Add parallel Print Page Options

O Diyos, kayo po ay puspos ng maningning na liwanag,
    kalangita'y parang tolda, na kamay mo ang nagladlad.
Ang ginawa mong tahanan ay ang tubig sa itaas,
    ang karo mong sinasakyan ay ang papawiring-ulap,
    sa pakpak ng mga hangin ay doon ka lumalakad.
Tagahatid(A) ng balita ay hangin ding sumisimoy,
    at kidlat na matatalim ang lingkod mong tumutulong.
Ikaw na rin ang nagtayo ng saligan nitong lupa,
    matatag na ginawa mo't hindi ito mauuga.
Ang ibabaw ng saliga'y ginawa mong karagatan,
    at tubig din ang bumalot sa lahat ng kabundukan.
Ngunit noong magalit ka, itong tubig ay tumakas,
    nang marinig ang sigaw mo, tumilapon agad-agad.
Bumuhos sa kabundukan, umagos sa kapatagan,
    natipon sa isang dako't naging isang karagatan,
matapos, ang ginawa mo'y naglagay ka ng hangganan,
    upang itong kalupaa'y di na muling laganapan.

Read full chapter