Nahum 1
Magandang Balita Biblia
1 Ang(A) aklat na ito ay naglalaman ng mga pahayag ni Yahweh patungkol sa Nineve sa pamamagitan ni Nahum na isang taga-Elcos.
Ang Poot ni Yahweh sa Nineve
2 Si Yahweh ay Diyos na mapanibughuin at mapaghiganti;
si Yahweh ay naghihiganti at napopoot.
Si Yahweh ay Diyos na mapanibughuin;
kanyang mga kaaway, kanyang pinaparusahan.
3 Si Yahweh ay hindi madaling magalit
subalit dakila ang kanyang kapangyarihan;
at tiyak na mananagot ang sinumang sa kanya'y kumalaban.
Bagyo at ipu-ipo ang kanyang dinaraanan;
ang mga ulap ay kagaya lamang ng alikabok sa kanyang mga paa.
4 Sa utos lamang niya'y natutuyo ang dagat,
gayundin ang mga ilog.
Natitigang ang kabukiran ng Bashan at ang Bundok Carmel,
at nalalanta ang mga bulaklak ng Lebanon.
5 Nayayanig sa harapan niya ang mga bundok,
at gumuguho ang mga burol;
ang lupa'y nayayanig sa presensya ni Yahweh,
at nanginginig ang daigdig, gayundin ang lahat ng naninirahan rito.
6 Sino ang makakaligtas sa galit ni Yahweh?
Sino ang makakatagal sa kanyang matinding poot?
Bumubugang parang apoy ang kanyang poot.
Batong malalaki ay nadudurog dahil sa kanyang galit.
7 Si Yahweh ay napakabuti;
matibay na kanlungan sa panahon ng kaguluhan.
Mga nananalig sa kanya'y kanyang inaalagaan.
8 Tulad ng malaking baha, lubos niyang pupuksain ang kanyang mga kaaway,
at tutugisin sila hanggang mamatay.
9 Ano ang binabalak ninyo laban kay Yahweh?
Wawasakin niya ang kanyang mga kaaway,
at ang paghihiganti nila'y di na mauulit pa.
10 Tulad ng mga lasenggo, sila'y malulunod sa alak;
tulad ng sala-salabat na mga tinik at tuyong dayami, kayo ay matutupok sa apoy.
11 Di ba sa inyo nagmula ang taong nagbalak ng masama at nanghikayat na magtaksil sa kanya? 12 Sabi niya sa kanyang bansang Israel, “Kahit na malakas at marami ang mga taga-Asiria, mawawasak sila at maglalaho. Kahit na pinahirapan ko kayo noon, ito'y hindi ko na uulitin. 13 At ngayon nga, wawakasan ko na ang pagpapahirap sa inyo ng Asiria at palalayain ko na kayo sa pagkaalipin.”
14 Ito ang pahayag ni Yahweh tungkol sa Asiria: “Malilipol ang lahi ninyo, wala nang magdadala ng inyong pangalan; aalisin ko sa mga templo ng inyong mga diyos ang mga imahen na nililok ng kamay. Ipaghahanda ko kayo ng libingan sapagkat wala kayong karapatang mabuhay.”
15 Masdan(B) mo't dumarating na mula sa kabundukan ang tagapaghatid ng Magandang Balita! Nasa daan na siya upang ipahayag ang kapayapaan. Ipagdiwang ninyo, mga taga-Juda ang inyong mga kapistahan, at tuparin ninyo sa Diyos ang mga ipinangako ninyo sa kanya. Hindi na kayo muling sasakupin ng masasama sapagkat lubusan na silang nawasak.
Zefanias 3
Magandang Balita Biblia
Ang Kapahamakan at Katubusan ng Israel
3 Mapapahamak ang mapaghimagsik na lunsod ng Jerusalem,
punung-puno ng mga makasalanan at ng mga pinunong mapang-api.
2 Hindi ito sumusunod kay Yahweh
at ayaw tumanggap ng kanyang pagtutuwid.
Wala itong tiwala sa kanya,
at ayaw nitong lumapit sa Diyos upang humingi ng tulong.
3 Ang kanyang mga pinuno ay parang mga leong umuungal;
ang mga hukom nama'y parang mga asong-gubat sa gabi,
na sa pagsapit ng umaga'y walang itinitira kahit na buto.
4 Ang kanyang mga propeta ay di mapagkakatiwalaan at mapanganib;
ang kanyang mga pari ay lapastangan sa mga bagay na sagrado;
at binabaluktot ang kautusan para sa kanilang kapakinabangan.
5 Ngunit nasa lunsod pa rin si Yahweh;
doo'y pawang tama ang kanyang ginawa
at kailanma'y hindi siya nagkakamali.
Araw-araw ay walang tigil niyang ipinapakita
ang kanyang katarungan sa kanyang bayan,
ngunit hindi pa rin nahihiya ang masasama sa paggawa ng kasalanan.
6 “Nilipol ko na ang mga bansa;
winasak ko na ang kanilang mga tore at kuta.
Sinira ko na ang kanilang mga lansangan,
kaya't wala ni isa mang doo'y dumaraan.
Giba na ang mga lunsod nila,
wala nang naninirahan doon,” sabi ni Yahweh.
7 Kaya't nasabi ko, “Tiyak na matatakot na siya sa akin,
tatanggap na siya ng aking pagtutuwid.
Hindi na niya ipagwawalang-bahala ang mga paalala ko.
Ngunit lalo pa siyang nasabik gumawa ng masama.”
8 “Kaya't hintayin ninyo ako,” sabi ni Yahweh,
“hintayin ninyo ang araw ng aking pag-uusig.
Sapagkat ipinasya kong tipunin,
ang mga bansa at ang mga kaharian,
upang idarang sila sa init ng aking galit,
sa tindi ng aking poot;
at ang buong lupa ay matutupok sa apoy ng aking poot.
9 “Oo, sa panahong iyon ay babaguhin ko ang pananalita ng mga tao,
at bibigyan ko sila ng dilang malinis,
upang sa kay Yahweh lamang manalangin at sumamba
at buong pagkakaisang maglingkod sa kanya.
10 Mula sa kabilang panig ng mga ilog ng Etiopia,[a]
ang aking nangalat na bayan,
ay sasamba sa akin at magdadala ng kanilang handog.
11 “Sa araw na iyon ay hindi na kayo mapapahiya
sa ginawa ninyong paghihimagsik sa akin,
sapagkat aalisin ko ang mga mapagmataas,
at hindi na kayo maghihimagsik sa aking banal na bundok.
12 Iiwan ko roon
ang mga taong mapagpakumbaba;
lalapit sila sa akin upang magpatulong.
13 Hindi(A) na gagawa ng kasamaan ang mga nakaligtas sa Israel;
hindi na sila magsisinungaling ni mandaraya man.
Uunlad ang kanilang buhay at magiging panatag;
wala na silang katatakutan.”
Isang Awit ng Kagalakan
14 Umawit ka nang malakas, Lunsod ng Zion! Sumigaw ka, Israel!
Magalak ka ng buong puso, Lunsod ng Jerusalem!
15 Ang iyong kaparusahan ay inalis na ni Yahweh,
at pinalayas na niya ang iyong mga kaaway.
Nasa kalagitnaan mo si Yahweh, ang Hari ng Israel,
wala nang kasawiang dapat pang katakutan.
16 Sa araw na iyon ay sasabihin sa Jerusalem,
“Huwag kang matakot, Zion;
huwag kang panghinaan ng loob.
17 Nasa piling mo si Yahweh na iyong Diyos,
at ang kanyang kapangyarihan ang magbibigay sa iyo ng tagumpay.
Siya ay magagalak sa iyo
at ang pag-ibig niya ang magbibigay sa iyo ng bagong buhay.
Masaya siyang aawit sa laki ng kagalakan,
18 gaya ng nagdiriwang sa isang kapistahan.
Ililigtas kita sa iyong kapahamakan,
upang huwag mo nang maranasan ang kahihiyan.
19 Sa panahong iyon ay haharapin ko ang mga umapi sa iyo.
Titipunin ko ang mga itinakwil,
papalitan ko ng karangalan ang kanilang mga kahihiyan,
at gagawin ko silang tanyag sa buong daigdig.
20 Sa panahong iyon, kayo'y aking titipunin at ibabalik sa inyong tahanan.
Gagawin ko kayong bantog sa buong daigdig,
at muli kong ibabalik ang inyong kayamanan at kasaganaan.”
Si Yahweh ang nagsabi nito.
Footnotes
- Zefanias 3:10 ETIOPIA: Sa wikang Hebreo ay “Cus”; sakop ng lugar na ito ang mga kasalukuyang bansa ng Etiopia at Sudan.
Jeremias 1-5
Magandang Balita Biblia
Ang Pagtawag at Pagsusugo kay Jeremias
1 Ang aklat na ito ay naglalaman ng mga sinabi at ginawa ni Jeremias na anak ni Hilkias, isang pari na mula sa bayan ng Anatot, sa lupain ni Benjamin. 2 Si(A) Yahweh ay nagpahayag sa kanya noong ikalabintatlong taon ng paghahari sa Juda ni Haring Josias, anak ni Haring Ammon. 3 Muling(B) nagpahayag si Yahweh sa kanya nang si Jehoiakim na anak ni Josias ang hari ng Juda. Maraming beses pa siyang nagpahayag pagkatapos noon hanggang sa ikalabing isang taon ng paghahari ni Zedekias na anak rin ni Josias. At noong ikalimang buwan din ng taóng iyon, ang mga taga-Jerusalem ay sinakop at dinalang-bihag sa ibang bansa.
Ang Pagkatawag kay Jeremias
4 Sinabi sa akin ni Yahweh, 5 “Bago ka pa ipinaglihi at ipanganak ay pinili na kita upang maging propeta para sa lahat ng bansa.”
6 Ang sagot ko naman, “Panginoong Yahweh, hindi po ako magaling na tagapagsalita; bata pa po ako.”
7 Subalit ang sabi niya sa akin, “Huwag mong sabihing bata ka pa. Pumunta ka sa mga taong sasabihin ko sa iyo. Ipahayag mo sa lahat ang aking sasabihin sa iyo. 8 Huwag kang matakot sa kanila sapagkat ako'y kasama mo at iingatan kita. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito.”
9 Pagkatapos, iniunat ni Yahweh ang kanyang kamay, hinipo ang aking mga labi, at sinabi, “Ngayon ay ibinigay ko na sa iyo ang mga mensaheng dapat mong sabihin. 10 Ibinibigay ko rin ngayon sa iyo ang kapangyarihang mangaral sa mga bansa at kaharian, upang sila'y bunutin at ibagsak, wasakin at itapon, itayo at itanim.”
Dalawang Pangitain
11 Tinanong ako ni Yahweh, “Jeremias, ano ang nakikita mo?”
“Sanga po ng almendra,” sagot ko.
12 “Tama ka,” ang sabi ni Yahweh, “sapagkat ako'y magbabantay upang matiyak na matutupad nga ang aking mga sinasabi.”
13 Muli akong tinanong ni Yahweh, “Ano pa ang nakikita mo?”
Sumagot ako, “Isa pong kalderong kumukulo ang laman at halos tumagilid na mula sa gawing hilaga.”
14 At sinabi niya sa akin, “Mararanasan ng lahat ng naninirahan sa lupaing ito ang isang pagkawasak na magmumula sa hilaga. 15 Tatawagin ko ang lahat ng bansa sa hilaga. Darating silang lahat at ang kanilang mga hari'y maglalagay ng kani-kanilang trono sa harap ng pintuan ng Jerusalem, sa paligid ng mga pader nito, at sa ibang mga lunsod ng Juda. 16 Paparusahan ko ang aking bayan dahil sa kanilang kasalanan; tumalikod sila sa akin. Naghandog sila at sumamba sa mga diyus-diyosang ginawa ng kanilang mga kamay. 17 Humanda ka at magpakatatag; sabihin mo sa kanila ang lahat ng iuutos ko. Huwag kang matatakot sa kanila kundi'y hahayaan nga kitang matakot kung ikaw ay nasa kalagitnaan nila. 18-19 Subalit pakinggan mo itong mabuti, Jeremias! Ang bawat isa sa buong Juda—kasama na ang mga hari, mga pinuno, mga pari, at ang buong bayan—ay kakalabanin ka. Ngunit hindi sila magtatagumpay. Magiging sintatag ka ng isang lunsod na ligtas sa anumang panganib, sintibay ng haliging bakal o pader na tanso. Hindi ka nila matatalo sapagkat iingatan kita. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito.”
Ang Pag-iingat ng Diyos sa Israel
2 Sinabi sa akin ni Yahweh 2 na pumunta ako sa Jerusalem at ipahayag ito sa lahat ng naroroon:
“Natatandaan ko ang iyong katapatan noong bata ka pa,
ang iyong pagmamahal nang tayo'y ikasal;
sinundan mo ako sa gitna ng disyerto,
sa gitna ng lupaing walang tanim na anuman.
3 Ikaw, Israel, ay para kay Yahweh,
ang pinakamainam na bahagi ng kanyang ani;
pahihirapan ang sinumang mananakit sa iyo;
darating sa kanila ang mga kaguluhan.
Akong si Yahweh ang nagsasabi nito.”
Ang Kasalanan ng mga Magulang ni Israel
4 Pakinggan ninyo ang pahayag ni Yahweh, mga anak ni Jacob, sambahayan ni Israel. 5 Sinasabi ni Yahweh:
“Ano ba ang nagawa kong kamalian
at ako'y tinalikdan ng inyong mga magulang?
Sumamba sila sa mga walang kabuluhang diyus-diyosan
kaya sila'y naging walang kabuluhan din.
6 Hindi nila ako naalala
kahit ako ang nagpalaya sa kanila mula sa Egipto;
pinatnubayan ko sila sa malawak na disyerto,
sa mga lupaing baku-bako't maburol,
sa isang tuyo at mapanganib na lugar,
na walang naninirahan at nagnanais dumaan.
7 Dinala ko sila sa isang mayamang lupain,
upang tamasahin nila ang kasaganaan niyon.
Ngunit dinungisan nila ang ibinigay kong lupain
dahil sa karumal-dumal nilang mga gawain.
8 Hindi man lamang nagtatanong ang mga pari, ‘Nasaan si Yahweh?’
Hindi ako nakikilala ng mga dalubhasa sa Kautusan,
hindi sumusunod sa akin ang mga pinuno;
nangangaral ang mga propeta sa pangalan ni Baal,
sumasamba at naglilingkod sa mga diyus-diyosan.
Sinumbatan ni Yahweh ang Kanyang Bayan
9 “Kaya't muli kong susumbatan ang aking bayan
at uusigin ko hanggang kaapu-apuhan.
10 Tumawid kang pakanluran hanggang Cyprus,
at magpadala ka patungong pasilangan hanggang Kedar.
Makikita mo kung may nangyaring tulad nito kailanman.
11 Mayroon bang bansa na nagpalit ng kanyang mga diyos,
kahit na ang mga ito ay hindi naman talagang diyos?
Ngunit ipinagpalit ako ng bayang aking pinarangalan,
at sila'y sumamba sa mga diyus-diyosang wala namang kabutihang magagawa para sa kanila.
12 Kaya manginig kayo sa takot, O kalangitan,
manggilalas kayo at manghilakbot;
akong si Yahweh ang nagsasalita.
13 Dalawa ang kasalanan ng aking bayan:
Tinalikuran nila ako,
ako na bukal na nagbibigay-buhay,
at humukay sila ng mga balon,
ngunit mga balong butas na walang naiipong tubig.
Ang Ibinunga ng Pagtataksil ng Israel
14 “Hindi alipin ang Israel nang siya'y isilang.
Ngunit bakit siya pinaghahanap ng kanyang mga kaaway?
15 Sila'y parang mga leong umaatungal
habang winawasak ang lupain;
giniba ang kanyang mga lunsod kaya't wala nang naninirahan doon.
16 Binasag ng mga taga-Memfis at taga-Tafnes ang kanyang bungo.
17 Ikaw na rin, Israel, ang dapat sisihin sa nangyari sa iyo!
Tinalikdan mo ako na iyong Diyos,
akong si Yahweh na umakay sa iyong mga paglalakbay.
18 Ano ang mapapala mo sa pagpunta sa Egipto?
Ang makainom ng tubig sa Ilog Nilo?
Ano ang inaasahan mong makukuha sa Asiria?
Ang makainom ng tubig sa Ilog Eufrates?
19 Paparusahan ka ng sarili mong kasamaan.
Ipapahamak ka ng iyong pagtalikod sa akin.
Mararanasan mo kung gaano kapait at kahirap
ang mawalan ng takot at tumalikod kay Yahweh na iyong Diyos.
Ako, ang Panginoong Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat,
ang nagsasabi nito.
Ayaw Sambahin ng Israel si Yahweh
20 “Matagal mo nang itinakwil ang kapangyarihan ko, Israel,
at ako'y ayaw mong sundin
sapagkat ang sabi mo, ‘Hindi ako maglilingkod.’
Ngunit sa ibabaw ng bawat mataas na burol,
at sa lilim ng bawat mayabong na punongkahoy,
ikaw ay sumamba sa mga diyus-diyosan, gaya ng babaing nagbebenta ng sarili.
21 Maganda ka noon nang aking itanim,
mula sa pinakamalusog na binhi ng ubas.
Tingnan mo ngayon ang naging buhay mo!
Para kang ubas na ligaw, nabubulok ang bunga at walang pakinabang!
22 Kahit maghugas ka pa, at gumamit ng pinakamatapang na sabon,
mananatili pa rin ang mantsa ng iyong kasalanan;
hindi mo iyan maitatago sa akin,
ang Panginoong Yahweh ang nagsasalita.
23 Masasabi mo bang hindi nadumihan ang iyong sarili,
at hindi ka sumamba sa diyus-diyosang si Baal?
Napakalaki ng kasalanang nagawa mo doon sa libis.
Para kang batang kamelyo na hindi mapigilan,
takbo nang takbo at nagwawala.
24 Tulad mo'y babaing asno na masidhi ang pagnanasa;
walang makapigil kapag ito'y nag-iinit.
Hindi na dapat mag-alala ang lalaking asno;
ika'y nakahanda sa lahat ng oras.
25 Israel, huwag mong bayaan na ika'y magyapak
o matuyo ang lalamunan at mamalat.
Ngunit ang tugon mo, ‘Ano pa ang kabuluhan?
Mahal ko ang ibang mga diyos,
at sila ang aking sasambahin at paglilingkuran.’
Nararapat Parusahan ang Israel
26 “Tulad ng magnanakaw na napapahiya kapag nahuli, kayong lahat na sambahayan ni Israel ay mapapahiyang gaya niya; ang inyong mga hari at mga pinuno, mga pari at mga propeta. 27 Mapapahiya kayong lahat na nagsasabi sa punongkahoy, ‘Ikaw ang aking ama,’ at sa bato, ‘Ikaw ang aking ina.’ Mangyayari ito sapagkat itinakwil ninyo ako, sa halip na kayo'y maglingkod sa akin. Ngunit kung kayo naman ay naghihirap, hinihiling ninyong iligtas ko kayo.
28 “Nasaan ang mga diyus-diyosang inyong ginawa? Tingnan natin kung kayo'y maililigtas nila sa oras ng inyong pangangailangan. Juda, sindami ng iyong lunsod ang iyong mga diyos. 29 Akong si Yahweh ay nagtatanong, ano ang isusumbat ninyo sa akin? Lahat kayo'y mga suwail. Wala na kayong ginawa kundi kalabanin ako! 30 Pinarusahan ko kayo, ngunit di rin kayo nagbago. Para kayong mababangis na leon, pinagpapatay ninyo ang inyong mga propeta. 31 Pakinggan ninyong mabuti ang sinasabi ko. Wala ba kayong napakinabangan sa akin? Ako ba'y naging parang tigang na lupa sa inyo? Bakit sinasabi ninyong malaya na kayong gawin ang inyong maibigan, at hindi na kayo babalik sa akin? 32 Malilimutan ba ng dalaga ang kanyang mga alahas, o ng babaing ikakasal ang kanyang damit pangkasal? Subalit ako'y kinalimutan ng sarili kong bayan nang napakahabang panahon. 33 Alam mo kung paano aakitin ang mga lalaki. Talo mo pa ang masasamang babae sa iyong paraan. 34 Ang kasuotan mo'y tigmak sa dugo ng dukha at walang malay, sa dugo ng mga taong kailanman ay hindi pumasok sa iyong tahanan.
“Subalit sa kabila ng lahat ng ito'y sinasabi mo, 35 ‘Wala akong kasalanan; hindi na galit sa akin si Yahweh.’ Ngunit akong si Yahweh ang magpaparusa sa iyo sapagkat sinasabi mong hindi ka nagkasala. 36 Bakit kay dali mong magpalit ng kaibigan? Bibiguin ka ng Egipto, tulad ng ginawa sa iyo ng Asiria. 37 Mabibigo ka rin sa Egipto, iiwan mo siyang taglay ang kahihiyan. Sapagkat itinakwil ni Yahweh ang iyong pinagkatiwalaan, at hindi ka nila mabibigyan ng tagumpay.”
Ang Taksil na Israel
3 Sinabi ni Yahweh, “Kapag ang isang babae ay pinalayas at hiniwalayan ng kanyang asawa, at siya'y mag-asawa ng ibang lalaki, hindi na siya dapat tatanggapin ng unang asawa. Ang ganito'y magpaparumi sa lupain. Subalit ikaw, Israel, kay rami mong kinasama, at ngayo'y ibig mong magbalik sa akin! 2 Tumingin ka sa tuktok ng mga burol; may lugar ba roong hindi mo dinungisan ng iyong kahalayan? Para kang babaing nagbebenta ng sarili na naghihintay ng manliligaw sa mga tabing-daan. Tulad mo'y Arabong nag-aabang ng biktima sa ilang. Dahil sa mahalay mong pamumuhay, ang lupain ay nadungisan. 3 Para kang babaing bayaran, wala ka nang kahihiyan! Dahil dito'y pinigil ko ang ulan at hindi pumatak kahit sa panahon ng tagsibol.
4 “At ngayo'y sinasabi mong ako ang iyong ama na umiibig sa iyo mula pa sa pagkabata, 5 at hindi magtatagal ang galit sa iyo. Ito'y pansamantala lamang. Iyan ang sinasabi mo, Israel, ngunit ang iyong ginagawa ay pawang kasamaan.”
Isang Panawagan Upang Magsisi
6 Noong(C) panahon ni Haring Josias, sinabi sa akin ni Yahweh: “Nakita mo ba ang ginawa ng taksil na Israel? Umaakyat siya sa bawat burol at nakikipagtalik sa lilim ng mayayabong na punongkahoy. 7 Akala ko'y babalik siya sa akin matapos gawin iyon. Ngunit hindi, at sa halip ay nakita pa ito ng kapatid niyang taksil na si Juda. 8 Nakita rin ng Juda nang pinalayas at hiwalayan ko ang Israel dahil sa pagtataksil sa akin at pagiging masamang babae. Ngunit hindi man lamang natakot ang taksil ding Juda. Naging masama rin siyang babae. 9 Ito'y hindi niya ikinahiya, bagkus ay dinumihan ang lupain nang mangalunya siya sa pamamagitan ng pagsamba sa mga bato at punongkahoy. 10 At pagkatapos ng lahat ng ito, nagkunwari ang taksil na Juda na bumabalik sa akin ngunit ito'y hindi taos sa kanyang puso. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito.”
11 Pagkatapos, sinabi sa akin ni Yahweh na kahit tumalikod sa kanya ang Israel, ito'y hindi kasinsama ng taksil na Juda. 12 Inutusan niya akong magpunta sa hilaga at sabihin sa Israel, “Manumbalik ka, taksil na Israel. Hindi na kita kagagalitan sapagkat ako'y mahabagin. Hindi habang panahon ang galit ko sa iyo. 13 Aminin mo lamang na nagkasala ka at naghimagsik laban kay Yahweh na iyong Diyos. Sabihin mo na sa ilalim ng bawat punongkahoy ay nakiapid ka sa kahit sinong diyos at hindi ka sumunod sa aking mga utos,” ang sabi ni Yahweh.
14 “Magbalik kayo sa akin, kayong mga taksil na anak, sapagkat ako ang inyong Panginoon,” sabi pa ni Yahweh. “Kukuha ako sa inyo ng isa sa bawat bayan at dalawa sa bawat angkan at ibabalik ko kayo sa Bundok ng Zion. 15 Bibigyan ko kayo ng mga pinunong sumusunod sa akin, at pamamahalaan nila kayo nang buong katalinuhan at pagkaunawa. 16 At kung dumami na kayo sa lupaing iyon, hindi na pag-uusapan ng mga tao ang tungkol sa Kaban ng Tipan ni Yahweh. Hindi na nila ito iisipin o aalalahanin. Hindi na rin nila ito kakailanganin o gagawa ng isa pa. 17 Sa araw na iyon, ang Jerusalem ay tatawaging ‘Luklukan ni Yahweh’. Lahat ng bansa'y magkakatipon doon upang sambahin ako. Hindi na nila gagawin ang kasamaang kanilang gustong gawin. 18 Magkakaisa ang Israel at ang Juda. Magkasama silang babalik mula sa hilaga at maninirahan sa lupaing ibinigay ko sa inyong mga magulang, upang maging kanila magpakailanman.”
Sumamba sa Diyus-diyosan ang Israel
19 Sinabi ni Yahweh,
“Itinuring kitang anak, Israel,
at binigyan ng lupaing pinakamainam sa lahat,
sapagkat inakala kong kikilalanin mo akong ama,
at hindi ka na tatalikod sa akin.
20 Ngunit gaya ng taksil na asawa, iniwan mo ako.
Hindi ka naging tapat sa akin.”
21 May narinig na ingay sa mga kaburulan.
Nananangis ang mga taga-Israel
dahil sa mabigat nilang kasalanan;
at kinalimutan nila si Yahweh na kanilang Diyos.
22 “Manumbalik kayo, mga anak na taksil,” sabi ni Yahweh,
“pinapatawad ko na kayo sa inyong mga kasalanan.”
Sabihin ninyo: “Oo, lalapit na kami sapagkat si Yahweh ang aming Diyos! 23 Walang naitulong sa amin ang mga diyus-diyosang sinasamba namin sa kaburulan. Si Yahweh lamang na aming Diyos, ang tunay na kaligtasan ng Israel. 24 Dahil sa aming pagsamba kay Baal, nawala sa amin ang lahat ng bagay na pinaghirapan ng aming mga magulang, mula pa noong una—ang aming mga anak, mga hayop at mga kawan. 25 Dapat kaming manliit sa kahihiyan, sapagkat kami'y nagkasala kay Yahweh, kami at ang aming mga magulang. Mula sa pagkabata hanggang ngayon, hindi namin sinunod ang tinig ni Yahweh na aming Diyos.”
Isang Panawagan Upang Magsisi
4 Ganito ang sabi ni Yahweh: “Mga taga-Israel, kung kayo'y manunumbalik at lalapit kayo sa akin; kung inyong tatalikuran ang mga diyus-diyosan at mananatili kayong tapat sa akin, 2 magiging totoo at makatuwiran ang inyong panunumpa sa aking pangalan. Dahil dito'y hihilingin ng lahat ng bansa na sila'y aking pagpalain at pupurihin naman nila ako.”
3 Ganito(D) naman ang sabi ni Yahweh sa mga taga-Juda at sa mga naninirahan sa Jerusalem: “Bungkalin ninyong muli ang napabayaang lupa; huwag ninyong ihasik ang binhi sa gitna ng dawagan. 4 Tuparin ninyo ang inyong pangako sa akin, at italaga ang inyong buhay sa paglilingkod. Kung hindi, sisiklab ang aking poot dahil sa inyong mga nagawang kasamaan.”
Binantaang Sakupin ang Juda
5 Hipan ang trumpeta sa buong lupain!
Isigaw nang malinaw at malakas:
“Mga taga-Juda at taga-Jerusalem,
magsipasok kayo sa inyong mga kublihang lunsod.
6 Ituro ang daang patungo sa Zion!
Magtago na kayo at huwag magpaliban!
Mula sa hilaga'y magpapadala si Yahweh
ng lagim at pagkawasak.
7 Parang leong lumitaw ang magwawasak ng mga bansa.
Lumakad na siya upang wasakin ang Juda.
Ang mga lunsod nito'y duduruging lahat
at wala nang maninirahan doon.
8 Magsuot kayo ng damit na panluksa, lumuha kayo at manangis,
sapagkat ang poot ni Yahweh sa Juda'y hindi makakalimutan.”
9 Ang sabi ni Yahweh, “Sa araw na iyon, masisiraan ng loob at matatakot ang mga hari at mga pinuno, ang mga pari ay masisindak, at magugulat ang mga propeta.”
10 Pagkatapos ay sinabi ko, “Panginoong Yahweh! Nilinlang ninyo ang mga taga-Jerusalem! Sinabi ninyong iiral ang kapayapaan ngunit ngayon, isang tabak ang nakaamba sa kanila.”
11 Sa panahong iyon ay sasabihin sa mga taga-Jerusalem: “Umiihip mula sa disyerto ang nakakapasong hangin patungo sa kaawa-awa kong bayan. Hindi upang linisin silang tulad ng trigo kung pinahahanginan. 12 Mas malakas ang hanging aking padala upang hampasin ang bayan ko. Ako, si Yahweh, ang nagpaparusa ngayon sa kanila.”
Napaligiran ng mga Kaaway ang Juda
13 Masdan ninyo! Dumarating na parang mga ulap ang kaaway. Parang ipu-ipo ang kanilang mga karwaheng pandigma; mabilis pa sa agila ang kanilang mga kabayo. Matatalo tayo! Ito na ang ating wakas! 14 Talikdan mo na Jerusalem, ang iyong mga kasalanan, upang maligtas ka. Hanggang kailan ka mag-iisip ng masama?
15 Dumating ang mga tagapagbalita mula sa Dan at sa kabundukan ng Efraim, dala ang malagim na balita. 16 Upang bigyang babala ang mga bansa at sabihin sa mga taga-Jerusalem: “Dumarating na ang mga kaaway mula sa malayong lupain, at sumisigaw ng pakikidigma laban sa mga lunsod ng Juda!” 17 Paliligiran nila ang Jerusalem, parang bukid na ligid ng mga bantay; sapagkat ang mga tagaroon ay naghimagsik laban kay Yahweh. 18 Ikaw na rin, Juda, ang dapat sisihin sa parusang darating sa iyo dahil sa iyong mga kasalanan. Tatagos sa iyong buong katawan ang paghihirap ng iyong puso.
Nagdalamhati si Jeremias Dahil sa Kanyang mga Kababayan
19 Ang hapdi ay hindi ko halos matagalan!
Kumakabog ang aking dibdib!
Hindi ako mapalagay;
naririnig ko ang tunog ng mga trumpeta at ang sigaw ng digmaan.
20 Sunud-sunod ang mga kapahamakang dumarating sa bayan.
Bigla na lamang bumabagsak ang aming mga tolda
at napupunit ang mga tabing.
21 Hanggang kailan magtatagal ang paglalaban
at maririnig ang tunog ng mga trumpeta?
22 At sinabi ni Yahweh, “Napakahangal ng aking bayan;
hindi nila ako nakikilala.
Tulad nila'y mga batang wala pang pang-unawa.
Sanay sila sa paggawa ng masama
ngunit bigo sa paggawa ng mabuti.”
Ang Pangitain ni Jeremias tungkol sa Darating na Pagkawasak
23 Pagkatapos ay tiningnan ko ang daigdig; wala itong hugis o anumang kaanyuan,
at sa langit ay walang anumang tanglaw.
24 Tumingin ako sa mga bundok at mga burol;
ang mga ito'y nayayanig dahil sa lindol.
25 Wala akong makitang tao, wala kahit isa;
pati mga ibon ay nagliparan na.
26 Ang masaganang lupain ay naging disyerto;
wasak ang mga lunsod nito
dahil sa matinding poot ng Diyos.
27 Sinabi ni Yahweh, “Masasalanta ang buong lupain ngunit hindi ko lubusang wawasakin.”
28 Magluluksa ang sanlibutan,
magdidilim ang kalangitan.
Sinabi ni Yahweh ang ganito
at ang isip niya'y di magbabago.
Nakapagpasya na siya
at hindi na magbabago pa.
29 Sa yabag ng mangangabayo at mamamana,
magtatakbuhan ang lahat;
ang ilan ay magtatago sa gubat;
ang iba nama'y sa kabatuhan aakyat.
Lilisanin ng lahat ang kabayanan,
at walang matitira isa man.
30 Jerusalem, ikaw ay hinatulan na!
Bakit nakadamit ka pa ng matingkad na pula?
Ano't nagsusuot ka pa ng mga alahas, at ang mga mata mo'y may pintang pampaganda?
Pagpapaganda mo'y wala nang saysay!
Itinakwil ka na ng iyong mga kasintahan;
at balak ka pa nilang patayin.
31 Narinig ko ang daing,
gaya ng babaing malapit nang manganak.
Ito ang taghoy ng naghihingalong Jerusalem
na nakadipa ang mga kamay:
“Ito na ang wakas ko,
hayan na sila upang patayin ako!”
Ang Kasalanan ng Jerusalem
5 Mga taga-Jerusalem, magmasid-masid kayo.
Ang mga lansangan ay inyong libutin at ang buong paligid ay halughugin.
Maghanap kayo sa mga pamilihan.
May makikita ba kayong isang taong matuwid at tapat kay Yahweh?
Kung mayroon kayong matatagpuan, patawad ni Yahweh sa Jerusalem igagawad.
2 Nanunumpa nga kayo sa pangalan ni Yahweh,
ngunit hindi taos sa inyong puso ang inyong sinasabi.
3 Ang hanap ni Yahweh ay katotohanan.
Pinarusahan niya kayo, ngunit hindi ninyo pinansin ang sakit;
pinahirapan niya kayo ngunit hindi pa rin kayo nagbago.
Ayaw ninyong talikuran ang inyong mga kasalanan; dahil sa katigasan ng inyong ulo.
4 At aking naisip, “Ang mga taong ito'y mga mahihirap at walang alam;
hindi nila alam ang hinihiling ni Yahweh,
ang utos ng kanilang Diyos.
5 Pupuntahan ko ang mga maykapangyarihan,
at sila ay aking papakiusapan.
Natitiyak kong alam nila ang kalooban ni Yahweh;
batid nila ang ipinag-uutos ng Diyos.
Ngunit pati silang lahat ay naging suwail
at tumangging sumunod sa kanyang mga utos.”
6 Dahil dito, sila'y papatayin ng mga leon mula sa gubat.
Sisilain sila ng mga asong-gubat mula sa ilang.
Maglilibot sa kanilang mga lunsod ang mga leopardo upang lurayin ang sinumang makita.
Sapagkat napakarami na ng kanilang pagkakasala
at maraming ulit na nilang tinalikuran ang Diyos.
7 Ang tanong nga ni Yahweh: “Bakit ko kayo patatawarin?
Nagtaksil sa akin ang iyong mga anak
at sumamba sa mga diyus-diyosan.
Pinakain ko kayo hanggang sa mabusog,
ngunit nangalunya pa rin kayo,
at ginugol ang panahon sa babaing bayaran.
8 Tulad nila'y mga lalaking kabayo,
nagpupumiglas dahil sa matinding pagnanasa sa asawa ng iba.
9 Hindi ba marapat na sila ay parusahan ko?
At pagbayarin ang bansang tulad nito?
10 Sasabihan ko ang kanilang mga kaaway na sirain ang kanilang ubasan,
subalit huwag naman nilang wawasakin ito nang lubusan.
Sasabihin kong putulin ang mga sanga,
sapagkat ang mga ito'y hindi naman para sa akin.
11 Kayong mga mamamayan ng Israel at ng Juda,
pareho kayong nagtaksil sa akin.
Akong si Yahweh ang nagsasalita.”
Itinakwil ni Yahweh ang Israel
12 Si Yahweh ay itinakwil ng kanyang bayan. “Wala naman siyang gagawing anuman!” ang sabi nila. “Hindi tayo daranas ng kahirapan; walang darating na digmaan o taggutom man. 13-14 Ang mga propeta'y walang kabuluhan; hindi talagang galing kay Yahweh ang ipinapahayag nila.”
Ganito naman ang sabi sa akin ni Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat: “Dahil nilapastangan ako ng mga taong iyan, ang aking salitang lalabas sa iyong bibig ay magiging parang apoy. Sila'y parang tuyong kahoy na tutupukin nito.”
15 Mga taga-Israel, magpapadala si Yahweh ng isang bansang buhat sa malayo upang salakayin kayo. Ito'y isang malakas at matandang bansa na ang wika'y hindi ninyo alam o nauunawaan man. Ito'y ipinahayag na ni Yahweh. 16 Mababangis ang mga kawal ng kaaway; kamatayan ang dulot ng kanilang mga pana. 17 Uubusin nila ang inyong mga ani at mga pagkain. Papatayin nila ang inyong mga anak. Kakatayin nila ang inyong mga kawan at baka, at wawasakin ang inyong mga tanim na igos at ubasan. Dudurugin ng kanilang hukbo ang matitibay na lunsod na pinagkakanlungan ninyo.
18 “Gayunman, akong si Yahweh ang nagsasabing hindi ko lubusang pupuksain ang aking bayan sa panahong iyon. 19 Kung sila'y magtanong sa iyo, Jeremias, kung bakit ko ginawa ang lahat ng ito, sabihin mo: ‘Kung papaanong tinalikuran ninyo si Yahweh at kayo'y naglingkod sa ibang mga diyos samantalang nasa sariling lupain, gayon kayo maglilingkod sa mga dayuhan sa isang lupaing hindi inyo.’”
Nagbabala ang Diyos sa Kanyang Bayan
20 Sabihin mo sa mga anak ni Jacob; gayundin sa mga taga-Juda: 21 “Makinig(E) kayo, mga hangal; may mga mata kayo ngunit hindi naman makakita, may mga tainga ngunit hindi naman makarinig. 22 Ako(F) si Yahweh; hindi ba kayo natatakot sa akin o nanginginig sa presensya ko? Ako ang naglagay ng buhangin upang maging hangganan ng karagatan, isang palagiang hangganan na hindi kayang bagtasin. Kahit magngalit ang dagat at tumaas ang mga alon, hindi sila makakalampas dito. 23 Ngunit kayo'y mapaghimagsik at matitigas ang ulo; tinalikuran ninyo ako at nilayuan. 24 Hindi man lamang ninyo inisip na parangalan si Yahweh na inyong Diyos, gayong siya ang nagbibigay ng ulan sa takdang panahon, at nagpapasapit sa panahon ng pag-aani taun-taon. 25 At sa halip, nagiging hadlang ang inyong mga kasalanan upang makamit ang mabubuting bagay na ito.
26 “Tumira sa aking bayan ang manggagawa ng kasamaan; mga nanghuhuli ng ibon ang katulad nila. Ang pagkakaiba lamang, mga tao ang binibitag nila. 27 Kung paanong pinupuno ng isang nanghuhuli ng ibon ang kanyang hawla, gayon nila pinupuno ng mga ninakaw ang kanilang mga bahay. Kaya naging mayaman sila at naging makapangyarihan. 28 Lagi silang busog at matataba. Sukdulan na ang kanilang kasamaan. Inaapi nila ang mga ulila at hindi makatarungan ang paglilitis na kanilang ginagawa. Hindi nila ipinagtatanggol ang karapatan ng mga kaawa-awa.
29 “Dahil dito'y paparusahan ko sila; maghihiganti ako sa kanilang bansa. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito. 30 Nakakapangilabot at nakakatakot ang nangyari sa buong lupain. 31 Pawang kasinungalingan ang pahayag ng mga propeta; ang kanilang utos ang sinusunod ng mga pari, at hindi naman tumututol ang aking bayan. Subalit ano ang gagawin ninyo kapag nagwakas na ang lahat?”
Habakuk 1
Magandang Balita Biblia
1 Ang aklat na ito ay naglalaman ng pahayag ni Yahweh sa pamamagitan ni Propeta Habakuk.
Inireklamo ni Habakuk ang Kawalang-katarungan
2 O Yahweh, hanggang kailan ako hihingi ng tulong sa inyo,
bago ninyo ako dinggin,
bago ninyo ako iligtas sa karahasan?
3 Bakit puro kaguluhan at kasamaan
ang ipinapakita mo sa akin?
Sa magkabi-kabila'y nagaganap ang pagwasak at ang karahasan;
laganap ang karahasan at ang labanan.
4 Ang batas ay walang bisa at walang pakinabang,
at hindi umiiral ang katarungan.
Sa husgado ay laging natatalo ng masasama ang walang kasalanan,
kaya't nababaluktot ang katarungan.
Ang Tugon ni Yahweh
5 Pagkatapos(A) ay sinabi ni Yahweh sa kanyang bayan,
“Masdan mo ang mga bansang nakapalibot sa iyo
at mamamangha ka at magugulat sa iyong makikita.
Hindi magtatagal at mayroon akong gagawing
hindi mo paniniwalaan kapag nabalitaan mo.
6 Papalakarin(B) ko sa kapangyarihan ang mga taga-Babilonia—
ang bansang kilala sa kalupitan at karahasan.
Sinasalakay nila ang lahat ng dako ng daigdig
upang sakupin ang lupaing hindi kanila.
7 Naghahasik sila ng takot at sindak;
ipinagmamapuri nila na sila mismo ang batas.
8 Ang mga kabayo nila'y mas mabibilis kaysa mga leopardo,
mas mababangis kaysa mga asong-gubat pagsapit ng gabi.
Ang kanilang mga mangangabayo ay rumaragasa mula sa malalayong lupain;
para silang mga agila na dumadagit sa kanilang biktima.
9 Ang kanilang mga hukbo ay marahas na sumasalakay,
at lahat ay nasisindak habang sila'y nananakop.
Di mabilang na parang buhangin ang kanilang mga bihag.
10 Hinahamak nila ang mga hari,
at walang pinunong iginagalang.
Pinagtatawanan lamang nila ang bawat muog,
sapagkat ito'y kanilang nilulusob at madaling nakukuha.
11 Pagkatapos ay nagpapatuloy silang parang malakas na hangin;
walang dinidiyos
kundi ang sarili nilang lakas.”
Muling Dumaing si Habakuk
12 O Yahweh, kayo ay Diyos na walang hanggan.
Kayo ang aking Diyos, banal at magpakailanman.
O Yahweh, aking Diyos at tanggulan,
pinili ninyo ang mga taga-Babilonia at sila'y inyong pinalakas.
O Batong matibay, inilagay mo sila upang kami'y pahirapan,
upang kami'y parusahan.
13 Ngunit paano ninyo natitiis ang mga taksil at masasamang taong ito?
Napakabanal ng inyong paningin upang masdan ang kasamaan.
Hindi ninyo matitiis ang mga taong gumagawa ng mali.
Bakit hindi kayo kumikibo gayong pinupuksa nila
ang mga taong higit na mabuti kaysa kanila?
14 Itinuturing mo ang mga tao na gaya ng mga isda,
o gaya ng mga kulisap na walang mangunguna sa kanila.
15 Binibingwit sila ng mga taga-Babilonia na wari'y isda.
Itinataboy nila ang mga ito sa mga lambat,
at pagkatapos ay nagsisigawan sa galak!
16 Kaya't sinasamba pa nila ang kanilang mga lambat,
at nag-aalay ng mga handog;
sapagkat ito ang nagbibigay sa kanila ng karangyaan.
17 Patuloy ba nilang gagamitin ang kanilang tabak
at walang awang pupuksain ang mga bansa?
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.