Pahayag 1:12-20
Magandang Balita Biblia
12 Lumingon ako upang tingnan ang nagsasalita, at nakakita ako ng pitong ilawang ginto. 13 Nakatayo(A) sa gitna ng mga ilawan ang isang parang anak ng tao na nakasuot ng mahabang damit, at may gintong pamigkis sa kanyang dibdib. 14 Ang(B)(C) kanyang ulo at buhok ay kasimputi ng balahibo ng tupa o ng niyebe, at ang kanyang mga mata'y parang apoy na nagliliyab. 15 Kumikinang(D) ang kanyang mga paa na parang tansong pinakintab, at parang rumaragasang tubig ang kanyang tinig. 16 May hawak siyang pitong bituin sa kanang kamay, at lumabas sa kanyang bibig ang isang matalas na tabak na sa magkabila'y may talim. Ang kanyang mukha ay nakakasilaw tulad ng araw sa katanghaliang-tapat.
17 Pagkakita(E) ko sa kanya, para akong patay na bumagsak sa kanyang paanan, ngunit ipinatong niya sa akin ang kanyang kanang kamay at sinabi, “Huwag kang matakot! Ako ang simula at ang wakas, 18 at ang nabubuhay! Namatay ako ngunit tingnan mo, ako'y buháy ngayon at mananatiling buháy magpakailanman. Hawak ko ang mga susi ng kamatayan at ng daigdig ng mga patay.[a] 19 Kaya't isulat mo ang iyong nakikita, ang nangyayari ngayon at ang mangyayari pa pagkatapos nito. 20 Tungkol naman sa hiwaga ng pitong bituing hawak ko sa aking kanang kamay at sa pitong ilawang ginto: ang pitong bituin ay ang mga anghel ng pitong iglesya at ang pitong ilawang ginto ay ang pitong iglesya.
Read full chapterFootnotes
- Pahayag 1:18 daigdig ng mga patay: Sa Griego ay Hades .
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.