Add parallel Print Page Options

Ang Kasalanan ni Acan

Pero nilabag ng mga Israelita ang utos ng Panginoon na huwag kumuha ng kahit anumang handog na nakalaan nang buo para sa Panginoon. Kumuha si Acan ng mga bagay na hindi dapat kunin, kaya nagalit nang matindi ang Panginoon sa kanila. Si Acan ay anak ni Carmi. Si Carmi ay anak ni Zabdi. Si Zabdi ay anak ni Zera. Nagmula sila sa lahi ni Juda.

Mula sa Jerico, may inutusan si Josue na mga tao para mag-espiya sa Ai, isang lungsod sa silangan ng Betel, na malapit sa Bet Aven. Kaya umalis ang mga tao para mag-espiya. Pagbalik nila, sinabi nila kay Josue, “Hindi kailangang lumusob tayong lahat sa Ai, dahil kaunti lang naman ang mga naninirahan doon. Magpadala ka lang ng 2,000 o kayaʼy 3,000 tao para lumusob doon.” Kaya 3,000 Israelita ang lumusob sa Ai, pero napaatras sila ng mga taga-Ai. Hinabol sila mula sa pintuan ng lungsod hanggang sa Shebarim[a], at 36 ang napatay sa kanila habang bumababa sila sa kabundukan. Kaya naduwag at natakot ang mga Israelita. Dahil sa lungkot, pinunit ni Josue at ng mga tagapamahala ng Israel ang mga damit nila, at nilagyan ng alikabok ang mga ulo nila, at nagpatirapa sila sa harapan ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon hanggang sa gumabi. Sinabi ni Josue, “O Panginoong Dios, bakit nʼyo pa po kami pinatawid sa Ilog ng Jordan kung ipapatalo nʼyo rin lang naman kami sa mga Amoreo? Mabuti pang nanatili na lang kami sa kabila ng Jordan. Panginoon, ano po ang sasabihin ko, ngayong umurong na ang mga Israelita sa mga kalaban nila? Mababalitaan ito ng mga Cananeo at ng iba pang taga-rito. Paiikutan nila kami at papatayin. Ano po ang gagawin nʼyo alang-alang sa dakila nʼyong pangalan?”

10 Sinabi ng Panginoon kay Josue, “Tumayo ka! Bakit ka ba nakadapa? 11 Nagkasala ang Israel; nilabag nila ang kasunduan ko. Kumuha sila ng mga bagay na nakalaang ihandog nang buo sa akin. Ninakaw nila ito, nagsinungaling sila tungkol dito, at isinama nila ito sa mga ari-arian nila. 12 Ito ang dahilan kung bakit hindi sila makalaban sa mga kaaway nila. Natakot sila at tumakas dahil sila mismo ay lilipulin din bilang handog sa akin. Hindi ko na kayo sasamahan kung hindi ninyo wawasakin ang mga bagay na nakalaang ihandog nang buo sa akin.

13 “Tumayo ka at sabihin mo sa mga tao na linisin nila ang kanilang sarili[b] para bukas, dahil ako, ang Panginoon na Dios ng Israel ay nagsasabi, ‘O Israel, may tinatago kayong mga bagay na nakalaang ihandog nang buo sa akin. Hindi kayo makakalaban sa mga kaaway nʼyo hanggaʼt nasa inyo ang mga bagay na ito. 14 Kaya bukas ng umaga, humarap kayo sa akin ayon sa inyong lahi. Ang lahing ituturo kong nagkasala ay humanay ayon sa angkan nila. Ang angkan na ituturo kong nagkasala ay humanay ayon sa pamilya nila. At ang pamilyang ituturo kong nagkasala ay humanay bawat isa. 15 Ang taong ituturo ko na nagtago ng mga bagay na nakalaang ihandog nang buo sa akin ay susunugin kasama ng pamilya niya at ng lahat ari-arian niya. Dahil nilabag niya ang kasunduan ko at gumawa siya ng kahiya-hiyang bagay sa Israel.’ ”

16 Kinabukasan, maagang pinalapit ni Josue ang mga Israelita ayon sa lahi nila. At napili ang angkan ni Juda. 17 Pinalapit ang lahi ni Juda, at napili ang angkan ni Zera. Pinalapit ang angkan ni Zera at napili ang pamilya ni Zabdi.[c] 18 Pinalapit ang pamilya ni Zabdi at napili si Acan. (Si Acan ay anak ni Carmi. Si Carmi ay anak ni Zabdi. At si Zabdi ay anak ni Zera na mula sa angkan ni Juda.)

19 Sinabi ni Josue kay Acan, “Anak, parangalan mo ang Panginoon, ang Dios ng Israel; magsabi ka ng totoo sa harapan niya. Ano ang ginawa mo? Huwag mo itong ilihim sa akin.”

20 Sumagot si Acan, “Totoong nagkasala ako sa Panginoon, ang Dios ng Israel. Ito po ang ginawa ko: 21 Sa mga bagay na nasamsam natin, may nakita akong isang magandang damit na mula sa Babilonia, pilak na mga dalawang kiloʼt kalahati at isang baretang ginto na may bigat na kalahating kilo. Naakit ako sa mga ito, kaya kinuha ko. Ibinaon ko ito sa lupa sa loob ng tolda ko. Ang pilak ang nasa pinakailalim.”

22 Kaya nagsugo si Josue ng mga tao, at patakbong pumunta ang mga ito sa tolda ni Acan. At nakita nga nila roon ang mga bagay na ibinaon, ang pilak ay nandoon nga sa ilalim nito. 23 Dinala nila ito kay Josue at sa lahat ng mga Israelita, at inilapag sa presensya ng Panginoon.

24 At dinala ni Josue at ng lahat ng mga Israelita si Acan sa Lambak ng Acor,[d] pati ang pilak, damit, isang baretang ginto, ang mga anak niya, mga baka, mga asno, mga tupa, tolda at ang lahat ng ari-arian niya. 25 Sinabi ni Josue kay Acan, “Bakit mo kami ipinahamak? Ngayon, ipapahamak ka rin ng Panginoon.”

Binato ng mga Israelita si Acan hanggang sa mamatay. Binato rin nila ang pamilya niya at sinunog ang lahat ng bangkay at ang kanyang mga ari-arian. 26 Pagkatapos, tinabunan nila si Acan ng mga bato. Nandoon pa ang mga bato hanggang ngayon. At ang lugar na iyon ay tinatawag na Lambak ng Acor hanggang ngayon.

At napawi ang galit ng Panginoon.

Ang Pagsakop sa Ai

Sinabi ng Panginoon kay Josue, “Huwag kang matakot o kayaʼy manghina. Isama mo ang lahat ng iyong sundalo at lusubin ulit ninyo ang Ai, dahil ibinigay ko na sa inyo ang hari ng Ai, ang kanyang mga mamamayan, ang kanyang bayan at ang kanyang lupain. Kung ano ang ginawa ninyo sa Jerico at sa hari nito, ganoon din ang gawin ninyo sa Ai. Pero sa pagkakataong ito, maaari na ninyong kunin ang kanilang mga ari-arian at mga hayop para sa inyong sarili. Maghanda kayo at tambangan ninyo sila sa likod ng lungsod.”

Kaya umalis sila Josue at ang lahat ng sundalo niya para lusubin ang Ai. Pumili si Josue ng 30,000 sundalo na mahuhusay makipaglaban at pinaalis nang gabi. Ito ang bilin ni Josue sa kanila, “Magtago kayo sa likod ng lungsod, pero huwag masyadong malayo. Humanda kayo sa paglusob kahit anong oras. Ako at ang mga kasama ko ay lulusob sa harapan. Kung lalabas na sila sa pakikipaglaban sa amin, tatakas kami, gaya ng nangyari noon. Iisipin nilang natatakot kami kagaya noon, kaya hahabulin nila kami hanggang sa makalayo sila sa lungsod. Pagkatapos, lumabas kayo sa pinagtataguan nʼyo at sakupin ang lungsod. Ibibigay ito sa inyo ng Panginoon na inyong Dios. Kapag nasakop nʼyo na ang lungsod, sunugin nʼyo ito ayon sa sinabi ng Panginoon. Tiyakin nʼyong gagawin ito ayon sa iniutos.” Pinaalis sila ni Josue, at nagtago sila sa bandang kanluran ng Ai, sa kalagitnaan ng Ai at Betel. At sina Josue naman ay nagpaiwan sa kampo nang gabing iyon.

10 Kinaumagahan, maagang tinipon ni Josue ang mga tauhan niya. Pinangunahan niya at ng mga pinuno ng Israel ang mga tao sa pagpunta nila sa Ai. 11 Nakarating sila sa lugar na nakaharap sa lungsod, sa bandang hilaga nito, at doon sila nagtayo ng mga tolda. May lambak na nakapagitan sa kanila at sa Ai. 12 Nagpadala si Josue ng 5,000 sundalo para tambangan ang lungsod sa bandang kanluran nito, sa kalagitnaan ng Ai at Betel. 13 Kaya pumwesto na ang mga sundalo. Ang ibang mga sundalo ay nasa bandang hilaga ng lungsod, at ang iba naman ay naroon sa bandang kanluran nito.

Nang gabing iyon pumunta sina Josue sa lambak. 14 Nang makita ng hari ng Ai sina Josue, maaga paʼy agad-agad na siyang lumabas sa lungsod kasama ang mga tauhan niya, at pumunta sa lugar na nakaharap sa Lambak ng Jordan[e] para makipaglaban sa Israel. Hindi nila alam na may lulusob sa kanila galing sa likod ng lungsod. 15 Sina Josue at ang mga tauhan niya ay nagkunwaring natalo sila, at tumakas papuntang ilang. 16 Kaya hinabol silang lahat ng kalalakihan ng Ai hanggang sa unti-unti silang lumalayo sa lungsod. 17 Lahat ng kalalakihan sa Ai at sa Betel ay hinabol ang mga Israelita, kaya walang naiwan para ipagtanggol ang lungsod.

18 Sinabi ng Panginoon kay Josue, “Ituro mo ang sibat mo sa Ai dahil ibibigay ko ito sa inyo.” Kaya itinuro ni Josue ang sibat niya sa Ai. 19 Nang ginawa niya iyon, lumabas at nagsitakbo ang mga tauhan niyang nananambang sa bayan, lumusob sila papasok sa lungsod, at dali-daling sinunog ito. 20 Nang lumingon ang mga taga-Ai, nakita nila ang makapal na usok sa ibabaw ng lungsod. Wala na silang matatakbuhan, dahil bigla na lang silang hinarap ng mga Israelita na hinahabol nila sa ilang. 21 Dahil nang makita ni Josue at ng mga tauhan niya na nakapasok na sa lungsod ang mga kasama nila at sinunog na nila ito, bumalik sila at nilusob ang mga taga-Ai. 22 Lumusob din ang mga Israelitang pumasok sa lungsod, kaya napagitnaan nila ang mga taga-Ai. Pinatay nilang lahat ang mga ito at walang nakatakas o kayaʼy naiwang buhay sa kanila, 23 bukod lang sa hari nila. Binihag siya at dinala kay Josue.

24 Nang mapatay na nilang lahat ang taga-Ai na humabol sa kanila sa ilang, bumalik sila sa lungsod at pinatay din ang lahat ng naiwan doon. 25 Nang araw na iyon, namatay ang lahat ng naninirahan sa Ai – 12,000 lahat, lalaki at babae. 26 Nanatiling nakatutok ang sibat ni Josue sa lugar ng Ai hanggang hindi nalilipol ang lahat ng mamamayan nito. 27 Kinuha ng mga Israelita ang mga hayop at mga ari-arian ng lungsod, ayon sa sinabi ng Panginoon kay Josue. 28 Pagkatapos, ipinasunog ni Josue ang buong Ai, at hindi na ito muling maitatayo; hanggang ngayon wala nang nakatira rito. 29 Pinabitin ni Josue sa isang puno ang hari at pinabayaan doon maghapon. Paglubog ng araw, ipinakuha niya ang bangkay at ipinatapon sa labas ng pintuan ng lungsod. Pinatambakan nila ito ng malaking bunton ng mga bato, at hanggang ngayon ay makikita pa roon ang mga batong ito.

Binasa ang Kasunduan sa Bundok ng Ebal

30 Pagkatapos, nagpagawa si Josue ng altar sa Bundok ng Ebal para sa Panginoon, ang Dios ng Israel. 31 Ipinagawa niya ito ayon sa utos ni Moises na lingkod ng Panginoon sa mga Israelita. Nakasulat ito sa Aklat ng Kautusan ni Moises at ito ang sinasabi: “Gumawa ka ng altar na bato na hindi natabasan ng gamit na bakal.” Sa ibabaw ng altar, nag-alay sila sa Panginoon ng mga handog na sinusunog at mga handog para sa mabuting relasyon. 32 Sa harap ng mga Israelita, kinopya ni Josue sa mga bato[f] ang kautusang isinulat ni Moises. 33 Ang lahat ng mga Israelita, kasama ang kanilang mga tagapamahala, mga opisyal at mga hukom nila, pati ang mga dayuhang kasama nila ay tumayo sa dalawang grupo na magkaharap. Ang isang grupo ay nakatalikod sa Bundok ng Gerizim at ang isaʼy nakatalikod sa Bundok ng Ebal. Sa gitna nila ay nakatayo ang mga paring Levita na nagbubuhat ng Kahon ng Kasunduan. Nag-utos sa kanila noon si Moises na lingkod ng Panginoon na gawin ito sa panahong tatanggapin na nila ang pagbabasbas.

34 Binasa ni Josue ang Aklat ng Kasunduan, pati ang pagpapala at sumpa na nakasulat dito. 35 Isa-isang binasa ni Josue ang mga utos ni Moises sa harap ng buong mamamayan ng Israelita, kasama na ang mga babae, anak at mga dayuhang naninirahan kasama nila.

Footnotes

  1. 7:5 Shebarim: Ang ibig sabihin, tibagan ng bato.
  2. 7:13 linisin nila ang kanilang sarili: Ang ibig sabihin, sundin nila ang seremonya ng pagiging malinis.
  3. 7:17 Zabdi: o, Zimri.
  4. 7:24 Acor: Ang ibig sabihin, kaguluhan.
  5. 8:14 Lambak ng Jordan: sa Hebreo, Araba.
  6. 8:32 sa mga bato: o, sa mga bato ng altar.