Genesis 3-5
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Nagkasala ang Tao
3 Ang(A) ahas ang pinakatuso sa lahat ng hayop na nilikha ng Panginoong Yahweh. Isang araw tinanong nito ang babae, “Totoo bang sinabi ng Diyos na huwag kayong kakain ng anumang bungangkahoy sa halamanan?”
2 Sumagot ang babae, “Maaari naming kainin ang anumang bunga sa halamanan, 3 huwag lamang ang bunga ng puno na nasa gitna niyon. Sinabi ng Diyos na huwag naming kakainin ni hihipuin man ang bunga nito; kung kami raw ay kakain nito, mamamatay kami.”
4 Ngunit sinabi ng ahas, “Hindi totoo iyan, hindi kayo mamamatay! 5 Sinabi lang iyan ng Diyos, sapagkat alam niyang kung kakain kayo ng bunga niyon ay makakaunawa kayo. Kayo'y magiging parang Diyos at malalaman ninyo ang mabuti at masama.”
6 Ang punongkahoy ay napakaganda sa paningin ng babae at sa palagay niya'y masarap ang bunga nito. Naisip din niya na kahanga-hanga ang maging marunong, kaya't pumitas siya ng bunga at kumain nito. Binigyan niya ang kanyang asawa, at kumain din ito. 7 Nagkaroon nga sila ng pagkaunawa matapos kumain. Noon nila nalamang sila'y hubad, kaya kumuha sila ng mga dahon ng igos, pinagtahi-tahi nila ang mga ito at ginawang panakip sa katawan.
8 Nang dapit-hapon na, narinig nilang naglalakad sa halamanan ang Panginoong Yahweh, kaya't nagtago sila sa mga puno. 9 Ngunit tinawag niya ang lalaki at tinanong, “Saan ka naroon?”
10 “Natakot po ako nang marinig kong kayo'y nasa halamanan; nagtago po ako sapagkat ako'y hubad,” sagot ng lalaki.
11 Nagtanong muli ang Diyos, “Sinong maysabi sa iyong hubad ka? Bakit, kumain ka ba ng bungang ipinagbabawal ko?”
12 “Kasi, pinakain po ako ng babaing ibinigay ninyo sa akin,” tugon ng lalaki.
13 “Bakit(B) mo ginawa ang bagay na iyon?” tanong ng Panginoong Yahweh sa babae.
“Mangyari po'y nilinlang ako ng ahas, kaya ako natuksong kumain,” sagot naman nito.
Inihayag ng Diyos ang Kaparusahan
14 At sinabi ng Panginoong Yahweh sa ahas:
“Sa iyong ginawa'y may parusang dapat,
na ikaw lang sa lahat ng hayop ang magdaranas;
mula ngayon ikaw ay gagapang,
at ang pagkain mo'y alikabok lamang.
15 Kayo(C) ng babae'y aking pag-aawayin,
binhi mo't binhi niya'y lagi kong paglalabanin.
Ang binhi niya ang dudurog sa iyong ulo,
at sa sakong niya'y ikaw ang tutuklaw.”
16 Sa babae nama'y ito ang sinabi:
“Sa pagbubuntis mo'y hirap ang daranasin,
at sa panganganak sakit ay titiisin;
ang asawang lalaki'y iyong nanasain,
pasasakop ka sa kanya't siya mong susundin.”
17 Ito(D) naman ang sinabi ng Diyos kay Adan:
“Dahil nakinig ka sa iyong asawa,
nang iyong kainin ang ipinagbawal kong bunga;
dahil dito'y sinusumpa ko ang lupa,
sa hirap ng pagbubungkal, pagkain mo'y magmumula.
18 Mga damo at tinik ang iyong aanihin,
halaman sa gubat ang iyong kakainin;
19 sa pagod at pawis pagkain mo'y manggagaling
maghihirap ka hanggang sa malibing.
Dahil sa alabok, doon ka nanggaling,
sa lupang alabok ay babalik ka rin.”
20 Eva[a] ang itinawag ni Adan sa kanyang asawa, sapagkat siya ang ina ng sangkatauhan. 21 Ang mag-asawa'y iginawa niya ng mga damit na yari sa balat ng hayop.
Pinalayas sa Hardin si Adan at si Eva
22 Pagkatapos,(E) sinabi ng Panginoong Yahweh, “Katulad na natin ngayon ang tao, sapagkat alam na niya ang mabuti at masama. Baka pumitas siya at kumain ng bungangkahoy na nagbibigay-buhay at hindi na siya mamatay.” 23 Kaya, pinalayas niya sa halamanan ng Eden ang tao upang magbungkal ng lupang kanyang pinagmulan.
24 Pinalayas nga siya ng Diyos. At sa dakong silangan ng halamanan ng Eden ay naglagay ang Diyos ng bantay na kerubin. Naglagay rin siya ng espadang nagniningas na umiikot sa lahat ng panig upang hindi malapitan ninuman ang punongkahoy ng buhay.
Si Cain at si Abel
4 Sinipingan ni Adan ang kanyang asawa at ito'y nagdalang-tao. Nang isilang ang kanyang panganay na lalaki ay sinabi ni Eva: “Nagkaroon ako ng anak na lalaki sa tulong ni Yahweh.” Kaya Cain[b] ang ipinangalan niya rito. 2 Sinundan si Cain ng isa pang anak na lalaki, at Abel naman ang ipinangalan dito. Naging pastol ito at si Cain naman ay naging magsasaka. 3 Dumating ang panahon na si Cain ay naghandog kay Yahweh ng ani niya sa bukid. 4 Kinuha(F) naman ni Abel ang isa sa mga panganay ng kanyang kawan. Pinatay niya ito at inihandog ang pinakamainam na bahagi. Si Yahweh ay nasiyahan kay Abel at sa kanyang handog, 5 ngunit hindi niya kinalugdan si Cain at ang handog nito. Dahil dito, hindi mailarawan ang mukha ni Cain sa tindi ng galit. 6 Kaya't sinabi ni Yahweh, “Anong ikinagagalit mo, Cain? Bakit ganyan ang mukha mo? 7 Kung mabuti ang ginawa mo, dapat kang magsaya. Kung masama naman, ang kasalana'y tulad ng mabangis na hayop na laging nag-aabang upang lapain ka. Nais nitong pagharian ka. Kaya't kailangang mapaglabanan mo ito.”
8 Isang(G) araw, niyaya ni Cain ang kanyang kapatid, “Abel, pumunta tayo sa bukid.” Sumama naman ito, ngunit pagdating nila sa bukid ay pinatay ni Cain si Abel.
9 Tinanong ni Yahweh si Cain, “Nasaan ang kapatid mong si Abel?”
Sumagot siya, “Hindi ko alam. Bakit, ako ba'y tagapag-alaga ng aking kapatid?”
10 At(H) sinabi ni Yahweh, “Cain, ano itong ginawa mo? Sumisigaw sa akin mula sa lupa ang dugo ng iyong kapatid, at humihingi ng katarungan. 11 Sinusumpa kita ngayon, at hindi mo na maaaring bungkalin ang lupa dahil dumanak doon ang dugo ng kapatid mo na iyong pinaslang. 12 Bungkalin mo man ang lupa upang tamnan, hindi ka mag-aani; wala kang matitirhan at magiging lagalag ka sa daigdig.”
13 “Napakabigat namang parusa ito!” sabi ni Cain kay Yahweh. 14 “Ngayong pinapalayas mo ako sa lupaing ito upang malayo sa iyong paningin, at maglagalag sa daigdig, papatayin ako ng sinumang makakakita sa akin.”
15 “Hindi,” sagot ni Yahweh. “Paparusahan ng pitong ibayo ang sinumang papatay sa iyo.” Kaya't nilagyan ni Yahweh ng palatandaan si Cain upang maging babala sa sinuman na ito'y hindi dapat patayin. 16 Iniwan ni Cain si Yahweh at tumira siya sa lupain ng Nod, isang lugar sa silangan ng Eden.
Ang Angkan ni Cain
17 Sinipingan ni Cain ang kanyang asawa, nagdalang-tao ito at nagkaanak ng isang lalaki na pinangalanang Enoc. Pagkatapos, nagtayo si Cain ng isang lunsod at ito'y tinawag na Enoc, bilang alaala sa kanyang anak. 18 Si Enoc ang ama ni Irad na ama ni Mehujael. Anak naman nito si Metusael na ama ni Lamec. 19 Nag-asawa si Lamec ng dalawa, sina Ada at Zilla. 20 Naging anak ni Ada si Jabal, ang ninuno ng mga nagpapastol ng mga baka at ng mga tumitira sa tolda. 21 Kapatid nito si Jubal na siya namang ninuno ng mga manunugtog ng alpa at plauta. 22 Naging anak naman ni Zilla si Tubal-cain na ninuno ng lahat ng panday ng mga kagamitang tanso at bakal. Si Tubal-cain ay may kapatid na babae, si Naama. 23 Sinabi ni Lamec sa dalawa niyang asawa:
“Dinggin ninyo itong aking sasabihin,
Ada at Zilla, mga asawa kong giliw;
may pinatay akong isang kabataan,
sapagkat ako'y kanyang sinugatan.
24 Kung saktan si Cain, ang parusang gawad sa gagawa nito'y pitong patong agad;
ngunit kapag ako ang siyang sinaktan, pitumpu't pitong patong ang kaparusahan.”
Ang Angkan ni Set
25 Muling sinipingan ni Adan ang kanyang asawa, at ito'y nanganak ng isa pang lalaki. Sinabi ng ina, “Binigyan ako ng Diyos ng kapalit ni Abel na pinatay ni Cain;” at ito'y tinawag niyang Set.[c] 26 Si Set ang ama ni Enos. Noon nagsimulang tumawag sa pangalan ni Yahweh ang mga tao sa kanilang pagsamba.
Ang Lahi ni Adan(I)
5 Ito(J) ang kasaysayan ng lahi na mula kay Adan. Nang likhain ng Diyos ang tao, ginawa niya ito ayon sa kanyang larawan. 2 Sila'y(K) nilikha niya na lalaki at babae, at matapos pagpalain, sila'y tinawag niyang “Sangkatauhan”.[d] 3 Si Adan ay 130 taon nang maging anak niya si Set na kanyang kalarawan. 4 Nabuhay pa siya nang walong daang taon, at nagkaroon pa ng mga anak na lalaki't babae. 5 Namatay siya sa gulang na 930 taon.
6 Si Set ay 105 taon nang maging anak niya si Enos. 7 Nabuhay pa siya nang 807 taon at nagkaroon din ng iba pang mga anak. 8 Namatay siya sa gulang na 912 taon.
9 Siyamnapung taon naman si Enos nang maging anak niya si Kenan. 10 Nabuhay pa siya nang 815 taon at nagkaroon din ng iba pang mga anak. 11 Namatay siya sa gulang na 905 taon.
12 Si Kenan naman ay pitumpung taon nang maging anak si Mahalalel. 13 Nabuhay pa si Kenan nang 840 taon at nagkaroon din ng iba pang mga anak. 14 Namatay siya sa gulang na 910 taon.
15 Animnapu't limang taon si Mahalalel nang maging anak si Jared. 16 Nabuhay pa si Mahalalel nang 830 taon at nagkaroon din ng iba pang mga anak. 17 Namatay siya sa gulang na 895 taon.
18 Si Jared ay 162 nang maging anak niya si Enoc. 19 Nabuhay pa si Jared nang 800 taon at nagkaroon din ng iba pang mga anak. 20 Namatay siya sa gulang na 962 taon.
21 Animnapu't limang taon naman si Enoc nang maging anak niya si Matusalem. 22 Tatlong daang taon pang nabuhay si Enoc na kasama ang Diyos, at nagkaroon ng iba pang mga anak. 23 Umabot siya nang 365 taon, 24 at(L) sa buong panahong iyon ay namuhay siyang kasama ng Diyos. Pagkatapos, nawala siya sapagkat kinuha siya ng Diyos.
25 Si Matusalem ay 187 taon nang maging anak niya si Lamec. 26 Nabuhay pa si Matusalem nang 782 taon at nagkaroon din ng iba pang mga anak. 27 Namatay siya sa gulang na 969 na taon.
28 Si Lamec naman ay 182 taon nang magkaroon ng anak. 29 Sinabi niya, “Mula sa lupang ito na isinumpa ni Yahweh, ipinanganak ang lulunas sa lahat ng ating mga pagpapagal at paghihirap.” Kaya't Noe[e] ang ipinangalan niya sa kanyang anak. 30 Nabuhay pa si Lamec nang 595 taon at nagkaroon din siya ng iba pang mga anak. 31 Namatay siya sa gulang na 777 taon.
32 Si Noe nama'y 500 na nang maging anak niya sina Shem, Ham at Jafet.
Footnotes
- 20 EVA: Sa wikang Hebreo, ang mga salitang “Eva” at “sangkatauhan” ay magkasintunog.
- 1 CAIN: Sa wikang Hebreo, ang mga salitang “Cain” at “nakuha” ay magkasintunog.
- 25 SET: Sa wikang Hebreo, ang mga salitang “Set” at “binigyan” ay magkasintunog.
- 2 Sangkatauhan: o kaya'y Adan .
- 29 NOE: Sa wikang Hebreo, ang mga salitang “Noe” at “lunas” ay magkasintunog.