Mga Awit 77:1-10
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Kaaliwan sa Panahon ng Bagabag
Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Mang-aawit na si Jeduthun.
77 Sa Diyos ako ay tumawag, at dumaing nang malakas,
ganoon ang aking daing upang ako'y dinggin agad.
2 Hinanap ko'y Panginoon sa panahong may bagabag,
hindi ako napagod, dumalangin na magdamag,
ngunit di ko nasumpungan ang aliw kong hinahangad.
3 Nagunita ko ang Diyos, kaya ako ay dumaing,
ako'y nagdidili-dili ngunit ako'y bigo pa rin. (Selah)[a]
4 Hindi ako patulugin, waring ito ay parusa,
hindi ako makaimik, pagkat ako ay balisa.
5 Nagbalik sa gunita ko ang nagdaang mga araw,
nanariwa sa isip ko ang panahong nakaraan;
6 ako'y nagbubulay-bulay sa silid ko gabi-gabi,
ang diwa ko ay gising at tinatanong ang sarili:
7 “Ako baga, Panginoo'y lubusan mong itatakwil?
Di mo na ba ibabalik sa akin ang iyong pagtingin?
8 Ang iyo bang pagmamahal sa amin ay nagwakas na?
Hindi na ba maaaring sa pangako mo'y umasa?
9 Yaong kagandahang-loob mo ba ay nakalimutan mo na?
Dahilan sa iyong galit, ang awa mo'y wala na ba?” (Selah)[b]
10 Ganito ang aking sabi: “Ang sakit ng aking loob,
para bagang mahina na't walang lakas ang aking Diyos.”