Job 41:1-9
Magandang Balita Biblia
41 “Mahuhuli(A) mo ba ang Leviatan[a] sa pamamagitan ng pamingwit?
Maitatali mo ba ang dila nito sa pamamagitan ng lubid?
2 Matatalian mo kaya ng lubid ang ilong nito?
Tatagusan kaya ng kawit ang mga panga nito?
3 Siya kaya ay lumapit at lumuhod sa harap mo,
magsalita nang malumanay at magmakaawa sa iyo?
4 Siya kaya'y makiusap at ikaw ay pangakuan,
na sa habang buhay ikaw ay paglingkuran?
5 Siya kaya'y parang ibong tatalian at lalaruin
upang mga babaing lingkod mo ay aliwin?
6 Tawaran kaya siya ng mga mamimili,
paghatian kaya siya upang maipagbili?
7 Tablan kaya ang makapal niyang balat,
sa ulo kaya niya'y tumagos ang matulis na sibat?
8 Hawakan mo siya kahit na minsan lang,
hindi mo na uulitin dahil sa inyong paglalaban.
9 “Ang sinumang sa kanya'y makakakita,
sa lupa'y mabubuwal, nawawalan ng pag-asa.
Footnotes
- Job 41:1 LEVIATAN: Isang mala-alamat na dambuhalang halimaw sa karagatan na sumisimbolo sa kaguluhan at kasamaan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.