Add parallel Print Page Options

Unang Babala kay Ahaz

Nang(A) ang hari ng Juda ay si Ahaz, anak ni Jotam na anak ni Uzias, ang Jerusalem ay sinalakay ni Haring Rezin ng Siria, at ng hari ng Israel na si Peka, anak ni Remalias, ngunit hindi sila nagtagumpay. Nang mabalitaan ng sambahayan ni David na nagkasundo na ang Siria at ang Efraim, ang hari at ang buong bayan ay nanginig sa takot na parang mga puno sa kakahuyan na hinahampas ng hangin.

Sinabi ni Yahweh kay Isaias: “Isama mo ang iyong anak na si Sear-Yasub[a] at salubungin ninyo si Ahaz. Matatagpuan ninyo siya sa may dulo ng padaluyan ng tubig mula sa tipunan ng tubig sa itaas, sa daang patungo sa dakong Bilaran ng Tela. Ganito ang sabihin mo sa kanya: ‘Humanda ka! Huwag matakot at mabagabag. Huwag kang masisiraan ng loob dahil sa nag-aalab na poot ni Rezin ng Siria at ni Peka na anak ni Remalias; ang dalawang iyon ay parang dalawang putol ng kahoy na umuusok ngunit walang apoy.’ Nagbalak ng masama laban sa iyo ang Siria, ang Israel at ang anak ni Remalias, at kanilang sinabi:

‘Lusubin natin ang Juda,
    at sakupin ang Jerusalem.
Gagawin nating hari doon ang anak ni Tabeel.’
Ngunit sinabi ng Panginoong Yahweh, “Hindi ito mangyayari.
Sapagkat ang Siria'y mas mahina kaysa Damasco na punong-lunsod niya,
    at ang Damasco'y mas mahina kaysa kay Haring Rezin.
Ang Israel naman ay mawawasak sa loob ng animnapu't limang taon,
    at hindi na ito ibibilang na isang bayan.
Malakas pa kaysa Israel ang lunsod ng Samaria na punong-lunsod nito,
    at ang Samaria ay mas mahina kaysa kay Haring Peka.
Ikaw ay mabubuwal kapag hindi naging matatag ang iyong pananalig sa Diyos.”

Ang Palatandaan ng Emmanuel

10 Muling nagsalita si Yahweh kay Ahaz: 11 “Humingi ka ng palatandaan kay Yahweh na iyong Diyos, maging ito ay buhat sa malalim na libingan o sa kaitaasan ng langit.” 12 Ngunit sinabi ni Ahaz: “Hindi po ako hihingi. Hindi ko po susubukin si Yahweh.”

13 At sinabi ni Isaias:

“Makinig kayo, sambahayan ni David!
Hindi pa ba sapat na subukin ninyo ang pagtitiis ng mga tao,
    at pati ang pagtitiis ng aking Diyos ay inyong sinusubok?
14 Dahil(B) dito si Yahweh mismo ang magbibigay sa inyo ng palatandaan:
Maglilihi ang isang dalaga[b]
    at magsisilang ng isang sanggol na lalaki
    at tatawagin sa pangalang Emmanuel.[c]
15 Gatas at pulot ang kanyang kakainin
    kapag marunong na siyang umiwas sa masama at gumawa ng mabuti.
16 Sapagkat bago matuto ang bata na umiwas sa masama
    at gumawa ng mabuti,
    ang lupain ng dalawang haring kinatatakutan mo ay wawasakin.
17 Ikaw at ang iyong bayan, pati na ang sambahayan ng iyong ama
    ay ipapasakop ni Yahweh sa hari ng Asiria.
Pagdaranasin ka nito ng paghihirap na kailanma'y hindi mo pa nararanasan
    mula nang humiwalay ang Efraim sa Juda.
18 Sa panahon ding iyon, tatawagin ni Yahweh ang mga Egipcio
    na parang mga langaw mula sa malalayong batis ng Ilog Nilo,
    at ang mga taga-Asiria na gaya ng mga pukyutan.
19 Darating ang mga ito at maninirahan sa matatarik na bangin,
    sa mga lungga ng malalaking bato,
    at sa lahat ng dawagan at mga pastulan.
20 Sa araw na iyon, ang Panginoon ay uupa
    ng mang-aahit mula sa kabila ng Ilog Eufrates—ang hari ng Asiria!
Aahitin niya ang buhok mo sa ulo pati na ang iyong balbas
    at gayundin ang balahibo mo sa buong katawan.
21 Sa araw na iyon ang bawat tao ay mag-aalaga
    ng isang dumalagang baka at dalawang tupa.
22 Sa dami ng gatas na makukuha,
    ang lahat ng natira sa lupain ay mabubuhay sa gatas at pulot.
23 Sa panahong iyon ang ubasang noo'y may isang libong punong ubas
    na nagkakahalaga ng isang libong salaping pilak
    ay magiging dawagan at puro tinikan.
24 May dalang palaso at pana ang papasok doon,
    sapagkat ang buong lupain ay mapupuno ng mga tinik at dawag.
25 Wala nang pupunta doon upang magbungkal ng lupa
    sapagkat mga tinik ay sanga-sanga na.
Pagpapastulan na lamang iyon ng mga baka at tupa.”

Babala at Pag-asa

Sinabi sa akin ni Yahweh, “Kumuha ka ng isang malapad na tapyas ng bato at isulat mo sa malalaking letra ang mga sumusunod: ‘Kay Maher-salal-has-baz.’[d] Ikuha mo ako ng dalawang saksing mapagkakatiwalaan: ang paring si Urias at si Zacarias na anak ni Jeberequias.”

Sinipingan ko ang aking asawa. Siya'y naglihi at nanganak ng isang lalaki. At sinabi sa akin ni Yahweh: “Ang ipangalan mo sa kanya'y Maher-salal-has-baz. Sapagkat bago pa siya matutong tumawag ng ‘Tatay’ o ‘Nanay,’ ang kayamanan ng Damasco at ang mga nasamsam ng Samaria ay dadalhin ng hari ng Asiria.”

Sinabi pa sa akin ni Yahweh:

“Sapagkat tinanggihan ng bayang ito ang tubig ng Siloe na umaagos nang banayad,
    at nangangatog[e] sila sa harapan ni Rezin, at ng anak ni Remalias;
ipadadala sa kanila ng Panginoon ang hari ng Asiria at ang kanyang mga hukbo,
    na lulusob tulad ng malakas na agos ng Ilog Eufrates.
Parang baha ito na aagos sa Juda,
    tataas ang tubig nang hanggang leeg, at lalaganap ito sa buong lupain mo, O Emmanuel.”

Magsama-sama man kayo mga bansa ay mawawasak din kayo!
    Makinig kayo, mga bansang nasa malalayong dako.
Maghanda man kayo sa pakikipaglaban ay matatakot din kayo.
10 Magplano man kayo, tiyak na kayo'y mabibigo;
    magpulong man kayo, wala ring mangyayari,
    sapagkat ang Diyos ay kasama namin.

Binalaan ni Yahweh ang Propeta

11 Sa pamamagitan ng kanyang dakilang kapangyarihan, binalaan ako ni Yahweh
    na huwag kong sundan ang mga landas na dinadaanan ng mga taong ito.
12 Sinabi(C) niya, “Huwag kayong maniwala sa sabwatan na sinasabi ng bansang ito;
    huwag kayong matakot sa kanilang kinatatakutan.
13 Ngunit si Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang dapat ninyong kilalanin bilang Banal.
    Siya ang dapat ninyong igalang at dapat katakutan.
14 Sa(D) dalawang kaharian ng Israel,
    siya'y magiging isang santuwaryo, isang batong katitisuran;
    bitag at patibong para sa mga naninirahan sa Jerusalem.
15 Dahil sa kanya, marami ang babagsak, mabubuwal at masusugatan;
    marami rin ang masisilo at mahuhulog sa bitag.”

Babala Laban sa Pagsangguni sa Patay

16 Ingatan mo at pagtibayin ang mensaheng ito para sa aking mga alagad.
17 Maghihintay(E) ako kay Yahweh na tumalikod sa sambahayan ni Jacob;
    at sa kanya ako aasa.
18 Ako(F) at ang mga anak na kaloob sa akin ni Yahweh
    ay palatandaan at sagisag sa Israel,
    mula kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat na naninirahan sa Bundok ng Zion.
19 Kapag may nagsabi sa inyo: “Sumangguni kayo sa mga espiritu ng namatay at sa mga manghuhula.
    Hindi ba dapat sumangguni ang mga tao sa kanilang diyos at patay para sa mga buháy?”
20 Ganito ang inyong isasagot, “Nasa inyo ang aral at tagubilin ng Diyos!
Huwag kayong makikinig sa mga sumasangguni sa espiritu,
    ipapahamak lang kayo ng mga iyon.”

Panahon ng Kaguluhan

21 Maglalakbay sila sa lupain na pagod na pagod at gutom na gutom,
    magwawala sila dahil sa gutom at susumpain ang kanilang hari at ang kanilang diyos.
Titingala sila sa langit
22 at igagala nila ang kanilang mata sa lupa,
ngunit wala silang makikita kundi kaguluhan at kadiliman;
    isang nakakatakot na kadiliman kung saan sila itatapon.

Paghahari ng Prinsipe ng Kapayapaan

Ngunit(G) napawi na ang dilim sa bayang matagal nang namimighati. Noong mga nakaraang araw, inilagay niya sa kahihiyan ang lupain ng Zebulun at ang lupain ng Neftali. Ngunit sa panahong darating, dadakilain niya ang lupaing ito, daanang papunta sa lawa, sa ibayo ng Jordan, sa Galilea ng mga Hentil!

Nakakita(H) ng isang maningning na liwanag
    ang bayang matagal nang lumalakad sa kadiliman;
sumikat na ang liwanag
    sa mga taong naninirahan sa lupaing balot ng dilim.
Pinasigla mo ang kanilang pagdiriwang,
    dinagdagan mo ang kanilang tuwa.
Nagagalak sila na parang panahon ng anihan,
    at parang mga taong naghahati-hati sa nasamsam na kayamanan.
Sapagkat binali mo ang pamatok ng kahirapan
    at mga bigatin sa kanilang balikat ay pinasan.
Pamalo ng mga mang-aapi, iyong binali
    tulad sa Midian na iyong ginapi.
Ang panyapak ng mga mandirigma,
    at ang lahat ng kasuotang tigmak sa dugo ay susunugin.
Sapagkat isinilang ang isang sanggol na lalaki para sa atin.
    Ibibigay sa kanya ang pamamahala;
at siya ay tatawaging Kahanga-hangang Tagapayo,
    Makapangyarihang Diyos, Walang Hanggang Ama,
    Prinsipe ng Kapayapaan.
Magiging(I) malawak ang kanyang kapangyarihan
    at walang katapusang kapayapaan ang ipagkakaloob sa trono ni David at sa kanyang kaharian.
Itatatag niya ito at pamamahalaan
    na may katarungan at katuwiran
    mula ngayon at magpakailanman.
Isasagawa ito ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.

Paparusahan ng Diyos ang Israel

Nagsalita ang Panginoon laban kay Jacob,
    sa kaharian ng Israel.
Malalaman ito ng lahat ng tao sa Efraim
    at ng lahat ng naninirahan sa Samaria,
    ngunit dahil sila'y pangahas at tunay na palalo, sila ay nagsabi ng ganito:
10 “Gumuho man ang mga gusaling yari sa tisa,
    magtatayo naman kami ng gusaling yari sa bato.
Maubos man ang mga punong sikamoro,
    papalitan namin ng sedar ang mga ito.”
11 Kaya sila'y ipasasalakay ni Yahweh
    sa kanilang mga kaaway.
12 Ang Israel ay sasakmalin ng Siria mula sa silangan
at ng mga Filisteo mula sa kanluran,
ngunit hindi pa rin mawawala ang matindi niyang galit,
    at patuloy pa niyang paparusahan ang bayang Israel.

13 Ngunit hindi pa rin magsisisi ang bayan kahit na sila'y parusahan,
    ayaw talaga nilang magbalik-loob kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.
14 Kaya sa loob lamang ng isang araw ay paparusahan ni Yahweh ang mga pinuno't mamamayan ng Israel;
    para silang hayop na pinutulan ng ulo't buntot.
15 Ang ulo'y ang matatandang pinuno na iginagalang,
    at ang buntot nama'y mga propetang bulaan.
16 Iniligaw ng kanilang mga pinuno ang bayang ito
    kaya ang mga tagasunod nila ay nagkakagulo.
17 Dahil dito, hindi kinalugdan ng Panginoon ang kanilang mga kabataang lalaki,
    hindi niya kinahabagan ang kanilang mga ulila at biyuda.
Lahat sila'y walang kinikilalang diyos at masasama;
    pawang kahangalan ang kanilang sinasabi.
Sa lahat ng ito'y hindi mawawala ang matindi niyang galit,
    patuloy niyang paparusahan ang bayang Israel.
18 Ang kasamaan ay naglalagablab na parang apoy
    at sumusunog sa mga tinik at dawag;
tutupukin nito ang masukal na gubat
    at papailanlang ang makapal na usok.
19 Susunugin ang buong lupa
    dahil sa poot ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat,
at ang mga tao'y parang mga panggatong sa apoy
    at walang ititira sa kanyang kapwa.
20 Susunggaban nila ang anumang pagkaing kanilang makikita,
    gayunma'y hindi sila mabubusog,
kakainin din nila kahit laman ng kanilang mga anak.
21 Magsasagupaan ang mga naninirahan sa Manases at Efraim
    at pagkatapos ay pagtutulungan ang Juda;
ngunit hindi pa rin mawawala ang matinding poot ni Yahweh.
    Patuloy niyang paparusahan ang bayang Israel.

Footnotes

  1. Isaias 7:3 SEAR-YASUB: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng pangalang ito'y Magbabalik ang ilan .
  2. Isaias 7:14 DALAGA: Sa wikang Hebreo, ang salitang ginamit ay hindi ang partikular na katagang ginagamit para sa salitang birhen, subalit sa isang katagang tumutukoy sa sinumang babaing maaari nang mag-asawa. Ang pagkakagamit ng salitang “birhen” sa Mateo 1:23 ay ibinase sa isang salin ng Lumang Tipan sa wikang Griego na tinatawag na “Septuaginta”.
  3. Isaias 7:14 EMMANUEL: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng pangalang ito'y Kasama natin ang Diyos .
  4. Isaias 8:1 MAHER-SALAL-HAS-BAZ: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng pangalang ito'y mabilis na pananalanta o kaya'y isang iglap na pandarambong .
  5. Isaias 8:6 nangangatog: o kaya'y nagdiriwang.