Roma 11:11-24
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
11 Ito naman ang tanong ko ngayon: Ang pagkatisod ba nila ay upang sila'y tuluyan nang mabuwal? Hinding-hindi! Sa halip, dahil sa kanilang kasalanan, ang kaligtasan ay nakarating sa mga Hentil upang mainggit ang mga Israelita sa mga ito. 12 Ngayon, kung ang kasalanan ng mga Israelita ay nagdulot ng masaganang pagpapala sa sanlibutan, at kung ang kanilang pagbagsak ay nagdulot ng masaganang pagpapala sa mga Hentil, gaano pa kaya kapag nagbalik-loob sa Diyos ang buong Israel!
Ang Kaligtasan ng mga Hentil
13 Ito naman ang sasabihin ko sa inyo, mga Hentil. Dahil ako'y apostol para sa inyo, ipinagmamalaki ko ang aking katungkulan. 14 Ginagawa ko ito upang inggitin ang aking mga kababayang Judio, at nang sa gayon ay maligtas kahit ang ilan sa kanila. 15 Kung ang pagkatakwil sa kanila ay naging daan upang ipagkasundo sa Diyos ang sanlibutan, ang muling pagtanggap sa kanila ng Diyos ay matutulad sa muling pagkabuhay ng patay!
16 Kung banal ang unang tinapay mula sa masa ng harina, gayundin ang buong masa. At kung ang ugat ng punongkahoy ay banal, gayundin ang mga sanga nito. 17 Kung pinutol ang ilang sanga ng punong olibo, at ikaw na sanga ng olibong ligaw ang idinugtong sa puno upang makabahagi sa buhay na nanggagaling sa ugat ng punong ito, 18 huwag kang magmalaki sa mga sangang pinutol. Alalahanin mong hindi ikaw ang bumubuhay sa mga ugat; ang mga ugat ang bumubuhay sa iyo.
19 Sasabihin mo naman, “Pinutol ang mga sanga upang ako'y maidugtong.” 20 Totoo iyan. Pinutol sila dahil hindi sila sumampalataya, ngunit ikaw naman ay nananatili sa puno dahil sa iyong pananampalataya. Kaya't huwag kang magmalaki, sa halip ay matakot ka. 21 Sapagkat kung ang mga tunay na sanga ay hindi pinanghinayangan ng Diyos, ikaw pa kaya ang panghinayangan niya? 22 Dito'y nakikita natin ang kabutihan at kabagsikan ng Diyos. Naging mabagsik siya sa mga hindi sumasampalataya sa kanya, subalit mabuti siya sa inyo, kung mananatili kayo sa kanyang kabutihan. Kung hindi, kayo ma'y puputulin din. 23 Ang mga Judio'y idudugtong niyang muli sa puno kung sila ay sasampalataya, sapagkat kayang gawin iyon ng Diyos. 24 Kung ikaw na sangang galing sa olibong ligaw ay naidugtong sa tunay na olibo, kahit na ito'y salungat sa kalikasan, lalo pang madaling idugtong sa puno ang mga talagang sanga nito.
Read full chapter