Levitico 16:5-14
Ang Biblia, 2001
5 Siya'y kukuha mula sa kapulungan ng mga anak ni Israel ng dalawang kambing na lalaki bilang handog pangkasalanan, at ng isang tupang lalaki bilang handog na sinusunog.
6 “At iaalay ni Aaron ang toro bilang handog pangkasalanan para sa kanyang sarili, at itutubos niya sa kanya at sa kanyang sambahayan.
7 Pagkatapos ay kukunin niya ang dalawang kambing at ilalagay niya sa harapan ng Panginoon sa pintuan ng toldang tipanan.
8 Sa pamamagitan ng palabunutan ay pipiliin ni Aaron kung alin sa dalawang kambing ang sa Panginoon at kung alin ang kay Azazel.[a]
9 At ihaharap ni Aaron ang kambing na nabunot para sa Panginoon, at ihahandog ito bilang handog pangkasalanan.
10 Ngunit ang kambing na nabunot para kay Azazel ay ilalagay na buháy sa harapan ng Panginoon upang itubos sa kanya, at payaunin sa ilang kay Azazel.
11 “Ihaharap ni Aaron ang toro bilang handog pangkasalanan para sa kanyang sarili, at itutubos para sa kanya at sa kanyang sambahayan, at papatayin niya ang toro bilang handog pangkasalanan para sa kanyang sarili.
12 Kukuha siya mula sa dambana na nasa harapan ng Panginoon ng isang suuban na punô ng mga baga, at ng dalawang dakot ng masarap na dinikdik na insenso at kanyang dadalhin sa loob ng tabing.
13 Ilalagay niya ang insenso sa ibabaw ng apoy sa harapan ng Panginoon upang ang mga usok ng insenso ay tumakip sa luklukan ng awa[b] na nasa ibabaw ng patotoo,[c] upang huwag siyang mamatay.
14 At siya'y kukuha ng dugo ng toro at iwiwisik ito sa pamamagitan ng kanyang daliri sa ibabaw ng luklukan ng awa, at sa harapan ng luklukan ng awa ay iwiwisik niya ng pitong ulit ang dugo sa pamamagitan ng kanyang daliri.
Read full chapterFootnotes
- Levitico 16:8 Isinasalin din na: kambing na pinagbubuntunan ng sisi .
- Levitico 16:13 o takip ng kaban .
- Levitico 16:13 o tipan .