Add parallel Print Page Options

Ang Paghirang sa mga Levita

47 Ang mga Levita ay hindi kabilang sa sensus na ito 48 sapagkat ganito ang bilin ni Yahweh kay Moises: 49 “Huwag mong isasama sa sensus ng Israel ang mga Levita. 50 Sa kanila mo ibibigay ang tungkulin ng paglilingkod sa Toldang Tipanan. Itatayo nila ang kanilang mga tolda sa paligid ng Toldang Tipanan at sila ang bubuhat nito pati ang mga kasangkapan nito. 51 Kung kailangang tanggalin ang tabernakulo, sila ang magtatanggal at kung kailangang itayong muli, sila rin ang magtatayo. At sinumang lumapit sa tabernakulo liban sa kanila ay dapat patayin. 52 Ang mga lipi ng Israel ay magtatayo ng kanya-kanyang tolda sa ilalim ng kani-kanilang watawat. 53 Ang mga Levita naman ay magtatayo ng kanilang mga tolda sa paligid ng Toldang Tipanan para walang ibang makalapit dito, sapagkat kapag may ibang lumapit dito, tiyak na paparusahan ko ang buong Israel. Ang mga Levita nga ang mangangalaga sa Toldang Tipanan.” 54 Ang lahat ng mga utos na ito ni Yahweh ay sinunod ng mga Israelita.

Ang Kampo at ang Pinuno ng Bawat Lipi

Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron: Ang mga Israelita'y magtatayo ng kanilang tolda sa paligid ng Toldang Tipanan sa labas ng hanay ng mga Levita, at bawat angkan ay sama-sama sa ilalim ng kanilang watawat.

3-8 Sa gawing silangan magkakampo ang pangkat ng mga lipi ni Juda, Isacar, at Zebulun:

LipiPinunoBilang
JudaNaason na anak ni Aminadab74,600
IsacarNathanael na anak ni Zuar54,400
ZebulunEliab na anak ni Helon57,400

Ang kabuuan ng pangkat na ito ay 186,400. Sila ang mauuna sa bawat paglakad.

10-15 Sa gawing timog naman magkakampo ang pangkat ng mga lipi nina Ruben, Simeon, at Gad:

LipiPinunoBilang
RubenElizur na anak ni Sedeur46,500
SimeonSelumiel na anak ni Zurisadai59,300
GadEliasaf na anak ni Deuel45,650

16 Ang kabuuan ng pangkat na ito ay 151,450. Ang pangkat na ito ang susunod sa pangkat na pangungunahan ng lipi ni Juda.

17 Maging sa paglilipat ng Toldang Tipanan, ang pangkat ng mga Levita ay mananatili sa gitna ng ibang mga pangkat. Sa pagpapatuloy ng paglalakbay, mananatili ang bawat pangkat sa dating ayos sa ilalim ng kani-kanilang watawat.

18-23 Sa gawing kanluran naman magkakampo ang pangkat ng mga lipi nina Efraim, Manases, at Benjamin:

LipiPinunoBilang
EfraimElisama na anak ni Amiud40,500
ManasesGamaliel na anak ni Pedazur32,200
BenjaminAbidan na anak ni Gideoni35,400

24 Ang kabuuan ng pangkat na ito ay 108,100. Sila ang pangatlo sa hanay.

25-30 At sa gawing hilaga naman magkakampo ang pangkat ng mga lipi nina Dan, Asher, at Neftali:

LipiPinunoBilang
DanAhiezer na anak ni Amisadai62,700
AsherPagiel na anak ni Ocran41,500
NeftaliAhira na anak ni Enan53,400

31 Ang pangkat na ito ay umaabot sa 157,600. Sila ang kahuli-hulihan sa hanay ng mga kawal. 32 Iyon ang bilang ng mga Israelita ayon sa kani-kanilang lipi. Lahat-lahat ay umabot sa 603,550. 33 Hindi kabilang dito ang mga Levita tulad ng ipinagbilin ni Yahweh kay Moises na huwag isasama sa sensus ang mga ito.

34 Ang lahat ay ginawa ng mga Israelita ayon sa utos ni Yahweh. Nagtayo sila ng tolda sa ilalim ng kani-kanilang watawat, at pangkat-pangkat na nagpatuloy sa paglalakbay.

Ang Tungkulin ng mga Levita

Ito ang salinlahi nina Aaron at Moises nang kausapin siya ni Yahweh sa Bundok ng Sinai. Ang(A) mga anak ni Aaron ay si Nadab na siyang panganay at sina Abihu, Eleazar at Itamar. Sila ang mga itinalagang pari na magsisilbi sa Toldang Tipanan. Ngunit(B) sina Nadab at Abihu ay namatay sa harap ng altar sa Bundok ng Sinai nang magsunog sila ng handog kay Yahweh sa pamamagitan ng apoy na hindi itinalaga para roon. Wala silang anak kaya sina Eleazar at Itamar ang naglingkod bilang pari habang nabubuhay ang kanilang ama.

Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Tipunin mo ang lipi ni Levi at italaga mo sila bilang katulong ni Aaron. Tutulungan nila si Aaron sa mga gawain sa Toldang Tipanan at ang mga mamamayan sa kanilang paghahandog. Sila ang mangangasiwa sa mga kagamitan sa loob ng Toldang Tipanan at sila rin ang tutulong sa mga Israelita sa kanilang pagsamba. Ang tanging tungkulin ng mga Levita ay ang tumulong kay Aaron at sa kanyang mga anak sa gawain nila sa Toldang Tipanan. 10 Si Aaron naman at ang kanyang mga anak na lalaki ay itatalaga mo bilang pari at sila lamang ang gaganap ng mga gawaing kaugnay nito. Sinumang hindi mula sa lipi ni Aaron na gumanap ng tungkulin ng pari ay dapat patayin.”

11 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 12 “Pinili ko ang mga Levita bilang kapalit ng mga panganay na lalaki, kaya sila'y para sa akin. 13 Akin(C) ang lahat ng panganay sapagkat nang lipulin ko ang lahat ng panganay ng Egipto, ibinukod ko para sa akin ang lahat ng panganay, maging tao o hayop. Kaya, sila ay akin, ako si Yahweh.”

14 Sinabi noon ni Yahweh kay Moises sa ilang ng Sinai, 15 “Lahat ng lalaki sa lipi ni Levi, mula sa gulang na isang buwan pataas ay ilista mo ayon sa kani-kanilang angkan at sambahayan.” 16 Kaya, ang lipi ni Levi ay inilista ni Moises ayon sa utos sa kanya ni Yahweh. 17 Ito ang mga anak ni Levi: sina Gershon, Kohat at Merari. 18 Ang mga anak naman ni Gershon ay sina Libni at Simei. 19 Ang mga anak ni Kohat ay sina Amram, Izar, Hebron at Uziel. 20 Ang mga anak naman ni Merari ay sina Mahali at Musi. Ito ang talaan ng lipi ni Levi ayon sa kani-kanilang angkan.

21 Ang angkan ni Gershon na binubuo ng mga sambahayan nina Libni at Simei 22 ay umabot sa 7,500 ang may edad na isang buwan pataas. 23 Nagkampo sila sa gawing kanluran, sa likod ng tabernakulo, 24 at ang pinuno nila ay si Eliasaf na anak ni Lael. 25 Sila ang mangangasiwa sa kaayusan ng Toldang Tipanan, 26 sa bubong at sa tali nito, sa mga kurtina sa pinto at sa bulwagan sa paligid, at ng altar.

27 Ang angkan ni Kohat ay binubuo ng mga sambahayan nina Amram, Izar, Hebron at Uziel, 28 at umabot sa 8,600 ang mga kalalakihang isang buwan pataas ang edad. 29 Sila ay sa gawing timog ng tabernakulo pinagkampo 30 at pinamunuan ni Elizafan na anak ni Uziel. 31 Sila naman ang mangangalaga sa Kaban ng Tipan, sa mesang lalagyan ng handog, sa ilawan, sa mga altar, sa kagamitan ng mga pari at sa mga tabing.

32 Si Eleazar na anak ni Aaron ang magiging pinuno ng mga Levita at mamamahala sa mga katulong sa paglilingkod sa santuwaryo.

33 Ang angkan ni Merari ay binubuo ng mga sambahayan nina Mahali at Musi, 34 at umabot sa 6,200 ang kalalakihang may edad na isang buwan pataas. 35 Ang pinuno nila ay si Zuriel na anak ni Abihail, at ang pinagkampuhan nila ay ang gawing hilaga ng tabernakulo. 36 Sila ang pinamahala sa mga gamit sa tabernakulo tulad ng mga haliging patayo at pahalang, poste, patungan ng mga poste at lahat ng kawit na gamit dito. 37 Sila rin ang pinamahala sa mga poste, sa patungan ng mga poste, sa mga tulos at mga panali sa bulwagan sa labas.

38 Magkakampo naman sa gawing silangan ng tabernakulo, sa harap ng Toldang Tipanan, sina Moises at Aaron at ang mga anak nito. Ang tungkulin nila ay sa loob ng santuwaryo; gawin ang anumang kailangang gawin para sa Israel o paglilingkod para sa mga Israelita. Sinumang lumapit sa Dakong Banal liban sa kanila ay dapat patayin. 39 Ang kabuuang bilang ng mga Levita na naitala nina Moises at Aaron ayon sa utos ni Yahweh ay 22,000.

Ang Pagtubos sa mga Panganay

40 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Bilangin at ilista mo ang pangalan ng mga panganay na lalaki sa buong Israel, mula sa edad na isang buwan pataas. 41 Ibubukod mo ang mga Levita para sa akin, bilang kapalit ng mga panganay na lalaki ng buong sambayanan. Ibubukod mo rin ang mga alagang hayop ng mga Levita bilang kapalit ng panganay ng mga hayop ng buong sambayanan.” 42 At itinala nga ni Moises ang lahat ng panganay na lalaki sa Israel ayon sa utos sa kanya ni Yahweh. 43 Ang naitala niya'y umabot sa 22,273.

44 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 45 “Ilaan mo sa akin ang mga Levita bilang kapalit ng mga panganay na lalaki ng Israel, at ang alagang hayop ng mga Levita bilang kapalit ng mga panganay ng mga hayop ng mga Israelita. Ang mga Levita ay para sa akin. 46 Sapagkat mas marami ng 273 ang panganay ng mga Israelita kaysa mga lalaking Levita, ipatutubos mo 47 ng limang pirasong pilak bawat isa, ayon sa opisyal na timbangan ng santuwaryo (ang isang pirasong pilak ay katumbas ng labindalawang gramo). 48 Lahat ng salaping malilikom ay ibibigay mo kay Aaron at sa kanyang mga anak.” 49 Kinuha nga ni Moises ang pantubos sa mga panganay ng mga Israelita na humigit sa bilang ng mga Levita. 50 Ang kabuuang nalikom ay umabot sa 1,365 pirasong pilak. 51 Ang lahat ng ito'y ibinigay ni Moises kay Aaron at sa mga anak nito bilang pagsunod sa utos ni Yahweh.

Ang Tungkulin ng mga Levitang Mula sa Angkan ni Kohat

Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, “Bilangin at ilista ninyo ang angkan ni Kohat ayon sa kani-kanilang angkan at sambahayan. Ibukod ninyo ang lahat ng maaari nang maglingkod sa Toldang Tipanan, ang mga lalaking may edad na tatlumpu hanggang limampung taon. Sila ang maglilingkod sa mga bagay na ganap na sagrado sa loob ng Toldang Tipanan.

“Kung aalis na ang mga Israelita sa lugar na kanilang pinagkakampuhan, si Aaron at ang kanyang mga anak ang magtatanggal sa mga tabing ng Toldang Tipanan at ibabalot ito sa Kaban ng Tipan. Pagkatapos, papatungan ito ng balat ng kambing, at babalutin ng telang asul saka isusuot ang mga pasanan sa mga argolya nito.

“Ang mesang lalagyan ng handog na tinapay ay lalatagan naman ng asul na tela, saka ipapatong sa ibabaw nito ang mga plato, mga lalagyan ng insenso, mga mangkok at mga pitsel. Hindi na aalisin ang tinapay na handog na naroroon. Pagkatapos, tatakpan ang lahat ng ito ng pulang tela at ng balat ng kambing, saka isusuot sa mga argolya ang mga pasanan.

“Ang ilawan pati ang mga ilaw, pang-ipit, sisidlan ng abo at ang mga sisidlan ng langis ay babalutin din ng telang asul 10 at ng balat ng kambing, kasama ang lahat ng kagamitan at saka ilalagay sa sisidlan.

11 “Ang altar na ginto ay tatakpan din ng asul na tela, at babalutin ng balat ng kambing saka isusuot sa mga argolya ang mga pasanan nito. 12 Ang iba pang kagamitan sa Toldang Tipanan ay babalutin ng telang asul saka tatakpan ng balat ng kambing, at ilalagay sa sisidlan. 13 Ang abo sa altar ay aalisin bago ito takpan ng damit na pula. 14 Pagkatapos, ipapatong dito ang mga kagamitan sa altar tulad ng mga kawali, panusok, pala at palanggana. Tatakpan ito ng balat ng kambing saka isusuot sa argolya ang mga pasanan nito. 15 Kapag ang Toldang Tipanan at ang lahat ng kagamitan dito'y naibalot na nina Aaron at ng kanyang mga anak, ang lahat ng ito'y dadalhin ng mga anak ni Kohat. Ngunit huwag nilang hahawakan ang mga sagradong bagay sapagkat mamamatay ang sinumang humawak sa mga sagradong kagamitang ito.

“Ito ang mga tungkulin ng mga anak ni Kohat tuwing ililipat ang Toldang Tipanan.

16 “Si Eleazar na anak ni Aaron ang mangangalaga sa langis para sa ilawan, sa insenso, sa karaniwang handog na pagkaing butil at sa langis na pantalaga. Siya rin ang mamamahala sa buong Toldang Tipanan at sa lahat ng kagamitan dito.”

17 Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, 18 “Huwag ninyong pababayaang mapahamak ang sambahayan ni Kohat 19 sa paglapit nila sa mga ganap na sagradong kasangkapan. Para hindi sila mamatay, ituturo sa kanila ni Aaron at ng mga anak nito kung ano ang dapat nilang dalhin at kung ano ang dapat nilang gawin. 20 Ngunit huwag na huwag silang papasok upang tingnan kahit sandali lang ang mga sagradong bagay doon sapagkat tiyak na mamamatay sila sa sandaling gawin nila iyon.”

Tungkulin ng mga Levitang Mula sa Lahi ni Gershon

21 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 22 “Bilangin at ilista mo rin ang mga anak ni Gershon ayon sa kani-kanilang angkan at sambahayan, 23 at ilista mo ang lahat ng lalaking maaaring maglingkod sa Toldang Tipanan, mula sa edad na tatlumpu hanggang limampu. 24 Ito ang tungkuling ibibigay mo sa kanila: 25 Dadalhin nila ang mga balat na asul at ang balat na yari sa balahibo ng kambing, at mga mainam na balat na itinatakip sa Toldang Tipanan, at ang tabing sa pintuan nito; 26 ang mga tali at balat na nakatabing sa bulwagan sa paligid ng tabernakulo at ng altar, ang tabing sa pasukan ng bulwagan, at ang lahat ng kagamitang kasama nito. Sila rin ang gaganap ng lahat ng gawaing kaugnay ng mga bagay na ito. 27 Ang lahat ng gagawin ng sambahayan ni Gershon ay pamamahalaan ni Aaron at ng kanyang mga anak. Ikaw ang magtatakda ng dapat nilang gawin. 28 Ito ang magiging gawain ng mga anak ni Gershon sa pangangasiwa ni Itamar na anak ni Aaron.

Tungkulin ng mga Levitang Mula sa Lahi ni Merari

29 “Bilangin at ilista mo rin ang mga anak ni Merari ayon sa kani-kanilang angkan at sambahayan, 30 at ilista mo ang mga lalaking maaari nang maglingkod sa Toldang Tipanan, ang mga may edad mula sa tatlumpu hanggang limampung taon. 31 Ito naman ang dadalhin nila bilang paglilingkod sa Toldang Tipanan: ang mga haliging pahalang at patayo, mga patungan ng haligi, 32 ang mga haligi ng tabing sa paligid ng bulwagan, pati mga patungan niyon, mga tulos, mga tali at ang lahat ng kagamitang kasama ng mga ito. Sasabihin mo sa kanila kung anu-ano ang kanilang dadalhin. 33 Ito ang tungkulin ng mga anak ni Merari patungkol sa Toldang Tipanan. Gagawin nila ito sa pangangasiwa ni Itamar.”

Ang Talaan ng mga Levita

34 Ang mga anak ni Kohat ay inilista nga nina Moises at Aaron sa tulong ng mga pinuno ng Israel. 35 Ang nailista nila na makakapaglingkod sa Toldang Tipanan, mula sa tatlumpu hanggang limampung taon, 36 ayon sa kani-kanilang sambahayan ay umabot sa 2,750. 37 Ito ang bilang ng mga anak ni Kohat na naitala nina Moises at Aaron bilang pagsunod sa utos ni Yahweh. Ang mga ito ay tumulong sa paglilingkod sa Toldang Tipanan.

38-40 Ang bilang ng mga anak ni Gershon, ayon sa kanilang sambahayan, mula sa tatlumpung taon hanggang limampu, samakatuwid ay lahat ng maaaring makatulong sa mga gawain sa Toldang Tipanan ay 2,630. 41 Ito ang bilang ng mga anak ni Gershon na naitala nina Moises at Aaron bilang pagsunod sa utos ni Yahweh. Ang mga ito ay tumulong sa paglilingkod sa Toldang Tipanan.

42-44 Ang bilang naman ng mga anak ni Merari, ayon sa kanilang angkan at sambahayan, mula sa tatlumpu hanggang limampung taon, lahat ng maaaring makatulong sa gawain sa Toldang Tipanan ay 3,200. 45 Ito ang bilang ng mga anak ni Merari na nailista nina Moises at Aaron ayon sa kani-kanilang sambahayan, bilang pagsunod sa utos ni Yahweh.

46 Inilista nga nina Moises at Aaron sa tulong ng mga pinuno ng Israel ang lahat ng Levitang 47 makatutulong sa mga gawain sa Toldang Tipanan, samakatuwid ay may edad na tatlumpu hanggang limampung taon. 48 Ang kabuuang bilang nila'y umabot sa 8,580. 49 Ginawa ito ni Moises ayon sa utos ni Yahweh at sila'y inatasan niya ng kani-kanilang gawain.

Ang mga Itinuturing na Marumi

Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Paalisin mo sa kampo ng Israel ang lahat ng may sakit sa balat na parang ketong, ang mga may tulo at ang lahat ng naging marumi dahil napahawak sila sa patay. Wala kayong itatangi maging lalaki o babae. Lahat ng mga ito ay palalabasin upang hindi maging marumi ang kanilang kampo. Ako'y naninirahang kasama ng aking bayan.” Tulad ng utos ni Yahweh kay Moises, lahat ng may sakit sa balat na parang ketong, may tulo, at naging marumi dahil sa pagkahawak sa patay ay pinalabas nila sa kampo.

Ang Pagbabayad sa Nagawang Masama

Sinabi(D) ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo ito sa mga Israelita: Sinumang magtaksil kay Yahweh at makagawa ng masama sa kanyang kapwa ay dapat umamin sa kasalanang kanyang nagawa, pagbabayaran niya ito nang buo maliban pa sa dagdag na ikalimang bahagi nito. Ito'y ibibigay niya sa ginawan niya ng masama o sa pinakamalapit na kamag-anak nito. Kung wala itong malapit na kamag-anak, ang halagang ibabayad ay mapupunta kay Yahweh at ibibigay sa mga pari, bukod sa tupang ibibigay ng nagkasala upang ihandog bilang pantubos sa kanyang kasalanan. Lahat ng natatanging handog ng mga Israelita para kay Yahweh ay mauuwi sa paring tumanggap niyon. 10 Kukunin ng bawat pari ang handog na ibinigay sa kanya.”

Ang Tuntunin tungkol sa Pagtataksil at Pagseselos

11 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 12 “Ito ang sabihin mo sa mga Israelita: Kung ang isang babae'y nagtaksil sa asawa, 13 nakipagtalik sa ibang lalaki ngunit walang katibayang maipakita laban sa kanya sapagkat hindi siya nahuli sa akto, 14 o kaya nama'y ang asawang lalaki'y naghihinala sa kanyang asawa kahit wala itong ginagawang masama, 15 ang babae ay dadalhin ng lalaki sa pari. Ang lalaki'y maghahandog ng kalahating salop ng harinang sebada. Ang handog na ito'y hindi bubuhusan ng langis ni sasamahan ng insenso sapagkat ito'y handog tungkol sa pagseselos, handog upang hilinging lumabas ang katotohanan.

16 “Ang babae ay dadalhin ng pari sa harap ng altar. 17 Ang pari ay maglalagay ng sagradong tubig sa isang tapayan at hahaluan ng kaunting alikabok mula sa sahig ng tabernakulo. 18 Pagkatapos, ilulugay ang buhok ng babae at pahahawakan sa kanya ang handog na harina. Samantala, ang mangkok na naglalaman ng mapait na tubig na magpapalitaw sa katotohanan ay hawak naman ng pari. 19 Ang babae'y panunumpain ng pari. Sasabihin niya, ‘Kung hindi ka nagtaksil sa iyong asawa, hindi tatalab sa iyo ang sumpang taglay ng tubig na ito. 20 Ngunit kung nagtaksil ka sa iyong asawa, 21 paparusahan ka ni Yahweh upang maging halimbawa sa iyong mga kababayan: Patutuyuin ni Yahweh ang iyong bahay-bata at pamamagain ang iyong tiyan. 22 Tumagos nawa ang tubig na ito sa kaloob-looban ng iyong tiyan, pamagain ito at patuyuin ang iyong bahay-bata.’

“Ang babae'y sasagot ng ‘Amen. Ako'y sumasang-ayon.’

23 “Ang mga sumpang ito ay isusulat ng pari sa isang sulatan, huhugasan ito sa mapait na tubig, 24 at ipapainom sa babae ang pinaghugasan. Ito'y magdudulot ng matinding sakit sa babae. 25 Pagkatapos, ang handog na harinang hawak pa ng babae ay kukunin ng pari, iaalay kay Yahweh at ilalagay sa altar. 26 Ang pari ay kukuha ng isang dakot na harina mula sa handog at susunugin ito sa altar. Pagkatapos, ipapainom sa babae ang mapait na tubig. 27 Kung nagtaksil nga siya sa kanyang asawa, makakaramdam siya ng matinding sakit, matutuyo ang kanyang balakang at mamamaga ang kanyang tiyan. Sa ganitong paraan, hindi siya pamamarisan ng kanyang mga kababayan. 28 Ngunit kung hindi siya nagtaksil, hindi tatalab sa kanya ang sumpa at maaari pa siyang magkaanak.

29 “Ito ang tuntunin tungkol sa babaing nagtaksil sa asawa, 30 o kaya, kung naghihinala ang lalaki sa katapatan ng kanyang asawa: ang babae'y ihaharap sa altar, at isasagawa naman ng pari ang lahat ng dapat gawin ayon sa Kautusan. 31 Ang asawang lalaki ay hindi madadamay sa kasalanan ng babae, kundi ang babae lamang, kung talagang nagkasala, ang magdurusa sa ginawa niyang masama.”

Ang Tuntunin sa Pagtatalaga Bilang Nazareo

Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa bayang Israel: Kung ang sinuman, babae o lalaki, ay gagawa ng panata at ilalaan niya ang sarili kay Yahweh bilang Nazareo, huwag(E) siyang iinom ng alak o anumang inuming nakakalasing. Huwag din siyang iinom ng anumang inuming galing sa katas ng ubas, at huwag kakain ng ubas, o pasas. Sa buong panahon ng kanyang panata ay huwag din siyang titikim ng anumang galing sa punong ubas kahit balat o buto ng ubas.

“Ang isang may panata ay huwag magpaputol ng buhok sa buong panahon ng kanyang panata; hahayaan niya itong humaba. Siya'y nakalaan para kay Yahweh. Sa buong panahon na inilaan niya ang kanyang sarili kay Yahweh ay hindi siya dapat lumapit sa patay, kahit ito'y kanyang ama, ina o kapatid. Hindi siya dapat gumawa ng anumang makapagpaparumi ayon sa Kautusan, sapagkat ipinapakita ng kanyang buhok na siya'y isang Nazareo. Pananatilihin niyang malinis ang kanyang sarili sa buong panahon ng kanyang panata.

“Kung may biglang mamatay sa kanyang tabi at mahawakan niya ito, pagkalipas ng pitong araw ay aahitin niya ang kanyang buhok sapagkat nadungisan siya ayon sa Kautusan. 10 Sa ikawalong araw, magbibigay siya sa pari ng dalawang inakay ng kalapati o batu-bato sa pintuan ng Toldang Tipanan. 11 Ang isa nito ay handog ukol sa kasalanan at ang isa'y handog na susunugin, bilang katubusan sa naging kasalanan niya sa pagkakahawak sa bangkay. Sa araw ring iyon, muli niyang ilalaan sa Diyos ang kanyang buhok. 12 Ito ang pasimula na siya'y muling inilaan kay Yahweh bilang Nazareo. Ang mga araw na nagdaan sa panahon ng panatang iyon ay hindi ibibilang sapagkat nadungisan siya nang makahawak sa patay at mag-aalay siya ng isang kordero na isang taóng gulang bilang handog na pambayad sa kasalanan.

13 “Ito(F) naman ang gagawin pagkatapos ng kanyang panata bilang Nazareo. Haharap siya sa pintuan ng Toldang Tipanan 14 at maghahandog ng tatlong tupa: isang lalaking tupa na isang taóng gulang at walang kapintasan bilang handog na susunugin; isang babaing tupa na isa ring taóng gulang at walang kapintasan bilang handog para sa kapatawaran ng kasalanan; at isang barakong tupa na walang kapintasan bilang handog na pangkapayapaan. 15 Bukod dito, maghahandog siya ng isang basket na tinapay na walang pampaalsa at hinaluan ng langis, at manipis na tinapay na wala ring pampaalsa at may pahid na langis. Magdadala rin siya ng mga handog na pagkaing butil at inumin.

16 “Ang lahat ng ito'y dadalhin naman ng pari sa harapan ni Yahweh at iaalay ang handog para sa kapatawaran ng kasalanan at handog na susunugin. 17 Ang handog pangkapayapaan ay ihahandog niyang kasama ng basket ng tinapay na walang pampaalsa, saka isusunod ang handog na pagkaing butil at inumin. 18 Pagkatapos, aahitin ng Nazareo ang kanyang buhok at susunugin sa apoy na pinagsusunugan ng handog pangkapayapaan.

19 “Kukunin naman ng pari ang nilagang balikat ng handog pangkapayapaan, sasamahan ng isang tinapay na walang pampaalsa at isang manipis na tinapay at ilalagay sa kamay ng Nazareo. 20 Kukunin niyang muli ang mga ito at iaalay kay Yahweh. Mapupunta ang mga ito sa pari, pati ang pitso at ang hita ng handog pangkapayapaan. Pagkatapos nito, ang Nazareo ay maaari nang uminom ng alak.

21 “Ito ang tuntunin tungkol sa panata ng Nazareo. Ngunit kung nangako siya ng iba pang bagay bukod rito, kailangang tuparin din niya iyon.”

Ang Pagbebendisyon ng mga Pari

22 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 23 “Sabihin mo kay Aaron at sa kanyang mga anak na ang mga salitang ito ang bibigkasin nila sa pagbabasbas nila sa mga Israelita:

24 Pagpalain ka nawa at ingatan ni Yahweh;
25 kahabagan ka nawa at subaybayan ni Yahweh;
26 lingapin ka nawa at bigyan ng kapayapaan ni Yahweh.

27 “Ganito nila babanggitin ang pangalan ko sa pagbabasbas sa mga Israelita at tiyak ngang pagpapalain ko sila.”

Ang mga Handog sa Pagtatalaga sa Altar

Nang ganap na matapos na ang tabernakulo, pinahiran ito ni Moises ng langis at ipinahayag na para kay Yahweh, gayundin ang mga kagamitan doon, ang altar at ang lahat ng kagamitang ukol dito. Nang araw na iyon, ang mga pinuno ng Israel na nakatulong sa pagkuha ng sensus, ay naghandog kay Yahweh ng anim na malaking kariton at labindalawang toro: isang kariton sa bawat dalawang angkan at isang toro sa bawat angkan. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Tanggapin mo ang mga handog nilang ito upang magamit sa paglilipat ng Toldang Tipanan. Ipagkatiwala mo ang mga ito sa mga Levita ayon sa kanilang nakatakdang gawain.” Kinuha nga ni Moises ang mga kariton at toro at ibinigay sa mga Levita. Ang dalawang kariton at apat na toro ay ibinigay niya sa mga anak ni Gershon; ang apat na kariton at walong toro ay ibinigay niya sa mga anak ni Merari; ang lahat ay nasa ilalim ng pamamahala ni Itamar na anak ni Aaron. Hindi na niya binigyan ang mga anak ni Kohat sapagkat sila ang nagpapasan ng mga sagradong bagay kapag inililipat ang mga ito.

10 Ang mga pinuno ng Israel ay nagdala rin ng kani-kanilang handog para sa pagtatalaga ng altar. 11 Dahil dito, sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa kanila na sa loob ng labindalawang araw ay tig-iisang araw sila ng paghahandog para sa pagtatalaga ng altar.”

12-83 Ganito ang pagkakasunud-sunod ng kanilang paghahandog:

ArawLipiPinuno ng Lipi
Unang arawJudaNaason-anak ni Aminadab
Ika-2 arawIsacarNathanael-anak ni Zuar
Ika-3 arawZebulunEliab-anak ni Helon
Ika-4 na arawRubenElizur-anak ni Sedeur
Ika-5 arawSimeonSelumiel-anak ni Zurisadai
Ika-6 na arawGadEliasaf-anak ni Deuel
Ika-7 arawEfraimElisama-anak ni Amiud
Ika-8 arawManasesGamaliel-anak ni Pedazur
Ika-9 na arawBenjaminAbidan-anak ni Gideoni
Ika-10 arawDanAhiezer-anak ni Amisadai
Ika-11 arawAsherPagiel-anak ni Ocran
Ika-12 arawNeftaliAhira-anak ni Enan

Ang mga handog na kanilang inalay kay Yahweh ay magkakapareho: isang malaking platong pilak na tumitimbang ng isa't kalahating kilo at isang mangkok na pilak na tumitimbang ng 800 gramo ayon sa opisyal na timbang. Ang malaking plato at ang mangkok ay parehong puno ng harinang hinaluan ng langis bilang handog na pagkaing butil; isang gintong platito na tumitimbang ng 110 gramo at puno ng insenso; isang batang toro, isang lalaking tupa, at isang batang tupa na isang taóng gulang bilang mga handog na susunugin; isang kambing bilang handog para sa kapatawaran ng kasalanan; dalawang toro, limang tupa, limang kambing, at limang batang tupa na tig-iisang taóng gulang bilang handog pangkapayapaan.

84-88 Ito ang kabuuang handog ng mga pinuno ng Israel nang italaga ang altar:

Labindalawang malaking platong pilak at labindalawang mangkok na pilak na ang kabuuang timbang lahat-lahat ay 27.6 kilo.

Labindalawang platitong ginto na ang kabuuang timbang ay 1,320 gramo. Ang mga ito'y puno ng insenso.

Labindalawang toro, labindalawang tupang barako, at labindalawang kordero na tig-iisang taóng gulang, kasama na ang mga handog na pagkaing butil. Ang lahat ng ito'y para sa mga pagkaing handog.

Labindalawang kambing bilang mga handog para sa kapatawaran ng kasalanan.

Dalawampu't apat na toro, animnapung tupang barako, animnapung kambing, animnapung kordero na tig-iisang taóng gulang. Ang lahat ng ito'y bilang mga handog pangkapayapaan.

89 Nang pumasok si Moises sa Toldang Tipanan upang makipag-usap kay Yahweh, narinig niya ang tinig nito mula sa pagitan ng dalawang kerubin, sa ibabaw ng Luklukan ng Awa na nasa ibabaw ng Kaban ng Tipan.

Ang Pag-aayos ng mga Ilaw sa Toldang Tipanan

Sinabi(G) ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo kay Aaron na pagkasindi ng pitong ilaw, iaayos niya ang mga ito sa ibabaw ng patungan upang magliwanag sa paligid nito.” Iyon nga ang ginawa ni Aaron ayon sa inutos ni Yahweh kay Moises. Ang ilawan ay yari sa pinitpit na ginto, gayundin ang palamuting bulaklak at ang mga tangkay nito. Ginawa ito ni Moises ayon sa anyong huwaran na ipinakita sa kanya ni Yahweh.

Ang Pagtatalaga sa mga Levita

Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Ibukod mo ang mga Levita at linisin ayon sa Kautusan. Wisikan mo sila ng tubig na panlinis ng kasalanan, paahitan ang buo nilang katawan, at palabhan ang kanilang kasuotan. Pagkatapos, pagdalhin mo sila ng dalawang batang toro; ang isa'y ihahandog na kasama ng handog na pagkaing butil, at ang isa'y handog para sa kapatawaran ng kasalanan. Dalhin mo ang mga Levita sa harap ng Toldang Tipanan at iharap mo sa sambayanang Israel. 10 Samantalang inihaharap mo sila kay Yahweh, ipapatong naman ng mga Israelita ang kanilang mga kamay sa ulo ng mga Levita. 11 Ang mga ito'y iaalay ni Aaron kay Yahweh bilang natatanging handog ng bayang Israel para maglingkod sa akin. 12 Pagkatapos, ipapatong ng mga Levita ang kanilang kamay sa ulo ng mga toro; ang isa'y handog para sa kapatawaran ng kasalanan at ang isa'y handog na susunugin upang sila'y matubos sa kanilang mga kasalanan.

13 “Ilaan mo ang mga Levita sa akin bilang natatanging handog, at ilagay mo sila sa ilalim ng pamamahala ni Aaron at ng mga anak niya. 14 Ganyan mo sila ibubukod mula sa sambayanang Israel at sila'y magiging akin. 15 Pagkatapos mo silang linisin ayon sa Kautusan at maialay kay Yahweh bilang natatanging handog, magsisimula na sila sa paglilingkod sa Toldang Tipanan. 16 Nakalaan sila sa akin bilang kapalit ng mga panganay na lalaki ng Israel. 17 Ang(H) mga panganay ng Israel ay itinalaga kong maging akin nang gabing lipulin ko ang mga panganay ng Egipto. Kaya, sila ay akin, maging tao man o hayop. 18 Pinili ko ang mga Levita bilang kapalit ng mga panganay ng Israel, 19 upang makatulong ni Aaron at ng mga anak nito sa paglilingkod sa Toldang Tipanan sa paghahandog para sa katubusan ng kasalanan ng Israel. Sa ganoong paraan ay mailalayo ang mga Israelita sa panganib na mamatay kapag sila'y lumapit sa santuwaryo.”

20 Ang mga Levita ay itinalaga nga ni Moises, ni Aaron at ng buong Israel, ayon sa utos ni Yahweh. 21 Nilinis ng mga Levita ang kanilang katawan gayundin ang kanilang kasuotan. Itinalaga nga sila ni Aaron, at ginanap ang paghahandog para sa kapatawaran ng kanilang kasalanan. 22 Isinagawang lahat ni Moises ang utos ni Yahweh sa kanya tungkol sa mga Levita. Pagkatapos, ginampanan na nila ang kanilang tungkulin sa loob ng Toldang Tipanan bilang katulong ni Aaron at ng mga anak nito.

Ang Itatagal ng Panunungkulan ng mga Levita

23 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 24 “Ganito ang magiging tuntunin tungkol sa mga Levita: mula sa edad na dalawampu't lima, tutulong sila sa gawain sa loob ng Toldang Tipanan. 25 Pagdating nila ng limampung taon, pagpapahingahin na sila sa ganoong gawain. 26 Maaari pa rin silang tumulong sa kanilang mga kapwa Levita sa pagganap ng mga ito ng kanilang tungkulin sa loob ng Toldang Tipanan subalit hindi sila maaaring magsagawa ng paglilingkod.”

Ang Pagdiriwang sa Paskwa

Nang(I) unang buwan ng ikalawang taon mula nang umalis sa Egipto ang mga Israelita, sinabi ni Yahweh kay Moises sa Bundok ng Sinai, “Iutos mo sa buong Israel na ipagdiwang ang Pista ng Paskwa sa takdang panahon, paglubog ng araw sa ika-14 na araw ng unang buwan ayon sa mga tuntunin tungkol dito.” Gayon nga ang ginawa ni Moises. Ipinagdiwang nga nila ang Pista ng Paskwa sa ilang ng Sinai noong gabi ng ika-14 na araw ng unang buwan.

Noon ay may ilang taong nakahawak ng patay, kaya't ang mga ito'y itinuring na marumi ayon sa Kautusan at hindi maaaring sumali sa pagdiriwang ng Pista ng Paskwa. Dahil dito, lumapit sila kina Moises at Aaron. Sinabi nila, “Totoo ngang kami'y marumi ayon sa Kautusan sapagkat kami'y nakahawak ng patay. Subalit dapat bang kami'y pagbawalang mag-alay ng handog kay Yahweh kasama ng mga Israelita?”

“Maghintay kayo kung ano ang sasabihin sa akin ni Yahweh tungkol sa inyo,” sagot ni Moises.

Sinabi ni Yahweh kay Moises, 10 “Ganito ang sabihin mo sa buong Israel: Sinuman sa mga kamag-anak ninyo na itinuturing na marumi dahil nakahawak ng bangkay, o kababayan ninyong naglalakbay at nasa ibang bayan, ay maaari pa ring magdiwang ng Pista ng Paskwa. 11 Gaganapin nila ito sa kinagabihan ng ika-14 na araw ng ikalawang buwan. Sa gabing iyon, kakain din sila ng korderong pampaskwa, tinapay na walang pampaalsa, at mapait na gulay. 12 Huwag(J) din silang magtitira kahit kapiraso ng korderong pampaskwa at huwag din nilang babaliin kahit isang buto niyon. Sa pagdiriwang nila sa Paskwa, susundin nila ang lahat ng tuntunin ukol dito. 13 Ang sinumang malinis at hindi naglalakbay na hindi sumali sa pagdiriwang ng Pista ng Paskwa ay ititiwalag sa sambayanan, sapagkat hindi siya naghandog kay Yahweh sa takdang panahon. Siya ay paparusahan.

14 “Ang dayuhang nakikipamayan sa inyo ay maaaring sumama sa pagdiriwang ng Pista ng Paskwa kung susundin niya ang mga tuntunin tungkol dito. Iisa ang tuntunin ng Paskwa, maging para sa mga Israelita o sa mga dayuhan.”

Natakpan ng Ulap ang Toldang Tipanan(K)

15 Nang maitayo na ang tabernakulo, ito ay natakpan ng ulap. Kung gabi, nagliliwanag itong parang apoy. 16 Ganoon ang palaging nangyayari. Ang Toldang Tipanan ay natatakpan ng ulap kung araw at ang ulap ay nagliliwanag na parang apoy kung gabi. 17 Tuwing aalis ang ulap sa ibabaw ng Toldang Tipanan, ang mga Israelita'y nagpapatuloy ng kanilang paglalakbay. Kung saan ito tumigil, doon sila nagkakampo. 18 Nagpapatuloy sila o tumitigil sa paglalakbay ayon sa palatandaang ito ni Yahweh. Hindi sila lumalakad habang nasa ibabaw pa ng tabernakulo ang ulap. 19 Hindi sila lumalakad kahit na magtagal pa ang ulap sa ibabaw ng tabernakulo. Hinihintay nila ang hudyat ni Yahweh. 20 Kung minsan, ang ulap ay ilang araw na nasa ibabaw ng tabernakulo. Ayon sa kalooban ni Yahweh, sila'y nanatili sa kampo, at ayon din sa kalooban ni Yahweh, sila'y nagpapatuloy sa paglalakbay. 21 Kung minsan, isang gabi lamang ito sa ibabaw ng Toldang Tipanan, at kung minsan nama'y maghapon at magdamag. Kapag pumapaitaas ang ulap, sila'y nagpapatuloy. 22 Kahit tumagal pa ito nang dalawang araw, isang buwan o mahigit pa, hindi sila lumalakad. Nagpapatuloy lamang sila kung pumaitaas na ang ulap sa ibabaw ng tabernakulo. 23 Nagpapatuloy nga sila o tumitigil sa paglalakbay ayon sa palatandaang ibinibigay ni Yahweh.

Ang Trumpetang Pilak

10 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Magpagawa ka ng dalawang trumpetang yari sa pinitpit na pilak. Gagamitin mo ang mga ito sa pagtawag ng pagpupulong ng taong-bayan o kung kailangan nang magpatuloy sa paglalakbay ang buong Israel. Kapag hinipan nang sabay, ang buong Israel ay magtitipun-tipon sa harap ng Toldang Tipanan. Kapag isa ang hinipan, ang mga pinuno ng bawat angkan ang haharap sa iyo. Pag-ihip ng unang hudyat, lalakad ang mga liping nagkampo sa gawing silangan. Sa ikalawang ihip, lalakad naman ang mga nakahimpil sa gawing timog. Kapag dapat tipunin ang kapulungan, hihipan mo nang matagal ang trumpeta. Ang iihip ng trumpeta ay ang mga anak ni Aaron. Susundin ninyo ang tuntuning ito habang panahon. Kapag nilulusob kayo ng inyong kaaway, hipan ninyo ang trumpeta bilang hudyat upang tulungan at iligtas kayo ng Diyos ninyong si Yahweh. 10 Sa inyong mga pagdiriwang, tulad ng Pista ng Bagong Buwan at iba pang kapistahan, hihipan din ninyo ang trumpeta habang inihahain ang handog na susunugin at handog pangkapayapaan. Sa gayon, aalalahanin ko kayo at tutulungan. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.”

Ang Unang Yugto ng Paglalakbay ng mga Israelita

11 Nang ika-20 araw ng ikalawang buwan ng ikalawang taon mula nang umalis sila sa Egipto, ang ulap ay pumaitaas mula sa ibabaw ng tabernakulo. 12 Dahil dito, nagpatuloy sa paglalakbay ang mga Israelita hanggang ang ulap ay tumigil sa ilang ng Paran. 13 Ito ang una nilang paglalakbay mula nang ibigay ni Yahweh kay Moises ang mga tuntunin ukol dito.

14 Nauuna ang pangkat sa ilalim ng watawat ni Juda ayon sa kani-kanilang lipi at sa pamumuno ni Naason na anak ni Aminadab. 15 Si Nathanael naman na anak ni Zuar ang pinuno ng lipi ni Isacar 16 at si Eliab na anak ni Helon ang nangunguna sa lipi ni Zebulun.

17 Kapag nakalas na at naihanda na sa pag-alis ang tabernakulo, susunod ang mga anak ni Gershon at ni Merari, na siyang nagpapasan ng binaklas na tabernakulo.

18 Kasunod ang pangkat nina Ruben ayon sa kanya-kanyang angkan, at pinangungunahan ni Elizur na anak ni Sedeur. 19 Ang lipi naman ni Simeon ay pinangungunahan ni Selumiel na anak ni Zurisadai 20 at ni Eliasaf na anak ni Deuel naman sa lipi ni Gad.

21 Kasunod ng pangkat nina Ruben ang mga Levita mula sa angkan ni Kohat, dala ang mga sagradong bagay. Pagdating nila sa susunod na pagkakampuhan, muli nilang itatayo ang tabernakulo.

22 Kasunod naman ang pangkat ni Efraim ayon sa kani-kanilang angkan sa ilalim ng pamumuno ni Elisama na anak ni Amiud. 23 Ang lipi ni Manases ay pinamumunuan ni Gamaliel na anak ni Pedazur, 24 at ang lipi ni Benjamin ay pinangungunahan naman ni Abidan na anak ni Gideoni.

25 Ang pangkat nina Dan ang kahuli-hulihan at siyang nagsisilbing tanod na nasa huling hanay. Sila'y pangkat-pangkat din ayon sa angkan at pinangungunahan ni Ahiezer na anak ni Amisadai. 26 Ang pinuno ng lipi ni Asher ay si Pagiel na anak ni Ocran 27 at ang pinuno naman ng lipi ni Neftali ay si Ahira na anak ni Enan. 28 Ganito nga ang ayos ng buong Israel tuwing sila'y magpapatuloy sa paglalakbay.

29 Kinausap ni Moises si Hobab na anak ni Ruel na Midianita, isang kamag-anak ng asawa ni Moises. Ang sabi niya, “Sumama ka sa amin patungo sa dakong ibinibigay sa amin ni Yahweh at bibigyan ka namin ng kasaganaang ipinangako niya sa amin.”

30 “Hindi na ako sasama sa inyo sapagkat nais kong bumalik sa aking mga kamag-anak,” sagot niya.

31 “Sumama ka na sa amin sapagkat kabisado mo ang pasikut-sikot sa ilang. Maituturo mo sa amin kung saan kami maaaring magkampo. 32 Pagdating natin doon, babahaginan ka namin ng anumang pagpapalang ibibigay sa amin ni Yahweh,” sabi ni Moises.

33 At mula sa Bundok ni Yahweh, naglakbay sila nang tatlong araw. Ang Kaban ng Tipan ay iniuna sa kanila nang tatlong araw para ihanap sila ng lugar na pagkakampuhan. 34 Kung araw, nilililiman sila ng ulap ni Yahweh habang naglalakbay.

35 Tuwing(L) ilalakad ang Kaban ng Tipan, ito ang sinasabi ni Moises:

“Magbangon ka, Yahweh, kaaway ay pangalatin.
Itaboy mo ang iyong mga kaaway
    at magtatakbuhan sa takot ang lahat ng napopoot sa iyo.”

36 At kapag inihihinto na nila sa paglalakbay ang Kaban ng Tipan, ito naman ang sinasabi niya:

“Manumbalik ka, Yahweh, sa libu-libong angkan ng Israel.”[a]

Ang Lugar na Tinawag na Tabera

11 Dahil sa hirap na dinaranas, nagreklamo ang mga Israelita. Dahil dito, nagalit si Yahweh at pinaulanan ng apoy ang isang bahagi ng kanilang kampo. Kaya, nagmakaawa kay Moises ang mga Israelita at agad naman siyang dumulog kay Yahweh. Dininig naman siya at namatay ang apoy. At ang lugar na iyo'y tinawag nilang Tabera[b] sapagkat nagliyab doon ang apoy mula kay Yahweh.

Pumili si Moises ng Pitumpung Pinuno

Ang mga dayuhang sumama sa paglalakbay ng mga Israelita ay nanabik sa dati nilang pagkain at nagaya sa kanila ang mga Israelita. Kaya, nagreklamo na naman sila. Ang sabi nila, “Kailan pa ba tayo makakatikim ng karne? Mabuti pa sa Egipto! Doon, nahihingi lang ang isda. At naaalaala ba ninyo ang pipino, pakwan, sibuyas, bawang at gulay na kinakain natin noon? Nanghihina na tayo ngayon. Walang makain dito kundi ang mannang ito!”

Ang(M) manna ay parang buto ng kulantro at kakulay ng bedelio. Ito ang laging pinupulot ng mga tao. Ginigiling nila ito o binabayo. Kapag niluto, ito'y lasang tinapay na sinangkapan ng langis. Ito'y(N) kasama ng hamog na bumabagsak kung gabi.

10 Narinig ni Moises ang reklamo ng lahat ng sambahayan na nakatayo sa pintuan ng kani-kanilang tolda. Nagalit nang labis si Yahweh, kaya't nanlumo si Moises. 11 Itinanong ni Moises kay Yahweh, “Bakit ninyo ako ginaganito? Anong ikinagagalit ninyo sa akin? Bakit ninyo ako binigyan ng ganito kabigat na pasanin? 12 Ako ba ang nagsilang sa kanila? Aalagaan ko ba sila tulad ng pag-aalaga ng ina sa kanyang anak, hanggang makarating kami sa lupaing ipinangako ninyo sa aming mga ninuno? 13 Ayaw nila akong tigilan sa kahihingi ng karne. Saan ako kukuha ng karne para sa ganito karaming tao? 14 Hindi ko sila kayang alagaang mag-isa. Napakabigat ng pasaning ito para sa akin! 15 Kung ganito rin lamang ang gagawin ninyo sa akin, mabuti pa'y mamatay na ako ngayon din kaysa maghirap nang matagal.”

16 Dahil dito, sinabi ni Yahweh kay Moises, “Pumili ka ng pitumpung matatandang pinuno sa Israel, iyong mga kinikilala ng kanilang lipi, at isama mo sa Toldang Tipanan. 17 Pagdating ninyo roon, bababâ ako at makikipag-usap sa iyo. Babahaginan ko sila ng espiritung ibinigay ko sa iyo upang makatulong mo sila. 18 Sabihin mo naman sa buong bayan na ihanda nila ang kanilang mga sarili sapagkat bukas ay makakakain na sila ng karne. Nagrereklamo na naman sila. Itinatanong nila kung kailan pa sila makakatikim ng karne. Sinabi pang mabuti pa sa Egipto at marami silang pagkain. Kaya, bukas, ibibigay ko sa kanila ang pagkaing gusto nila. 19 Hindi lamang para sa isa, dalawa, lima, sampu, dalawampung araw ang ibibigay ko sa kanila, 20 kundi para sa isang buong buwan. Laging ito ang kakainin nila hanggang sa magsawa sila at magkandasuka sa pagkain nito sapagkat itinakwil nila ako at sinabi pa nilang mabuti pang hindi na sila umalis sa Egipto.”

21 Sumagot si Moises, “Lahat-lahat ng kasama ko'y 600,000, at sinasabi mong bibigyan mo sila ng karne para sa isang buong buwan? 22 Kahit na patayin ang lahat naming hayop o mahuli ang lahat ng isda sa dagat ay hindi sasapat sa ganito karaming tao.”

23 Sinabi ni Yahweh, “Moises, mayroon ba akong hindi kayang gawin? Ngayon di'y ipapakita ko sa iyo kung totoo o hindi ang aking sinasabi.”

24 Lumakad na si Moises at ibinalita sa mga Israelita ang sinabi ni Yahweh. Isinama niya ang pitumpung pinuno ng Israel at pinatayo sa paligid ng Toldang Tipanan. 25 Bumabâ si Yahweh sa ulap at kinausap si Moises. Ang pitumpung matatandang pinuno ay binahaginan nga niya ng espiritu, tulad ng ibinigay niya kay Moises. Sila'y napuspos ng kapangyarihan at nagpropesiya ngunit hindi na nila ito muling nagawa.

26 May naiwang dalawang pinuno sa kampo, Eldad ang pangalan ng isa at Medad naman ang isa. Tinawag silang kasama ng pitumpu ngunit hindi sumama. Gayunman, binahaginan din sila ng espiritu ni Yahweh kaya sila'y nagpahayag din tulad ng mga propeta sa loob ng kampo. 27 Nakita pala sila ng isang binata at patakbo itong nagpunta kay Moises. Sinabi niya, “Sina Eldad at Medad ay nagpapahayag sa kampo.”

28 Dahil dito, sinabi ni Josue na anak ni Nun at lingkod ni Moises, “Bakit di po ninyo sila sawayin?”

29 Ngunit sinabi ni Moises, “Nangangamba ka bang ako'y mababawasan ng karangalan? Gusto ko ngang maging propeta at mapuspos ng espiritu ni Yahweh ang lahat ng mga Israelita.” 30 Si Moises at ang pitumpung pinuno ng Israel ay nagbalik na sa kampo.

Nagpadala ng Napakaraming Pugo si Yahweh

31 Si Yahweh ay nagpadala ng hanging may tangay na laksa-laksang pugo mula sa kabila ng dagat. Ang mga ito'y nagliliparan sa paligid ng kampo. Isang metro lang ang taas ng kanilang lipad mula sa lupa at ang lawak ay isang araw na lakarin sa kabi-kabilang kampo. 32 Lumabas ng kampo ang mga Israelita at nanghuli ng pugo hanggang kinabukasan; ang pinakakaunting nahuli ng isang tao ay aabot sa sampung malalaking sisidlan.[c] Ang mga ito'y ibinilad nila sa paligid ng kampo. 33 Ngunit bago pa lamang nila ito kinakagat, ibinuhos na ni Yahweh ang kanyang galit sa mga Israelita at siya'y nagpadala ng isang kakila-kilabot na salot. 34 Ang lugar na iyon ay tinawag na Kibrot-hataava sapagkat doon nalibing ang mga taong naging hayok sa karne. 35 Mula roon, nagpatuloy sila ng paglalakbay hanggang sa Hazerot.

Nag-usap sina Miriam at Aaron Laban kay Moises

12 Sina Miriam at Aaron ay nagsalita ng laban kay Moises dahil sa babaing Cusita na kanyang pinakasalan—sapagkat siya'y nag-asawa nga ng isang babaing taga-Cus. Ang sabi nila, “Sa pamamagitan lang ba ni Moises nagsasalita si Yahweh? Hindi ba't sa pamamagitan din natin?” Narinig ni Yahweh ang usapan nilang ito. Si(O) Moises naman ay isang taong mapagpakumbaba higit kaninumang nabuhay sa ibabaw ng lupa.

Dahil dito, tinawag ni Yahweh sina Moises, Aaron at Miriam. Sinabi niya, “Magpunta kayong tatlo sa Toldang Tipanan.” At nagpunta nga sila. Si Yahweh ay bumabâ sa anyo ng haliging ulap at tumayo sa pintuan ng Toldang Tipanan. Tinawag niya sina Aaron at Miriam. Paglapit nila, sinabi niya, “Pakinggan ninyo ang sasabihin ko. Kung ang sinuma'y nais kong piliing propeta, nagpapakita ako sa kanya sa pangitain at kinakausap ko siya sa panaginip. Ngunit(P) kaiba ang ginawa ko kay Moises sapagkat ipinagkatiwala ko sa kanya ang aking buong sambahayang Israel. Kinakausap ko siya nang harap-harapan at sinasabi ko sa kanya ang lahat sa maliwanag na paraan, hindi sa pamamagitan ng talinghaga. At siya lamang ang nakakita sa aking anyo. Bakit hindi man lamang kayo natakot na magsalita laban sa kanya?” Nagalit sa kanila si Yahweh, at siya'y umalis.

10 Nang mawala na ang ulap sa ibabaw ng Toldang Tipanan, si Miriam ay nagkaroon ng maputing sakit sa balat na parang ketong. Nang makita ito ni Aaron, 11 sinabi niya kay Moises, “Kapatid ko, huwag mo sana kaming parusahan dahil sa aming kamangmangan at kasamaan. 12 Huwag mong pabayaang matulad siya sa isang buháy na patay, parang ipinanganak na nabubulok ang kalahati ng katawan.” 13 Kaya, nakiusap si Moises kay Yahweh, “O Diyos, pagalingin po sana ninyo si Miriam!”

14 Ngunit(Q) ang sagot ni Yahweh, “Kung siya'y duraan ng kanyang ama, hindi ba siya magtatago ng pitong araw dahil sa kahihiyan? Hayaan ninyo siya ng pitong araw sa labas ng kampo.” 15 Kaya si Miriam ay pitong araw na nasa labas ng kampo. Hindi umalis ang bansang Israel hanggang hindi nakakapasok ng kampo si Miriam. 16 Mula sa Hazerot, patuloy silang naglakbay. Pagdating sa ilang ng Paran ay nagkampo sila.

Nagsugo ng Labindalawang Espiya sa Canaan(R)

13 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Pumili ka ng isa sa mga kinikilalang pinuno ng bawat lipi at isugo mo sila upang manmanan ang Canaan, ang lupaing ibibigay ko sa inyo.” 3-15 Ganoon nga ang ginawa ni Moises. Kaya't mula sa ilang ng Paran, isinugo niya ang mga sumusunod na pinuno upang magmanman:

LipiPinuno
RubenSamua na anak ni Zacur
SimeonSafat na anak ni Hori
JudaCaleb na anak ni Jefune
IsacarIgal na anak ni Jose
EfraimOseas na anak ni Nun
BenjaminPalti na anak ni Rafu
ZebulunGadiel na anak ni Sodi
ManasesGadi na anak ni Susi
DanAmiel na anak ni Gemali
AsherSetur na anak ni Micael
NeftaliNahabi na anak ni Vapsi
GadGeuel na anak ni Maqui

16 Sila ang isinugo ni Moises upang maging espiya sa Canaan; si Oseas na anak ni Nun ay tinawag niyang Josue. 17 Bago lumakad ang mga espiya, sila'y pinagbilinan ni Moises, “Sa Negeb kayo dumaan saka magtuloy sa kaburulan. 18 Pag-aralan ninyong mabuti ang lupain. Tingnan ninyo kung malalakas o mahihina ang mga tao roon, kung marami o kakaunti. 19 Tingnan ninyo kung mainam o hindi ang lupa, at kung may matitibay na muog o wala ang mga bayang tinitirhan ng mga tao roon. 20 Tingnan din ninyo kung mataba ang mga bukirin doon o hindi, at kung maraming punongkahoy o wala. Lakasan ninyo ang inyong loob. At pagbalik ninyo, magdala kayo ng ilang bungangkahoy mula roon.” Noon ay panahon ng pagkahinog ng ubas.

21 Pagdating sa Canaan, tiningnan ng mga espiya ang lupain mula sa ilang ng Zin hanggang sa Rehob, sa malapit sa Pasong Hamat. 22 Umahon sila ng Negeb at nakarating ng Hebron at doo'y natagpuan nila ang mga angkan nina Ahiman, Sesai at Talmai. Ang mga ito'y mula sa lahi ni Anac. (Ang Hebron ay pitong taon nang lunsod bago ang Zoan sa Egipto.) 23 Pagdating nila sa kapatagan ng Escol, kumuha sila ng isang buwig ng ubas na pinasan ng dalawang tao. Nanguha rin sila ng bunga ng punong granada at igos. 24 Ang lugar na iyon ay tinawag nilang Escol[d] dahil sa malaking buwig ng ubas na nakuha nila roon.

25 Pagkaraan ng apatnapung araw, umuwi na ang mga espiya 26 at humarap kina Moises, Aaron at sa buong bayang Israel na natitipon noon sa Paran, sakop ng Kades. Iniulat nila ang kanilang nakita at ipinakita ang mga uwi nilang bungangkahoy. 27 Ang sabi nila, “Pinag-aralan namin ang lupain at natuklasan naming ito'y mayaman at masagana sa lahat ng bagay. Katunayan ang bungangkahoy na kinuha namin doon. 28 Ngunit malalakas ang mga tagaroon. Malalaki ang lunsod at matitibay ang mga pader. Bukod dito, naroon din ang mga lahi ng higante. 29 Sakop ng mga Amalekita ang Negeb. Ang kaburulan ay tinitirhan naman ng mga Heteo, Jebuseo at Amoreo. Mga Cananeo naman ang nasa baybay-dagat at sa tabi ng Ilog Jordan.”

30 Subalit pinatahimik ni Caleb ang mga taong-bayan na nagrereklamo na noon kay Moises. Sinabi ni Caleb, “Hindi tayo dapat mag-aksaya ng panahon. Lusubin na natin sila sapagkat kaya natin silang gapiin.”

31 Ngunit sumagot ang ibang espiyang kasama niya, “Hindi natin sila kaya sapagkat mas malakas sila kaysa atin.” 32 Hindi maganda ang kanilang ulat tungkol sa lupaing pinasiyasat sa kanila. Ito ang sinabi nila, “Malalaking tao ang nakatira doon at sinumang magtangkang sumakop sa kanila ay lalamunin nila. 33 Nakita(S) namin doon ang mga higante. Sila ay mula sa lahi ni Anac. Mga tipaklong lamang kami kung ihahambing sa kanila.”

Naghimagsik kay Yahweh ang Israel

14 Nalungkot ang buong bayan ng Israel at magdamag na nag-iyakan. Nagbulungan sila laban kina Moises at Aaron. Ang sabi nila, “Mabuti pang namatay na tayo sa Egipto o kaya'y sa ilang kaysa tayo'y patayin ng ating mga kaaway sa lupaing pinagdalhan sa atin ni Yahweh, at bihagin ang ating asawa't mga anak. Mabuti pa'y bumalik na tayo sa Egipto.” At nag-usap-usap sila na pumili ng isang lider na mangunguna sa kanilang pagbalik.

Sina Moises at Aaron ay nagpatirapa na nakikita ng buong bayan. Dahil sa hinagpis, pinunit nina Josue na anak ni Nun at Caleb na anak ni Jefune ang kanilang kasuotan. Sinabi nila, “Mainam ang lupaing tiningnan namin, saganang-sagana sa lahat ng bagay. Kung malulugod sa atin si Yahweh, ibibigay niya sa atin ang lupaing iyon na mayaman at sagana sa lahat ng bagay. Huwag(T) lamang kayong maghihimagsik laban sa kanya. Magtiwala kayo sa kanya at huwag matakot sa mga tagaroon. Madali natin silang matatalo. Kasama natin si Yahweh at ginapi na niya ang kanilang mga diyos. Kaya huwag kayong matakot.” 10 Ngunit binantaang babatuhin ng taong-bayan sina Josue at Caleb. Kaya't ipinakita ni Yahweh ang kanyang kaluwalhatian sa ibabaw ng Toldang Tipanan.

Nanalangin si Moises para sa Bayan

11 Itinanong ni Yahweh kay Moises, “Hanggang kailan ako hahamakin ng mga taong ito? Kailan pa sila maniniwala sa akin samantalang nasaksihan naman nilang lahat ang mga himalang ginawa ko para sa kanila? 12 Padadalhan ko sila ng salot at aalisan ng karapatan sa mana. At ikaw ang gagawin kong ama ng isang bansang higit na marami at makapangyarihan kaysa kanila.”

13 Sumagot(U) si Moises, “Malalaman ng mga Egipcio ang gagawin ninyong iyan. Alam pa naman nila na ang Israel ay inilabas ninyo sa Egipto sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan. 14 At(V) kung ito'y sabihin nila sa mga taga-Canaan, alam din ng mga iyon na ang Israel ay pinapatnubayan ninyo. Alam nilang kayo ay harap-harapang nagpapakita sa Israel at ang bayang ito'y inyong pinapatnubayan sa pamamagitan ng haliging ulap kung araw at haliging apoy kung gabi. 15 Kung lilipulin ninyo sila, sasabihin ng lahat na 16 nilipol ninyo ang Israel sa ilang sapagkat hindi ninyo sila kayang dalhin sa lupaing ipinangako ninyo sa kanila. 17 Kaya nga, isinasamo kong minsan pa ninyong ipakita ang inyong kapangyarihan tulad ng sinabi ninyo noong una, 18 ‘Si Yahweh ay hindi madaling magalit, mahabagin at handang magpatawad. Subalit hindi niya ipinagwawalang-bahala ang kasamaan, sapagkat ang kasalanan ng mga magulang ay kanyang sisingilin hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi.’ 19 Isinasamo ko nga, Yahweh, patawarin na ninyo ang mga taong ito at patnubayan sila tulad ng inyong ginagawa mula nang sila'y ilabas ninyo sa Egipto, sapagkat kayo ay Diyos ng pag-ibig, at handang magpatawad sa mga nagkasala.”

20 Sinabi ni Yahweh, “Dahil sa panalangin mo, pinapatawad ko na sila. 21 Ngunit(W) ito ang tandaan mo: hanggang ako'y buháy at nalulukuban ng aking kaluwalhatian ang buong mundo, 22-23 isa man sa mga nakakita ng himalang ginawa ko ay hindi makakapasok sa lupaing ipinangako ko sa inyong mga ninuno. Paulit-ulit nila akong sinusubok at hindi nila ako sinusunod. 24 Ngunit(X) si Caleb na aking lingkod ay naiiba sa kanila. Sumunod siya sa akin nang buong katapatan, kaya makakapasok siya sa lupaing iyon, pati ang kanyang angkan. 25 Kaya bukas, magpatuloy kayo sa paglalakbay patungong Dagat na Pula.[e] Lumigid kayo sa ilang sapagkat ang mga Amoreo at Cananeo ay nasa kapatagan.”

Ang Parusa sa Israel

26 Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, 27 “Hanggang ngayo'y patuloy pa rin ang mga Israelita sa pagrereklamo laban sa akin. Kailan pa ba sila tatahimik? 28 Sabihin ninyo sa kanila na ito ang ipinapasabi ko: ‘Habang buháy akong si Yahweh, gagawin ko sa inyo ang narinig kong gusto ninyong mangyari. 29 Mamamatay(Y) kayo dito sa ilang. Sa mga kabilang sa sensus, samakatuwid ay iyong mula sa dalawampung taon pataas, 30 isa man ay walang makakarating sa lupaing ipinangako ko, maliban kina Caleb na anak ni Jefune at Josue na anak ni Nun. 31 Ang makakarating lamang doon ay ang inyong mga anak na sinasabi ninyong mabibihag ng kaaway. Sila ang maninirahan doon. 32 Ngunit mamamatay kayo dito sa ilang. 33 Ang(Z) mga anak ninyo'y magpapalabuy-laboy rito sa loob ng apatnapung taon, hanggang hindi kayo namamatay lahat. Ito ang kabayaran ng inyong hindi pagsampalataya. 34 Ang apatnapung araw na pinagmanman ninyo sa lupaing iyon ay tutumbasan ko ng apatnapung taon ng pagpapahirap upang madama ninyo ang aking poot sa loob ng panahong iyon.’ 35 Akong si Yahweh ang maysabi nito at gagawin ko ito sa masamang bayang ito. Mamamatay sila rito sa ilang.”

Namatay ang Sampung Masamang Espiya

36 At ang mga espiya na nagbigay ng masamang ulat na siyang naging dahilan ng kaguluhan sa Israel 37 ay nilipol ni Yahweh sa pamamagitan ng salot. 38 Ngunit hindi namatay si Josue na anak ni Nun at si Caleb na anak ni Jefune.

Nalupig ang Israel sa Horma(AA)

39 Lahat ng bilin ni Yahweh ay sinabi ni Moises sa mga Israelita, at sila'y nag-iyakan. 40 Kinaumagahan, nagpunta sila sa ibabaw ng burol. Sinabi nila, “Papunta na kami sa lupaing sinasabi ni Yahweh. Tinatanggap naming kami'y nagkasala.”

41 Ngunit sinabi ni Moises, “Bakit ninyo sinusuway si Yahweh? Hindi ba ninyo alam na hindi magtatagumpay ang ginagawa ninyong iyan? 42 Huwag na kayong tumuloy. Kapag tumuloy kayo, malulupig kayo ng inyong mga kaaway sapagkat hindi kayo sasamahan ni Yahweh. 43 Ang mga Amalekita at Cananeo ay naroon sa pupuntahan ninyo at tiyak na papatayin nila kayo. Hindi ninyo maaasahan ang patnubay ni Yahweh sapagkat siya'y itinakwil na ninyo.”

44 Ngunit nagpatuloy pa rin sila kahit wala sa kanila ang Kaban ng Tipan at hindi nila kasama si Moises. 45 Sinalakay nga sila ng mga Amalekita at mga Cananeo na naninirahan sa kaburulan, tinalo sila ng mga ito at tinugis sila hanggang sa Horma.

Ang mga Tuntunin tungkol sa mga Handog

15 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Ganito ang sabihin mo sa Israel: Pagdating ninyo sa lupaing ibibigay ko sa inyo, maghahandog kayo kay Yahweh. Anumang ihahandog ninyo mula sa inyong mga kawan, maging handog na susunugin, tanging handog bilang panata, o kusang handog kung panahon ng pista, ay lalakipan ninyo ng handog na pagkaing butil na kalahating salop ng pinong harinang minasa sa isang litrong langis. Samahan din ng isang litrong alak ang bawat tupang handog upang sunugin. Ang bawat handog na tupang lalaki ay sasamahan ng handog na pagkaing butil na isang salop ng pinong harinang minasa sa 1 1/3 litrong langis, at 1 1/3 litrong alak. Sa ganoon, ang handog ninyo ay magiging mabangong samyo kay Yahweh. Kung maghahandog kayo ng isang toro upang sunugin o ihain bilang katuparan ng panata o kaya'y bilang handog pangkapayapaan, sasamahan naman ito ng isa't kalahating salop ng pinong harinang minasa sa dalawang litrong langis, 10 at ganoon din karaming inumin upang maging mabangong samyo kay Yahweh.

11 “Ganyan nga ang gagawin ninyo tuwing maghahandog kayo ng toro, tupang lalaki, batang tupa o batang kambing. 12 Ang dami ng handog na pagkaing butil at inumin ay batay sa dami ng handog. 13 Ganito nga ang gagawin ng mga katutubong Israelita sa pagdadala nila ng handog na mabangong samyo kay Yahweh. 14 Ganito rin ang gagawin ng dayuhang nakikipamayan sa inyo kung nais nilang mag-alay ng mabangong handog kay Yahweh. 15 Isa lamang ang tuntuning susundin ninyo at ng mga dayuhan sa habang panahon. Kung ano kayo sa harapan ni Yahweh ay gayon din ang mga dayuhang nakikipamayan sa inyo. 16 Magkaroon(AB) lamang kayo ng iisang Kautusan at tuntuning susundin ng lahat, maging Israelita o dayuhan.”

17 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, 18 “Sabihin mo ito sa mga Israelita: Pagdating ninyo sa lupaing ibibigay ko sa inyo, 19 magbubukod kayo ng handog kay Yahweh tuwing kayo'y kakain ng mga pagkain doon. 20 Magbubukod kayo ng tinapay mula sa harinang una ninyong minasa at inyong ihain bilang handog mula sa ani. 21 Ihahandog ninyo kay Yahweh ang unang masa ng harina; ito'y tuntunin sa habang panahon.

22 “Subalit kung sakaling nakaligtaan ninyong tuparin ang alinman sa utos ni Yahweh na sinabi kay Moises, 23 buhat sa pasimula hanggang sa wakas, 24 ang buong bayan ay maghahandog ng isang toro bilang handog na susunugin kalakip ng handog na pagkaing butil, at isang kambing na lalaki bilang handog ukol sa kasalanan. 25 Ipaghahandog sila ng pari para sa kanilang kasalanan. Kapag nagawa na ito, patatawarin sila sapagkat ito'y pagkakamaling hindi sinasadya, at naghandog na sila para dito. 26 Ang buong Israel at ang mga nakikipamayan sa inyo ay patatawarin sapagkat ito'y pagkakamali nilang lahat.

27 “Kung(AC) ang isang tao'y nagkasala nang hindi sinasadya, magdadala siya ng isang babaing kambing na isang taóng gulang bilang handog para sa kapatawaran ng kasalanan. 28 Siya'y ipaghahandog ng pari upang patawarin ni Yahweh. 29 Iisa ang tuntuning susundin tungkol sa hindi sinasadyang pagkakasala ng isang Israelita at ng isang dayuhan.

30 “Ngunit ititiwalag sa sambayanan ang sinumang magkasala nang sinasadya, maging siya'y katutubong Israelita o dayuhang nakikipamayan, sapagkat iyon ay paglapastangan kay Yahweh. 31 Dahil nilabag niya ang kautusan ni Yahweh, siya ang dapat sisihin sa kanyang kamatayan.”

Pinarusahan ang Namulot ng Kahoy sa Araw ng Pamamahinga

32 Nang sila'y nasa ilang, may nakita silang nangangahoy sa Araw ng Pamamahinga. 33 Iniharap nila ito kina Moises, Aaron at sa buong kapulungan. 34 Ikinulong muna siya habang hindi pa tiyak kung ano ang gagawin sa kanya. 35 Kaya't sinabi ni Yahweh kay Moises, “Dalhin siya sa labas ng kampo at pagbabatuhin ng buong kapulungan hanggang mamatay.” 36 Ganoon nga ang ginawa nila.

Ang Palawit sa Damit ng mga Israelita

37 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 38 “Sabihin(AD) mo sa mga Israelita na habang panahon silang maglalagay ng palawit sa laylayan ng kanilang mga damit. Susuksukan nila ito ng asul na tali. 39 Gagawin ninyo ito upang maalala ninyo at sundin ang mga kautusan ni Yahweh tuwing makikita ninyo ang mga palawit na iyon. Sa ganoon, masusunod ang salita ni Yahweh at hindi ang inyong sariling nasa at kagustuhan. 40 Sundin ninyong lagi ang aking mga utos at kayo'y lubos na magiging nakalaan sa akin. 41 Ako si Yahweh na inyong Diyos. Ako ang naglabas sa inyo sa Egipto upang maging Diyos ninyo. Ako si Yahweh na inyong Diyos.”

Ang Paghihimagsik nina Korah, Datan at Abiram

16 Naghimagsik(AE) (AF) laban kay Moises si Korah na anak ni Izar at apo ni Kohat na anak ni Levi. Kasama niya sa paghihimagsik na ito sina Datan at Abiram na mga anak ni Eliab, at si On na anak ni Pelet na pawang buhat sa lipi ni Ruben. May kasama pa silang 250 katao na pawang kilala sa bayan at mga pinuno ng kapulungan. Hinarap nila sina Moises at Aaron at sinabi, “Sobra na 'yang ginagawa ninyo! Lahat ng nasa kapulungang ito ay nakalaan kay Yahweh at siya ay nasa kalagitnaan natin! Bakit itinataas ninyo ang inyong sarili higit pa sa kapulungang ito?”

Nang marinig ito ni Moises, nagpatirapa siya sa lupa. Sinabi niya kina Korah, “Bukas ng umaga, ipapakita sa inyo ni Yahweh kung sino ang tunay na nakalaan sa kanya at kung sino lamang ang maaaring lumapit sa kanya. Ang makakalapit lamang sa kanya ay ang kanyang pinili.” At sinabi niya kina Korah, “Ganito ang gawin ninyo: Kumuha kayo ng lalagyan ng insenso bukas, at lagyan ninyo ito ng baga sa harapan ni Yahweh, saka lagyan ng insenso. Kung sino ang tunay na nakalaan kay Yahweh ang siyang pipiliin niya. Kayong mga Levita ay sumosobra na.”

Sinabi rin ni Moises sa kanila, “Makinig kayong mga Levita! Hindi pa ba kayo nasisiyahan na kayo'y pinili ni Yahweh upang maglingkod sa kanya sa tabernakulo upang paglingkuran ang bayang Israel? 10 Kayong mga Levita'y ibinukod na ni Yahweh upang maglingkod sa harapan niya, bakit nais ninyong agawin pati ang pagiging pari? 11 Dahil sa hangad ninyong iyan ay naghihimagsik kayo laban kay Yahweh. Sino ba si Aaron upang inyong paghimagsikan?”

12 Ipinatawag ni Moises sina Datan at Abiram na anak ni Eliab ngunit sinabi nila, “Ayaw namin! 13 Hindi pa ba sapat sa iyo na inalis mo kami sa lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay upang patayin ng gutom dito sa ilang? Bakit gusto mo pang ikaw ay kilalanin naming pinuno? 14 Hanggang ngayo'y hindi mo pa kami nadadala sa lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay, ni nabibigyan ng bukirin at ubasan na aming mana. Akala mo ba'y malilinlang mo pa kami? Hindi kami pupunta!”

15 Dahil dito, nagalit nang husto si Moises at sinabi kay Yahweh, “Huwag mo po sanang tanggapin ang handog ng mga taong ito. Wala akong kinuha sa kanila kahit isang asno man lang. Wala rin akong ginawang masama ni isa man sa kanila.”

16 Pagkatapos, sinabi ni Moises kay Korah, “Humarap kayo bukas kay Yahweh: ikaw, pati ang mga kasamahan mo. Pupunta rin doon si Aaron. 17 Kayo ng mga kasama mo ay magdala ng tig-iisang lalagyan ng insenso, at magsunog kayo ng insenso sa harapan ni Yahweh. Ganoon din ang gagawin ni Aaron.”

18 Kinabukasan, nagdala nga sila ng insenso at lalagyan nito. Pumunta sila sa may pintuan ng Toldang Tipanan, kasama sina Moises at Aaron. 19 Si Korah at ang kanyang mga kasamahan ay tumayo sa harap ng Toldang Tipanan at tinipon nila doon ang buong bayan sa harap nina Moises at Aaron. Walang anu-ano'y nagningning ang kaluwalhatian ni Yahweh sa harap ng buong bayan. 20 Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, 21 “Lumayo kayo sa kanila para malipol ko sila agad.”

22 Ngunit nagpatirapa sina Moises at Aaron. Sinabi nila, “O Diyos, ikaw ang nagbibigay-buhay sa lahat ng tao. Lilipulin mo ba ang buong bayan dahil sa kasalanan ng isang tao lamang?”

23 Sumagot si Yahweh kay Moises, 24 “Sabihin mo sa mga taong-bayan na lumayo sa mga tolda nina Korah, Datan at Abiram.”

25 Kaya't tumayo si Moises at pinuntahan sina Datan at Abiram; kasunod niya ang matatandang namumuno sa Israel. 26 Sinabi niya sa kapulungan, “Lumayo kayo sa mga tolda ng masasamang taong ito. Huwag ninyong hihipuin ang anumang ari-arian nila at baka kayo'y malipol na kasama nila dahil sa mga kasalanan nila.” 27 Lumayo nga sila sa mga tolda nina Korah, Datan at Abiram.

Sina Datan at Abiram ay nakatayo sa pintuan ng kanilang tolda, kasama ang kani-kanilang pamilya. 28 Sinabi ni Moises, “Malalaman ninyo ngayon na isinugo ako ni Yahweh upang gawin ang mga bagay na ito, at ito'y hindi ko sariling kagustuhan. 29 Kapag ang mga taong ito'y namatay sa sakit o sa karaniwang paraan, nangangahulugang hindi ako ang isinugo ni Yahweh. 30 Ngunit kapag may ginawang di-pangkaraniwan ang Diyos at bumuka ang lupa at sila'y nilulon nang buháy kasama ang lahat ng may kaugnayan sa kanila, at sila'y nalibing nang buháy sa daigdig ng mga patay, nangangahulugang naghimagsik ang mga taong ito kay Yahweh.”

31 Hindi pa halos natatapos sa pagsasalita si Moises ay bumuka na ang lupa, 32 at nilulon nang buháy sina Korah pati ang kanilang mga pamilya at mga ari-arian. 33 Silang lahat ay nalibing nang buháy. Muling nagsara ang lupa at hindi na sila nakita ng mga Israelita. 34 Dahil dito, nagtakbuhan ang mga taong-bayan dahil sa kanilang nasaksihan. “Lumayo tayo rito!” ang sigawan nila. “Baka pati tayo'y lamunin ng lupa.”

35 Pagkatapos nito'y nagpaulan ng apoy si Yahweh at sinunog ang 250 kasamahan ni Korah na nagsunog ng insenso.

36 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 37 “Sabihin mo kay Eleazar na anak ni Aaron na kunin ang mga lalagyan ng insenso at ikalat sa paligid ang mga baga. Kailangang gawin ito sapagkat sagrado ang mga lalagyan ng insenso. 38 Naging sagrado ang mga ito nang iharap sa altar ni Yahweh. Kaya't kunin ninyo ang mga lalagyan ng insenso ng mga taong pinatay dahil sa kanilang kasalanan at pitpitin ninyo nang manipis at gawing panakip sa altar. Ang mga iyon ay sagrado sapagkat inihandog na sa akin. Maging babala sana ito sa sambayanang Israel.” 39 Kinuha nga ni Eleazar ang mga lalagyan ng insenso na pawang tanso, ipinapitpit nang manipis, at itinakip sa altar. 40 Ito'y babala sa mga Israelita na ang sinumang hindi pari o hindi kabilang sa angkan ni Aaron ay hindi dapat mangahas magsunog ng insenso sa harapan ni Yahweh. Baka matulad sila kay Korah at sa mga kasamahan nito. Ang lahat ng ito'y ginawa ni Eleazar ayon sa iniutos ni Yahweh kay Moises.

41 Kinabukasan, sinumbatan ng buong bayan sina Moises at Aaron. Sabi nila, “Pinatay ninyo ang bayan ni Yahweh.” 42 At nang sila'y nagkakaisa nang lahat laban kina Moises at Aaron, lumingon sila sa Toldang Tipanan at nakita nilang natatakpan ito ng ulap at nagniningning doon ang kaluwalhatian ni Yahweh. 43 Pumunta sina Moises at Aaron sa harapan ng Toldang Tipanan. 44 Sinabi(AG) ni Yahweh kay Moises, 45 “Lumayo kayo sa mga taong ito at lilipulin ko sila ngayon din!”

Ngunit nagpatirapa sa lupa sina Moises at Aaron. 46 Sinabi ni Moises kay Aaron, “Magsunog ka ng insenso sa lalagyan nito. Dalhin mo agad ito sa kapulungan at ihingi mo sila ng tawad kay Yahweh sapagkat kumakalat na ang salot dahil sa kanyang poot.” 47 Sinunod nga ni Aaron ang sinabi ni Moises at patakbo siyang nagtungo sa gitna ng kapulungan. Pagdating niya roon ay marami nang patay. Nagsunog siya agad ng insenso at inihingi ng tawad ang sambayanan. 48 At siya'y tumayo sa pagitan ng mga patay at buháy; at tumigil ang salot. 49 Ang namatay sa salot na iyon ay 14,700, bukod pa sa mga namatay na kasama sa paghihimagsik ni Korah. 50 Nang wala na ang salot, nagbalik si Aaron kay Moises sa may pintuan ng Toldang Tipanan.

Ang Tungkod ni Aaron

17 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa mga Israelita na ang pinuno ng bawat lipi ay magbigay sa iyo ng tig-iisang tungkod. Isusulat nila ang kanilang mga pangalan dito. Ang pangalan ni Aaron ang isusulat mo sa tungkod ng lipi ni Levi sapagkat bawat pinuno ng lipi ay dapat magkaroon ng iisa lamang tungkod. Ilalagay mo ang mga tungkod na iyon sa loob ng Toldang Tipanan sa harap ng Kaban ng Tipan, sa lugar kung saan kita kinatatagpo. Ang tungkod ng taong aking pinili ay mamumulaklak. Sa ganoon, matitigil na ang pagrereklamo nila laban sa iyo.”

Ganoon nga ang sinabi ni Moises at nagbigay sa kanya ng tungkod ang mga pinuno ng bawat lipi. Labindalawa lahat pati ang tungkod ni Aaron. Ang mga ito'y inilagay ni Moises sa harapan ni Yahweh, sa loob ng Toldang Tipanan.

Kinabukasan,(AH) nang pumasok sa Toldang Tipanan si Moises, nakita niyang may usbong ang tungkod ni Aaron. Bukod sa usbong, namulaklak pa ito at namunga ng hinog na almendra. Inilabas ni Moises ang lahat ng tungkod at ipinakita sa mga Israelita. Nakita nila ang nangyari, at kinuha na ng mga pinuno ang kani-kanilang tungkod. 10 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Ibalik mo sa harap ng Kaban ng Tipan ang tungkod ni Aaron upang maging babala sa mga naghihimagsik. Mamamatay sila kung hindi sila titigil ng karereklamo.” 11 Ginawa nga ito ni Moises ayon sa iniutos ni Yahweh.

12 Sinabi ng mga Israelita kay Moises, “Mapapahamak kami! Mauubos kaming lahat! 13 Kung mamamatay ang bawat lumapit sa Toldang Tipanan ni Yahweh, mamamatay kaming lahat!”

Ang Tungkulin ng mga Pari at mga Levita

18 Sinabi ni Yahweh kay Aaron, “Ikaw, ang iyong mga anak na lalaki, at ang lipi ni Levi ang may pananagutan sa lahat ng gawain sa Toldang Tipanan. Ngunit sa mga gawain ng pari, ikaw at ang iyong mga anak na lalaki lamang ang mangangasiwa. Ang mga kamag-anak ninyong mga Levita ang tutulong sa iyo at sa iyong mga anak sa inyong paglilingkod sa loob ng Toldang Tipanan. Subalit hindi sila lalapit sa altar o sa alinmang sagradong kasangkapan sa loob ng santuwaryo. Kapag lumapit sila, kayong lahat ay mamamatay. Liban sa kanila ay wala kayong ibang makakatulong sa anumang gawain sa Toldang Tipanan, at wala ring dapat lumapit sa inyo roon. Ikaw lamang at ang iyong mga anak na lalaki ang gaganap sa mga tungkulin sa Toldang Tipanan at sa altar upang hindi ako muling magalit sa sambayanang Israel.

Footnotes

  1. Mga Bilang 10:36 Manumbalik…Israel: o kaya'y Manumbalik ka Yahweh, ikaw ay katumbas ng libu-libo para sa Israel .
  2. Mga Bilang 11:3 TABERA: Sa wikang Hebreo, ang mga salitang “Tabera” at “nagliliyab” ay magkasintunog.
  3. Mga Bilang 11:32 MALALAKING SISIDLAN: Ang mga sisidlang ito ay maaaring maglaman ng timbang na halos 220 litro.
  4. Mga Bilang 13:24 ESCOL: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng salitang ito ay “buwig ng ubas”.
  5. Mga Bilang 14:25 Dagat na Pula: o kaya'y Dagat ng mga Tambo .