Juan 5:19-29
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Kapangyarihan ng Anak ng Dios
19 Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ako na Anak ng Dios ay walang magagawa kung sa sarili ko lang, kundi ginagawa ko lang ang nakikita ko na ginagawa ng aking Ama. Kaya kung ano ang ginagawa ng Ama ay siya ring ginagawa ko bilang Anak. 20 Minamahal ng Ama ang Anak, kaya ipinapakita niya sa Anak ang lahat ng ginagawa niya. At higit pa sa mga bagay na ito ang mga gawaing ipapakita niya sa akin na gagawin ko para mamangha kayo. 21 Kung paanong ibinabangon ng Ama ang mga patay at binibigyang-buhay ang mga ito, ganoon din naman, binibigyang-buhay ng Anak ang sinumang gusto niyang bigyan nito. 22 Hindi ang Ama ang hahatol sa mga tao kundi ako na kanyang Anak, dahil ibinigay niya sa akin ang lahat ng kapangyarihang humatol, 23 upang parangalan ng lahat ang Anak tulad ng pagpaparangal nila sa Ama. Kaya, ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi rin nagpaparangal sa Ama na nagsugo sa kanya.
24 “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sumusunod sa aking mga salita at sumasampalataya sa nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan. Hindi na siya hahatulan sapagkat inilipat na nga siya sa buhay mula sa kamatayan. 25 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, darating ang panahon, at dumating na nga, na maririnig ng mga patay ang salita[a] ng Anak ng Dios, at ang makinig sa kanya ay mabubuhay. 26 May kapangyarihan ang Ama na magbigay ng buhay. Ganoon din naman, may kapangyarihan ako na kanyang Anak na magbigay ng buhay, dahil binigyan niya ako ng kapangyarihang ito. 27 Ibinigay din niya sa akin ang kapangyarihang humatol dahil ako ang Anak ng Tao. 28 Huwag kayong magtaka tungkol dito, dahil darating ang panahon na maririnig ng lahat ng patay ang aking salita, 29 at babangon sila mula sa kanilang libingan. Ang mga gumawa ng mabuti ay bibigyan ng buhay na walang hanggan, at ang mga gumawa ng masama ay parurusahan.”
Read full chapterFootnotes
- 5:25 salita: sa literal, tinig.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®