Add parallel Print Page Options

Pamumuhay Cristiano

12 Kaya nga, mga kapatid, isinasamo ko sa inyo, alang-alang sa mga kahabagan ng Diyos, na inyong ialay ang inyong mga katawan na isang handog na buháy, banal, na kasiya-siya sa Diyos, na siya ninyong makatuwirang paglilingkod.[a]

Huwag ninyong tularan ang sanlibutang ito; kundi magbago kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, upang mapatunayan ninyo kung alin ang mabuti, kasiya-siya, at lubos na kalooban ng Diyos.

Sapagkat sinasabi ko, sa pamamagitan ng biyaya na ibinigay sa akin, na ang bawat isa sa inyo ay huwag mag-isip sa kanyang sarili nang higit kaysa nararapat niyang isipin; kundi mag-isip nang may katinuan, ayon sa sukat ng pananampalataya na ipinamahagi ng Diyos sa bawat isa.

Sapagkat(A) kung paanong sa isang katawan ay mayroon tayong maraming mga bahagi, at ang mga bahagi ay hindi magkakatulad ang gawain;

kaya't tayo na marami, ay iisang katawan kay Cristo, at mga bahagi na sama-sama sa isa't isa.

Tayo(B) ay may mga kaloob na magkakaiba ayon sa biyaya na ibinigay sa atin: kung propesiya ay gamitin ito ayon sa sukat ng pananampalataya;

kung paglilingkod ay sa paglilingkod, o ang nagtuturo ay sa pagtuturo;

o ang nangangaral ay sa pangangaral; ang nagbibigay ay magbigay na may magandang-loob; ang namumuno ay may pagsisikap; ang mahabagin ay may kasiglahan.

Ang pag-ibig ay maging walang pagkukunwari. Kapootan ninyo ang masama; panghawakan ang mabuti.

10 Magmahalan kayo na may pag-ibig bilang magkakapatid; sa pagpaparangal sa iba ay mag-unahan kayo,

11 huwag maging tamad sa pagsisikap, maging maalab sa espiritu, na naglilingkod sa Panginoon.

12 Magalak kayo sa pag-asa, maging matiisin sa kapighatian, matiyaga sa pananalangin.

13 Magbigay sa mga pangangailangan ng mga banal at magmagandang-loob sa mga dayuhan.

14 Pagpalain(C) ninyo ang mga umuusig sa inyo; pagpalain ninyo, at huwag ninyong sumpain.

15 Makigalak kayo sa mga nagagalak; makiiyak kayo sa mga umiiyak.

16 Magkaisa(D) kayo ng pag-iisip. Huwag ninyong ituon ang inyong pag-iisip sa mga palalong bagay, kundi makiayon kayo sa mga bagay na may kapakumbabaan. Huwag kayong magmagaling sa inyong mga sarili.

17 Huwag ninyong gantihan ang sinuman ng masama sa masama. Isipin ninyo ang mga bagay na kapuri-puri sa harapan ng lahat ng mga tao.

18 Kung maaari, hanggang sa inyong makakaya, ay makipamuhay kayo nang mapayapa sa lahat ng mga tao.

19 Mga(E) minamahal, huwag ninyong ipaghiganti ang inyong sarili, kundi ipaubaya iyon sa galit ng Diyos; sapagkat nasusulat, “Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ng Panginoon.”

20 Kaya't(F) “kung ang iyong kaaway ay magutom, pakainin mo; kung siya'y mauhaw, painumin mo; sapagkat sa paggawa mo ng ganito ay mga baga ng apoy ang ibubunton mo sa kanyang ulo.”

21 Huwag kang padaig sa masama, kundi daigin mo ng mabuti ang masama.

Tungkulin sa mga may Kapangyarihan

13 Ang bawat tao ay magpasakop sa mga namamahalang awtoridad, sapagkat walang pamamahala na hindi mula sa Diyos; at ang mga pamamahalang iyon ay itinalaga ng Diyos.

Kaya't ang lumalaban sa may kapangyarihan[b] ay lumalaban sa itinalaga ng Diyos; at ang mga lumalaban ay tatanggap ng kahatulan sa kanilang sarili.

Sapagkat ang mga pinuno ay hindi kilabot sa mabuting gawa, kundi sa masama. At ibig mo bang huwag magkaroon ng takot sa may kapangyarihan? Gawin mo ang mabuti, at magkakamit ka ng kapurihan mula sa kanya:

sapagkat siya'y lingkod ng Diyos para sa kabutihan mo. Ngunit kung masama ang ginagawa mo, matakot ka, sapagkat hindi walang kabuluhan ang pagdadala niya ng tabak. Siya'y lingkod ng Diyos, upang ilapat ang poot sa gumagawa ng masama.

Kaya't nararapat na magpasakop, hindi lamang dahil sa galit, kundi dahil din sa budhi.

Sapagkat(G) sa gayunding dahilan ay nagbabayad din kayo ng buwis, sapagkat ang namamahala ay mga lingkod ng Diyos na patuloy na nangangasiwa sa bagay na ito.

Ibigay ninyo sa lahat ang sa kanila'y nararapat: buwis sa dapat buwisan; ambag sa dapat ambagan; paggalang sa dapat igalang; parangal sa dapat parangalan.

Tungkulin sa Kapwa

Huwag kayong magkautang ng anuman sa kaninuman, kundi mag-ibigan sa isa't isa, sapagkat ang umiibig sa kanyang kapwa'y nakatupad na ng kautusan.

Ang(H) mga utos na, “Huwag kang mangangalunya; Huwag kang papatay; Huwag kang magnanakaw; Huwag kang mag-iimbot;” at kung mayroon pang ibang utos, ay nauuwi sa salitang ito, “Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.”

10 Ang pag-ibig ay hindi gumagawa ng masama sa kanyang kapwa; ang pag-ibig ang siyang katuparan ng kautusan.

11 Bukod dito, alam ninyo ang panahon, na ngayo'y oras na upang magising kayo sa pagkakatulog. Sapagkat ngayon ay higit na malapit na sa atin ang kaligtasan kaysa noong tayo'y sumampalataya nang una.

12 Malalim na ang gabi, at ang araw ay malapit na. Kaya't iwaksi na natin ang mga gawa ng kadiliman, at ating isakbat ang mga sandata ng liwanag.

13 Lumakad tayo nang maayos, gaya ng sa araw; huwag sa kalayawan at paglalasing, huwag sa kalaswaan at sa kahalayan, huwag sa mga away at paninibugho.

14 Kundi isuot ninyo ang Panginoong Jesu-Cristo, at huwag ninyong paglaanan ang laman, upang masunod ang mga pagnanasa nito.

Huwag Humatol sa Iyong Kapatid

14 Ngunit(I) ang mahina sa pananampalataya[c] ay tanggapin ninyo, hindi upang mag-away tungkol sa mga kuru-kuro.

May taong naniniwala na makakain ang lahat ng mga bagay; ngunit ang mahina ay kumakain ng mga gulay.

Huwag hamakin ng kumakain ang hindi kumakain; at ang hindi kumakain ay huwag humatol sa kumakain; sapagkat sila'y tinanggap ng Diyos.

Sino kang humahatol sa alipin ng iba? Sa kanyang sariling panginoon siya ay tatayo o mabubuwal. Subalit siya'y patatayuin, sapagkat magagawa ng Panginoon na siya'y tumayo.

May taong nagpapahalaga sa isang araw nang higit kaysa iba, ngunit may iba namang nagpapahalaga sa bawat araw. Hayaang mapanatag ang bawat tao sa kanyang sariling pag-iisip.

Ang nagpapahalaga sa araw ay nagpapahalaga nito sa Panginoon; at ang kumakain ay kumakain para sa Panginoon, sapagkat siya'y nagpapasalamat sa Diyos; at ang hindi kumakain para sa Panginoon ay hindi kumakain at nagpapasalamat sa Diyos.

Walang sinuman sa atin ang nabubuhay sa kanyang sarili, at walang sinumang namamatay sa kanyang sarili.

Kung nabubuhay tayo, sa Panginoon tayo'y nabubuhay; o kung namamatay tayo, sa Panginoon tayo'y namamatay. Kaya't mabuhay man tayo o mamatay, tayo'y sa Panginoon.

Sapagkat dahil dito si Cristo ay namatay at muling nabuhay, upang siya'y maging Panginoon ng mga patay at gayundin ng mga buháy.

10 At(J) ikaw, bakit mo hinahatulan ang iyong kapatid? O ikaw naman, bakit hinahamak mo ang iyong kapatid? Sapagkat tayong lahat ay tatayo sa harapan ng hukuman ng Diyos.

11 Sapagkat(K) nasusulat,

“Kung paanong buháy ako, sabi ng Panginoon, ang bawat tuhod ay luluhod sa akin,
    at ang bawat dila ay magpupuri[d] sa Diyos.”

12 Kaya't ang bawat isa sa atin ay magbibigay-sulit sa Diyos ng kanyang sarili.

Huwag Maging Dahilan ng Pagkakasala ng Iyong Kapatid

13 Huwag na tayong humatol pa sa isa't isa; kundi ipasiya na huwag maglagay ng batong katitisuran o ng balakid sa daan ng kanyang kapatid.

14 Nalalaman ko, at naniniwala akong lubos sa Panginoong Jesus na walang anumang bagay na marumi sa kanyang sarili, maliban doon sa nagpapalagay na ang isang bagay ay marumi, sa kanya ito ay marumi.

15 Kung dahil sa pagkain ay nasasaktan ang kalooban ng iyong kapatid, hindi ka na lumalakad ayon sa pag-ibig. Huwag mong ipahamak dahil sa iyong pagkain ang mga taong alang-alang sa kanila ay namatay si Cristo.

16 Huwag nga ninyong hayaan na ang inyong kabutihan ay masabing masama.

17 Sapagkat ang kaharian ng Diyos ay hindi ang pagkain at pag-inom, kundi ang pagiging matuwid, kapayapaan, at ang kagalakan sa Espiritu Santo.

18 Sapagkat ang naglilingkod nang ganito kay Cristo ay kalugud-lugod sa Diyos, at tinatanggap ng mga tao.

19 Kaya nga sundin natin ang mga bagay na magbubunga ng kapayapaan, at ang mga bagay na makapagpapatibay sa isa't isa.

20 Huwag mong wasakin ang gawa ng Diyos dahil sa pagkain. Tunay na ang lahat ng mga bagay ay malilinis; gayunman ay masama para sa iyo na sa pamamagitan ng iyong kinakain ay matisod ang iba.

21 Mabuti ang hindi kumain ng karne, ni uminom ng alak, ni gumawa ng anuman na ikatitisod ng iyong kapatid.

22 Ang paniniwalang nasa iyo ay taglayin mo sa iyong sarili sa harapan ng Diyos. Mapalad ang hindi humahatol sa kanyang sarili dahil sa bagay na kanyang sinasang-ayunan.

23 Ngunit ang nag-aalinlangan ay hinahatulan kung kumakain, sapagkat hindi batay sa pananampalataya; at ang anumang hindi batay sa pananampalataya[e] ay kasalanan.

Bigyang-lugod ang Kapwa, Huwag ang Sarili

15 Kaya't tayong malalakas ay nararapat magtiis sa kahinaan ng mahihina, at hindi upang magbigay-lugod sa ating mga sarili.

Bawat isa sa atin ay magbigay-lugod sa kanyang kapwa para sa kanyang kabutihan, tungo sa ikatitibay niya.

Sapagkat(L) si Cristo man ay hindi nagbigay-lugod sa kanyang sarili; kundi gaya ng nasusulat, “Ang mga pag-alipusta ng mga umaalipusta sa iyo ay nahulog sa akin.”

Sapagkat ang anumang mga bagay na isinulat noong una ay isinulat upang tayo ay matuto, upang sa pamamagitan ng pagtitiyaga at sa pagpapasigla ng mga kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.

Ngayon, ipagkaloob nawa ng Diyos ng pagtitiis at kaaliwan, na kayo ay magkaisa ng pag-iisip sa isa't isa ayon kay Cristo Jesus,

upang kayo na may isang pag-iisip sa pamamagitan ng isang bibig ay luwalhatiin ninyo ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

Ang Ebanghelyo sa mga Hentil

Kaya't tanggapin ninyo ang isa't isa, gaya naman ni Cristo na tinanggap kayo sa ikaluluwalhati ng Diyos.

Sapagkat sinasabi ko na si Cristo ay naging lingkod sa pagtutuli upang ipakita ang katotohanan ng Diyos, upang kanyang mapagtibay ang mga pangako sa mga ninuno,

at(M) upang ang mga Hentil ay lumuwalhati sa Diyos dahil sa kanyang kahabagan, gaya ng nasusulat,

“Kaya't ikaw ay aking pupurihin sa gitna ng mga Hentil, at aawit ako ng papuri sa iyong pangalan.”
10 At(N) muling sinasabi niya,
“Magalak kayo, kayong mga Hentil, kasama ng kanyang bayan.”
11 At(O) muli,
“Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat ng mga Hentil; at purihin siya ng lahat ng mga bayan.”
12 At(P) muli, sinasabi ni Isaias,
“Darating ang ugat ni Jesse,
    siya ang babangon upang maghari sa mga Hentil;
    sa kanya aasa ang mga Hentil.”

13 Puspusin nawa kayo ng Diyos ng pag-asa, ng buong kagalakan at kapayapaan sa pananampalataya, upang kayo'y sumagana sa pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.

Footnotes

  1. Roma 12:1 o pagsamba .
  2. Roma 13:2 o awtoridad .
  3. Roma 14:1 o paniniwala .
  4. Roma 14:11 o magpapahayag .
  5. Roma 14:23 o paniniwala .