Add parallel Print Page Options

Ang mga salita ni Jeremias na anak ni Hilcias, isa sa mga saserdote na nasa Anathoth sa lupain ng Benjamin:

Na dinatnan ng salita ng Panginoon nang mga kaarawan ni Josias na anak ni Amon, na hari sa Juda, nang ikalabing tatlong taon ng kaniyang paghahari.

Dumating din nang kaarawan ni Joacim na anak ni Josias, hari sa Juda, nang katapusan nang ikalabing isang taon ni Sedechias, na anak ni Josias, hari sa Juda, hanggang sa pagkabihag ng Jerusalem nang ikalimang buwan.

Ang salita nga ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

Bago kita inanyuan sa tiyan ay nakilala kita, at bago ka lumabas sa bahay-bata ay pinapaging banal kita; inihalal kitang propeta sa mga bansa.

Nang magkagayo'y sinabi ko, Ah, Panginoong Dios! narito, hindi ako marunong magsalita: sapagka't ako'y bata.

Nguni't sinabi sa akin ng Panginoon, Huwag mong sabihin, Ako'y bata: sapagka't saan man kita susuguin ay paroroon ka, at anomang iutos ko sa iyo ay sasalitain mo.

Huwag kang matakot dahil sa kanila; sapagka't ako'y sumasaiyo upang iligtas kita, sabi ng Panginoon.

Nang magkagayo'y iniunat ng Panginoon ang kaniyang kamay, at hinipo ang aking bibig; at sinabi sa akin ng Panginoon, Narito, inilagay ko ang aking mga salita sa iyong bibig:

10 Tingnan mo, aking pinapagpupuno ka sa araw na ito sa mga bansa at sa mga kaharian, upang magalis at magbagsak at upang magsira at magwasak, upang magtayo at magtatag.

11 Bukod dito ay dumating sa akin ang salita ng Panginoon, na nagsasabi, Jeremias, anong nakikita mo? At aking sinabi, Ako'y nakakakita ng isang tungkod na almendro.

12 Nang magkagayo'y sinabi ng Panginoon sa akin, Iyong nakitang mabuti: sapagka't aking iniingatan ang aking salita upang isagawa.

13 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin na ikalawa, na nagsasabi, Ano ang iyong nakikita? At aking sinabi, Ako'y nakakakita ng isang palyok na pinagpapakuluan; at paharap sa hilagaan.

14 Nang magkagayo'y sinabi ng Panginoon sa akin, Mula sa hilagaan ay lalabasin ng kasamaan ang lahat na nananahan sa lupain.

15 Sapagka't, narito, aking tatawagin ang lahat na angkan ng mga kaharian sa hilagaan, sabi ng Panginoon; at sila'y magsisiparoon, at sila'y maglalagay bawa't isa ng kanikaniyang luklukan sa pasukan ng mga pintuang-bayan ng Jerusalem, at laban sa lahat na kuta niyaon sa palibot, at laban sa lahat na bayan ng Juda.

16 At aking sasalitain ang aking mga kahatulan laban sa kanila tungkol sa lahat nilang kasamaan, sa kanilang nangagpabaya sa akin, at nangagsunog ng kamangyan sa ibang mga dios, at nagsisamba sa mga gawa ng kanilang sariling mga kamay.

17 Ikaw nga'y magbigkis ng iyong mga balakang, at ikaw ay bumangon, at salitain mo sa kanila ang lahat na iniuutos ko sa iyo: huwag kang manglupaypay sa kanila, baka ikaw ay panglupaypayin ko sa harap nila.

18 Sapagka't, narito, ginawa kita sa araw na ito, na nakukutaang bayan, at pinakahaliging bakal, at pinaka kutang tanso, laban sa buong lupain, laban sa mga hari sa Juda, laban sa mga prinsipe niyaon, laban sa mga saserdote niyaon, at laban sa bayan ng lupain.

19 At sila'y magsisilaban sa iyo; nguni't hindi sila mangananaig laban sa iyo: sapagka't ako'y sumasa iyo, sabi ng Panginoon, upang iligtas ka.

At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

Ikaw ay yumaon, at humiyaw sa mga pakinig ng Jerusalem, na iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon, Inaalaala ko sa ikabubuti mo ang kagandahang-loob ng iyong kabataan, ang pagibig sa iyong mga pagaasawa; kung paanong ikaw ay sumunod sa akin sa ilang, sa lupain na hindi hinasikan.

Ang Israel ay kabanalan sa Panginoon, na mga pangunang bunga ng kaniyang halaman: lahat na nagsisisakmal sa kaniya ay aariing salarin; kasamaan ay darating sa kanila, sabi ng Panginoon.

Inyong dinggin ang salita ng Panginoon, Oh sangbahayan ni Jacob, at lahat na angkan ng sangbahayan ng Israel:

Ganito ang sabi ng Panginoon, Anong kalikuan ang nasumpungan ng inyong mga magulang sa akin, na sila'y nagsilayo sa akin, at nagsisunod sa walang kabuluhan, at naging walang kabuluhan?

Hindi man nila sinabi, Saan nandoon ang Panginoon na nagahon sa atin mula sa lupain ng Egipto, na pumatnubay sa atin sa ilang, sa mga lupaing ilang at bakobako, sa lupaing may pagkakatuyo at lilim ng kamatayan, sa lupain na walang dumaraan at walang taong tumatahan?

At dinala ko kayo sa saganang lupain, upang kumain ng bunga niyaon at ng kabutihan niyaon; nguni't nang kayo'y pumasok ay inyong hinawahan ang aking lupain, at ginawa ninyong kasuklamsuklam ang aking mana.

Hindi sinabi ng mga saserdote, Saan nandoon ang Panginoon? at silang nagsisihawak ng kautusan ay hindi nakakilala sa akin: ang mga pinuno naman ay nagsisalansang laban sa akin, at ang mga propeta ay nanganghula sa pamamagitan ni Baal, at nagsilakad na sumunod sa mga bagay na hindi pinakikinabangan.

Kaya't ako'y makikipagtalo pa sa inyo, sabi ng Panginoon, at sa mga anak ng inyong mga anak ay makikipagtalo ako.

10 Sapagka't mangagdaan kayo sa mga pulo ng Chittim, at tingnan, at kayo'y mangagsugo sa Cedar, at mangagbulay na maingat; at inyong tingnan kung may nangyaring ganiyang bagay.

11 Ipinagpalit baga ng isang bansa ang kanilang mga dios, na hindi mga dios? nguni't ipinagpalit ng aking bayan ang kanilang kaluwalhatian sa hindi pinakikinabangan.

12 Mangagtaka kayo Oh kayong mga langit, sa bagay na ito, at mangatakot ng kakilakilabot, mangatuyo kang lubha, sabi ng Panginoon.

13 Sapagka't ang bayan ko ay nagkamit ng dalawang kasamaan; kanilang iniwan ako na bukal ng buhay na tubig, at nagsigawa sa ganang kanila ng mga balon na mga sirang balon na hindi malalamnan ng tubig.

14 Ang Israel baga'y alipin? siya baga'y aliping ipinanganak sa bahay? bakit siya'y naging samsam.

15 Ang mga batang leon ay nagsiungal sa kaniya, at nagsihiyaw: at sinira nila ang kaniyang lupain; ang kaniyang mga bayan ay nangasunog, na walang mananahan.

16 Binasag naman ng mga anak ng Memfis at ng Taphnes ang bao ng iyong ulo.

17 Hindi mo baga pinapangyari ito sa iyong sarili, dahil sa iyong pagpapabaya sa Panginoon mong Dios, nang kaniyang patnubayan ka sa daan?

18 At ngayo'y anong ipakikialam mo sa daan na patungo sa Egipto, upang uminom ng tubig sa Sikor? o anong ipakikialam mo sa daang patungo sa Asiria, upang uminom ng tubig sa ilog?

19 Sasawayin ka ng iyong sariling kasamaan, at sasawayin ka ng iyong mga pagtalikod: talastasin mo nga at iyong tingnan na masamang bagay at kapanglawpanglaw, na iyong pinabayaan ang Panginoon mong Dios: at ang takot sa akin ay wala sa iyo, sabi ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo.

20 Sapagka't nang unang panahon ay inalis ko ang iyong pamatok, at nilagot ko ang iyong mga tali; at iyong sinabi: Hindi ako maglilingkod; sapagka't sa bawa't mataas na burol, at sa ilalim ng bawa't sariwang punong kahoy ay yumuko ka, na nagpatutot.

21 Gayon ma'y tinamnan kita ng mahal na puno ng ubas, na pawang mabuting binhi: bakit ka nga naging bansot na ibang puno ng ubas sa akin?

22 Sapagka't bagaman maghugas ka ng lihiya, at magbunton ka ng maraming sabon, gayon ma'y natatala sa harap ko ang iyong kasamaan, sabi ng Panginoong Dios.

23 Paanong masasabi mo, Hindi ako nagpakahawa, hindi ako yumaong sumunod sa mga Baal? tingnan mo ang iyong daan sa libis, talastasin mo kung ano ang iyong ginawa: ikaw na maliksing dromedario na dumadamba sa paglakad;

24 Isang asnong babaeng mailap na sanay sa ilang na sumisingasing sa kaniyang nais; sa kaniyang pagkakataon, sinong makapagliligaw sa kaniya? silang lahat na nagsisihanap sa kaniya ay hindi mapapagod: sa kaniyang kabuwanan ay masusumpungan siya.

25 Ingatan mo ang iyong paa sa paglakad na walang suot, at ang iyong lalamunan sa pagkauhaw. Nguni't iyong sinabi, Walang kabuluhan; hindi, sapagka't ako'y umibig sa mga taga ibang lupa, at sa kanila'y susunod ako.

26 Kung paanong ang magnanakaw ay napapahiya pagka siya'y nahuhuli, gayon napapahiya ang sangbahayan ni Israel; sila, ang kanilang mga hari, ang kanilang mga prinsipe, at ang kanilang mga saserdote, at ang kanilang mga propeta,

27 Na nangagsasabi sa kahoy, Ikaw ay aking ama; at sa bato, Iyong ipinanganak ako: sapagka't kanilang ipinihit ang kanilang likod sa akin, at hindi ang kanilang mukha: nguni't sa panahon ng kanilang kabagabagan ay sasabihin nila, Ikaw ay bumangon, at iligtas mo kami.

28 Nguni't saan nandoon ang iyong mga dios na iyong ginawa para sa iyo? magsibangon sila, kung sila'y makapagliligtas sa iyo sa panahon ng iyong kabagabagan: sapagka't ayon sa bilang ng iyong mga bayan ay gayon ang iyong mga dios, Oh Juda.

29 Bakit kayo nangakikipagpunyagi sa akin? kayong lahat ay nagsisalangsang laban sa akin, sabi ng Panginoon.

30 Sa walang kabuluhan sinaktan ko ang inyong mga anak; sila'y hindi nagsitanggap ng saway; nilamon ng inyong sariling tabak ang inyong mga propeta, na parang manglilipol na leon.

31 Oh lahi, tingnan ninyo ang salita ng Panginoon. Naging ilang baga ako sa Israel? o lupain ng salimuot na kadiliman? bakit nga sinasabi ng aking bayan, Kami ay nangakalaya; hindi na kami paroroon pa sa iyo?

32 Malilimutan baga ng dalaga ang kaniyang mga hiyas, o ng kasintahang babae ang kaniyang kagayakan? gayon ma'y nilimot ako ng bayan ko sa mga araw na walang bilang.

33 Anong pagpapaganda mo ng iyong lakad upang humanap ng pagibig! kaya't gayon din ang mga patutot ay iyong tinuruan ng iyong mga lakad.

34 Gayon din sa mga laylayan mo ay nakasumpong ng dugo ng mga kaluluwa ng dukhang walang sala: hindi mo nasumpungan sa dako ng pagbubukas; kundi dahil sa lahat ng mga ito.

35 Gayon ma'y sinabi mo: Ako'y walang sala; tunay na ang kaniyang galit ay humiwalay sa akin. Narito, hahatulan kita, sapagka't iyong sinabi, Hindi ako nagkasala.

36 Bakit ka lumalaboy upang papanibaguhin mo ang iyong lakad? ikahihiya mo rin naman ang Egipto na gaya ng iyong pagkahiya sa Asiria.

37 Mula doon ay lalabas ka rin, na ang iyong mga kamay ay nakapatong sa iyong ulo: sapagka't itinakuwil ng Panginoon ang iyong mga pinagkakatiwalaan, at hindi ka giginhawa sa kanila.

Kanilang sinabi, Kung ihiwalay ng lalake ang kaniyang asawa, at siya'y humiwalay sa kaniya, at mapasa ibang lalake, babalik pa baga uli ang lalake sa kaniya? hindi baga lubos na madudumhan ang lupaing yaon? Nguni't ikaw ay nagpatutot sa maraming nangingibig; gayon ma'y manumbalik ka uli sa akin, sabi ng Panginoon.

Imulat mo ang iyong mga mata sa mga luwal na kaitaasan, at tingnan mo; saan hindi ka nasipingan? Sa tabi ng mga lansangan ay naghintay ka sa kanila, gaya ng taga Arabia sa ilang; at iyong dinumhan ang lupain ng iyong mga pakikiapid at ng iyong kasamaan.

Kaya't ang ambon, ay napigil, at hindi nagkaroon ng huling ulan; gayon man may noo ka ng isang patutot ikaw ay tumakuwil na mapahiya.

Hindi ka baga dadaing mula sa panahong ito sa akin, Ama ko, ikaw ang patnubay ng aking kabataan?

Kaniya bagang iingatan ang kaniyang galit magpakailan man? kaniya bagang iingatan hanggang sa kawakasan? Narito, ikaw ay nagsalita at gumawa ng mga masamang bagay, at sinunod mo ang iyong ibig.

Bukod dito'y sinabi sa akin ng Panginoon sa kaarawan ni Josias na hari, Iyo bagang nakita ang ginawa ng tumatalikod na Israel? siya'y yumaon sa bawa't mataas na bundok at sa ilalim ng bawa't sariwang punong kahoy, at doon siya nagpatutot.

At aking sinabi pagkatapos na magawa niya ang lahat na bagay na ito, Siya'y babalik sa akin; nguni't hindi siya bumalik: at nakita ng taksil niyang kapatid na Juda.

At aking nakita, nang, dahil dito sa pangangalunya ng tumatalikod na Israel, akin siyang pinalayas at binigyan ko siya ng sulat ng paghihiwalay, gayon ma'y hindi natakot ang taksil niyang kapatid na Juda; kundi siya man ay yumaon at nagpatutot.

At nangyari, sa walang kabuluhan niyang pagsamba sa diosdiosan, na ang lupain ay nadumhan, at siya'y sumamba sa pamamagitan ng mga bato at ng mga kahoy.

10 At gayon ma'y sa lahat ng ito ay hindi bumalik sa akin ang taksil niyang kapatid na Juda, ng kaniyang buong puso, kundi paimbabaw, sabi ng Panginoon.

11 At sinabi ng Panginoon sa akin, Ang tumatalikod na Israel ay napakilala na lalong matuwid kay sa taksil na Juda.

12 Ikaw ay yumaon, at itanyag mo ang mga salitang ito sa dakong hilagaan, at iyong sabihin, Ikaw ay manumbalik, ikaw na tumatalikod na Israel, sabi ng Panginoon; hindi ako titinging may galit sa inyo: sapagka't ako'y maawain, sabi ng Panginoon, hindi ako magiingat ng galit magpakailan man.

13 Kilalanin mo lamang ang iyong kasamaan, na ikaw ay sumalansang sa Panginoon mong Dios, at iyong ikinalat ang iyong mga kaugalian sa mga taga ibang lupa sa ilalim ng bawa't sariwang punong kahoy, at kayo'y hindi nagsisunod sa aking tinig, sabi ng Panginoon.

14 Kayo'y manumbalik, Oh tumatalikod na mga anak, sabi ng Panginoon, sapagka't ako'y asawa ninyo; at kukuha ako sa inyo ng isa sa isang bayan, at dalawa sa isang angkan, at dadalhin ko kayo sa Sion.

15 At bibigyan ko kayo ng mga pastor ayon sa aking kalooban, na kakandili sa inyo ng kaalaman at unawa.

16 At mangyayari, pagka kayo'y dumami at lumago sa lupain sa mga araw na yaon, sabi ng Panginoon, hindi na nila sasabihin, Ang kaban ng tipan ng Panginoon; ni mapapasaisip nila yaon: ni aalalahanin nila yaon: ni nanaisin nila yaon; ni mayayari pa man.

17 Sa panahong yaon ay tatawagin nila ang Jerusalem na luklukan ng Panginoon, at lahat ng mga bansa ay mapipisan doon, sa pangalan ng Panginoon, sa Jerusalem: hindi na rin lalakad pa man sila ng ayon sa pagmamatigas ng kanilang masamang kalooban.

18 Sa mga araw na yaon ang sangbahayan ni Juda ay lalakad na kasama ng sangbahayan ni Israel, at sila'y manggagaling na magkasama sa lupain ng hilagaan sa lupain na ibinigay kong pinakamana sa inyong mga magulang.

19 Nguni't aking sinabi, Paanong ilalagay kita sa gitna ng mga anak, at bibigyan kita ng masayang lupain, ng mainam na mana ng mga hukbo ng mga bansa? at aking sinabi, Inyong tatawagin ako, Ama ko; at hindi ka na hihiwalay pa ng pagsunod sa akin.

20 Tunay na kung paanong humihiwalay na may pagtataksil ang babae sa kaniyang asawa, gayon kayo nagsigawang may kataksilan sa akin, Oh sangbahayan ni Israel, sabi ng Panginoon.

21 Isang tinig ay naririnig sa mga luwal na kaitaasan, ang iyak at ang mga samo ng mga anak ni Israel; sapagka't kanilang pinasama ang kanilang lakad, kanilang nilimot ang Panginoon nilang Dios.

22 Kayo'y manumbalik, kayong nagsisitalikod na mga anak, aking pagagalingin ang inyong mga pagtalikod. Narito, kami ay nagsiparito sa iyo; sapagka't ikaw ay Panginoon naming Dios.

23 Tunay na walang kabuluhan ang tulong na maaasahan sa mga burol, ang kagulo sa mga bundok: tunay na nasa Panginoon naming Dios ang kaligtasan ng Israel.

24 Nguni't nilamon ng nakahihiyang bagay ang gawa ng ating mga magulang na mula sa ating kabataan, ang kanilang mga kawan at ang kanilang mga bakahan, ang kanilang mga anak na lalake at babae.

25 Tayo'y magsihiga sa ating kahihiyan, at takpan tayo ng ating kalituhan: sapagka't tayo'y nangagkasala laban sa Panginoon nating Dios, tayo at ang ating mga magulang, mula sa ating kabataan hanggang sa araw na ito; at hindi tayo nakinig sa tinig ng Panginoon nating Dios.

Kung ikaw ay manunumbalik, Oh Israel, sabi ng Panginoon, kung ikaw ay manunumbalik sa akin, at kung iyong aalisin ang iyong mga kasuklamsuklam sa aking paningin; hindi ka nga makikilos;

At ikaw ay susumpa, Buhay ang Panginoon, sa katotohanan, sa kahatulan, at sa katuwiran; at ang mga bansa ay magiging mapalad sa kaniya, at sa kaniya luluwalhati sila.

Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, sa mga tao ng Juda at ng Jerusalem, Inyong bungkalin ang inyong binabayaang bukiran, at huwag kayong maghasik sa gitna ng mga tinik.

Magsipagtuli kayo para sa Panginoon, at inyong alisin ang mga kasamaan ng inyong puso, ninyong mga tao ng Juda at mga nananahan sa Jerusalem; baka ang aking kapootan ay sumigalbo na parang apoy, at magningas na walang makapatay, dahil sa kasamaan ng inyong mga gawa.

Ipahayag ninyo sa Juda, at ibalita ninyo sa Jerusalem; at inyong sabihin, Inyong hipan ang pakakak sa lupain: magsihiyaw kayo ng malakas, at inyong sabihin, Magpisan kayo, at tayo'y magsipasok sa mga bayang nakukutaan.

Kayo'y mangagtaas ng watawat sa dako ng Sion: kayo'y magsitakas sa ikatitiwasay, huwag kayong magsitigil: sapagka't ako'y magdadala ng kasamaan mula sa hilagaan, at ng malaking paglipol.

Ang isang leon ay sumampa mula sa kaniyang kagubatan, at ang manglilipol ng mga bansa; siya'y nasa kaniyang paglalakad, siya'y lumabas mula sa kaniyang dako, upang sirain ang iyong lupain, upang ang iyong mga bayan ay mangalagay na sira na walang mananahan.

Dahil dito ay mangagbigkis kayo ng kayong magaspang, kayo'y magsipanaghoy at magsipanangis; sapagka't ang mabangis na galit ng Panginoon ay hindi humihiwalay sa atin.

At mangyayari sa araw na yaon, sabi ng Panginoon, na ang puso ng hari ay mapapahamak, at ang puso ng mga prinsipe: at ang mga saserdote ay mangatitigilan, at ang mga propeta ay mangamamangha.

10 Nang magkagayo'y sinabi ko, Ah Panginoong Dios: tunay na iyong dinayang lubha ang bayang ito at ang Jerusalem, na iyong sinabi, Kayo'y mangagkakaroon ng kapayapaan: gayon man ang tabak ay tumatalab sa buhay.

11 Sa panahong yaon ay sasabihin sa bayang ito at sa Jerusalem, Isang mainit na hangin na mula sa mga luwal na kaitaasan sa ilang ay dumating sa anak ng aking bayan, hindi upang sumimoy, o maglinis man:

12 Isang malakas na hangin na mula sa mga ito ay darating sa akin: ngayo'y magsasalita naman ako ng mga kahatulan laban sa kanila.

13 Narito, siya'y sasagupang parang mga ulap, at ang kaniyang mga karo ay magiging parang ipoipo ang kaniyang mga kabayo ay lalong matulin kay sa mga aguila. Sa aba natin! sapagka't tayo'y nangapahamak.

14 Oh Jerusalem, hugasan mo ang iyong puso sa kasamaan, upang ikaw ay maligtas. Hanggang kailan titigil sa loob mo ang iyong mga masamang pagiisip?

15 Sapagka't isang tinig ay nagpapahayag mula sa Dan, at nagbabalita ng kasamaan, mula sa mga burol ng Ephraim.

16 Inyong banggitin sa mga bansa: narito, inyong ibalita laban sa Jerusalem, na ang mga bantay ay nanggagaling sa malayong lupain, at inihihiyaw nila ang kanilang tinig laban sa mga bayan ng Juda.

17 Sila'y gaya ng mga bantay sa parang, laban sa kaniya sa palibot, sapagka't siya'y naging mapanghimagsik laban sa akin, sabi ng Panginoon.

18 Ang iyong lakad at ang iyong mga gawa ay nagsikap ng mga bagay na ito sa iyo: ito ang iyong kasamaan; sapagka't napakasama, sapagka't tinataglay ng iyong puso.

19 Ang hirap ko, ang hirap ko! Ako'y nagdaramdam sa aking puso; ang dibdib ko ay kakabakaba, hindi ako matahimik; sapagka't iyong narinig, Oh kaluluwa ko, ang tunog ng pakakak, ang hudyat ng pakikipagdigma.

20 Kagibaan at kagibaan ang inihihiyaw; sapagka't ang buong lupain ay nasira: biglang nangasira ang aking mga tolda, at ang aking mga tabing sa isang sandali.

21 Hanggang kailan makikita ko ang watawat, at maririnig ang tunog ng pakakak?

22 Sapagka't ang bayan ko ay hangal, hindi nila ako nakikilala; sila'y mga mangmang na anak, at sila'y walang unawa; sila'y pantas sa paggawa ng masama, nguni't sa paggawa ng mabuti ay wala silang kaalaman.

23 Aking minasdan ang lupa, at, narito, sira at walang laman; at ang langit ay walang liwanag.

24 Aking minasdan ang mga bundok, at narito, nagsisiyanig, at ang lahat na burol ay nagsisiindayon.

25 Ako'y nagmasid, at, narito, walang tao, at lahat ng mga ibon sa himpapawid ay nangakatakas.

26 Ako'y nagmasid, at, narito, ang mainam na parang ay ilang, at, lahat ng mga bayan niyaon ay nangasira sa harapan ng Panginoon, at sa harap ng kaniyang mabangis na galit.

27 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, Ang buong lupain ay magiging sira; gayon ma'y hindi ako gagawa ng lubos na kawakasan.

28 Dahil dito ay tatangis ang lupa, at ang langit sa itaas ay magiging maitim: sapagka't aking sinalita, aking pinanukala, at hindi ako nagsisi, o akin mang tatalikuran.

29 Ang buong bayan ay tumakas dahil sa hugong ng mga mangangabayo at ng mga mamamana; sila'y nagsipasok sa mga kagubatan, at nangagukyabit sa mga malaking bato; bawa't bayan ay napabayaan, at walang tao na tumatahan doon.

30 At ikaw, pagka ikaw ay napahamak, anong iyong gagawin? Bagaman ikaw ay nananamit ng mainam na damit na mapula; bagaman ikaw ay gumagayak ng mga kagayakang ginto, bagaman iyong pinalalaki ang iyong mga mata ng pinta, sa walang kabuluhan nagpapakaganda ka; hinahamak ka ng mga mangingibig sa iyo, pinagsisikapan nila ang iyong buhay.

31 Sapagka't ako'y nakarinig ng tinig na gaya ng sa babaing nagdaramdam, ng daing ng gaya ng sa nanganganak sa panganay, ng tinig ng anak na babae ng Sion, na nagsisikip ang hininga, na naguunat ng kaniyang mga kamay, na nagsasabi, Sa aba ko ngayon! sapagka't ang kaluluwa ko ay nanglulupaypay sa harap ng mga mamamatay tao.

Magsitakbo kayong paroo't parito sa mga lansangan ng Jerusalem, at tingnan ngayon, at alamin, at hanapin sa mga luwal na dako niyaon, kung kayo'y makakasumpong ng tao, kung may sinoman na gumagawa ng kaganapan, na humahanap ng katotohanan; at aking patatawarin siya.

At bagaman kanilang sinasabi, Buhay ang Panginoon; tunay na sila'y nagsisisumpa na may kasinungalingan.

Oh Panginoon, hindi baga tumitingin ang iyong mga mata sa katotohanan? iyong hinampas sila, nguni't hindi sila nangagdamdam; iyong pinugnaw sila, nguni't sila'y nagsitangging tumanggap ng sawa'y; kanilang pinapagmatigas ang kanilang mukha ng higit kay sa malaking bato; sila'y nagsitangging manumbalik.

Nang magkagayo'y sinabi ko, Tunay na ang mga ito ay dukha; sila'y mga hangal; sapagka't hindi sila nangakakaalam ng daan ng Panginoon, o ng kahatulan ng kaniyang Dios.

Ako'y paroroon sa mga dakilang tao, at magsasalita sa kanila; sapagka't kanilang nalalaman ang daan ng Panginoon, at ang kahatulan ng kanilang Dios. Nguni't ang mga ito ay nagkaiisang magalis ng pamatok, at lumagot ng mga panali.

Kaya't papatayin sila ng leon na mula sa gubat, sisirain sila ng lobo sa mga ilang, babantayan ang kanilang mga bayan ng leopardo; lahat na nagsilabas doon ay mangalalapa; sapagka't ang kanilang mga pagsalangsang ay marami, at ang kanilang mga pagtalikod ay lumago.

Paanong mapatatawad kita? pinabayaan ako ng iyong mga anak, at nagsisumpa sa pamamagitan niyaong mga hindi dios. Nang sila'y aking mabusog, sila'y nangalunya, at nagpupulong na pulupulutong sa mga bahay ng mga patutot.

Sila'y parang pinakaing mga kabayong pagalagala: bawa't isa'y humalinghing sa asawa ng kaniyang kapuwa.

Hindi baga dadalaw ako dahil sa mga bagay na ito? sabi ng Panginoon: at hindi baga manghihiganti ang kaluluwa ko sa isang ganiyang bansa na gaya nito?

10 Sampahin ninyo ang kaniyang mga kuta at inyong gibain; nguni't huwag kayong magsigawa ng lubos na kawakasan; alisin ninyo ang kaniyang mga sanga; sapagka't sila'y hindi sa Panginoon.

11 Sapagka't ang sangbahayan ni Israel at ang sangbahayan ni Juda ay gumagawang may kataksilan laban sa akin, sabi ng Panginoon.

12 Kanilang ikinaila ang Panginoon, at sinabi, Hindi siya; ni darating sa atin ang kasamaan; ni makakakita tayo ng tabak o ng kagutom man:

13 At ang mga propeta ay magiging parang hangin, at ang salita ay wala sa kanila: ganito ang gagawin sa kanila.

14 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng mga hukbo, Sapagka't inyong sinalita ang salitang ito, narito, gagawin ko na ang aking mga salita sa inyong bibig ay maging apoy, at ang bayang ito ay kahoy, at sila'y pupugnawin niyaon.

15 Narito, dadalhin ko ang bansa sa inyo na mula sa malayo, Oh sangbahayan ni Israel, sabi ng Panginoon: siyang makapangyarihang bansa, siyang matandang bansa, isang bansa na ang wika ay hindi mo naiintindihan, o nababatid mo man kung ano ang kanilang sinasabi.

16 Ang kanilang lalagyan ng pana ay bukas na libingan, silang lahat ay makapangyarihang lalake.

17 At kakanin nila ang iyong ani, at ang iyong tinapay, na dapat sanang kanin ng iyong mga anak na lalake at babae; kanilang kakanin ang iyong mga kawan at ang iyong mga bakahan; kanilang kakanin ang iyong mga puno ng ubas at ang iyong mga puno ng igos; kanilang ibabagsak ang iyong mga bayan na nababakuran, na iyong tinitiwalaan, sa pamamagitan ng tabak.

18 Nguni't sa mga araw mang yaon, sabi ng Panginoon, hindi ako gagawa ng lubos na kawakasan sa inyo.

19 At mangyayari, pagka inyong sasabihin, Bakit ginawa ng Panginoon nating Dios ang lahat ng mga bagay na ito sa atin? kung magkagayo'y sasabihin mo sa kanila, Kung paanong inyong pinabayaan ako, at nangaglingkod kayo sa mga ibang dios sa inyong lupain, gayon kayo mangaglingkod sa mga taga ibang lupa sa isang lupain na hindi inyo.

20 Inyong ipahayag ito sa sangbahayan ni Jacob, at inyong ibalita sa Juda na inyong sabihin,

21 Inyong dinggin ngayon ito, Oh hangal na bayan, at walang unawa; na may mga mata, at hindi nakakakita; na may mga pakinig, at hindi nakakarinig:

22 Hindi kayo nangatatakot sa akin? sabi ng Panginoon: hindi baga kayo manginginig sa aking harapan, na naglagay ng buhangin na pinakahangganan ng dagat, sa pamamagitan ng pinakawalang hanggang pasiya, upang huwag makalampas? at bagaman maginalon ang kaniyang mga alon, hindi rin mananaig; bagaman ang mga ito'y nagsisihugong, hindi rin ang mga ito'y makaraan.

23 Nguni't ang bayang ito ay may magulo at mapanghimagsik na puso; sila'y nanghimagsik at nagsiyaon.

24 Hindi man nila sinasabi sa sarili, Mangatakot tayo ngayon sa Panginoon nating Dios, na naglalagpak ng ulan, ng maaga at gayon din ng huli, sa kaniyang kapanahunan; na itinataan sa atin ang mga takdang sanglinggo ng mga pagaani.

25 Ang inyong mga kasamaan ang nangaghiwalay ng mga bagay na ito, at ang inyong mga kasalanan ang nagsipigil sa inyo ng kabutihan.

26 Sapagka't sa gitna ng aking bayan ay nakakasumpong ng mga masamang tao: sila'y nagbabantay, gaya ng pagbabantay ng mga mamimitag; sila'y nangaglalagay ng silo, sila'y nanghuhuli ng mga tao.

27 Kung paanong ang kulungan ay puno ng mga ibon, gayon ang kanilang mga bahay ay puno ng karayaan: kaya't sila'y naging dakila, at nagsisiyaman.

28 Sila'y nagsisitaba, sila'y makintab: oo, sila'y nagsisihigit sa mga paggawa ng kasamaan; hindi nila ipinakikipaglaban ang usap, ang usap ng ulila, upang sila'y guminhawa; at ang matuwid ng mapagkailangan ay hindi hinahatulan.

29 Hindi baga dadalaw ako dahil sa mga bagay na ito? sabi ng Panginoon; hindi baga manghihiganti ang aking kalooban sa ganiyang bansa na gaya nito?

30 Isang kamanghamangha at kakilakilabot na bagay ay nangyayari sa lupain:

31 Ang mga propeta ay nanganghuhula ng kasinungalingan, at ang mga saserdote ay nangagpupuno sa pamamagitan ng kanilang mga kamay; at iniibig ng aking bayan na magkagayon: at ano ang inyong gagawin sa wakas niyaon?

Kayo'y magsitakas para maligtas, kayong mga anak ni Benjamin, mula sa gitna ng Jerusalem, at kayo'y magsihihip ng pakakak sa Tecoa, at mangagtaas ng tanda sa Beth-hacherem; sapagka't ang kasamaan ay natatanaw sa hilagaan, at isang malaking paglipol.

Ang maganda at maayos na babae, ang anak na babae ng Sion, ihihiwalay ko.

Mga pastor na kasama ng kanilang mga kawan ay magsisiparoon sa kaniya; kanilang itatayo ang kanilang mga tolda laban sa kaniya sa palibot; sila'y mangagpapasabsab bawa't isa sa kanikaniyang dako.

Mangaghanda kayo ng digma laban sa kaniya; kayo'y magsibangon, at tayo'y magsisampa sa katanghaliang tapat. Sa aba natin! sapagka't ang araw ay kumikiling, sapagka't ang mga dilim ng gabi ay nangangalat.

Magsibangon, at tayo'y magsisampa sa gabi, at ating gibain ang kaniyang mga palacio.

Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Kayo'y magsiputol ng mga punong kahoy, at mangagtayo kayo ng bunton laban sa Jerusalem: ito ang bayang dadalawin; siya'y lubos na kapighatian sa gitna niya.

Kung paanong ang isang bukal ay nilalabasan ng kaniyang tubig, gayon siya nilalabasan ng kaniyang kasamaan: pangdadahas at pagkagiba ay naririnig sa kaniya; sa harap ko ay palaging hirap at mga sugat.

Maturuan ka, Oh Jerusalem, baka ang aking kaluluwa ay mahiwalay sa iyo; baka ikaw ay gawin kong sira, lupaing hindi tinatahanan.

Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Kanilang lubos na sisimutin ang nalabi sa Israel na parang puno ng ubas: idukot mo uli ang iyong kamay sa mga buslo na gaya ng mamimitas ng ubas.

10 Kanino ako magsasalita at magpapatotoo, upang kanilang marinig? narito, ang kanilang pakinig ay paking, at hindi mangakarinig: narito, ang salita ng Panginoon ay naging kadustaan sa kanila; sila'y walang kaluguran sa kaniya.

11 Kaya't ako'y puspus ng kapusukan ng Panginoon; ako'y pagod na ng pagpipigil ko: ibuhos sa mga bata sa lansangan, at sa kapulungan ng mga binata na magkakasama: sapagka't gayon din ang lalake sangpu ng asawa ay mahuhuli, ang matanda sangpu niya na puspus ng mga kaarawan.

12 At ang kanilang mga bahay ay malilipat sa mga iba, ang kanilang mga parang at ang kanilang mga asawa na magkakasama: sapagka't iuunat ko ang aking kamay sa mga mananahan sa lupain, sabi ng Panginoon.

13 Sapagka't mula sa kaliitliitan nila hanggang sa kalakilakihan nila, bawa't isa ay ibinigay sa kasakiman; at mula sa propeta hanggang sa saserdote bawa't isa'y gumagawang may kasinungalingan.

14 Kanilang pinagaling din naman ng kaunti ang sugat ng aking bayan, na sinasabi, Kapayapaan, kapayapaan; gayon ma'y walang kapayapaan.

15 Nangahiya baga sila nang sila'y gumawa ng kasuklamsuklam? hindi, hindi sila nangahiya sa anoman, o sila man ay nangamula: kaya't sila'y mangabubuwal sa gitna niyaong nangabubuwal; sa panahon na aking dadalawin sila ay nangabubulagta sila, sabi ng Panginoon.

16 Ganito ang sabi ng Panginoon, Magsitayo kayo sa mga daan at magsitingin kayo, at ipagtanong ninyo ang mga dating landas, kung saan nandoon ang mabuting daan; at magsilakad kayo roon, at kayo'y mangakakasumpong ng kapahingahan sa inyong mga kaluluwa: nguni't kanilang sinabi, Hindi kami magsisilakad doon.

17 At ako'y naglagay ng mga bantay sa inyo, na aking sinasabi, Inyong pakinggan ang tunog ng pakakak, nguni't kanilang sinabi, Hindi kami makikinig.

18 Kaya't inyong pakinggan, ninyong mga bansa, at inyong talastasin, Oh kapulungan, kung ano ang nasa gitna nila.

19 Iyong pakinggan, Oh lupa: narito, ako'y magdadala ng kasamaan sa bayang ito, na bunga ng kanilang mga pagiisip, sapagka't sila'y hindi nangakinig sa aking mga salita; at tungkol sa aking kautusan ay kanilang itinakuwil.

20 Sa anong panukala nangagdadala kayo sa akin ng kamangyan na mula sa Seba, at ng mabangong kalamo na mula sa malayong lupain? ang inyong mga handog na susunugin ay hindi nakalulugod, ni ang inyo mang mga hain ay nakalulugod sa akin.

21 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, ako'y maglalagay ng katitisuran sa harap ng bayang ito: at ang mga magulang at ang mga anak ay magkakasamang mangatitisod doon; ang kalapit bahay at ang kaniyang kaibigan ay mamamatay.

22 Ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, ang isang bayan ay nagmumula sa hilagaang lupain; at isang dakilang bansa ay pupukawin mula sa mga kaduluduluhang bahagi ng lupa.

23 Sila'y nagsisihawak ng busog at ng sibat; sila'y mabagsik at walang habag; ang kanilang tinig ay humuhugong na parang dagat, at sila'y nagsisisakay sa mga kabayo, bawa't isa ay humahanay, na parang isang lalake sa pakikipagbaka, laban sa iyo Oh anak na babae ng Sion.

24 Aming narinig ang balita niyaon; ang aming mga kamay ay nanganghihina: kahirapan ay humawak sa amin, at hirap na gaya ng sa isang babae sa pagdaramdam.

25 Huwag kang lumabas sa parang, o lumakad man sa daan; sapagka't may tabak ng kaaway, at kakilabutan sa bawa't dako.

26 Oh anak na babae ng aking bayan, magbigkis ka ng kayong magaspang, at gumumon ka sa abo: manangis ka, gaya ng sa bugtong na anak, ng kalagimlagim na panaghoy; sapagka't ang manglilipol ay biglang darating sa akin.

27 Iginawa kita ng isang moog at ng kuta sa gitna ng aking bayan: upang iyong maalaman at masubok ang kanilang lakad.

28 Silang lahat ay lubhang mapanghimagsik na nanganinirang puri; sila'y tanso at bakal: silang lahat ay nagsisigawang may kabulukan.

29 Ang panghihip ay humihihip na malakas; ang tingga ay natutunaw sa apoy: sa walang kabuluhan nagdadalisay sila; sapagka't ang masasama ay hindi nangaalis.

30 Tatawagin silang pilak na itinakuwil, sapagka't itinakuwil sila ng Panginoon.

Ang salita na dumating kay Jeremias mula sa Panginoon na nagsasabi,

Ikaw ay tumayo sa pintuang-daan ng bahay ng Panginoon, at itanyag mo roon ang salitang ito, at iyong sabihin, Inyong dinggin ang salita ng Panginoon, ninyong lahat na nasa Juda, na nagsisipasok sa mga pintuang-daang ito upang magsisamba sa Panginoon.

Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Inyong pabutihin ang inyong mga lakad at ang inyong mga gawa, at akin kayong patatahanin sa dakong ito.

Huwag kayong magsitiwala sa mga kabulaanang salita, na nangagsasabi, Ang templo ng Panginoon, ang templo ng Panginoon, ang templo ng Panginoon, ay ang mga ito.

Sapagka't kung inyong lubos na pabubutihin ang inyong mga lakad at ang inyong mga gawa; kung kayo'y lubos na magsisigawa ng kahatulan sa isang tao at sa kaniyang kapuwa.

Kung hindi ninyo pipighatiin ang makikipamayan, ang ulila, at ang babaing bao, at hindi kayo magbububo ng walang salang dugo sa dakong ito, o susunod man sa ibang mga dios sa inyong sariling kapahamakan.

Ay patatahanin ko nga kayo sa dakong ito, sa lupain na ibinigay ko sa inyong mga magulang mula ng una hanggang sa walang hanggan.

Narito, kayo'y nagsisitiwala sa mga kabulaanang salita, na hindi mapapakinabangan.

Kayo baga'y mangagnanakaw, magsisipatay, at mangangalunya at magsisisumpa ng kabulaanan, at mangagsusunog ng kamangyan kay Baal, at magsisisunod sa ibang mga dios na hindi ninyo nakikilala.

10 At magsisiparito at magsisitayo sa harap ko sa bahay na ito, na tinatawag sa aking pangalan, na mangagsasabi, Kami ay laya; upang inyong gawin ang lahat na kasuklamsuklam na ito?

11 Ang bahay bagang ito na tinawag sa aking pangalan, naging yungib ng mga tulisan sa harap ng inyong mga mata? Narito, ako, ako nga ang nakakita, sabi ng Panginoon.

12 Nguni't magsiparoon kayo ngayon sa aking dako na nasa Silo, na siyang aking pinagpatahanan ng aking pangalan nang una, at inyong tingnan kung ano ang aking ginawa dahil sa kasamaan ng aking bayang Israel.

13 At ngayon, sapagka't inyong ginawa ang lahat ng gawang ito, sabi ng Panginoon, at nagsalita ako sa inyo, na ako'y bumabangong maaga at nagsasalita, nguni't hindi ninyo dininig: at aking tinawag kayo, nguni't hindi kayo sumagot:

14 Kaya't gagawin ko sa bahay na tinatawag sa aking pangalan, na inyong tinitiwalaan, at sa dakong ibinigay ko sa inyo at sa inyong mga magulang, ang gaya ng aking ginawa sa Silo.

15 At akin kayong itatakuwil sa aking paningin, gaya ng pagkatakuwil ko sa lahat ninyong mga kapatid, sa buong binhi ni Ephraim.

16 Kaya't huwag mong idalangin ang bayang ito, ni palakasin man ang daing patungkol sa kanila ni dalangin man, o mamagitan man ikaw sa akin; sapagka't hindi kita didinggin.

17 Hindi mo ba nakikita kung ano ang kanilang ginagawa sa bayan ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem?

18 Ang mga anak ay nangamumulot ng kahoy, at ang mga ama ay nangagpapaningas ng apoy, at ang mga babae ay nangagmamasa ng masa, upang igawa ng mga tinapay ang reina ng langit, at upang magbuhos ng mga handog na inumin sa ibang mga dios, upang kanilang mungkahiin ako sa galit.

19 Kanila baga akong minumungkahi sa galit? sabi ng Panginoon; hindi baga sila namumungkahi sa kanilang sarili sa ikalilito ng kanila ring mukha?

20 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Narito, ang aking galit at ang aking kapusukan ay mabubuhos sa dakong ito, sa tao, at sa hayop, at sa mga punong kahoy sa parang, at sa bunga ng lupa: at masusupok, at hindi mapapatay.

21 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Inyong idagdag ang inyong mga handog na susunugin sa inyong mga hain, at magsikain kayo ng laman.

22 Sapagka't hindi ako nagsalita sa inyong mga magulang, o nagutos man sa kanila nang araw na inilabas ko sila sa lupain ng Egipto, tungkol sa mga handog na susunugin, o sa mga hain:

23 Kundi ang bagay na ito ang iniutos ko sa kanila, na aking sinasabi, Inyong dinggin ang aking tinig, at ako'y magiging inyong Dios, at kayo'y magiging aking bayan; at magsilakad kayo sa lahat ng daan na iniuutos ko sa inyo, sa ikabubuti ninyo.

24 Nguni't hindi nila dininig, o ikiniling man ang kanilang pakinig, kundi nagsilakad sa kanilang sariling mga payo at sa pagmamatigas ng kanilang masamang puso, at nagsiyaong paurong at hindi pasulong.

25 Mula nang araw na ang inyong mga magulang ay magsilabas sa lupain ng Egipto hanggang sa araw na ito, aking sinugo sa inyo ang lahat kong lingkod na mga propeta, na araw-araw ay bumabangon akong maaga at sinusugo ko sila:

26 Gayon ma'y hindi sila nangakinig sa akin, o nangagkiling man ng kanilang pakinig, kundi pinapagmatigas ang kanilang leeg: sila'y nagsigawa ng lalong masama kay sa kanilang mga magulang.

27 At iyong sasalitain ang lahat na salitang ito sa kanila; nguni't hindi sila mangakikinig sa iyo: iyo namang tatawagin sila; nguni't hindi sila magsisisagot sa iyo.

28 At iyong sasabihin sa kanila, Ito ang bansang hindi nakinig sa tinig ng Panginoon nilang Dios, o tumanggap man ng aral: katotohanan ay nawala, at nahiwalay sa kanilang bibig.

29 Iyong gupitin ang iyong buhok, Oh Jerusalem, at ihagis mo, at maglakas ka ng panaghoy sa mga luwal na kaitaasan; sapagka't itinakuwil ng Panginoon at nilimot ang lahat ng kaniyang poot.

30 Sapagka't nagsigawa ang mga anak ni Juda ng masama sa aking paningin, sabi ng Panginoon: kanilang inilagay ang kanilang mga kasuklamsuklam sa bahay na tinatawag sa aking pangalan, upang lapastanganin.

31 At kanilang itinayo ang mga mataas na dako ng Topheth, na nasa libis ng anak ni Hinnom, upang sunugin ang kanilang mga anak na lalake at babae sa apoy; na hindi ko iniuutos, o pumasok man sa aking pagiisip.

32 Kaya't, narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na hindi na siya tatawaging Topheth, o ang libis ng anak ni Hinnom man, kundi Ang libis ng Patayan: sapagka't sila'y mangaglilibing sa Topheth, hanggang sa mawalan ng dakong mapaglilibingan.

33 At ang mga bangkay ng bayang ito ay magiging pinakapagkain sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga hayop sa lupa; at walang bubugaw sa mga yaon.

34 Kung magkagayo'y aking ipatitigil sa mga bayan ng Juda, at sa mga lansangan ng Jerusalem, ang tinig ng kalayawan at ang tinig ng kasayahan, ang tinig ng kasintahang lalake at ang tinig ng kasintahang babae: sapagka't ang lupain ay masisira.

Sa panahong yaon, sabi ng Panginoon, ay ilalabas nila ang mga buto ng mga hari sa Juda, at ang mga buto ng kaniyang mga prinsipe, at ang mga buto ng mga saserdote, at ang mga buto ng mga propeta, at ang mga buto ng mga nananahan sa Jerusalem, mula sa kanilang mga libingan;

At kanilang ikakalat sa liwanag ng araw, at ng buwan, at ng lahat na natatanaw sa langit na kanilang inibig, at kanilang pinaglingkuran, at siya nilang sinundan, at siyang kanilang hinanap, at siyang kanilang sinamba: hindi mangapipisan, o mangalilibing man, sila'y magiging pinakasukal sa ibabaw ng lupa.

At ang kamatayan ay pipiliin na higit kay sa kabuhayan ng lahat ng naiwang nalabi rito sa masamang angkan, na nalabi sa lahat ng dako na aking pinagtabuyan sa kanila, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

Bukod dito'y sasabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon. Mangabubuwal baga ang mga tao, at hindi magsisibangon uli? maliligaw baga ang isa, at hindi babalik?

Bakit nga ang bayang ito na Jerusalem ay tumatalikod ng walang hanggang pagtalikod? sila'y nagsisihawak na mahigpit ng karayaan, sila'y nagsisitangging bumalik.

Aking pinakinggan at narinig ko, nguni't hindi sila nagsalita ng matuwid: walang nagsisisi ng kaniyang kasamaan, na nagsasabi, Anong aking ginawa? bawa't isa'y lumilihis sa kaniyang lakad, gaya ng kabayo na dumadaluhong sa pagbabaka.

Oo, nalalaman ng ciguena sa himpapawid ang kaniyang mga takdang kapanahunan; at ang bato bato at ang langaylangayan at ang tagak ay nangagmamalas ng panahon ng pagdating ng mga yaon; nguni't hindi nalalaman ng aking bayan ang alituntunin ng Panginoon.

Paano ninyo sinasabi, Kami ay pantas, at ang kautusan ng Panginoon ay sumasaamin? Nguni't, narito, ang sinungaling na pangsulat ng mga escriba ay sumulat na may kasinungalingan.

Ang mga pantas ay nangapapahiya, sila'y nanganglulupaypay at nangahuhuli: narito, kanilang itinakuwil ang salita ng Panginoon: at anong uri ng karunungan ang nasa kanila?

10 Kaya't ibibigay ko ang kanilang mga asawa sa mga iba, at ang kanilang mga parang sa mga magaari sa mga yaon: sapagka't bawa't isa mula sa kaliitliitan hanggang sa kalakilakihan, ay ibinigay sa kasakiman; mula sa propeta hanggang sa saserdote bawa't isa'y gumagawang may kasinungalingan.

11 At kanilang pinagaling ng kaunti ang sugat ng anak na babae ng aking bayan, na sinasabi, Kapayapaan, kapayapaan; gayon ma'y walang kapayapaan.

12 Nangahiya baga sila nang sila'y gumawa ng kasuklamsuklam? hindi, hindi sila nangahiya sa anoman, ni nangamula man sila: kaya't sila'y mangabubuwal sa gitna niyaong nangabubuwal; sa panahon ng pagdalaw sa kanila ay mahahagis sila, sabi ng Panginoon.

13 Aking lubos na lilipulin sila, sabi ng Panginoon: hindi magkakaroon ng mga ubas sa puno ng ubas, o ng mga higos man sa mga puno ng higos, at ang dahon ay malalanta; at ang mga bagay na aking naibigay sa kanila ay mapapawi sa kanila.

14 Bakit tayo'y nagsisitigil na nakaupo? kayo'y magkatipon, at tayo'y magsipasok sa mga bayang nakukutaan, at tayo'y magsitahimik doon; sapagka't tayo'y pinatahimik ng Panginoon nating Dios, at binigyan tayo ng inuming mapait upang inumin, sapagka't tayo'y nangagkasala laban sa Panginoon.

15 Tayo'y nangaghihintay ng kapayapaan, nguni't walang dumating na mabuti; at ng panahon ng kagalingan, at narito panglulupaypay!

16 Ang singasing ng kaniyang mga kabayo ay naririnig mula sa Dan: sa tinig ng halinghing ng kaniyang mga malakas ay nayayanig ang buong lupain; sapagka't sila'y nagsidating, at nilamon ang lupain at lahat ng naroon; ang bayan at yaong mga nagsisitahan doon.

17 Sapagka't, narito, ako'y magsusugo ng mga ahas, ng mga ulupong sa gitna ninyo, na hindi maeenkanto, at kakagatin nila kayo, sabi ng Panginoon.

18 Oh kung ako'y makapagaaliw laban sa kapanglawan! ang puso ko ay nanglulupaypay.

19 Narito, ang tinig ng hiyaw ng anak na babae ng aking bayan na mula sa lupain na totoong malayo: Hindi baga ang Panginoon ay nasa Sion? hindi baga ang kaniyang Hari ay nandoon? Bakit minungkahi nila ako sa galit ng kanilang mga larawang inanyuan, at ng mga walang kabuluhan ng iba?

20 Ang pagaani ay nakaraan, ang taginit ay lipas na, at tayo'y hindi ligtas.

21 Dahil sa sugat ng anak na babae ng aking bayan ay nasasakitan ako; ako'y luksa; ako'y natigilan.

22 Wala bagang balsamo sa Galaad? wala bagang manggagamot doon? bakit nga hindi gumaling ang anak na babae ng aking bayan?

Oh kung ang aking ulo lamang ay maging tubig, at ang aking mga mata ay bukalan ng mga luha, upang ako'y makaiyak araw at gabi dahil sa pagkamatay ng anak na babae ng aking bayan!

Oh kung magkaroon ako sa ilang ng patuluyan sa mga naglalakad; upang aking maiwan ang aking bayan, at lisanin ko sila! sapagka't silang lahat ay mangangalunya, kapulungan ng mga taong taksil!

At pinamimilantik nila ang kanilang dila gaya ng kanilang busog, dahil sa kabulaanan; at sila'y nagsisitakas sa lupain, nguni't hindi para sa katotohanan: sapagka't sila'y nagpatuloy mula sa kasamaan hanggang sa kasamaan, at hindi nila ako nakikilala, sabi ng Panginoon.

Mangagingat bawa't isa sa inyo sa kaniyang kapuwa, at huwag kayong mangagkatiwala sa kanino mang kapatid; sapagka't bawa't kapatid ay mangaagaw, at bawa't kapuwa ay makikisama sa mapanirang puri.

At mangagdaya bawa't isa sa kanila sa kaniyang kapuwa, at hindi mangagsasalita ng katotohanan: kanilang tinuruan ang kanilang dila na magsalita ng kabulaanan; sila'y nangagpakapagod upang gumawa ng kasamaan.

Ang iyong tahanan ay nasa gitna ng pangdadaya: dahil sa pangdadaya ay ayaw silang kumilala sa akin, sabi ng Panginoon.

Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Narito, aking lilituhin sila, at susubukin sila; sapagka't ano pa ang aking magagawa, dahil sa anak na babae ng aking bayan?

Ang kanilang dila ay panang nakamamatay; nagsasalita ng karayaan: nagsasalitang may kapayapaan ng kaniyang bibig sa kaniyang kapuwa, nguni't bumabakay siya ng kaniyang puso sa kaniya.

Hindi ko baga dadalawin sila dahil sa mga bagay na ito? sabi ng Panginoon; hindi baga manghihiganti ako sa isang bansa na gaya nito?

10 Sa mga bundok ay maglalakas ako ng pagiyak at pananangis, at sa mga sabsaban sa ilang ay panaghoy, sapagka't nasunog ang mga yaon, na anopa't walang dumaraan; hindi man narinig ng mga tao ang angal ng kawan; ang mga ibon sa himpapawid at gayon din ang mga hayop sa parang ay nagsitakas, ang mga ito'y nagsiyaon.

11 At aking gagawin na mga bundok ang Jerusalem, na tahanang dako ng mga chakal; at aking sisirain ang mga bayan ng Juda, na walang mananahan.

12 Sino ang pantas na makakaunawa nito? at sino siya na pinagsalitaan ng bibig ng Panginoon, upang kaniyang maipahayag? bakit ang lupain ay napupugnaw at nasusunog na parang ilang, na anopa't walang dumaraan?

13 At sinabi ng Panginoon, Sapagka't kanilang pinabayaan ang aking kautusan na aking inilagay sa harap nila, at hindi nagsisunod sa aking tinig, o nilakaran man nila;

14 Kundi sila'y nagsisunod sa pagmamatigas ng kanilang sariling puso, at nagsisunod sa mga Baal, na itinuro sa kanila ng kanilang mga magulang;

15 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Narito, aking pakakanin sila, ang bayang ito, ng ajenjo, at bibigyan ko sila ng inuming mapait upang inumin.

16 Akin ding pangangalatin sila sa gitna ng mga bansa, na hindi nakilala kahit nila o ng kanilang mga magulang man; at ipahahabol ko sila sa tabak, hanggang sa aking malipol sila.

17 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Kayo'y mangagdilidili, at magsitawag ng mga tagapanangis na babae, upang sila'y mangakaparito; at inyong ipasundo ang mga bihasang babae, upang sila'y mangakaparito:

18 At mangagmadali sila, at mangaglakas sila ng panangis dahil sa atin, upang ang ating mga mata ay daluyan ng mga luha, at ang ating mga talukapmata ay labasan ng tubig.

19 Sapagka't ang tinig ng panangis ay naririnig mula sa Sion, Ano't tayo'y nasisira! tayo'y lubhang nangalito, sapagka't ating pinabayaan ang lupain, sapagka't kanilang ibinagsak ang ating mga tahanan.

20 Gayon ma'y inyong dinggin ang salita ng Panginoon, Oh ninyong mga babae, at tanggapin ng inyong pakinig ang salita ng kaniyang bibig; at turuan ninyo ang inyong mga anak na babae ng panangis, at turuan ng bawa't isa ang kaniyang kapuwa ng panaghoy.

21 Sapagka't ang kamatayan ay sumampa sa loob ng ating mga dungawan, ito'y pumasok sa ating mga palacio; upang ihiwalay ang mga anak sa labas, at ang mga binata sa mga lansangan.

22 Salitain mo: Ganito ang sabi ng Panginoon, Ang mga bangkay ng mga tao ay mangabubuwal na parang dumi sa luwal na parang, at parang bigkis sa likod ng manggagapas: at walang dadampot.

23 Ganito ang sabi ng Panginoon, Huwag magmapuri ang pantas sa kaniyang karunungan, o magmapuri man ang makapangyarihan sa kaniyang kapangyarihan, huwag magmapuri ang mayaman sa kaniyang kayamanan;

24 Kundi magmapuri sa ganito ang lumuluwalhati, na kaniyang nauunawa, at kaniyang nakikilala ako, na ako ang Panginoon na nagsasagawa sa lupa ng kagandahang-loob, kahatulan at katuwiran; sapagka't sa mga bagay na ito ay nalulugod ako, sabi ng Panginoon.

25 Narito, ang mga kaarawan ay dumarating, sabi ng Panginoon, na aking parurusahan silang lahat na nangatuli sa hindi tunay na pagkatuli.

26 Ang Egipto, at ang Juda, at ang Edom, at ang mga anak ni Ammon, at ang Moab, at lahat ng nagsisigupit ng laylayan ng kaniyang buhok, na nagsisitahan sa ilang; sapagka't lahat ng mga bansa ay hindi tuli, at ang buong sangbahayan ni Israel ay hindi tuli sa puso.

10 Inyong dinggin ang salita na sinasalita ng Panginoon sa inyo, Oh sangbahayan ni Israel.

Ganito ang sabi ng Panginoon, Huwag kayong matuto ng lakad ng mga bansa, at huwag kayong manganglupaypay sa mga tanda ng langit; sapagka't ang mga bansa ay nanganglulupaypay sa mga yaon.

Sapagka't ang mga kaugalian ng mga bayan ay walang kabuluhan: sapagka't may pumuputol ng punong kahoy sa gubat, na siyang gawa ng mga kamay ng manggagawa sa pamamagitan ng palakol.

Kanilang ginagayakan ng pilak at ng ginto; kanilang ikinakapit ng mga pako at ng mga pamukpok, upang huwag makilos.

Sila'y gaya ng puno ng palma, na binilog, at hindi nagsasalita: kinakailangang pasanin, sapagka't hindi makalakad. Huwag ninyong katakutan ang mga yaon, sapagka't hindi makagagawa ng kasamaan, ni wala ring magagawang mabuti.

Walang gaya mo, Oh Panginoon; ikaw ay dakila, at ang iyong pangalan ay dakila sa kapangyarihan.

Sinong hindi matatakot sa iyo, Oh Hari ng mga bansa? sapagka't sa iyo nauukol; palibhasa'y sa gitna ng lahat ng pantas sa mga bansa, at sa lahat nilang kaharian, ay walang gaya mo.

Kundi sila'y pawang tampalasan at hangal turo ng mga dios-diosan, yao'y kahoy lamang.

May pilak na pinukpok na dinala rito mula sa Tarsis, at ginto mula sa Uphaz, na gawa ng manggagawa at ng mga kamay ng panday; azul at kulay ube ang kanilang damit; gawang lahat ng mga bihasang manggagawa.

10 Nguni't ang Panginoon ay tunay na Dios; siya ang buhay na Dios, at walang hanggang Hari: sa kaniyang poot ay nayayanig ang lupa, at hindi matatagalan ng mga bansa ang kaniyang galit.

11 Ganito ang inyong sasabihin sa kanila, Ang mga dios na hindi gumawa ng langit at ng lupa, ang mga ito ang mangalilipol sa lupa, at sa silong ng langit.

12 Kaniyang ginawa ang lupa sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan, kaniyang itinatag ang sanglibutan sa pamamagitan ng kaniyang karunungan, at kaniyang iniladlad ang langit sa pamamagitan ng kaniyang pagkaunawa:

13 Pagka siya'y naguutos, may hugong ng tubig sa langit, at kaniyang pinaiilanglang ang mga singaw mula sa mga dulo ng lupa; siya'y nagpapakidlat para sa ulan, at naglalabas ng hangin mula sa mga kinalalagyan.

14 Bawa't tao ay naging tampalasan at walang kaalaman; bawa't panday ay nalagay sa kahihiyan sa kaniyang larawang inanyuan; sapagka't ang kaniyang larawang binubo ay kabulaanan, at hindi humihinga ang mga yaon.

15 Sila'y walang kabuluhan, gawang karayaan: sa panahon ng pagdalaw sa mga yaon sila ay mangalilipol.

16 Ang bahagi ng Jacob ay hindi gaya ng mga ito; sapagka't siya ang may kapal sa lahat ng mga bagay; at ang Israel ay siyang lipi na kaniyang mana ang Panginoon ng mga hukbo ay siyang kaniyang pangalan.

17 Iyong pulutin ang iyong mga kalakal mula sa lupain, Oh ikaw na nakukubkob.

18 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, aking ibubulid ang mga mananahan sa lupain sa panahong ito, at aking pahihirapan sila upang sila'y makaramdam.

19 Sa aba ko, dahil sa aking sugat! ang aking sugat ay malubha: nguni't aking sinabi, Tunay na ito ay aking hirap, at aking marapat na tiisin.

20 Ang aking tolda ay nagiba, at lahat ng panali ko ay nangapatid; iniwan ako ng aking mga anak, at sila'y wala na: wala nang magtayo pa ng aking tolda, at magtaas ng aking mga tabing.

21 Sapagka't ang mga pastor ay naging tampalasan, at hindi nagsisangguni sa Panginoon: kaya't hindi sila magsisiginhawa, at lahat nilang kawan ay nangalat.

22 Ang tinig ng mga balita, narito, dumarating, at malaking kagulo mula sa lupaing hilagaan, upang gawing kagibaan ang mga bayan ng Juda, at tahanan ng mga chakal.

23 Oh Panginoon, talastas ko na ang lakad ng tao ay hindi sa kaniyang sarili; hindi para sa taong lumalakad ang magtuwid ng kaniyang mga hakbang.

24 Oh Panginoon, sawayin mo ako, nguni't sa pamamagitan ng kahatulan; huwag sa iyong galit, baka ako'y iuwi mo sa wala.

25 Iyong ibuhos ang iyong kapusukan sa mga bansa na hindi nakakakilala sa iyo, at sa mga angkan na hindi nagsisitawag sa iyong pangalan; sapagka't kanilang sinakmal ang Jacob, oo, kanilang sinakmal siya, at nilipol siya, at sinira ang kaniyang tahanan.

11 Ang salita na dumating kay Jeremias na mula sa Panginoon, na nagsasabi,

Inyong pakinggan ang mga salita ng tipang ito, at inyong salitain sa mga tao ng Juda, at sa mga nananahan sa Jerusalem,

At iyong sabihin sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Sumpain ang taong hindi nakikinig ng mga salita ng tipang ito,

Na aking iniutos sa iyong mga magulang, nang araw na aking inilabas sila mula sa lupain ng Egipto, mula sa hurnong bakal, na nagsasabi, inyong talimahin ang aking tinig, at inyong isagawa, ayon sa lahat na iniuutos ko sa inyo: sa gayo'y magiging bayan ko kayo, at ako'y magiging inyong Dios;

Upang aking maitatag ang sumpa na aking isinumpa sa inyong mga magulang, upang ibigay ko sa kanila ang isang lupaing binubukalan ng gatas at pulot, gaya sa araw na ito. Nang magkagayo'y sumagot ako, at sinabi ko, Siya nawa, Oh Panginoon.

At sinabi ng Panginoon sa akin, Inyong itanyag ang lahat ng mga salitang ito sa mga bayan ng Juda, at sa mga lansangan ng Jerusalem, na inyong sabihin, Inyong dinggin ang mga salita ng tipang ito, at inyong isagawa.

Sapagka't aking pinatunayang mainam sa inyong mga magulang nang araw na aking iahon sila sa lupain ng Egipto, hanggang sa araw na ito, na ako'y bumabangong maaga at pinatutunayan ko, na aking sinasabi, Inyong talimahin ang aking tinig.

Gayon ma'y hindi nila tinalima o ikiniling man ang kanilang pakinig kundi lumakad bawa't isa sa pagmamatigas ng kanilang masamang puso: kaya't dinala ko sa kanila ang lahat na salita ng tipang ito, na aking iniutos sa kanila na isagawa, nguni't hindi nila isinagawa.

At sinabi ng Panginoon sa akin, Isang pagbabanta ay nasumpungan sa gitna ng mga lalake ng Juda, at sa gitna ng mga nananahan sa Jerusalem.

10 Sila'y nanganumbalik sa mga kasamaan ng kanilang mga kanunuan, na nagsitangging duminig ng aking mga salita; at sila'y nagsisunod sa ibang mga dios upang paglingkuran: sinira ng sangbahayan ni Israel at ng sangbahayan ni Juda ang aking tipan na aking ipinakipagtipan sa kanilang mga magulang.

11 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, ako'y magdadala ng kasamaan sa kanila, na hindi nila matatakasan; at sila'y magsisidaing sa akin, nguni't hindi ko sila didinggin.

12 Kung magkagayo'y magsisiyaon at magsisidaing ang mga bayan ng Juda at ang mga nananahan sa Jerusalem sa mga dios na kanilang pinaghandugan ng kamangyan: nguni't hindi sila ililigtas nila sa anoman sa panahon ng kanilang kabagabagan.

13 Sapagka't ayon sa bilang ng iyong mga bayan ay gayon ang iyong mga dios. Oh Juda; at ayon sa bilang ng mga lansangan ng Jerusalem ay nagtayo kayo ng mga dambana sa kahiyahiyang bagay, mga dambana upang pagsunugan ng kamangyan kay Baal.

14 Kaya't huwag mong idalangin ang bayang ito, o palakasin man ang daing patungkol sa kanila ni dalangin man; sapagka't hindi ko didinggin sila sa panahon na sila'y magsisidaing sa akin dahil sa kanilang kabagabagan.

15 Anong magagawa ng aking sinta sa aking buhay, yamang siya'y gumawa ng kahalayan sa marami, at ang banal na lamang handog ay humiwalay sa iyo? pagka ikaw ay gumagawa ng kasamaan, ikaw nga'y nagagalak.

16 Tinawag ng Panginoon ang iyong pangalan, Sariwang puno ng olivo, maganda na may mainam na bunga: sa pamamagitan ng ingay ng malaking kagulo ay kaniyang sinilaban ng apoy, at ang mga sanga niyaon ay nangabali.

17 Sapagka't ang Panginoon ng mga hukbo, na nagtatag sa iyo, ay nagbabadya ng kasamaan laban sa iyo, dahil sa kasamaan ng sangbahayan ni Israel, at ng sangbahayan ni Juda na kanilang ginawa sa ganang kanilang sarili sa pamumungkahi sa akin sa galit sa pamamagitan ng paghahandog ng kamangyan kay Baal.

18 At binigyan ako ng kaalaman ng Panginoon tungkol doon, at naalaman ko: nang magkagayo'y ipinakita mo sa akin ang kanilang mga gawa.

19 Nguni't ako'y gaya ng maamong kordero na pinapatnubayan sa patayan; at hindi ko naalaman na sila'y nangakakatha na ng mga katha laban sa akin, na nangagsasabi, Ating sirain ang punong kahoy sangpu ng bunga niyaon, at ating ihiwalay siya sa lupain ng buhay, upang ang kaniyang pangalan ay huwag ng maalaala.

20 Nguni't, Oh Panginoon ng mga hukbo, na humahatol ng matuwid, na tumatarok ng puso at ng pagiisip, ipakita mo sa akin ang iyong kagantihan sa kanila; sapagka't sa iyo inihayag ko ang aking usap.

21 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa mga lalake ng Anathoth na nagsisiusig ng iyong buhay, na nangagsasabi, Ikaw ay huwag manghuhula sa pangalan ng Panginoon, upang huwag kang mamatay sa aming kamay;

22 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Narito, aking parurusahan sila: ang mga binata ay mamamatay sa pamamagitan ng tabak; ang kanilang mga anak na lalake at babae ay mangamamatay dahil sa gutom;

23 At hindi magkakaroon ng nalabi sa kanila: sapagka't ako'y magdadala ng kasamaan sa mga lalake ng Anathoth, sa makatuwid baga'y sa taon ng pagdalaw sa kanila.

12 Ikaw ay matuwid, Oh Panginoon, nang ako'y makipagtalo sa iyo; gayon ma'y makikipagmatuwiranan ako sa iyo: bakit gumiginhawa ang lakad ng masama? bakit nangatitiwasay silang lahat na nagsisigawa ng may lubhang kataksilan?

Iyong itinanim sila, oo, sila'y nangagkaugat; nagsisitubo, oo, sila'y nangagbubunga: ikaw ay malapit sa kanilang bibig, at malayo sa kanilang mga puso.

Nguni't ikaw, Oh Panginoon, nakakakilala sa akin; iyong nakikita ako, at tinatarok mo ang aking puso: itaboy mo silang gaya ng mga tupa sa patayan, at ihanda mo sila sa kaarawan ng pagpatay.

Hanggang kailan tatangis ang lupain, at matutuyo ang mga damo sa buong lupain? dahil sa kasamaan nila na nagsisitahan doon, nilipol ang mga hayop, at ang mga ibon; sapagka't kanilang sinabi, Hindi niya makikita ang ating huling kawakasan.

Kung ikaw ay tumakbo na kasama ng nangaglalakad, at kanilang pinagod ka, paano ngang makikipagunahan ka sa mga kabayo? at bagaman sa lupain ng kapayapaan ay tiwasay ka, gayon ma'y paano ang gagawin mo sa kapalaluan ng Jordan?

Sapagka't ang iyong mga kapatid man at ang sangbahayan ng iyong magulang, ay nagsigawa ring may kataksilan sa iyo; nagsihiyaw rin ng malakas sa hulihan mo: huwag mong paniwalaan sila, bagaman sila'y nangagsasalita ng mga mabuting salita sa iyo.

Aking pinabayaan ang aking bahay, aking itinakuwil ang aking mana; aking ibinigay ang giliw na sinta ng aking kaluluwa sa kamay ng kaniyang mga kaaway.

Sa akin ang mana ko ay naging parang leon sa gubat: kaniyang inilakas ang kaniyang tinig laban sa akin; kaya't aking ipinagtanim siya.

Ang akin bagang mana sa akin ay naging parang mangdadagit na ibong batikbatik? ang mga mangdadagit na ibon baga ay laban sa kaniya sa palibot? kayo'y magsiyaon, inyong pagpulungin ang lahat na hayop sa parang, inyong dalhin sila rito upang magsipanakmal.

10 Sinira ng maraming pastor ang aking ubasan, kanilang niyapakan ng paa ang aking bahagi, kanilang ginawa ang aking mahalagang bahagi na ilang na sira.

11 Kanilang ginawa, itong isang kagibaan; tumatangis sa akin, palibhasa'y sira; ang buong lupain ay nasira, sapagka't walang taong gumugunita.

12 Mga manglilipol ay nagsidating sa lahat na luwal na kaitaasan sa ilang: sapagka't ang tabak ng Panginoon ay nananakmal mula sa isang dulo ng lupain hanggang sa kabilang dulo ng lupain walang taong may kapayapaan.

13 Sila'y nangaghasik ng trigo, at nagsiani ng mga tinik: sila'y nangagpakahirap, at walang pinakikinabang: at kayo'y mangapapahiya sa inyong mga gawa, dahil sa mabangis na galit ng Panginoon.

14 Ganito ang sabi ng Panginoon laban sa lahat na masama kong kapuwa, na nagsisigalaw ng mana sa aking bayang Israel, Narito, akin silang bubunutin sa kanilang lupain, at aking bubunutin ang sangbahayan ni Juda sa gitna nila.

15 At mangyayari, na pagkatapos na aking mabunot sila, ako'y babalik at maaawa sa kanila; at aking ibabalik sila uli, bawa't tao ay sa kaniyang mana, at bawa't tao ay sa kaniyang lupain.

16 At mangyayari, kung kanilang matutuhang masikap ang mga lakad ng aking bayan, ang pagsumpa sa pangalan ko, Buhay ang Panginoon; sa makatuwid baga'y gaya ng kanilang itinuro sa bayan ko na pagsumpa sa pangalan ni Baal: ay mangatatayo nga sila sa gitna ng aking bayan.

17 Nguni't kung hindi nila didinggin, akin ngang bubunutin ang bansang yaon, na bubunutin at lilipulin sabi ng Panginoon.

13 Ganito ang sabi ng Panginoon sa akin, Ikaw ay yumaon at bumili ka ng isang pamigkis na lino, at ibigkis mo sa iyong mga bayawang at huwag mong ilubog sa tubig.

Sa gayo'y bumili ako ng pamigkis ayon sa salita ng Panginoon, at inilagay ko sa aking mga bayawang.

At ang salita ng Panginoon, ay dumating sa akin na ikalawa, na nagsabi,

Kunin mo ang pamigkis na iyong binili, na nasa iyong mga bayawang, at ikaw ay bumangon, yumaon ka sa Eufrates, at ikubli mo roon sa isang bitak ng malaking bato.

Sa gayo'y yumaon ako, at ikinubli ko sa tabi ng Eufrates ayon sa iniutos sa akin ng Panginoon.

At nangyari, pagkaraan ng maraming araw, na sinabi ng Panginoon sa akin, Ikaw ay bumangon, yumaon ka sa Eufrates, at kunin mo ang pamigkis mula roon, na iniutos ko sa iyong ikubli mo roon.

Nang magkagayo'y yumaon ako sa Eufrates, at hinukay ko, at kinuha ko ang pamigkis mula sa dakong aking pinagkublihan; at, narito, ang pamigkis ay bulok, hindi mapapakinabangan sa anoman.

Nang magkagayo'y dumating sa akin ang salita ng Panginoon, na nagsasabi.

Ganito ang sabi ng Panginoon, Ayon sa paraang ito ay aking sasayangin ang kapalaluan ng Juda, at ang malaking kapalaluan ng Jerusalem.

10 Ang masamang bayang ito, na ayaw makinig ng mga salita ko, na lumalakad ayon sa katigasan ng kanilang puso, at yumaong sumunod sa ibang mga Dios upang paglingkuran, at upang sambahin, ay magiging gaya ng pamigkis na ito, na hindi mapapakinabangan sa anoman.

11 Sapagka't kung paanong ang pamigkis ay kumakapit sa mga balakang ng lalake, gayon pinakapit ko sa akin ang buong sangbahayan ni Israel at ang buong sangbahayan ni Juda, sabi ng Panginoon; upang sila'y maging pinakabayan sa akin, at pinakapangalan, at pinakapuri, at pinakaluwalhati: nguni't hindi nila dininig.

12 Kaya't sasalitain mo sa kanila ang salitang ito. Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Bawa't sisidlang balat ay mapupuno ng alak: at kanilang sasabihin sa iyo, Hindi baga namin nalalaman na ang bawa't sisidlang balat ay mapupuno ng alak?

13 Kung magkagayo'y sasabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, aking pupunuin ng pagkalango ang lahat na mananahan sa lupaing ito, ang mga hari na nakaupo sa luklukan ni David, at ang mga saserdote at ang mga propeta, at ang lahat na nananahan sa Jerusalem.

14 At aking itutulak ang isa laban sa isa, sa makatuwid baga'y ang mga magulang at ang mga anak na magkakasama, sabi ng Panginoon: hindi ako magpapatawad, o maaawa man, o mahahabag man, na sila'y lilipulin ko.

15 Inyong dinggin, at kayo'y mangakinig; Huwag kayong mangagpalalo; sapagka't sinalita ng Panginoon.

16 Luwalhatiin ninyo ang Panginoon ninyong Dios, bago siya magpadilim, at bago matisod ang inyong mga paa sa mga madilim na bundok, at, habang kayo'y nangaghihintay ng liwanag, ay kaniyang gagawing lilim ng kamatayan, at papagsasalimuutin niya ang kadiliman.

17 Nguni't kung hindi ninyo didinggin, ako'y iiyak, na lihim dahil sa inyong kapalaluan; at ang mata ko ay iiyak na mainam, at dadaluyan ng mga luha, sapagka't ang kawan ng Panginoon ay nabihag.

18 Iyong sabihin sa hari at sa ina ng hari, Kayo'y mangagpapakababa, magsiupo kayo; sapagka't ang inyong mga kagayakan ng ulo ay nalagpak, ang putong ng inyong kaluwalhatian.

19 Ang mga bayan ng Timugan ay nasarhan, at walang mangagbukas: ang buong Juda ay nadalang bihag; buong nadalang bihag.

20 Inyong itanaw ang inyong mga mata, at inyong masdan sila na nanganggagaling sa hilagaan: saan nandoon ang kawan na nabigay sa iyo, ang iyong magandang kawan?

21 Ano ang iyong sasabihin pagka kaniyang inilagay ang iyong mga kaibigan na pinakapangulo mo, na wari iyong tinuruan sila laban sa iyo? hindi baga mamamanglaw ka, ng parang isang babae na nagdaramdam?

22 At kung iyong sabihin sa puso, Bakit ang mga bagay na ito ay dumating sa akin? dahil sa kalakhan ng iyong kasamaan ay nalilis ang iyong mga laylayan, at iyong mga sakong ay nagtiis ng karahasan.

23 Makapagbabago baga ang Etiope ng kaniyang balat, o ang leopardo ng kaniyang batik? kung magkagayo'y mangakagagawa naman kayo ng mabuti, na mga bihasang gumawa ng masama.

24 Kaya't aking pangangalatin sila, gaya ng dayami na dumaraan, sa pamamagitan ng hangin sa ilang.

25 Ito ang iyong kapalaran, ang bahaging sukat sa iyo na mula sa akin, sabi ng Panginoon; sapagka't iyong nilimot ako, at tumiwala ka sa kabulaanan.

26 Kaya't akin namang ililihis ang iyong mga laylayan sa harap ng iyong mukha, at ang iyong kahihiyan ay malilitaw.

27 Aking nakita ang iyong mga kasuklamsuklam na gawa, sa makatuwid baga'y ang iyong mga pangangalunya, at ang iyong mga paghalinghing, ang kahalayan ng iyong pakikiapid, sa mga burol sa parang. Sa aba mo, Oh Jerusalem! ikaw ay hindi malilinis; hanggang kailan pa magkakaganyan?

14 Ang salita ng Panginoon na dumating kay Jeremias tungkol sa pagkakatuyo.

Ang Juda ay tumatangis, at ang mga pintuang-bayan niya ay nagsisihapay, mga bagsak na nangingitim sa lupa; at ang daing ng Jerusalem ay umilanglang.

At sinugo ng mga mahal na tao ang kanilang mga bata sa tubig: sila'y nagsisiparoon sa mga balon, at hindi nangakasumpong ng tubig; sila'y nagsisibalik na may mga sisidlang walang laman; sila'y nangapapahiya at nangalilito, at nangagtatakip ng kanilang mga ulo.

Dahil sa lupa na pumuputok, palibhasa't hindi nagkaroon ng ulan sa lupain, ang mga mangbubukid ay nangapahiya, kanilang tinatakpan ang kanilang mga ulo.

Oo, ang usa sa parang naman ay nanganganak, at pinababayaan ang anak, sapagka't walang damo.

At ang mga mailap na asno ay nagsisitayo sa mga luwal na kaitaasan, sila'y humihingal na parang mga chakal; sila ay nangangalumata, sapagka't walang pastulan.

Bagaman ang aming mga kasamaan ay sumasaksi laban sa amin, gumawa ka alangalang sa iyong pangalan, Oh Panginoon; sapagka't ang aming mga pagtalikod ay marami; kami ay nangagkasala laban sa iyo.

Oh ikaw na pagasa ng Israel, na Tagapagligtas sa kaniya sa panahon ng kabagabagan, bakit ka magiging parang nakikipamayan sa lupain, at parang gala na lumiliko na nagpaparaan ng gabi?

Bakit ka magiging parang taong natigilan, parang makapangyarihan na hindi makapagligtas? gayon man ikaw, Oh Panginoon, ay nasa gitna namin, at kami ay tinatawag sa iyong pangalan; huwag mo kaming iwan.

10 Ganito ang sabi ng Panginoon sa bayang ito, Yamang kanilang inibig ang paglaboy; hindi nila pinigil ang kanilang mga paa: kaya't hindi sila tinatanggap ng Panginoon; ngayo'y aalalahanin niya ang kanilang kasamaan, at dadalawin ang kanilang mga kasalanan.

11 At sinabi ng Panginoon sa akin, Huwag mong idalangin ang bayang ito sa kanilang ikabubuti.

12 Pagka sila'y nangagaayuno, hindi ko didinggin ang kanilang daing; at pagka sila'y nangaghahandog ng handog na susunugin at ng alay, hindi ko tatanggapin; kundi aking lilipulin sila ng tabak, at ng kagutom, at ng salot.

13 Nang magkagayo'y sinabi ko, Ah Panginoong Dios! narito, sinasabi ng mga propeta sa kanila, Kayo'y hindi makakakita ng tabak, o magkakaroon man kayo ng kagutom; kundi bibigyan ko kayo ng talagang kapayapaan sa dakong ito.

14 Nang magkagayo'y sinabi ng Panginoon sa akin, Ang mga propeta ay nanghuhula ng kasinungalingan sa aking pangalan; hindi ko sila sinugo, o inutusan ko man sila, o nagsalita man ako sa kanila: sila'y nanganghuhula sa iyo ng sinungaling na pangitain, at ng panghuhula, at ng bagay na wala, at ng daya ng kanilang sariling puso.

15 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa mga propeta na nanghuhula sa aking pangalan, at hindi ko sila sinugo, na gayon ma'y nagsasabi sila, Tabak at kagutom ay hindi sasapit sa lupaing ito: Sa pamamagitan ng tabak at ng kagutom ay malilipol ang mga propetang yaon.

16 At ang bayan na kanilang pinanghuhulaan ay ihahagis sa mga lansangan ng Jerusalem dahil sa kagutom at sa tabak; at walang maglilibing sa kanila-sa kanila, sa kanilang mga asawa, o sa kanilang mga anak na lalake man, o babae man: sapagka't aking ibubuhos sa kanila ang kanilang kasamaan.

17 At iyong sasabihin ang salitang ito sa kanila, Daluyan ang aking mga mata ng mga luha gabi at araw, at huwag maglikat; sapagka't ang anak na dalaga ng aking bayan ay nasira ng malaking pagkasira, na may totoong mabigat na sugat.

18 Kung ako'y lumabas sa parang, narito, ang mga pinatay ng tabak! at kung ako'y pumasok sa bayan, narito, sila na mga may sakit ng pagkagutom! sapagka't ang propeta at gayon din ang saserdote ay lumilibot sa lupain at walang kaalaman.

19 Iyo bagang lubos na itinakuwil ang Juda? kinapootan baga ng iyong kaluluwa ang Sion? bakit mo sinaktan kami, at walang kagalingan sa amin? Kami ay nangaghihintay ng kapayapaan, nguni't walang kabutihang dumating; at ng panahon ng kagalingan, at, narito, panglulupaypay!

20 Aming kinikilala, Oh Panginoon, ang aming kasamaan, at ang kasamaan ng aming mga magulang; sapagka't kami ay nangagkasala laban sa iyo.

21 Huwag mo kaming kayamutan, alangalang sa iyong pangalan; huwag mong hamakin ang luklukan ng iyong kaluwalhatian: iyong alalahanin, huwag mong sirain ang iyong tipan sa amin.

22 Mayroon bagang sinoman sa gitna ng mga walang kabuluhan ng mga bansa na makapagpapaulan? o makapagpapaambon baga ang mga langit? Hindi baga ikaw ay siya, Oh Panginoon naming Dios? kaya't kami ay mangaghihintay sa iyo; sapagka't iyong ginawa ang lahat na bagay na ito.

15 Nang magkagayo'y sinabi ng Panginoon sa akin, Bagaman si Moises at si Samuel ay tumayo sa harap ko, gayon ma'y ang pagiisip ko ay hindi sasa bayang ito: iyong itakuwil sila sa aking paningin, at iyong palabasin sila.

At mangyayari, pagka kanilang sinabi sa iyo, Saan kami magsisilabas? sasaysayin mo nga sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon, Ang sa kamatayan, ay sa kamatayan; at ang sa tabak, ay sa tabak; at ang sa kagutom, ay sa kagutom; at ang sa pagkabihag, ay sa pagkabihag.

At ako'y magtatakda sa kanila ng apat na mga bagay, sabi ng Panginoon: ang tabak upang pumatay, at ang mga aso upang lumapa, at ang mga ibon sa himpapawid, at ang mga hayop sa lupa, upang lumamon at lumipol.

At aking ipagugulo sila na paroo't parito sa gitna ng lahat na kaharian sa lupa, dahil kay Manases, na anak ni Ezechias, na hari sa Juda, dahil sa kaniyang ginawa sa Jerusalem.

Sapagka't sinong mahahabag sa iyo, Oh Jerusalem? o sinong tataghoy sa iyo? o sinong titigil na magtatanong ng iyong kalagayan?

Iyong itinakuwil ako, sabi ng Panginoon, ikaw ay umurong: kaya't iniunat ko ang aking kamay laban sa iyo, at pinatay kita; ako'y dala na ng pagsisisi.

At aking pinahanginan sila ng pamaypay sa mga pintuang-bayan ng lupain; aking niwalaan sila ng mga anak, aking nilipol ang aking bayan; sila'y hindi humiwalay sa kanilang mga lakad.

Ang kanilang mga babaing bao ay naragdagan sa akin ng higit kay sa buhangin sa mga dagat; aking dinala sa kanila laban sa ina ng mga binata ang manglilipol sa katanghaliang tapat: aking pinabagsak na bigla sa kaniya ang kahapisan at kakilabutan.

Siyang nanganak ng pito ay nanglulupaypay; siya'y nalagutan ng hininga; ang kaniyang kaarawan ay lumubog nang may araw pa; napahiya at nalito: at ang nalabi sa kanila ay ibibigay ko sa tabak sa harap ng kanilang mga kaaway, sabi ng Panginoon.

10 Sa aba ko, ina ko, na ipinanganak mo ako na lalaking sa pakikipagpunyagi at lalaking sa pakikipaglaban sa buong lupa! ako'y hindi nagpautang na may tubo, o pinautang man ako na may patubo ng mga tao; gayon ma'y sinusumpa ako ng bawa't isa sa kanila.

11 Sinabi ng Panginoon, Katotohanang palalakasin kita sa ikabubuti; katotohanang aking pamamanhikin ang kaaway sa iyo sa panahon ng kasamaan at sa panahon ng pagdadalamhati.

12 Mababasag baga ng sinoman ang bakal, ang bakal na mula sa hilagaan, at ang tanso?

13 Ang iyong pag-aari at ang iyong kayamanan ay ibibigay ko na pinakasamsam na walang halaga, at iya'y dahil sa lahat mong kasalanan, sa lahat mo ngang hangganan.

14 At akin silang pararaanin na kasama ng iyong mga kaaway sa lupain na hindi mo nakikilala; sapagka't ang apoy ay nagniningas sa aking galit, na magniningas sa inyo.

15 Oh Panginoon, talastas mo; iyong alalahanin ako, at dalawin mo ako, at ipanghiganti mo ako sa mga manguusig sa akin; huwag mo akong kunin sa iyong pagtitiis: talastasin mo na dahil sa iyo ay nagtiis ako ng kakutyaan.

16 Ang iyong mga salita ay nangasumpungan, at aking kinain; at ang iyong mga salita sa ganang akin ay katuwaan at kagalakan sa aking puso: sapagka't ako'y tinawag sa iyong pangalan, Oh Panginoong Dios ng mga hukbo.

17 Hindi ako nauupo sa kapisanan nila na nasasayahan, o nagagalak man; ako'y nauupong magisa dahil sa iyong kamay; sapagka't pinuno mo ako ng pagkagalit.

18 Bakit ang aking sakit ay walang hanggan, at ang aking sugat ay walang kagamutan, na hindi mapagaling? ikaw baga'y tunay na magiging parang magdarayang batis sa akin, parang tubig na nauubos?

19 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, Kung ikaw ay magbalikloob, papananauliin nga kita upang ikaw ay makatayo sa harap ko; at kung iyong ihiwalay ang may halaga sa walang halaga, ikaw ay magiging parang aking bibig: sila'y manunumbalik sa iyo, nguni't hindi ka manunumbalik sa kanila.

20 At gagawin kita sa bayang ito na tansong kuta na sanggalangan; at sila'y magsisilaban sa iyo, nguni't hindi sila magsisipanaig laban sa iyo; sapagka't ako'y sumasaiyo upang iligtas kita at upang papaging layain kita, sabi ng Panginoon.

21 At ililigtas kita sa kamay ng masama, at tutubusin kita sa kamay ng kakilakilabot.

16 Ang salita rin naman ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsabi,

Huwag kang magaasawa, o magkakaroon ka man ng mga anak na lalake o babae sa dakong ito.

Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa mga anak na lalake at tungkol sa mga anak na babae na ipinanganak sa dakong ito, at tungkol sa kanilang mga ina na nanganak sa kanila, at tungkol sa kanilang mga ama na naging anak sila sa lupaing ito.

Sila'y mangamamatay ng mga mabigat na pagkamatay: hindi sila pananaghuyan, o ililibing man sila; sila'y magiging parang dumi sa ibabaw ng lupa; at sila'y mangalilipol ng tabak, at ng kagutom; at ang kanilang mga bangkay ay magiging pinakapagkain sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga hayop sa lupa.

Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, Huwag kang pumasok sa bahay na may tangisan, o pumaroon man upang tumaghoy, o manangis man sa mga yaon; sapagka't aking inalis ang kapayapaan ko sa bayang ito, sabi ng Panginoon, ang kagandahang-loob at mga malumanay na kaawaan.

Ang malaki at gayon din ang maliit ay mangamamatay sa lupaing ito; sila'y hindi mangalilibing, o tataghuyan man sila ng mga tao, o magkukudlit man o mangagpapakakalbo man dahil sa kanila;

O magpuputol man ng tinapay ang mga tao, sa kanila na nananangis, upang aliwin sila dahil sa namatay; hindi man sila paiinumin sa saro ng kaaliwan ng dahil sa kanilang ama o dahil sa kanilang ina.

At huwag kang papasok sa bahay na anyayahan upang maupong kasalo nila, na kumain at uminom.

Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Narito, aking ipatitigil sa dakong ito, sa harap ng iyong mga mata at sa inyong mga kaarawan, ang tinig ng kalayawan, at ang tinig ng kasayahan, ang tinig ng kasintahang lalaki at ang tinig ng kasintahang babae.

10 At mangyayari, pagka iyong ipakikilala sa bayang ito ang lahat ng mga salitang ito, at kanilang sasabihin sa iyo, Bakit sinalita ng Panginoon ang lahat na malaking kasamaang ito laban sa amin? o ano ang aming kasamaan? o ano ang aming kasalanan na aming ginawa laban sa Panginoon naming Dios?

11 Kung magkagayo'y iyong sasabihin sa kanila, Sapagka't pinabayaan ako ng inyong mga magulang, sabi ng Panginoon, at nagsisunod sa ibang mga dios, at nangaglingkod sa kanila, at nagsisamba sa kanila, at pinabayaan ako, at hindi iningatan ang aking kautusan;

12 At kayo'y nagsigawa ng kasamaan na higit kay sa inyong mga magulang, sapagka't, narito, lumakad bawa't isa sa inyo ng ayon sa katigasan ng kanikaniyang masamang kalooban, na anopa't hindi ninyo ako dininig:

13 Kaya't kayo'y itataboy ko sa lupain na hindi ninyo nakilala, ninyo o ng inyong mga magulang man, na mula sa lupaing ito, at doo'y mangaglilingkod kayo sa ibang mga dios araw at gabi, sapagka't hindi ako magpapakita ng kagandahang loob.

14 Kaya't, narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na hindi na sasabihin pa, Buhay ang Panginoon, na nagahon ng angkan ni Israel mula sa lupain ng Egipto;

15 Kundi, Buhay ang Panginoon, na nagahon ng mga anak ni Israel mula sa lupain ng hilagaan, at mula sa lahat ng lupain na kinatabuyan sa kanila. At akin silang ipapasok uli sa kanilang lupain na aking ibinigay sa kanilang mga magulang.

16 Narito, ipasusundo ko ang maraming mangingisda, sabi ng Panginoon, at magsisipangisda sila; at ipasusundo ko pagkatapos ang maraming mangangaso, at sila'y magsisipangaso sa bawa't bundok, at sa bawa't burol, at sa mga bitak ng mga malaking bato.

17 Sapagka't ang aking mga mata ay nangasa lahat ng kanilang lakad, sila'y hindi nangakukubli sa aking mukha, o nangalilingid man ang kanilang kasamaan sa harap ng aking mga mata.

18 At akin munang gagantihin ng ibayo ang kanilang kasamaan at ang kanilang kasalanan, sapagka't kanilang dinumhan ang aking lupain ng mga bangkay ng kanilang karumaldumal na mga bagay, at kanilang pinuno ang aking mana ng kanilang mga kasuklamsuklam.

19 Oh Panginoon, aking kalakasan, at aking katibayan, at aking kanlungan sa kaarawan ng pagkadalamhati, sa iyo paroroon ang mga bansa na mula sa mga hangganan ng lupa, at mangagsasabi, Ang aming mga magulang ay walang minana kundi mga kabulaanan walang kabuluhan at mga bagay na hindi mapapakinabangan.

20 Gagawa baga ang tao sa kaniyang sarili ng mga dios na hindi mga dios?

21 Kaya't, narito, ipakikilala ko sa kanila, na paminsang ipakikilala ko sa kanila ang aking kamay at ang aking kapangyarihan; at kanilang makikilala na ang aking pangalan ay Jehova.

17 Ang kasalanan ng Juda ay nasulat ng panulat na bakal, at ng dulo ng diamante: nakintal sa kanilang puso, at sa mga sungay ng inyong mga dambana;

Habang naaalaala ng kanilang mga anak ang kanilang mga dambana at ang kanilang mga Asera sa tabi ng mga sariwang puno ng kahoy sa mga mataas na burol.

Oh aking bundok sa parang, aking ibibigay sa pagkasamsam ang iyong mga tinatangkilik sa lahat ng iyong lupa at ang lahat ng iyong mga kayamanan, at ang iyong mga mataas na dako, dahil sa kasalanan, sa lahat ng iyong hangganan.

At ikaw, sa makatuwid baga'y ang iyong sarili, mawawalaan ka ng iyong mana na ibinigay ko sa iyo; at paglilingkurin kita sa iyong mga kaaway sa lupain na hindi mo nakikilala: sapagka't pinapagningas ninyo ang aking galit na magniningas magpakailan man.

Ganito ang sabi ng Panginoon: Sumpain ang tao na tumitiwala sa tao, at ginagawang laman ang kaniyang bisig, at ang puso ay humihiwalay sa Panginoon.

Sapagka't siya'y magiging gaya ng kugon sa ilang, at hindi makakakita pagka ang mabuti ay dumarating, kundi tatahan sa mga tuyong dako sa ilang, lupaing maalat at hindi tinatahanan.

Mapalad ang tao na tumitiwala sa Panginoon, at ang pagasa ay ang Panginoon.

Sapagka't siya'y magiging parang punong kahoy na itinanim sa tabi ng tubig, at naguugat sa tabi ng ilog, at hindi matatakot pagka ang init ay dumarating, kundi ang kaniyang dahon ay magiging sariwa; at hindi mababalisa sa taon ng pagkatuyu, o maglilikat man ng pagbubunga.

Ang puso ay magdaraya ng higit kay sa lahat na bagay, at totoong masama: sinong makaaalam?

10 Akong Panginoon, ay sumisiyasat ng pagiisip, aking tinatarok ang mga puso, upang magbigay sa bawa't tao ng ayon sa kanikaniyang lakad, ayon sa bunga ng kanikaniyang mga gawain.

11 Kung paanong lumilimlim ang pugo sa mga itlog na hindi kaniya, gayon siya nagtatangkilik ng mga kayamanan, at hindi sa pamamagitan ng matuwid; sa kaniyang mga kaarawan ay iiwan niya yaon, at sa kaniyang wakas ay nagiging mangmang siya.

12 Ang maluwalhating luklukan, na naitaas mula nang pasimula, ay siyang dako ng aming santuario.

13 Oh Panginoon, na pagasa ng Israel, lahat na nagpapabaya sa iyo ay mapapahiya. Silang nagsisihiwalay sa akin ay masusulat sa lupa, sapagka't kanilang pinabayaan ang Panginoon, na bukal ng buhay na tubig.

14 Iyong pagalingin ako, Oh Panginoon, at gagaling ako; iyong iligtas ako, at maliligtas ako: sapagka't ikaw ang aking kapurihan.

15 Narito, kanilang sinasabi sa akin, Saan nandoon ang salita ng Panginoon? paratingin ngayon.

16 Sa ganang akin, ay hindi ako nagmadali sa pagpapakapastor sa pagsunod sa iyo; o ninasa ko man ang kaabaabang kaarawan: iyong nalalaman: ang lumabas sa aking mga labi ay nasa harap ng iyong mukha.

17 Huwag maging kakilabutan sa akin: ikaw ang aking kanlungan sa araw ng kasakunaan.

18 Mangapahiya sila sa nagsisiusig sa akin, nguni't huwag akong mapahiya; manganglupaypay sila, nguni't huwag akong manglupaypay; datnan sila ng araw ng kasakunaan, at ipahamak sila ng ibayong pagkapahamak.

19 Ganito ang sabi ng Panginoon sa akin, Ikaw ay yumaon, at tumayo ka sa pintuang-bayan ng mga anak ng bayan, na pinapasukan, at nilalabasan ng mga hari sa Juda, at sa lahat ng pintuang-bayan ng Jerusalem;

20 At iyong sabihin sa kanila, Inyong dinggin ang salita ng Panginoon, ninyong mga hari sa Juda, at ng buong Juda, at ng lahat na nananahan sa Jerusalem, na nagsisipasok sa pintuang-bayang ito:

21 Ganito ang sabi ng Panginoon, Mangagingat kayo sa inyong sarili, at huwag kayong mangagdala ng pasan sa araw ng sabbath, o mangagpasok man sa mga pintuang-bayan ng Jerusalem;

22 Huwag din kayong maglabas ng pasan sa inyong mga bahay sa araw ng sabbath, o magsigawa man kayo ng anomang gawain: kundi inyong ipangilin ang araw ng sabbath, gaya ng iniutos ko sa inyong mga magulang.

23 Nguni't hindi nila dininig, o ikiniling man ang kanilang pakinig, kundi pinapagmatigas ang kanilang leeg, upang huwag nilang marinig, at huwag makatanggap ng turo.

24 At mangyayari, kung kayo'y mangakinig na maingat sa akin, sabi ng Panginoon, na huwag magpasok ng pasan sa mga pintuan ng bayang ito sa araw ng sabbath, kundi ipangilin ang araw ng sabbath, upang huwag gawan ng anomang gawain;

25 Kung magkagayo'y magsisipasok sa mga pintuan ng bayang ito ang mga hari at mga prinsipe na nangauupo sa luklukan ni David, na nangakakaro at nangakakabayo, sila at ang kanilang mga pangulo, ang mga lalake ng Juda, at ang mga taga Jerusalem; at ang bayang ito ay mananatili magpakailan man.

26 At sila'y manganggagaling sa mga bayan ng Juda, at sa mga palibot ng Jerusalem, at sa lupain ng Benjamin, at sa mababang lupain, at sa mga bundok, at sa Timugan, na magdadala ng mga handog na susunugin, at ng mga hain, at ng mga alay, at ng kamangyan, at mangagdadala ng mga hain na pasalamat sa bahay ng Panginoon.

27 Nguni't kung hindi ninyo didinggin ako upang ipangilin ang araw ng sabbath, at huwag mangagdala ng pasan at pumasok sa mga pintuang-bayan ng Jerusalem sa araw ng sabbath; kung magkagayo'y magsusulsol ako ng apoy sa mga pintuang-bayan niyaon, at pupugnawin niyaon ang mga palacio sa Jerusalem, at hindi mapapatay.

18 Ang salita na dumating kay Jeremias mula sa Panginoon, na nagsasabi,

Ikaw ay bumangon, at bumaba sa bahay ng magpapalyok, at aking iparirinig sa iyo ang aking mga salita roon.

Nang magkagayo'y bumaba ako sa bahay ng magpapalyok, at, narito, siya'y gumagawa ng kaniyang gawa sa pamamagitan ng mga gulong.

At nang mabasag sa kamay ng magpapalyok ang sisidlang putik na kaniyang ginagawa, ay gumawa siya uli ng ibang sisidlan, na minagaling na gawin ng magpapalyok.

Nang magkagayo'y dumating sa akin ang salita ng Panginoon, na nagsasabi,

Oh sangbahayan ni Israel, hindi baga ako makagagawa sa inyo na gaya ng paggawa ng magpapalyok na ito? sabi ng Panginoon. Narito, kung paano ang putik sa kamay ng magpapalyok, gayon kayo sa kamay ko, Oh sangbahayan ni Israel.

Sa anomang sandali ay magsasalita ako ng tungkol sa isang bansa, at tungkol sa isang kaharian, upang bunutin at upang ibagsak at upang lipulin;

Kung ang bansang yaon, na aking pinagsalitaan, ay humiwalay sa kanilang kasamaan, ako'y magsisisi sa kasamaan na aking inisip gawin sa kanila.

At sa anomang sangdali ay magsasalita ako ng tungkol sa isang bansa, at tungkol sa isang kaharian, upang itayo at upang itatag;

10 Kung gumawa ng kasamaan sa aking paningin, na hindi sundin ang aking tinig, ay pagsisisihan ko nga ang kabutihan, na aking ipinagsabing pakikinabangan nila.

11 Ngayon nga, salitain mo sa mga tao sa Juda, at sa mga nananahan sa Jerusalem, na iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, ako'y humahaka ng kasamaan laban sa inyo, at kumatha ng katha-katha laban sa inyo: manumbalik bawa't isa sa inyo mula sa kanikaniyang masamang lakad, at inyong pabutihin ang inyong mga lakad at ang inyong mga gawa.

12 Nguni't kanilang sinabi, Walang pagasa; sapagka't kami ay magsisisunod sa aming sariling mga katha-katha, at magsisigawa bawa't isa sa amin ng ayon sa katigasan ng kanikaniyang masamang puso.

13 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, Inyong itanong nga sa mga bansa, kung sinong nakarinig ng ganiyang mga bagay? ang dalaga ng Israel ay gumawa ng totoong kakilakilabot na bagay.

14 Magkukulang baga ng niebe sa Lebano sa bato sa parang? ang malamig na tubig na umaagos mula sa malayo ay matutuyo baga?

15 Sapagka't kinalimutan ako ng aking bayan, sila'y nangagsunog ng kamangyan sa mga diosdiosan; at sila'y nangatisod sa kanilang mga lakad, sa mga dating landas, at pinalalakad sa mga lana, sa daan na hindi patag;

16 Upang gawin ang kanilang lupain na isang katigilan, at walang hanggang kasutsutan; lahat na nangagdadaan doon ay mangatitigilan, at mangaggagalaw ng ulo.

17 Aking pangangalatin sila na parang hanging silanganan sa harap ng kaaway; tatalikuran ko sila, at hindi ko haharapin, sa kaarawan ng kanilang kasakunaan,

18 Nang magkagayo'y sinabi nila, Kayo'y magsiparito, at tayo'y magsikatha ng mga katha-katha laban kay Jeremias; sapagka't ang kautusan ay hindi mawawala sa saserdote, o ang payo man sa pantas, o ang salita man sa propeta. Kayo'y magsiparito, at ating saktan siya ng dila, at huwag nating pansinin ang kaniyang mga salita.

19 Pakinggan mo ako, Oh Panginoon, at ulinigin mo ang tinig nila na nakikipagtalo sa akin.

20 Igaganti baga'y kasamaan sa kabutihan? sapagka't sila'y nagsihukay ng hukay para sa akin. Iyong alalahanin kung paanong ako'y tumayo sa harap mo, upang magsalita ng mabuti para sa kanila, upang ihiwalay ang iyong kapusukan sa kanila.

21 Kaya't ibigay mo ang kanilang mga anak sa kagutom, at ibigay mo sila sa kapangyarihan ng tabak; at ang kanilang mga asawa ay mawalan ng anak, at mga bao; at ang kanilang mga lalake ay mangapatay sa patayan, at ang kanilang mga binata ay masugatan ng tabak sa pagbabaka.

22 Makarinig nawa ng daing mula sa kanilang mga bahay, pagka ikaw ay biglang magdadala ng hukbo sa kanila; sapagka't sila'y nagsihukay ng hukay upang hulihin ako, at ipinagkubli ng mga silo ang aking mga paa.

23 Gayon man, Panginoon, iyong talastas ang lahat nilang payo laban sa akin upang patayin ako; huwag mong ipatawad ang kanilang kasamaan, o pawiin mo man ang kanilang kasalanan sa iyong paningin; kundi sila'y mangatisod sa harap mo; parusahan mo sila sa kaarawan ng iyong galit.