Mga Kawikaan 31 - Mangangaral 2
Magandang Balita Biblia
Mga Kawikaan ng Ina ni Haring Lemuel
31 Ito ang mga payo ni Haring Lemuel ng Massa, mga kawikaang itinuro ng kanyang ina.
2 “Mayroon akong sasabihin sa iyo anak, na tugon sa aking dalangin. 3 Huwag mong uubusin sa babae ang lakas mo at salapi, at baka mapahamak kang tulad ng ibang hari. 4 Lemuel, di dapat sa hari ang uminom ng alak o matapang na inumin. 5 Kadalasan kapag lasing na sila'y nalilimutan na nila ang matuwid at napapabayaan ang karapatan ng mga taong naghihirap. 6 Ang alak ay ibigay mo na lamang sa nawawalan ng pag-asa at sa mga taong dumaranas ng matinding kahirapan. 7 Hayaan silang uminom upang hirap ay malimutan, at kasawia'y di na matandaan.
8 “Ipagtanggol mo ang mga di makalaban, ipaglaban ang kanilang karapatan. 9 Ipahayag mo nang malinaw ang katotohanan at ang katuwiran, at igawad ang katarungan sa api at mahirap.”
Ang Huwarang Maybahay
10 Mahirap makakita ng mabuting asawa, higit sa mamahaling alahas ang kanyang halaga.
11 Lubos ang tiwala ng kanyang asawa, at saganang pakinabang ang makakamit niya.
12 Pinaglilingkuran niya ang asawa habang sila'y nabubuhay, pawang kabutihan ang ginagawa at di kasamaan.
13 Wala siyang tigil sa paggawa, hindi na halos nagpapahinga, humahabi ng kanyang telang lino at lana.
14 Tulad ng isang barkong puno ng kalakal, siya ay nag-uuwi ng pagkain mula sa malayong lugar.
15 Bago pa sumikat ang araw ay inihahanda na ang pagkain ng buo niyang sambahayan, pati na ang gawain ng mga katulong sa bahay.
16 Mataman niyang tinitingnan ang bukid bago siya magbayad, ang kanyang naiimpok ay ipinagpapatanim ng ubas.
17 Gayunma'y naiingatan ang kamay at katawan upang matupad ang lahat ng kanyang tungkulin araw-araw.
18 Sa kanya'y mahalaga ang bawat ginagawa, hanggang hatinggabi'y makikitang nagtitiyaga.
19 Siya'y gumagawa ng mga sinulid, at humahabi ng sariling damit.
20 Matulungin siya sa mahirap, at sa nangangailanga'y bukás ang palad.
21 Hindi siya nag-aalala dumating man ang tagginaw, pagkat ang sambahayan niya'y may makapal na kasuotan.
22 Gumagawa siya ng makakapal na sapin sa higaan at damit na pinong lino ang sinusuot niya.
23 Ang kanyang asawa'y kilala sa lipunan at nahahanay sa mga pangunahing mamamayan.
24 Gumagawa pa rin siya ng iba pang kasuotan at ipinagbibili sa mga mangangalakal.
25 Marangal at kapita-pitagan ang kanyang kaanyuan at wala siyang pangamba sa bukas na daratal.
26 Ang mga salita niya ay puspos ng karunungan at ang turo niya ay pawang katapatan.
27 Sinusubaybayan niyang mabuti ang kanyang sambahayan at hindi tumitigil sa paggawa araw-araw.
28 Iginagalang siya ng kanyang mga anak at pinupuri ng kanyang kabiyak:
29 “Maraming babae na mabuting asawa, ngunit sa kanila'y nakahihigit ka.”
30 Mandaraya ang pang-akit at kumukupas ang ganda, ngunit ang babaing gumagalang at sumusunod kay Yahweh ay pararangalan.
31 Ibigay sa kanya ang lahat ng parangal, karapat-dapat siya sa papuri ng bayan.
Walang Kabuluhan ang Lahat
1 Ito ang mga katuruan ng Mangangaral, ang anak ni David na hari ng Israel.
2 “Napakawalang kabuluhan![a] Napakawalang kabuluhan;[b] lahat ay walang kabuluhan,”[c] sabi ng Mangangaral. 3 Nagpapakapagod ka nang husto sa pagtatrabaho sa mundong ito.
Ngunit para saan ba ang mga pagpapagod na ito? 4 Patuloy(A) ang pagpapalit-palit ng mga lahi ngunit hindi nagbabago ang daigdig. 5 Ang araw ay patuloy sa pagsikat at patuloy sa paglubog; pabalik-balik lang sa pinanggalingan. 6 Ang hangin ay umiihip patungong timog, papuntang hilaga, buong araw na paikut-ikot. 7 Lahat ng tubig ay umuuwi sa dagat ngunit hindi ito napupuno. Ang tubig ay bumabalik sa batis na pinagmulan upang muling umagos patungong karagatan. 8 Ang lahat ng bagay ay nakababagot, hindi makayanang ipaliwanag. Walang sawa ang paningin ng tao; walang tigil ang kanyang pakinig. 9 Ang naganap noon ay nangyayari rin ngayon. Ang mga nagawa noon ay nagagawa rin ngayon; walang bagong pangyayari sa mundong ito. 10 Ang sabi ng iba, “Halikayo! Ito'y bago.” Ngunit naganap na iyon noong di pa tayo tao. 11 Hindi na maalala ang mga nauna. At ang nangyayari ngayon ay malilimutan din sa hinaharap.
Ang Karanasan ng Mangangaral
12 Ako, ang Mangangaral, ay naging hari ng Israel. 13 Siniyasat ko at pinag-aralang mabuti ang lahat ng bagay sa buong mundo. At nakita kong ang tao'y itinalaga ng Diyos sa matinding paghihirap. 14 Nakita kong ang lahat ng gawa ng tao sa mundong ito ay walang kabuluhan;[d] ito'y tulad lang ng paghahabol sa hangin. 15 Hindi na maitutuwid ang baluktot at hindi na maibibilang ang wala.
16 Sinabi(B) ko sa aking sarili, “Ang karunungan ko'y higit sa sinundan kong mga hari ng Jerusalem. Alam ko kung ano ang tunay na karunungan at kaalaman.” 17 Pinag-aralan kong mabuti ang pagkakaiba ng karunungan at ng kamangmangan, ng katalinuhan at ng kabaliwan. Ngunit napatunayan kong ito rin ay tulad lang ng paghahabol sa hangin. 18 Habang lumalawak ang karunungan ay dumarami ang alalahanin, at habang dumarami ang nalalaman ay lalong tumitindi ang kapighatian.
Kamangmangan ang Maging Makasarili
2 Sinabi ko sa aking sarili, “Halika, subukan mo kung ano ang kahulugan ng kaligayahan; magpakasaya ka!” Subalit ito man ay walang kabuluhan.[e] 2 Ang halakhak ay ipinalagay kong kahangalan at ang kaligayahan ay walang kabuluhan.[f] 3 Sa pagnanasa kong makamit ang karunungan, ipinasya kong magpakalasing sa alak. Sa loob-loob ko'y ito na ang pinakamainam na dapat gawin ng tao sa maikling panahong ilalagi niya sa mundong ito. 4 Nakagawa(C) ako ng mga dakilang bagay. Nakapagpatayo ako ng malalaking bahay at ginawa kong ubasan ang paligid nito. 5 Gumawa ako para sa aking sarili ng mga hardin at liwasan. Tinamnan ko ito ng lahat ng uri ng punongkahoy na mapapakinabangan ang bunga. 6 Humukay ako ng mga balon na pagkukunan ng pandilig sa mga pananim na ito. 7 Bumili(D) ako ng mga aliping babae at lalaki. Ang mga alipin ko'y nagkaanak na sa aking tahanan. Ang kawan ko'y ubod ng dami, walang kasindami kung ihahalintulad sa kawan ng mga haring nauna sa akin. 8 Nakaipon(E) ako ng napakaraming pilak at ginto mula sa mga lupaing nasasakupan ko. Marami akong mang-aawit na babae't lalaki. Marami akong asawa at pawang magaganda. Wala nang hahanapin pa ang isang lalaki, lalo na kung tungkol din lang sa babae.
9 Higit(F) akong dinakila kaysa sinumang haring nauna sa akin. Taglay ko pa rin ang aking karunungan. 10 Wala akong ginustong hindi ko nakuha. Ginagawa ko ang lahat ng aking magustuhan. Nalulugod ako sa aking mga ginagawa at iyon ang pinakagantimpala ng aking mga pinagpaguran. 11 Pagkatapos, inisip kong mabuti ang mga ginawa ko at ang pagod na aking pinuhunan. Nakita kong ang lahat ay pawang walang kabuluhan;[g] tulad lang ito ng paghahabol sa hangin.
12 Naisip kong ang wakas ng isang hari ay tulad lamang ng sa mga nauna sa kanya. Tinimbang kong mabuti ang karunungan, ang kabaliwan at kamangmangan. 13 Napatunayan kong mas mabuti ang karunungan kaysa kamangmangan, tulad ng kabutihan ng liwanag kaysa kadiliman. 14 Nalalaman ng marunong ang kanyang patutunguhan ngunit hindi alam ng mangmang ang kanyang hangganan. Ngunit nabatid ko ring iisa ang hantungan ng lahat. 15 Sinabi ko sa aking sarili, “Ang sinapit ng mangmang ay siya mo ring sasapitin. Ano nga ba ang napala mo sa labis na pagpapakarunong?” At naisip kong ito man ay wala ring kabuluhan.[h] 16 Pagkat kung paanong ang mangmang ay nalilimutan pagdating ng araw, gayon din ang lahat ay mamamatay, maging ang marunong man, o ang mangmang. 17 Kaya't kinamuhian ko ang buhay sapagkat pawang kahirapan lamang ang idinulot nito sa akin. Lahat nga ay walang kabuluhan,[i] at tulad lang ito ng paghahabol sa hangin.
18 Wala na ring halaga sa akin ang lahat ng pinagpaguran ko sa mundong ito sapagkat ito'y maiiwan lamang sa susunod sa akin. 19 At sino ang nakakatiyak kung siya'y marunong o mangmang? Gayunman, siya pa rin ang magmamana sa lahat ng mga pinagpaguran ko at ginamitan ng karunungan sa mundong ito. Ito ma'y walang kabuluhan.[j] 20 Kaya nga, nanghihinayang ako pagkat ako ay nagpakapagod nang husto sa mundong ito. 21 Lahat ng pinagpaguran ng tao'y pinamuhunan niya ng karunungan, kaalaman at kakayahan ngunit pagdating ng araw ay iba ang magpapakasaya sa mga pinagpaguran niya. Ito ay walang kabuluhan,[k] at ito'y hindi tama. 22 Nagpapakapagod at nagpapakahirap nang husto sa mundong ito ang isang tao, ngunit para saan ba ang pagpapagod na ito? 23 Anumang(G) gawin ng tao'y nagdudulot sa kanya ng balisa at hinanakit. May mga gabi pang hindi siya makatulog sa pag-iisip. Ito man ay walang kabuluhan.[l]
24 Ang(H) mabuti pa sa tao'y kumain at uminom, at pakinabangan ang bunga ng kanyang pinagpaguran. Alam kong ang lahat ng ito ay kaloob ng Diyos. 25 Kung wala ang Diyos, sino pa ba ang makakakain o makakaranas ng kasiyahan? 26 Ang(I) karunungan, kaalaman, at kaligayahan ay ipinagkakaloob ng Diyos sa lahat ng kinalulugdan niya. Ang makasalana'y pinagtatrabaho niya at pinag-iimpok upang ibigay lamang ito sa gusto niyang pagbigyan. Ito man ay walang kabuluhan,[m] tulad lang ng paghahabol sa hangin.
Footnotes
- Mangangaral 1:2 Napakawalang kabuluhan: o kaya'y Napakalaking palaisipan .
- Mangangaral 1:2 Napakawalang kabuluhan: o kaya'y Napakalaking palaisipan .
- Mangangaral 1:2 walang kabuluhan: o kaya'y isang palaisipan .
- Mangangaral 1:14 walang kabuluhan: o kaya'y isang palaisipan .
- Mangangaral 2:1 walang kabuluhan: o kaya'y isang palaisipan .
- Mangangaral 2:2 walang kabuluhan: o kaya'y isang palaisipan .
- Mangangaral 2:11 walang kabuluhan: o kaya'y isang palaisipan .
- Mangangaral 2:15 wala ring kabuluhan: o kaya'y isang palaisipan .
- Mangangaral 2:17 walang kabuluhan: o kaya'y isang palaisipan .
- Mangangaral 2:19 walang kabuluhan: o kaya'y isang palaisipan .
- Mangangaral 2:21 walang kabuluhan: o kaya'y isang palaisipan .
- Mangangaral 2:23 walang kabuluhan: o kaya'y isang palaisipan .
- Mangangaral 2:26 walang kabuluhan: o kaya'y isang palaisipan .
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
