Add parallel Print Page Options

Babala sa Pagtalikod sa Dios

11 Marami pa sana kaming sasabihin tungkol sa mga bagay na ito, pero mahirap ipaliwanag dahil mahina ang pang-unawa ninyo. 12 Dapat mga tagapagturo na sana kayo dahil matagal na kayo sa pananampalataya, ngunit hanggang ngayon ay kailangan pa kayong turuan ng mga panimulang aralin tungkol sa salita ng Dios. Katulad pa rin kayo ng mga sanggol na nangangailangan ng gatas dahil hindi nʼyo pa kaya ang matigas na pagkain. 13 Ang mga nabubuhay sa gatas ay mga sanggol pa at walang muwang kung ano ang mabuti at masama. 14 Ngunit ang matigas na pagkain ay para sa may mga sapat na gulang na, at alam na kung ano ang mabuti at masama.

Kaya bilang matatagal nang sumasampalataya, dapat na nating iwan ang mga panimulang aralin tungkol kay Cristo, at magpatuloy sa mga malalalim na aralin. Huwag na tayong magpabalik-balik pa sa mga aral tungkol sa pagsisisi at pagtalikod sa mga bagay na walang kabuluhan, at tungkol sa pananampalataya sa Dios, mga aral tungkol sa bautismo, pagpapatong ng kamay sa ulo, muling pagkabuhay ng mga patay, at paghahatol ng Dios sa magiging kalagayan ng tao magpakailanman.