Add parallel Print Page Options

Ang Pangitain tungkol sa Kasulatang Nakarolyo na Lumilipad

Nakita ko ang isang kasulatang nakarolyo na lumilipad. Tinanong ako ng anghel, “Ano ang nakita mo?” Sinabi ko, “Isang kasulatang nakarolyo na lumilipad, na mga 30 talampakan ang haba at mga 15 talampakan ang lapad.”

Sinabi ng anghel sa akin, “Nakasulat sa kasulatang iyan ang sumpang darating sa buong lupain ng Israel. Sinasabi sa isang bahagi ng kasulatan na ang lahat ng magnanakaw ay aalisin sa Israel, at sa kabilang bahagi naman ng kasulatan ay sinasabi na ang lahat ng sumusumpa ng may kasinungalingan ay aalisin din. Sinabi ng Makapangyarihang Panginoon, ‘Ipapadala ko ang sumpang ito sa tahanan ng magnanakaw at sa tahanan ng sumusumpa ng kasinungalingan sa aking pangalan. Mananatili ito sa kanilang mga bahay at lubusang wawasakin ang mga ito.’ ”

Ang Pangitain tungkol sa Babaeng Nasa Loob ng Kaing

Muling nagpakita sa akin ang anghel na nakipag-usap sa akin at sinabi, “Tingnan mo kung ano itong dumarating.” Nagtanong ako, “Ano iyan?” Sinabi niya, “Kaing.” At sinabi pa niya, “Iyan ay sumisimbolo sa kasalanan[a] ng mga tao sa buong lupain ng Israel.”

Ang kaing ay may takip na tingga. At nang alisin ang takip, nakita kong may isang babaeng nakaupo roon sa loob ng kaing. Sinabi ng anghel, “Ang babaeng iyan ay sumisimbolo sa kasamaan.” Itinulak niya ang babae pabalik sa loob ng kaing at isinara ang takip. Pagkatapos, may nakita akong dalawang babaeng lumilipad na tinatangay ng hangin. Ang kanilang mga pakpak ay tulad ng sa tagak.[b] Binuhat nila ang kaing at inilipad paitaas. 10 Tinanong ko ang anghel na nakikipag-usap sa akin, “Saan nila dadalhin ang kaing?” 11 Sumagot siya, “Sa Babilonia,[c] kung saan gagawa ng templo para sa kaing. At kapag natapos na ang templo, ilalagay ito roon para sambahin.”

Pangitain tungkol sa Apat na Karwahe

May nakita pa akong apat na karwahe na lumabas sa pagitan ng dalawang bundok na tanso. Ang unang karwahe ay hinihila ng mga pulang kabayo, ang pangalawa ay hinihila ng mga itim na kabayo, ang pangatlo ay hinihila ng mga puting kabayo, at ang pang-apat ay hinihila ng mga batik-batik na kabayo. Ang mga kabayo ay pawang malalakas. Tinanong ko ang anghel na nakikipag-usap sa akin, “Ano po ang ibig sabihin ng mga karwaheng iyan?” Sumagot ang anghel, “Ang mga iyan ay ang apat na hangin sa kalawakan[d] na paparating mula sa presensya ng Panginoon ng buong mundo. Ang karwaheng hinihila ng mga itim na kabayo ay papunta sa isang lugar sa hilaga. Ang karwaheng hinihila ng mga puting kabayo ay papunta sa kanluran.[e] At ang karwaheng hinihila ng mga batik-batik na kabayo ay papunta sa isang lugar sa timog.”

Nang papalabas pa lang ang malalakas na kabayo, nagmamadali na silang lumibot sa buong mundo. Sinabi ng anghel[f] sa kanila, “Sige, libutin na ninyo ang buong mundo.” Kaya nilibot nila ang buong mundo. At malakas na sinabi ng Panginoon[g] sa akin, “Tingnan mo ang mga kabayong patungo sa isang lugar sa hilaga. Sila ang magbibigay ng kapahingahan sa aking Espiritu sa dakong iyon sa hilaga.”

Ang Korona para kay Josue

Sinabi ng Panginoon sa akin, 10 “Kunin mo ang mga regalong pilak at ginto nina Heldai, Tobia, at Jedaya, at pumunta ka agad sa bahay ni Josia na anak ni Zefanias. Silang apat ay nakabalik mula sa Babilonia kung saan sila binihag. 11 Ipagawa mong korona ang mga pilak at ginto, at isuot ito sa ulo ng punong pari na si Josue na anak ni Jehozadak. 12-13 Sabihin mo sa kanya na ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ay nagsasabi, ‘Ang taong tinatawag na Sanga ay lalago sa kalagayan niya ngayon,[h] at itatayo niyang muli ang aking templo. Pararangalan siya bilang hari at mamamahala siya. Ang pari ay tatayo sa tabi ng kanyang trono[i] at magkakaroon sila ng mabuting relasyon.’ 14 Ang korona ay ilalagay sa aking templo bilang pag-alaala kina Heldai,[j] Tobia, Jedaya, at Josia[k] na anak ni Zefanias.”

15 May mga taong darating sa Israel mula sa malalayong lugar at tutulong sa pagpapatayo ng templo ng Panginoon. Kapag nangyari na ito, malalaman ninyo na ang Panginoon ang nagsugo sa akin sa inyo. At talagang mangyayari ang lahat ng ito kung susundin ninyong mabuti ang Panginoon na inyong Dios.

Tinuligsa ang Pakunwaring Pag-aayuno

May sinabi ang Panginoon kay Zacarias noong ikaapat na araw ng buwan ng Kislev (ikasiyam na buwan), nang ikaapat na taon ng paghahari ni Darius. 2-3 Nangyari ito matapos ipadala ng mga mamamayan ng Betel si Sharezer at si Regem Melec, kasama ang kanilang mga tauhan, upang hilingin sa mga pari sa templo at sa mga propeta na tanungin ang Panginoon kung talagang kailangan pa nilang magluksa at mag-ayuno sa ikalimang buwan upang alalahanin ang pagkagiba ng templo, gaya ng maraming taon na nilang ginagawa. At ito ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan kay Zacarias: “Sabihin mo sa lahat ng mga mamamayan ng Israel pati sa mga pari, na ang kanilang pag-aayuno at pagluluksa sa bawat ikalima at ikapitong buwan sa loob ng 70 taon ay hindi nila ginagawa para sa akin. At kung silaʼy kumakain at umiinom, ginagawa nila iyan para lamang sa sarili nilang kaligayahan. Ito rin ang mensahe na ipinasabi ko sa mga propeta noon, nang masagana pa ang Jerusalem at marami pa itong tao pati ang mga bayang nasa paligid nito, at pati na ang Negev[l] at ang kaburulan sa kanluran.”[m]

8-9 Sinabi muli ng Panginoong Makapangyarihan kay Zacarias, “Ito ang sinabi ko sa aking mga mamamayan: ‘Humatol kayo nang makatarungan. Ipakita ninyo ang inyong kabutihan at habag sa isaʼt isa. 10 Huwag ninyong gigipitin ang mga biyuda, mga ulila, mga dayuhan, at ang mga mahihirap. Huwag kayong magbalak ng masama laban sa isaʼt isa.’

11 “Ngunit hindi nila pinansin ang aking sinabi. Tinanggihan nila ito at hindi sila nakinig. 12 Pinatigas nilang parang bato ang kanilang mga puso, at hindi sila nakinig sa Kautusan at mga salitang ipinasasabi ng aking Espiritu sa pamamagitan ng mga propeta noon. Kaya ako, ang Makapangyarihang Panginoon, ay talagang galit na galit. 13 At dahil hindi sila nakinig sa mga sinabi ko, hindi rin ako makikinig kapag tumawag sila sa akin. 14 Para akong buhawing nagpangalat sa kanila sa ibaʼt ibang lugar na hindi pa nila napupuntahan. Iniwanan nila ang kanilang magandang lupain na hindi na mapapakinabangan at hindi na rin matitirhan.”

Nangako ang Dios na Pagpapalain Niya ang Jerusalem

1-2 Sinabing muli ng Panginoong Makapangyarihan kay Zacarias, “Labis ang aking pagmamalasakit sa Zion. At dahil sa labis kong pagmamalasakit, matindi ang galit ko sa mga kaaway nito. Babalik ako sa Zion, ang lungsod ng Jerusalem, at maninirahan doon. Ang Jerusalem ay tatawaging Tapat na Lungsod at ang aking bundok[n] ay tatawaging Banal na Bundok. Mauupong muli sa mga plasa ng Jerusalem ang matatandang nakatungkod dahil sa katandaan. At mapupuno ang mga plasa ng mga batang naglalaro.”

Sinabi pa ng Makapangyarihang Panginoon, “Maaaring imposible itong mangyari sa isip ng mga natitira kong mga mamamayan, pero hindi ito imposible sa akin. Ililigtas ko ang aking mga mamamayang binihag at dinala sa mga lupain sa silangan at sa kanluran. Dadalhin ko sila pabalik sa Jerusalem at patitirahin doon. At minsan pang magiging mga mamamayan ko sila at ako ang kanilang magiging tapat at makatarungang Dios.”

Sinabi pa ng Makapangyarihang Panginoon, “Ang mga mensaheng ito ay sinabi rin ng mga propeta noong itinayong muli ang pundasyon ng aking templo. At ngayong napakinggan ninyo itong muli, magpakatatag kayo upang matapos ninyo ang pagpapatayo ng templo. 10 Noong hindi pa sinisimulan ang muling pagpapatayo ng templo, walang pambayad sa mga taong nagtatrabaho at sa mga hayop na ginagamit sa pagtatrabaho, at mapanganib kahit saan dahil pinag-aaway-away ko ang mga tao. 11 Ngunit ngayon, ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ay nagsasabi na hindi ko na gagawin iyan sa inyong mga natitira. 12 Mapayapa kayong magtatanim.[o] Magbubunga ang inyong mga tanim na ubas, aani ang inyong mga bukirin, at magkakaroon na ng hamog. Ibibigay ko ang lahat ng ito sa inyo na mga natira. 13 Mga taga-Juda at taga-Israel, isinusumpa kayo ng ibang mga bansa. Ngunit ililigtas ko kayo at magiging pagpapala kayo sa kanila. Kaya huwag kayong matakot, sa halip magpakatatag kayo.”

14 Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, “Noong ginalit ako ng inyong mga ninuno, napagpasyahan kong parusahan kayo at huwag kahabagan. 15 Ngunit napagpasyahan ko ngayon na muling maging mabuti sa Jerusalem at Juda. Kaya huwag kayong matakot. 16 Ito ang dapat ninyong gawin: Magsabi kayo ng totoo sa isaʼt isa. Humatol kayo nang tama sa inyong mga hukuman para sa ikabubuti ng lahat. 17 Huwag kayong magbalak ng masama laban sa inyong kapwa, at huwag kayong susumpa ng kasinungalingan dahil ang lahat ng iyan ay aking kinapopootan.”

18-19 Muling sinabi ng Panginoong Makapangyarihan kay Zacarias, “Ang pag-aayuno sa ikaapat, ikalima, ikapito at ikasampung buwan ay magiging masayang araw ng pagdiriwang para sa mga taga-Juda. Kaya pahalagahan ninyo ang katotohanan at kapayapaan.[p] 20 Maraming tao ang darating sa Jerusalem mula sa ibaʼt ibang lungsod. 21 Ang mga mamamayan ng isang lungsod ay pupunta sa isang lungsod at sasabihin nila, ‘Pupunta kami para dumulog at manalangin sa Panginoong Makapangyarihan. Halikayo, sumama kayo sa amin.’

22 “Maraming taong mula sa makapangyarihang mga bansa ang pupunta sa Jerusalem upang dumulog at manalangin sa akin. 23 At sa araw na iyon, sampung dayuhan na galing sa ibang mga bansa na may ibaʼt ibang wika ang lalapit sa isang Judio at sasabihin, ‘Gusto naming sumama sa inyo, dahil narinig namin na ang Dios ay kasama ninyo.’ ”

Parurusahan ng Dios ang mga Bansang Kalaban ng Israel

Ito ang mensahe ng Panginoon:

Sinabi ng Panginoon na parurusahan niya ang mga lungsod ng Hadrac at Damascus, dahil ang lahat ay dapat sa kanya, lalo na ang mga lahi ng Israel.[q] Parurusahan din ng Panginoon ang Hamat na malapit sa mga lungsod ng Hadrac at Damascus, pati na ang lungsod ng Tyre at Sidon, kahit pa napakahusay ng mga mamamayan nito. Ang mga taga-Tyre ay nagpatayo ng matitibay na pader at nag-ipon ng maraming pilak at ginto na para bang nagtatambak lang ng lupa. Ngunit kukunin ng Panginoon ang kanilang mga ari-arian at itatapon niya sa dagat ang kanilang mga kayamanan. At ang kanilang lungsod ay tutupukin ng apoy.

Makikita ito ng mga taga-Ashkelon at matatakot sila. Mamimilipit sa sakit ang mga taga-Gaza at ganoon din ang mga taga-Ekron dahil mawawala ang kanilang inaasahan. Mamamatay ang hari ng Gaza, at ang Ashkelon ay hindi na matitirhan. Ang Ashdod ay titirhan ng ibaʼt ibang lahi. Lilipulin ng Panginoon ang ipinagmamalaki ng mga Filisteo. Hindi na sila kakain ng karneng may dugo[r] o ng mga pagkaing ipinagbabawal na kainin. Ang matitira sa kanila ay ibibilang ng ating Dios na kanyang mga mamamayan na parang isang angkan mula sa Juda. Ang mga taga-Ekron ay magiging kabilang sa mga mamamayan ng Panginoon katulad ng mga Jebuseo.[s] Iingatan ng Panginoon ang kanyang templo[t] laban sa mga sumasalakay. Wala nang mang-aapi sa mga mamamayan niya dahil binabantayan na niya sila.

Ang Darating na Hari ng Jerusalem

Sinabi ng Panginoon, “Sumigaw kayo sa kagalakan, kayong mga mamamayan ng Zion, ang lungsod ng Jerusalem, dahil ang inyong hari ay darating na. Matuwid siya at mapagtagumpay. Mapagpakumbaba siya, at darating na nakasakay sa bisirong asno. 10 Ipaaalis niya ang mga karwahe at mga kabayong pandigma sa Israel at sa Juda.[u] Babaliin ang mga panang ginagamit sa pandigma. Ang haring darating ay magdadala ng kapayapaan sa mga bansa. Maghahari siya mula sa isang dagat hanggang sa isa pang dagat,[v] at mula sa Ilog ng Eufrates hanggang sa dulo ng mundo.”[w]

Palalayain ng Dios ang Nabihag na mga Taga-Israel

11 Sinabi pa ng Panginoon, “Tungkol naman sa inyo na mga taga-Israel, palalayain ko ang mga nabihag sa inyo. Sila ay parang mga taong inihulog sa balon na walang tubig. Palalayain ko sila dahil sa kasunduan ko sa inyo na pinagtibay sa pamamagitan ng dugo. 12 Kayong mga binihag na umaasang mapalaya, bumalik na kayo sa inyong mga lugar kung saan ligtas kayo. Sinasabi ko ngayon sa inyo na ibabalik ko nang doble ang mga nawala sa inyo. 13 Gagamitin kong parang pana ang Juda at parang palaso ang Israel. Gagawin kong parang espada ng kawal ang mga taga-Zion, at lilipulin nila ang mga taga-Grecia.”

Tutulungan ng Dios ang mga Taga-Israel

14 Magpapakita ang Panginoon sa ibabaw ng kanyang mga mamamayan. Kikislap ang kanyang pana na parang kidlat. Patutunugin ng Panginoong Dios ang trumpeta; at darating siyang kasama ng bagyong mula sa timog. 15 Iingatan ng Panginoong Makapangyarihan ang kanyang mga mamamayan. Tatapak-tapakan lang nila ang mga batong ibinabato sa kanila ng mga kaaway nila. Magkakainan at mag-iinuman sila upang ipagdiwang ang kanilang tagumpay. Magsisigawan sila na parang mga lasing. Mabubusog sila ng inumin katulad ng mangkok na punong-puno ng dugong iwiniwisik sa mga sulok ng altar. 16-17 Sa araw na iyon, ililigtas sila ng Panginoon na kanilang Dios bilang kanyang mga tupa. Napakaganda nilang tingnan sa kanilang lupain. Ang katulad nilaʼy mamahaling batong kumikislap sa korona. Magiging sagana sila sa mga butil at ubas na magpapalakas sa kanilang mga kabataan.

Nahabag ang Dios sa Juda at sa Israel

10 Humingi kayo ng ulan sa Panginoon sa panahon ng tagsibol, dahil siya ang gumagawa ng mga ulap. Binibigyan niya ng ulan ang mga tao at ang bawat tanim sa parang. Ang totoo, hindi mapapaniwalaan ang mga dios-diosan at ang mga manghuhula. Mali ang ibinibigay nilang kahulugan sa mga panaginip. Walang kabuluhan ang pagpapalakas nila ng loob sa mga tao. Kaya naliligaw ang mga mamamayan ng Israel na parang mga tupa. Nahihirapan sila dahil wala silang pinuno.

Sinabi ng Panginoon, “Galit na galit ako sa mga namumuno sa aking mga mamamayan. Talagang parurusahan ko sila. Sapagkat aalalahanin ko ang aking mga tupa, ang mga mamamayan ng Juda. Gagawin ko silang tulad ng mga kabayong matagumpay sa digmaan. Sa kanila magmumula ang mga pinuno na ang katulad ay batong-panulukan, tulos ng tolda, at panang ginagamit sa digmaan. Magkakaisa ang mga taga-Juda at magiging katulad sila ng mga sundalong malalakas na tatalo sa mga kalaban nila na parang putik na tinatapak-tapakan sa lansangan. Makikipaglaban sila dahil kasama nila ako, at tatalunin nila ang mga mangangabayo.

“Palalakasin ko ang mga mamamayan ng Juda at ililigtas ko ang mga mamamayan ng Israel. Pababalikin ko sila sa kanilang lupain dahil naaawa ako sa kanila. At dahil ako ang Panginoon na kanilang Dios, diringgin ko ang kanilang mga dalangin, na parang hindi ko sila itinakwil tulad ng dati. Ang mga mamamayan ng Israel[x] ay magiging katulad ng mga malalakas na kawal. Magiging masaya sila na parang nakainom ng alak. Ang tagumpay na ito ay maaalala ng kanilang mga kaapu-apuhan at matutuwa sila dahil sa ginawa ko. Tatawagin ko ang aking mga mamamayan at titipunin ko sila. Palalayain ko sila, at dadami sila tulad nang dati. Kahit na ipinangalat ko sila sa ibang bansa, maaalala pa rin nila ako roon. Mananatili silang buhay pati ang kanilang mga anak, at babalik sila sa kanilang lupain. 10 Pauuwiin ko sila mula sa Egipto at Asiria, at patitirahin ko sila sa Gilead at Lebanon. Magiging masikip sila sa kanilang lupain. 11 Tatawid sila sa dagat na maalon ngunit magiging payapa ang mga alon. At kahit ang Ilog ng Nilo ay matutuyo. Ang ipinagmamalaki ng Asiria ay babagsak at ang kapangyarihan ng Egipto ay mawawala. 12 Palalakasin ko ang aking mga mamamayan dahil nasa akin sila, at susundin nila ako. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Parurusahan ng Dios ang Lebanon at Bashan

11 Kayong mga taga-Lebanon, buksan ninyo ang mga pintuan ng inyong lungsod at nang makapasok ang apoy na susunog sa inyong mga puno ng sedro. Kung paanong nasira ang inyong mga magaganda at mayayabong na mga puno ng sedro, ganoon din masisira ang mga puno ng sipres[y] at mga puno ng ensina ng Bashan.[z] Umiiyak ang mga pastol dahil nasira ang kanilang berdeng pastulan. Pati ang mga leon[aa] ay umaatungal dahil nasira ang kagubatan ng Jordan na kanilang tinitirhan.

Ang Dalawang Pastol

Ito ang sinabi ng Panginoon kong Dios: “Alagaan mo ang mga tupang[ab] kakatayin. Ang mga bumibili at kumakatay sa kanila ay hindi pinarurusahan. Ang mga nagtitinda ng mga tupang ito ay nagsasabi, ‘Purihin ang Panginoon! Mayaman na ako!’ Pati ang kanilang mga pastol ay hindi naaawa sa kanila.

Alagaan mo ang aking mga mamamayan, dahil ako, ang Panginoon, ay nagsasabing hindi ko na kahahabagan ang mga tao sa mundo.[ac] Ako mismo ang uudyok sa bawat tao na magpasakop sa kanyang kapwa at sa kanyang hari. At silang mga namamahala ay magdadala ng kapahamakan sa buong mundo, at hindi ko ililigtas ang mga tao mula sa kanilang mga kamay.”

Kaya inalagaan ko ang mga tupang kakatayin ng mga nagbebenta ng mga tupa.[ad] Kumuha ako ng dalawang tungkod; ang isa ay tinawag kong Kabutihan[ae] at ang isa naman ay tinawag kong Pagkakaisa.

Pinaalis ko ang tatlong pastol sa loob lamang ng isang buwan. Naubos na ang pasensya ko sa kanila,[af] at sila rin ay galit sa akin. Pagkatapos, sinabi ko sa mga tupa, “Hindi na ako ang inyong pastol. Hayaang mamatay ang mga naghihingalo at mapahamak ang mga mapapahamak. At ang mga matitira ay hayaang kainin ang laman ng isaʼt isa.”

10 Pagkatapos, kinuha ko ang tungkod na tinatawag na Kabutihan at binali ko upang ipahiwatig na ipinawalang-bisa ng Panginoon ang kanyang kasunduan sa mga tao. 11 Kaya ng araw ding iyon, ipinawalang-bisa ang kasunduan. At nalaman ng mga nagbebenta ng mga tupa[ag] na nanonood sa akin na may mensahe ang Panginoon sa mga ginagawa kong ito. 12 Sinabi ko sa kanila, “Kung sa palagay ninyo ay dapat akong bigyan ng sahod, ibigay ninyo ang sahod ko. Ngunit kung hindi, sa inyo na lang.” Kaya binayaran nila ako ng 30 pirasong pilak bilang sahod ko. 13 Sinabi ng Panginoon sa akin, “Ilagay mo ang pilak na iyan sa kabang-yaman[ah] ng templo.” Kaya kinuha ko ang 30 pirasong pilak, na inaakala nilang sapat na bilang aking sahod, at inilagay ko iyon sa kabang-yaman ng templo ng Panginoon. 14 Pagkatapos, binali ko ang pangalawang tungkod na tinatawag na Pagkakaisa upang ipahiwatig na naputol na ang magandang pagsasamahan ng Juda at ng Israel.

15 Sinabing muli ng Panginoon sa akin, “Magkunwari kang isang walang kwentang pastol ng mga tupa. 16 Sapagkat may ilalagay akong pinuno sa Israel na ang katulad ay isang walang kwentang pastol. Hindi niya tutulungan ang mga tupang halos mamamatay na,[ai] o hahanapin ang mga nawawala,[aj] o gagamutin ang mga sugatan, o pakakainin ang mga payat. Ngunit kakainin niya ang karne ng matatabang tupa at aalisin ang mga kuko nito. 17 Nakakaawa ang kahihinatnan ng walang kwentang pastol. Pinababayaan niya ang mga tupa! Sa pamamagitan ng espada ay puputulin ang kanyang kamay at tutusukin ang kanang mata niya, at hindi na mapapakinabangan ang kamay niya at hindi na rin makakakita ang kanang mata niya.”

Footnotes

  1. 5:6 kasalanan: Ito ang nasa Septuagint at Syriac. Sa Hebreo, mata.
  2. 5:9 tagak: sa Ingles, stork.
  3. 5:11 Babilonia: sa Hebreo, Shinar.
  4. 6:5 hangin sa kalawakan: o, espiritu sa langit.
  5. 6:6 papunta sa kanluran: sa Hebreo, sumusunod sa kanila.
  6. 6:7 anghel: o, Panginoon.
  7. 6:8 Panginoon: o, anghel.
  8. 6:12-13 lalago … ngayon: sa literal, tutubo sa kanyang pinagtaniman.
  9. 6:12-13 tatayo … trono: o, uupo sa kanyang trono.
  10. 6:14 Heldai: Ito ang nasa Syriac. Sa Hebreo, Helem.
  11. 6:14 Josia: Ito ang nasa Syriac. Sa Hebreo, Hen.
  12. 7:7 Negev: Lugar na nasa bandang timog ng Juda.
  13. 7:7 kaburulan sa kanluran: sa Hebreo, Shefela.
  14. 8:3 bundok: Ang Bundok ng Zion, na kung saan naroon ang templo.
  15. 8:12 Mapayapa kayong magtatanim: o, Malusog na tutubo ang mga binhing itinanim.
  16. 8:18-19 kapayapaan: o, magkaroon ng mabuting relasyon sa bawat isa.
  17. 9:1 ang lahat … Israel: o, nagbabantay ang Panginoon sa lahat, lalung-lalo na sa lahi ng Israel.
  18. 9:7 kakain … dugo: o, iinom ng dugo.
  19. 9:7 Jebuseo: Ang tubong mga mamamayan ng Jerusalem na sinakop ni David pagkatapos niyang agawin ang bayan (2 Sam. 5:6-10).
  20. 9:8 templo: o, Jerusalem; o, bansang Israel.
  21. 9:10 sa Israel at sa Juda: sa Hebreo, sa Efraim at sa Jerusalem. Ang Efraim ay kumakatawan sa kaharian ng Israel at ang Jerusalem naman ay sa kaharian ng Juda.
  22. 9:10 mula … dagat: Ang ibig sabihin, mula sa Dagat na Patay hanggang sa Dagat ng Mediteraneo.
  23. 9:10 mundo: o, buong lupain ng Israel.
  24. 10:7 mga mamamayan ng Israel: sa Hebreo, taga-Efraim. Tingnan ang footnote sa 9:10.
  25. 11:2 sipres: o, pine tree.
  26. 11:2 Ang mga punong binanggit dito ay sumisimbolo sa mga makapangyarihang bansa o sa mga hari nito.
  27. 11:3 mga pastol … leon: Ang ibig sabihin, mga pinuno ng Israel.
  28. 11:4 mga tupang: Ang ibig sabihin, mga taga-Israel.
  29. 11:6 mundo: o, lupain ng Israel.
  30. 11:7 mga tupa: Ito ang nasa Septuagint. Sa Hebreo, lalung-lalo na ang mga walang silbing tupa.
  31. 11:7 Kabutihan: o, Maganda.
  32. 11:8 sa kanila: o, sa mga tupa.
  33. 11:11 mga nagbebenta ng mga tupa: Ito ang nasa Septuagint. Sa Hebreo, mga walang silbi.
  34. 11:13 kabang-yaman: Ito ang nasa Syriac. Sa Hebreo, mamamalayok. Ganito rin sa talatang 13b.
  35. 11:16 halos mamamatay na: o, mawawala na.
  36. 11:16 nawawala: Ito ang nasa Septuagint at Latin Vulgate. Sa Hebreo, batang tupa.