon pa ang mga Cananeo). 7 Pagkatapos, nagpakita ang Panginoon kay Abram at sinabi sa kanya, “Ang lupaing ito ay ibibigay ko sa mga lahi mo.” Kaya gumawa ng altar si Abram para sa Panginoon.
8 Mula roon, lumipat sila sa bundok na nasa silangan ng Betel, at doon sila nagtayo ng tolda, sa kalagitnaan ng Betel at Ai. Ang Betel ay nasa kanluran at ang Ai naman ay nasa silangan. Gumawa rin doon si Abram ng altar at sumamba sa Panginoon. 9 Hindi nagtagal, muli silang lumipat. Nagpatuloy sila sa paglalakbay papunta sa Negev.
Pumunta si Abram sa Egipto
10 Ngayon, nagkaroon ng matinding taggutom sa Canaan, kaya pumunta si Abram sa Egipto para roon muna manirahan. 11 Nang paparating na sila sa Egipto, sinabi ni Abram sa kanyang asawa, “Sarai, maganda kang babae. 12 Kapag nakita ka ng mga Egipcio, sasabihin nila na asawa kita, kaya papatayin nila ako para makuha ka nila. 13 Mabuti sigurong sabihin mo sa kanila na magkapatid tayo para hindi nila ako patayin at para maging mabuti ang pakikitungo nila sa akin dahil sa iyo.”
14 Kaya pagdating nila sa Egipto, nakita nga ng mga Egipcio ang kagandahan ni Sarai. 15 At nang makita siya ng mga opisyal ng Faraon,[m] sinabi nila sa hari kung gaano siya kaganda. Kaya dinala si Sarai roon sa palasyo. 16 Dahil kay Sarai, naging mabuti ang pakikitungo ng hari kay Abram at binigyan pa siya ng mga tupa, kambing, baka, asno, kamelyo at mga alipin.
17 Pero binigyan ng Panginoon ng nakakakilabot na karamdaman ang Faraon at ang mga tauhan niya sa palasyo dahil kay Sarai. 18 Nang malaman ng Faraon ang dahilan ng lahat ng ito, ipinatawag niya si Abram at tinanong, “Ano ba itong ginawa mo sa akin? Bakit hindi mo sinabi na asawa mo pala siya? 19 Bakit mo sinabing magkapatid kayo? Kaya kinuha ko siya para maging asawa ko. Ngayon, heto ang asawa mo, kunin mo siya at umalis na kayo!” 20 Pagkatapos, nag-utos ang Faraon sa mga tauhan niya na paalisin na sila. Kaya dinala nila si Abram palabas ng lupain na iyon at pinaalis kasama ang asawa niya at ang lahat ng ari-arian niya.
Naghiwalay si Abram at si Lot
13 Mula sa Egipto, pumunta si Abram sa Negev kasama ang asawa niya at dala ang lahat ng ari-arian niya, at sumama rin sa kanila si Lot. 2 Napakayaman na ni Abram, marami na siyang hayop, pilak at ginto. 3 Mula sa Negev, nagpalipat-lipat sila hanggang makabalik sila sa lugar na dati nilang pinagtayuan ng tolda. Ang lugar na ito ay nasa gitna ng Betel at Ai. 4 Dito rin sila unang nagtayo ng altar nang dumating sila sa Canaan. At muling sumamba si Abram sa Panginoon.
5 Si Lot na laging kasama ni Abram saan man siya pumunta ay may sarili ring mga hayop at mga tolda. 6 At dahil marami na ang mga hayop nila at iba pang mga ari-arian, hindi sila maaaring manirahan sa iisang lugar. Ang pastulan ay hindi magkakasya sa kanila. 7 Dahil dito, nag-away-away ang mga tagapagbantay ng mga hayop nila. (Nang panahong iyon, ang mga Cananeo at mga Perezeo ay nakatira sa lupaing iyon.)
8 Kaya sinabi ni Abram kay Lot, “Tayo at ang mga tauhan natin ay hindi dapat mag-away, dahil magkakamag-anak tayo. 9 Ang mabuti pa, maghiwalay na lang tayo dahil marami pang lugar na maaaring lipatan. Ikaw ang mamili kung aling bahagi ng lupain ang pipiliin mo. Kung kakaliwa ka, kakanan ako; kung kakanan ka, kakaliwa naman ako.”
10 Tumanaw si Lot sa paligid at nakita niya na ang kapatagan ng Jordan hanggang sa Zoar ay sagana sa tubig, katulad ng lugar ng Eden at ng lupain ng Egipto. (Nangyari ito noong hindi pa nililipol ng Panginoon ang Sodom at Gomora.) 11 Kaya pinili ni Lot ang buong kapatagan ng Jordan sa silangan. Sa ganoong paraan, naghiwalay sila ni Abram. 12 Si Abram ay nagpaiwan sa Canaan habang si Lot naman ay naroon sa mga lungsod ng kapatagan. Nagtayo si Lot ng mga tolda malapit sa Sodom. 13 Ang mga tao sa Sodom ay talamak na makasalanan. Labis ang pagkakasala nila laban sa Panginoon.
Lumipat si Abram sa Hebron
14 Nang nakaalis na si Lot, sinabi ng Panginoon kay Abram, “Mula sa kinatatayuan mo, tingnan mong mabuti ang paligid. 15 Ang lahat ng lupain na maaabot ng paningin mo ay ibibigay ko sa iyo at sa mga lahi mo, at magiging inyo ito magpakailanman. 16 Pararamihin ko ang lahi mo na kasindami ng buhangin sa mundo. Ang buhangin ay hindi kayang bilangin, kaya ang mga lahi mo ay hindi rin mabibilang. 17 Lumakad ka at ikutin ang buong lupain dahil ibibigay ko itong lahat sa iyo.”
18 Kaya inilipat ni Abram ang tolda niya, at doon siya nanirahan malapit sa malalaking puno[n] ni Mamre roon sa Hebron, at gumawa siya roon ng altar para sa Panginoon.
Iniligtas ni Abram si Lot
14 Nang panahong iyon, sina Haring Amrafel ng Shinar, Haring Arioc ng Elasar, Haring Kedorlaomer ng Elam, at Haring Tidal ng Goyim 2 ay nakipaglaban kina Haring Bera ng Sodom, Haring Birsha ng Gomora, Haring Shinab ng Adma, Haring Shemeber ng Zeboyim, at sa hari ng Bela na tinatawag din na Zoar. 3 Nagtipon ang limang haring ito kasama ang kanilang mga sundalo roon sa Lambak ng Sidim na tinatawag ngayon na Dagat na Patay. 4 Ang mga haring ito ay sinakop ni Kedorlaomer sa loob ng 12 taon, pero nang ika-13 taon, nagrebelde sila laban sa kanya.
5 At nang ika-14 na taon, tinalo ni Kedorlaomer at ng mga kakampi niyang hari ang mga Refaimeo sa Ashterot Karnaim, ang mga Zuzita sa Ham, ang mga Emita sa kapatagan ng Kiriataim, 6 at ang mga Horita sa bundok ng Seir hanggang sa El Paran na malapit sa disyerto. 7 Mula roon, bumalik sila at nakarating sa En Mishpat na tinatawag ngayong Kadesh. At sinakop nila ang lahat ng lupain ng mga Amalekita at mga Amoreo na nakatira sa Hazazon Tamar.
8 Ngayon, tinipon ng mga hari ng Sodom, Gomora, Adma, Zeboyim at Bela ang mga sundalo nila sa Lambak ng Sidim 9 at nakipaglaban sila kina Haring Kedorlaomer ng Elam, Haring Tidal ng Goyim, Haring Amrafel ng Shinar, at Haring Arioc ng Elasar – limang hari laban sa apat na hari. 10 Ngayon, ang Lambak ng Sidim ay may maraming malalim na hukay na pinagkukunan ng aspalto. At nang tumakas ang hari ng Sodom at ng Gomora kasama ang mga tauhan nila, nahulog sila sa mga balon, pero ang iba nilang kasama ay tumakas sa mga bundok. 11-12 Ang lahat ng ari-arian ng Sodom at Gomora pati ang mga pagkain nila ay kinuha ng mga kalaban nila. Nabihag din nila si Lot na pamangkin ni Abram at kinuha ang mga ari-arian nito, dahil doon siya nakatira sa Sodom. Pagkatapos itong makuha ng mga kalaban, umalis agad sila.
13 Ngayon, may isang nakatakas at nagbalita kay Abram na Hebreo tungkol sa nangyari. Si Abram ay nakatira malapit sa malalaking puno ni Mamre na Amoreo. Si Mamre at ang mga kapatid niyang sina Eshcol at Aner ang mga kakampi ni Abram. 14 Nang marinig ni Abram na binihag ang kamag-anak nila, tinipon niya agad ang 318 niyang tauhan na talagang maaasahan, at hinabol nila ang apat na hari hanggang sa Dan. 15 Kinagabihan, hinati ni Abram ang mga tauhan niya at nilusob nila ang mga kalaban, at natalo nila ito. Ang ibang nakatakas ay hinabol nila hanggang sa Hoba, sa hilaga ng Damascus. 16 Binawi nila ang lahat ng ari-arian na inagaw ng mga kalaban. Binawi rin nila si Lot at ang mga ari-arian nito pati ang mga babae at ang iba pang mga tao.
Binasbasan ni Melkizedek si Abram
17 Nang umuwi na si Abram, matapos nilang talunin si Kedorlaomer at ang mga kasama niyang hari, sinalubong siya ng hari ng Sodom sa Lambak ng Save (na tinatawag din na Lambak ng Hari).
18 Sinalubong din siya ni Haring Melkizedek ng Salem at pari ng Kataas-taasang Dios. May dala si Melkizedek na pagkain at inumin. 19 Binasbasan niya si Abram at sinabing:
“Nawaʼy pagpalain ka Abram ng Kataas-taasang Dios
na lumikha ng langit at mundo.
20 Purihin ang Kataas-taasang Dios
na nagbigay ng tagumpay sa iyo laban sa mga kaaway mo!”
Pagkatapos, ibinigay ni Abram kay Melkizedek ang ikasampung bahagi ng lahat ng bagay na nakuha niya sa labanan.
21 Ngayon, sinabi ng hari ng Sodom kay Abram, “Sa iyo na lang ang lahat ng ari-arian ko na nabawi mo, pero isauli mo lang sa akin ang lahat ng tauhan ko.”
22 Pero sinabi ni Abram sa hari ng Sodom, “Isinusumpa ko sa harapan ng Panginoon, ang Kataas-taasang Dios na siyang lumikha ng langit at mundo, 23 na hindi ako kukuha ng kahit anumang ari-arian na galing sa iyo, kahit sinulid o kayaʼy tali ng sandalyas, para hindi mo masabing ikaw ang nagpayaman sa akin. 24 Hindi ako tatanggap ng kahit anuman para sa sarili ko. Ang ituturing ko lang na natanggap ko ay ang mga kinain ng aking mga tauhan, at pabayaan mo lang sina Aner, Eshcol at Mamre na sumama sa akin sa pagkuha ng bahagi nila sa mga bagay na nakuha mula sa labanan.”
Footnotes
- 7:2 malinis: Ang ibig sabihin, maaaring ihandog o kainin.
- 8:20 malinis: Ang ibig sabihin, maaaring ihandog o, kainin.
- 10:4 Dodanim: o, Rodanim.
- 10:6 Mizraim: o, Egipto.
- 10:9 Alam ng Panginoon: sa literal, sa harapan ng Panginoon. Maaaring ang ibig sabihin, tanyag siyang lubos.
- 10:10 Ang lahat ng ito: o, lugar na Calne.
- 10:13 Mizraim: na siyang Egipto.
- 11:3-4 tisa: sa Ingles, “brick.”
- 11:9 Babel: o, Babilonia. Maaaring ang ibig sabihin, “ibaʼt iba.”
- 11:28 Caldeo: Mga taong nakatira noon sa timog ng Babilonia. Nang bandang huli, naging Caldeo ang tawag sa mga taga-Babilonia.
- 11:32 205: sa tekstong Samaritan, 145.
- 12:6 malaking puno: Maaaring, puno ng terebinto. Pinaniniwalaang banal na puno ito.
- 12:15 Faraon: o, hari ng Egipto. Ganito rin sa talatang 17, 18, at 20.
- 13:18 malalaking puno: Tingnan ang “footnote” sa 12:6.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®