Mateo 8:18-27
Magandang Balita Biblia
Ang Paglilingkod kay Jesus(A)
18 Nang makita ni Jesus ang mga tao[a] sa kanyang paligid, iniutos niya sa mga alagad na maghandang tumawid sa kabilang ibayo. 19 Lumapit sa kanya ang isang tagapagturo ng Kautusan at sinabi, “Guro, sasama po ako sa inyo saanman kayo pupunta.” 20 Ngunit sumagot si Jesus, “May mga lungga ang mga asong-gubat at may mga pugad ang mga ibon, ngunit wala man lamang matulugan o mapagpahingahan ang Anak ng Tao.” 21 Isa(B) naman sa mga alagad[b] ay nagsabi sa kanya, “Panginoon, maaari po bang umuwi muna ako upang ipalibing ko ang aking ama?” 22 Ngunit sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumunod ka sa akin at ipaubaya mo sa mga patay ang paglilibing ng kanilang mga patay.”
Pinatigil ni Jesus ang Bagyo sa Lawa(C)
23 Sumakay si Jesus sa bangka, kasama ng kanyang mga alagad. 24 Habang sila'y naglalayag sa lawa, si Jesus ay natutulog. Biglang bumugso ang isang malakas na unos at halos matabunan ng mga alon ang bangka. 25 Kaya nilapitan ng mga alagad si Jesus at ginising. “Panginoon, iligtas ninyo kami! Mamamatay kami!” sabi nila. 26 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo natatakot? Napakaliit naman ng inyong pananampalataya!” Bumangon siya, pinatigil ang hangin at ang mga alon, at bumuti ang panahon. 27 Namangha silang lahat at sinabi, “Ano kayang uri ng tao ito? Maging ang hangin at ang lawa ay sumusunod sa kanya!”
Read full chapterFootnotes
- Mateo 8:18 ang mga tao: Sa ibang manuskrito'y ang napakaraming tao .
- Mateo 8:21 sa mga alagad: Sa ibang manuskrito'y sa kanyang mga alagad .
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.