Tito 2
Ang Salita ng Diyos
Ang Dapat Ituro sa Iba’t Ibang Pangkat
2 Ngunit magsalita ka ng mga bagay na angkop sa mabuting aral.
2 Ang matatandang lalaki ay maging mapagpigil, may karapat-dapat na ugali, ginagamit nang mabuti ang isip, may mabuting pananampalataya, pag-ibig at pagtitiis.
3 Sa ganoon ding paraan ang kilos ng mga matatandang babae ay maging karapat-dapat sa mga banal, hindi mga mapanirang-puri, hindi nagpaaalipin sa maraming alak. Sila ay maging mga guro ng mga bagay na mabuti. 4 Dapat silang maging ganito upang kanilang maturuan ang mga nakababatang babae na maging mapagmahal sa kanilang asawa at mapagmahal sa mga anak. 5 Turuan mo rin silang gumamit nang maayos ng kanilang isipan, maging dalisay, maging abala sa sariling bahay. Turuan mo silang maging mabuti, magpasakop sa sarili nilang asawa upang huwag mapagsalitaan ng masama ang salita ng Diyos.
6 Ang mga nakakabatang lalaki, sa gayunding paraan, ay hikayatin mong may katapatan na magkaroon sila ng tamang pag-iisp. 7 Sa lahat ng mga bagay ipakita mo ang iyong sarili na huwaran ng mga mabubuting gawa. Sa pagtuturo, ay may katapatan, may karapat-dapat na pag-uugali at buhay na walang kabulukan. 8 Ipakita mong huwaran ang iyong sarili sa magaling na pananalitang hindi mahahatulan. Dapat kang maging ganito upang siya na nasa kabila ay mapahiya at walang masasabing masama patungkol sa iyo.
9 Ang mga alipin ay magpasakop sa sarili nilang mga amo. Sa lahat ng mga bagay ay maging kalugud-lugod at hindi palasagot. 10 Hindi sila dapat magnakaw ngunit nagpapakita ng lahat ng mabuting pagtatapat upang ang aral ng inyong Diyos na Tagapagligtas ay kanilang palamutian sa lahat ng mga bagay.
11 Ito ay sapagkat ang biyaya ng Diyos na nagdadala ng kaligtasan ay nahayag sa lahat ng mga tao. 12 Ito ay nagtuturo na dapat tayong mamuhay sa kasalukuyang panahon na may mabuting paggamit ng isip, mamuhay na matuwid at mamuhay na may pagkilala sa Diyos. Mamuhay tayong tumatanggisa hindi pagkilala sa Diyos at makamundong pagnanasa. 13 Mamuhay tayo nang ganito habang hinihintay ang mapagpalang pag-asa at marilag na pagpapakita ng ating dakilang Diyos at Tagapagligtas na si Jesucristo. 14 Ibinigay niya ang kaniyang sarili para sa atin upang tubusin niya tayo mula sa lahat ng hindi pagkilala sa kautusan ng Diyos at malinis niya para sa kaniyang sarili, ang tao na kaniyang pag-aari, masigasig sa mabubuting gawa.
15 Ang mga bagay na ito ang iyong ipangaral at ihikayat at isumbat na may buong kapamahalaan. Huwag kang pahahamak sa kaninuman.
Filemon
Ang Salita ng Diyos
Akong si Pablo na bilanggo ni Cristo Jesus at si Timoteo na ating kapatid ay sumusulat kay Filemon. Ikaw ay aming minamahal at aming kamanggagawa. 2 Kami rin ay sumusulat kay Apia na aming minamahal. Sumusulat kami kay Arquipo na aming kasamang kawal. Sumusulat kami sa iglesiya na nasa iyong bahay.
3 Sumainyo ang biyaya at kapayapaang mula sa ating Diyos Ama at sa Panginoong Jesucristo.
Pagpapasalamat ni Pablo sa Diyos Dahil kay Filemon at Ipinanalangin Siya
4 Nagpapasalamat ako sa Diyos dahil sa inyo. Lagi kong binabanggit ang iyong pangalan sa aking mga panalangin.
5 Nabalitaan ko ang pag-ibig mo sa lahat ng mga banal at ang iyong pananampalataya sa Panginoong Jesus. 6 Idinadalangin kong maging mabisa ang pakikisama ng iyong pananampalataya sa lubos na pagkakilala ng bawat mabubuting bagay na nasa inyo kay Cristo Jesus. 7 Malaki ang aming pasasalamat at lumakas ang aming loob dahil sa iyong pag-ibig. Ang kalooban ng mga banal ay naginhawahan sa pamamagitan mo, kapatid.
Ang Mahigpit na Pakiusap ni Pablo para kay Onesimo
8 Ako ay mayroong lubos na kalakasan ng loob kay Cristo na utusan ka kung ano ang mga bagay na dapat mong gawin.
9 Gayunman, ipinamamanhik ko sa iyo alang-alang sa pag-ibig. Ako nga, si Pablo, matanda na at ngayon ay bilanggo rin ni Jesucristo. 10 Ipinamamanhik ko sa iyo patungkol sa anak kong si Onesimo na naging anak ko sa pananampalataya habang ako ay nakabilanggo. 11 Dati ay hindi mo siya pinakinabangan, subalit ngayon, siya ay malaking kapakinabangan sa iyo at gayundin sa akin.
12 Pinabalik ko siya sa iyo. Kaya nga, tanggapin mo siyang parang aking sariling puso. 13 Ibig ko sanang manatili siya sa akin upang kaniyang gampanan ang dapat mong gawin sa paglilingkod sa akin habang ako ay nakabilanggo dahil sa ebanghelyo. 14 Ngunit kung hindi mo pahihintulutan ay ayaw kong gumawa ng anumang hakbang. Nais kong ang iyong kabutihang-loob ay huwag maging tila sapilitan kundi maging taos sa iyong kalooban. 15 Marahil, dahil dito napalayo siya sa iyo nang ilang panahon upang mapasaiyo siya nang habang panahon. 16 Siya ay mapapasaiyo hindi na bilang alipin, kundi higit pa sa alipin, isang kapatid na minamahal. Mahal na mahal ko siya, gaano pa kaya sa iyo? Higit mo siyang mahalin sa laman at gayundin sa Panginoon.
17 Kaya nga, yamang itinuturing mo ako bilang iyong kasama, tanggapin mo siya tulad ng pagtanggap mo sa akin. 18 Subalit kung siya ay may pagkakasala o anumang pagkakautang sa iyo, ibilang mo iyon sa akin. 19 Ako, si Pablo, ang sumusulat ng mga salitang ito nang sarili kong kamay. Babayaran kita. Gayunman, hindi na kailangang sabihin saiyo na utang mo ang iyong buhay sa akin. 20 Oo kapatid, mayroon din akong kapakinabangan sa iyo sa Panginoon. Paginhawahin mo ang aking kalooban alang-alang sa Panginoon. 21 Sinusulatan kita sa pagtitiwala sa iyong pagtalima. Alam ko na gagawin mo ang higit pa kaysa aking sinasabi.
22 Ngunit bago ang lahat, ipaghanda mo ako ng matutuluyan sapagkat aking inaasahan na ako ay mapahintulutang makasama mo, bilang tugon sa iyong mga panalangin.
Panghuling Pagbati
23 Binabati ka ni Epafras na kapwa ko bilanggo kay Cristo Jesus.
24 Binabati ka nina Marcos, Aristarco, Demas at ni Lucas na mga kamanggagawa ko.
25 Sumainyong espiritu ang biyaya ng ating Panginoong Jesucristo. Siya nawa!
Copyright © 1998 by Bibles International