Add parallel Print Page Options

Anak ko, kung iyong tatanggapin ang aking mga salita, at tataglayin mo ang aking mga utos;

Na anopa't iyong ikikiling ang iyong pakinig sa karunungan, at ihihilig mo ang iyong puso sa pagunawa;

Oo, kung ikaw ay dadaing ng pagbubulay, at itataas mo ang iyong tinig sa pagunawa;

Kung iyong hahanapin siya na parang pilak, at sasaliksikin mo siyang parang kayamanang natatago.

Kung magkagayo'y iyong mauunawa ang pagkatakot sa Panginoon, at masusumpungan mo ang kaalaman ng Dios.

Sapagka't ang Panginoon ay nagbibigay ng karunungan, sa kaniyang bibig nanggagaling ang kaalaman at kaunawaan:

Kaniyang pinapagtataglay ang matuwid ng magaling na karunungan, siya'y kalasag sa nagsisilakad sa pagtatapat;

Upang kaniyang mabantayan ang mga landas ng kahatulan, at maingatan ang daan ng kaniyang mga banal.

Kung magkagayo'y mauunawa mo ang katuwiran at ang kahatulan, at ang karampatan, oo, bawa't mabuting landas.

10 Sapagka't karunungan ay papasok sa iyong puso, at kaalaman ay magiging ligaya sa iyong kaluluwa;

11 Kabaitan ay magbabantay sa iyo, pagkaunawa ay magiingat sa iyo:

12 Upang iligtas ka sa daan ng kasamaan, sa mga taong nagsisipagsalita ng mga masamang bagay;

13 Na nagpapabaya ng mga landas ng katuwiran, upang magsilakad sa mga daan ng kadiliman;

14 Na nangagagalak na magsigawa ng kasamaan, at nangaaaliw sa mga karayaan ng kasamaan,

15 Na mga liko sa kanilang mga lakad, at mga suwail sa kanilang mga landas:

16 Upang iligtas ka sa masamang babae, sa makatuwid baga'y sa di kilala na nanghahalina ng kaniyang mga salita;

17 Na nagpapabaya sa kaibigan ng kaniyang kabataan, at lumilimot ng tipan ng kaniyang Dios:

18 Sapagka't ang kaniyang bahay ay kumikiling sa kamatayan, at ang kaniyang mga landas na sa patay:

19 Walang naparoroon sa kaniya na bumabalik uli, ni kanila mang tinatamo ang mga landas ng buhay:

20 Upang ikaw ay makalakad ng lakad ng mabubuting tao, at maingatan ang mga landas ng matuwid.

21 Sapagka't ang matuwid ay tatahan sa lupain, at ang sakdal ay mamamalagi roon.

22 Nguni't ang masama ay mahihiwalay sa lupain, at silang nagsisigawang may karayaan ay mangabubunot.

Anak ko, huwag mong kalimutan ang aking kautusan; kundi ingatan ng iyong puso ang aking mga utos:

Sapagka't karamihan ng mga araw, at mga taon ng buhay, at kapayapaan, ay madadagdag sa iyo.

Huwag kang pabayaan ng kaawaan at katotohanan: itali mo sa palibot ng iyong leeg; ikintal mo sa iyong puso:

Sa gayo'y makakasumpong ka ng lingap at mabuting kaunawaan, sa paningin ng Dios at ng tao.

Tumiwala ka sa Panginoon ng buong puso mo, at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan:

Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at kaniyang ituturo ang iyong mga landas.

Huwag kang magpakapantas sa iyong sariling mga mata; matakot ka sa Panginoon, at humiwalay ka sa kasamaan:

Magiging kagalingan sa iyong pusod, at utak sa iyong mga buto.

Parangalin mo ang Panginoon ng iyong tinatangkilik, at ng mga unang bunga ng lahat mong ani:

10 Sa gayo'y mapupuno ang iyong mga kamalig ng sagana, at ang iyong mga alilisan ay aapawan ng bagong alak.

11 Anak ko, huwag mong hamakin ang parusa ng Panginoon; ni mayamot man sa kaniyang saway:

12 Sapagka't sinasaway ng Panginoon ang kaniyang iniibig: gaya ng ama sa anak na kaniyang kinaluluguran.

13 Mapalad ang tao na nakakasumpong ng karunungan, at ang tao na nagtatamo ng kaunawaan.

14 Sapagka't ang kalakal niya ay maigi kay sa kalakal na pilak, at ang pakinabang niyaon kay sa dalisay na ginto.

15 Mahalaga nga kay sa mga rubi; at wala sa mga bagay na mananasa mo sa maihahalintulad sa kaniya,

16 Karamihan ng mga araw ay nasa kanang kamay niya, sa kaniyang kaliwang kamay ay mga kayamanan at karangalan.

17 Ang kaniyang mga daan ay mga daan ng kaligayahan, at lahat niyang mga landas ay kapayapaan.

18 Siya ay punong kahoy ng buhay sa mga nanghahawak sa kaniya: at mapalad ang bawa't isa na nangamamalagi sa kaniya.

19 Nilikha ng Panginoon ang lupa sa pamamagitan ng karunungan; itinatag niya ang langit sa pamamagitan ng kaunawaan.

20 Sa kaniyang kaalaman ay nabahagi ang mga kalaliman, at ang mga alapaap ay nagsipatak ng hamog.

21 Anak ko, huwag silang mangahiwalay sa iyong mga mata; ingatan mo ang magaling na karunungan at ang kabaitan;

22 Sa gayo'y magiging buhay sila sa iyong kaluluwa, at biyaya sa iyong leeg.

23 Kung magkagayo'y lalakad ka ng iyong lakad na tiwasay, at ang iyong paa ay hindi matitisod.

24 Pagka ikaw ay nahihiga, hindi ka matatakot: Oo, ikaw ay mahihiga at ang iyong tulog ay magiging mahimbing.

25 Huwag kang matakot ng biglang pagkatakot, ni sa pagkabuwal man ng masama, pagka dumarating:

26 Sapagka't ang Panginoon ay magiging iyong pagtitiwala, at iingatan ang iyong paa sa pagkahuli.

27 Huwag mong ikait ang mabuti sa kinauukulan, pagka nasa kapangyarihan ng iyong kamay na ito'y gawin.

28 Huwag mong sabihin sa iyong kapuwa, Yumaon ka, at bumalik uli, at bukas ay magbibigay ako; pagka ikaw ay mayroon.

29 Huwag kang kumatha ng kasamaan laban sa iyong kapuwa, na palibhasa't tumatahang tiwasay sa siping mo.

30 Huwag kang makipagusapin sa kanino man ng walang kadahilanan, kung hindi siya gumawa ng kasamaan sa iyo.

31 Huwag kang managhili sa taong marahas, at huwag kang pumili ng anoman sa kaniyang mga lakad.

32 Sapagka't ang suwail ay kasuklamsuklam sa Panginoon: nguni't ang kaniyang payo ay kasama ng matuwid.

33 Ang sumpa ng Panginoon ay nasa bahay ng masama; nguni't pinagpapala niya ang tahanan ng matuwid.

34 Tunay na kaniyang dinuduwahagi ang mga mangduduwahagi, nguni't binibigyan niya ng biyaya ang mababa.

35 Ang pantas ay magmamana ng kaluwalhatian; nguni't kahihiyan ay magiging ganti sa mga mangmang.

Dinggin ninyo, mga anak ko, ang turo ng ama, at makinig kayo upang matuto ng kaunawaan:

Sapagka't bibigyan ko kayo ng mabuting aral; huwag ninyong bayaan ang aking kautusan.

Sapagka't ako'y anak sa aking ama, malumanay at bugtong sa paningin ng aking ina.

At tinuruan niya ako, at nagsabi sa akin: Pigilan ng iyong puso ang aking mga salita; ingatan mo ang aking mga utos, at mabuhay ka:

Magtamo ka ng karunungan, magtamo ka ng kaunawaan; huwag mong kalimutan, ni humiwalay man sa mga salita ng aking bibig:

Huwag mo siyang pabayaan at iingatan ka niya; ibigin mo siya at iingatan ka niya.

Karunungan ay pinaka pangulong bagay; kaya't kunin mo ang karunungan: Oo, sa lahat mong kukunin ay kunin mo ang unawa.

Iyong ibunyi siya, at kaniyang itataas ka: kaniyang dadalhin ka sa karangalan, pagka iyong niyakap siya.

Siya'y magbibigay sa iyong ulo ng pugong na biyaya: isang putong ng kagandahan ay kaniyang ibibigay sa iyo.

10 Dinggin mo, Oh anak ko, at iyong tanggapin ang aking mga sinasabi; at ang mga taon ng iyong buhay ay magiging marami.

11 Aking itinuro ka sa daan ng karunungan; aking pinatnubayan ka sa landas ng katuwiran.

12 Pagka ikaw ay yumayaon hindi magigipit ang iyong mga hakbang; at kung ikaw ay tumatakbo, hindi ka matitisod.

13 Hawakan mong mahigpit ang turo; huwag mong bitawan: iyong ingatan; sapagka't siya'y iyong buhay.

14 Huwag kang pumasok sa landas ng masama, at huwag kang lumakad ng lakad ng mga masasamang tao.

15 Ilagan mo, huwag mong daanan; likuan mo, at magpatuloy ka.

16 Sapagka't hindi sila nangatutulog, malibang sila'y nakagawa ng kasamaan; at ang kanilang tulog ay napapawi, malibang sila'y makapagpabuwal.

17 Sapagka't sila'y nagsisikain ng tinapay ng kasamaan, at nagsisiinom ng alak ng karahasan.

18 Nguni't ang landas ng matuwid ay parang maliyab na liwanag, na sumisilang ng higit at higit sa sakdal na araw.

19 Ang lakad ng masama ay parang kadiliman: Hindi nila nalalaman kung ano ang kanilang kinatitisuran.

20 Anak ko, makinig ka sa aking mga salita; ikiling mo ang iyong pakinig sa aking mga sabi.

21 Huwag mangahiwalay sa iyong mga mata; Ingatan mo sa kaibuturan ng iyong puso.

22 Sapagka't buhay sa nangakakasumpong, at kagalingan sa buo nilang katawan.

23 Ingatan mo ang iyong puso ng buong sikap; sapagka't dinadaluyan ng buhay,

24 Ihiwalay mo sa iyo ang masamang bibig, at ang mga suwail na labi ay ilayo mo sa iyo.

25 Tuminging matuwid ang iyong mga mata, at ang iyong mga talukap-mata ay tuminging matuwid sa harap mo.

26 Papanatagin mo ang landas ng iyong mga paa, at mangatatag ang lahat ng iyong lakad.

27 Huwag kang lumiko sa kanan o sa kaliwa man: ihiwalay mo ang iyong paa sa kasamaan.