Juan 20:19-25
Ang Biblia, 2001
Nagpakita si Jesus sa Kanyang mga Alagad(A)
19 Nang magdadapit-hapon na ng araw na iyon, na unang araw ng linggo, habang nakasara ang mga pinto sa kinaroroonan ng mga alagad dahil sa takot sa mga Judio, dumating si Jesus at tumayo sa gitna, at sa kanila'y sinabi, “Kapayapaan ang sumainyo.”
20 At nang masabi niya ito ay kanyang ipinakita sa kanila ang kanyang mga kamay at tagiliran. Kaya't ang mga alagad ay nagalak nang makita nila ang Panginoon.
21 Muling sinabi sa kanila ni Jesus, “Kapayapaan ang sumainyo. Kung paanong sinugo ako ng Ama ay sinusugo ko rin naman kayo.”
22 At nang masabi niya ito, sila'y hiningahan niya, at sa kanila'y sinabi, “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo.
23 Kung(B) inyong patawarin ang mga kasalanan ng sinuman, ang mga iyon ay ipinatatawad sa kanila. Sinumang hindi ninyo patawarin ng mga kasalanan, iyon ay hindi ipinatatawad.”
Si Jesus at si Tomas
24 Ngunit si Tomas, isa sa labindalawa na tinatawag na Kambal[a] ay hindi nila kasama nang dumating si Jesus.
25 Kaya't sinabi sa kanya ng ibang mga alagad, “Nakita namin ang Panginoon.” Ngunit sinabi niya sa kanila, “Malibang makita ko sa kanyang mga kamay ang bakas ng mga pako, at mailagay ko ang aking daliri sa binutas ng mga pako, at mailagay ko ang aking kamay sa kanyang tagiliran ay hindi ako maniniwala.”
Read full chapterFootnotes
- Juan 20:24 Sa Griyego ay Didimo .