Add parallel Print Page Options

At si Saulo ay sumangayon sa kaniyang pagkamatay. At nang araw na yao'y nangyari ang isang malaking paguusig laban sa iglesia na nasa Jerusalem; at silang lahat ay nagsipangalat sa lahat ng mga dako ng Judea at Samaria, maliban na sa mga apostol.

At inilibing si Esteban ng mga taong masipag sa kabanalan, at siya'y tinangisan ng di kawasa.

Datapuwa't pinuksa ni Saulo ang iglesia, na pinapasok ang bahay-bahay, at kinakaladkad ang mga lalake't mga babae, at sila'y ipinapasok sa bilangguan.

Ang mga nagsipangalat nga ay nagsipaglakbay, na ipinangangaral ang salita.

At bumaba si Felipe sa bayan ng Samaria, at ipinangaral sa kanila ang Cristo.

At ang mga karamiha'y nangagkakaisang nangakikinig sa mga bagay na sinasalita ni Felipe, pagkarinig nila, at pagkakita ng mga tanda na ginawa niya.

Sapagka't sa maraming may mga karumaldumal na espiritu, ay nangagsilabas sila, na nangagsisisigaw ng malakas na tinig: at maraming lumpo, at pilay, ang pinagaling.

At nagkaroon ng malaking kagalakan sa bayang yaon.

Datapuwa't may isang tao, na nagngangalang Simon, na nang unang panaho'y nanggagaway sa bayan, at pinahahanga ang mga tao sa Samaria, at nagsasabing siya'y isang dakila:

10 Na siyang pinakikinggan nilang lahat, buhat sa kaliitliitan hanggang sa kadakidakilaan, na sinasabi, Ang taong ito ang siyang kapangyarihan ng Dios na tinatawag na Dakila.

11 At siya'y pinakinggan nila, sapagka't mahabang panahong pinahahanga niya sila ng kaniyang mga panggagaway.

12 Datapuwa't nang magsipaniwala sila kay Felipe na nangangaral ng mabubuting balita tungkol sa kaharian ng Dios at sa pangalan ni Jesucristo, ay nangabautismuhan ang mga lalake't mga babae.

13 At si Simon man ay naniwala rin: at nang mabautismuhan na, ay nanatili siyang kasama ni Felipe; at nang makakita ng mga tanda at ng mga dakilang himalang ginawa, ay napahanga siya.

14 Nang mabalitaan nga ng mga apostol na nangasa Jerusalem na tinanggap ng Samaria ang salita ng Dios, ay sinugo nila sa kanila si Pedro at si Juan:

15 Na nang sila'y makalusong, ay ipinanalangin nila sila, upang kanilang tanggapin ang Espiritu Santo.

16 Sapagka't ito'y hindi pa bumababa sa kanino man sa kanila: kundi sila'y nangabautismuhan lamang sa pangalan ng Panginoong Jesus.

17 Nang magkagayo'y ipinatong sa kanila ang kanilang mga kamay, at kanilang tinanggap ang Espiritu Santo.

18 Nang makita nga ni Simon na sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng mga apostol ay ibinigay ang Espiritu Santo, ay inalok niya sila ng salapi,

19 Na sinasabi, Bigyan naman ninyo ako ng kapangyarihang ito, upang sinomang patungan ko ng aking mga kamay, ay tumanggap ng Espiritu Santo.

20 Datapuwa't sinabi sa kaniya ni Pedro, Ang iyong salapi'y mapahamak na kasama mo, sapagka't inisip mong tamuhin ang kaloob ng Dios sa pamamagitan ng salapi.

21 Wala kang bahagi ni kapalaran man sa bagay na ito: sapagka't ang puso mo'y hindi matuwid sa harap ng Dios.

22 Magsisi ka nga sa kasamaan mong ito, at manalangin ka sa Panginoon, baka sakaling ipatawad sa iyo ang pagiisip ng iyong puso.

23 Sapagka't nakikita kong ikaw ay nasa apdo ng kapaitan at sa tali ng katampalasanan.

24 At sumagot si Simon at sinabi, Ipanalangin ninyo ako sa Panginoon, upang huwag mangyari sa akin ang alin mang bagay sa mga sinasabi ninyo.

25 Sila nga, nang makapagpatotoo at masabi na nila ang salita ng Panginoon, ay nangagbalik sa Jerusalem, at ipinangaral ang evangelio sa maraming nayon ng mga Samaritano.

26 Datapuwa't nagsalita kay Felipe ang isang anghel ng Panginoon, na nagsasabi, Magtindig ka, at ikaw ay pumaroon sa dakong timugan, sa daang palusong mula sa Jerusalem hanggang sa Gaza: na ito'y ilang.

27 At siya'y nagtindig at yumaon: at narito, ang isang lalaking taga Etiopia, isang bating na may dakilang kapamahalaan na sakop ni Candace, reina ng mga Etiope, na siyang namamahala ng lahat niyang kayamanan, at siya'y naparoon sa Jerusalem upang sumamba;

28 At siya'y pabalik at nakaupo sa kaniyang karo, at binabasa ang propeta Isaias.

29 At sinabi kay Felipe ng Espiritu, Lumapit ka, at makisama sa karong ito.

30 At tumakbo si Felipeng patungo sa kaniya, at napakinggan niyang binabasa si Isaias na propeta, at sinabi, Nauunawa mo baga ang binabasa mo?

31 At sinabi niya, Paanong magagawa ko, maliban nang may pumatnubay sa aking sinoman? At pinakiusapan niya si Felipe na pumanhik at maupong kasama niya.

32 Ang dako nga ng kasulatan na binabasa niya ay ito, Siya'y gaya ng tupa na dinala sa patayan; At kung paanong hindi umimik ang kordero sa harap ng manggugupit sa kaniya, Gayon din hindi niya binubuka ang kaniyang bibig:

33 Sa kaniyang pagpapakababa'y inalis ang kaniyang paghuhukom. Sino ang maghahayag ng kaniyang lahi? Sapagka't inalis sa lupa ang kaniyang buhay.

34 At sumagot ang bating kay Felipe, at sinabi, Ipinamamanhik ko sa iyo, kanino sinasabi ng propeta ito? sa kaniya bagang sarili, o sa alin mang iba?

35 At binuka ni Felipe ang kaniyang bibig, at pagpapasimula sa kasulatang ito, ay ipinangaral sa kaniya si Jesus.

36 At sa pagpapatuloy sa daan, ay nagsidating sila sa dakong may tubig; at sinabi ng bating, Narito, ang tubig; ano ang nakahahadlang upang ako'y mabautismuhan?

37 At sinabi ni Felipe Kung nanampalataya ka ng buong puso ay mangyayari. At sumagot siya at sinabi: Sumasampalataya ako na si Jesu-Cristo ay Anak ng Dios.

38 At ipinagutos niyang itigil ang karo: at sila'y kapuwa lumusong sa tubig, si Felipe at ang bating; at kaniyang binautismuhan siya.

39 At nang magsiahon sila sa tubig, ay inagaw si Felipe ng Espiritu ng Panginoon; at hindi na siya nakita ng bating, sapagka't ipinagpatuloy niya ang kaniyang lakad na natutuwa.

40 Nguni't nasumpungan si Felipe sa Azoto: at sa pagdadaan ay ipinangaral niya ang evangelio sa lahat ng mga bayan, hanggang sa dumating siya sa Cesarea.

Datapuwa't si Saulo, na sumisilakbo pa ng mga pagbabanta at pagpatay laban sa mga alagad ng Panginoon, ay naparoon sa dakilang saserdote,

At humingi sa kaniya ng mga sulat sa Damasco sa mga sinagoga, upang kung siya'y makasumpong ng sinoman sa mga nasa Daan, maging mga lalake o mga babae, ay kaniya silang madalang gapos sa Jerusalem.

At sa kaniyang paglalakad, ay nangyari na siya'y malapit sa Damasco: at pagdaka'y nagliwanag sa palibot niya ang isang ilaw mula sa langit:

At siya'y nasubasob sa lupa, at nakarinig ng isang tinig na sa kaniya'y nagsasabi, Saulo, Saulo, bakit mo ako pinaguusig?

At sinabi niya, Sino ka baga, Panginoon? At sinabi niya, Ako'y si Jesus na iyong pinaguusig:

Nguni't magtindig ka, at ikaw ay pumasok sa bayan, at sasalitain sa iyo ang dapat mong gawin.

At ang mga taong kasama niya sa paglalakad ay nangatilihan na hindi makapagsalita, na naririnig ang tinig, datapuwa't walang nakikitang sinoman.

At nagtindig sa lupa si Saulo; at pagkadilat ng kaniyang mga mata, ay di siya nakakita ng anoman; at kanilang inakay siya sa kamay at ipinasok siya sa Damasco.

At siya'y tatlong araw na walang paningin, at hindi kumain ni uminom man.

10 Ngayon nga'y may isang alagad sa Damasco, na nagngangalang Ananias; at sinabi sa kaniya ng Panginoon sa pangitain, Ananias. At sinabi niya, Narito ako, Panginoon.

11 At sinabi sa kaniya ng Panginoon, Magtindig ka, at pumaroon sa lansangang tinatawag na Matuwid, at ipagtanong mo sa bahay ni Judas ang isa na nagngangalang Saulo, lalaking taga Tarso: sapagka't narito, siya'y nananalangin;

12 At nakita niya ang isang lalaking nagngangalang Ananias na pumapasok, at ipinapatong ang kaniyang mga kamay sa kaniya, upang tanggapin niya ang kaniyang paningin.

13 Nguni't sumagot si Ananias, Panginoon, nabalitaan ko sa marami ang tungkol sa taong ito, kung gaano karaming kasamaan ang ginawa niya sa iyong mga banal sa Jerusalem:

14 At dito siya'y may kapahintulutan ng mga pangulong saserdote na gapusin ang lahat ng mga nagsisitawag sa iyong pangalan.

15 Datapuwa't sinabi sa kaniya ng Panginoon, Pumaroon ka: sapagka't siya'y sisidlang hirang sa akin, upang dalhin ang aking pangalan sa harapan ng mga Gentil at ng mga hari, at ng mga anak ni Israel:

16 Sapagka't sa kaniya'y aking ipakikilala kung gaano karaming mga bagay ang dapat niyang tiisin dahil sa aking pangalan.

17 At umalis si Ananias at pumasok sa bahay; at ipinatong ang kaniyang mga kamay sa kaniya na sinabi, Kapatid na Saulo, ang Panginoon, sa makatuwid baga'y si Jesus, na sa iyo'y napakita sa daan na iyong pinanggalingan, ay nagsugo sa akin, upang tanggapin mo ang iyong paningin, at mapuspos ka ng Espiritu Santo.

18 At pagdaka'y nangalaglag mula sa kaniyang mga mata ang mga parang kaliskis, at tinanggap niya ang kaniyang paningin; at siya'y nagtindig at siya'y binautismuhan;

19 At siya'y kumain at lumakas. At siya'y nakisamang ilang araw sa mga alagad na nangasa Damasco.

20 At pagdaka'y kaniyang itinanyag sa mga sinagoga si Jesus, na siya ang Anak ng Dios.

21 At ang lahat ng sa kaniya'y nakarinig ay namangha, at nangagsabi, Hindi baga ito yaong sa Jerusalem ay lumipol sa mga nagsitawag sa pangalang ito? at sa ganitong nasa ay naparito siya, upang sila'y dalhing gapos sa harap ng mga pangulong saserdote.

22 Datapuwa't lalo nang lumakas ang loob ni Saulo, at nilito ang mga Judio na nangananahan sa Damasco, na pinatutunayan na ito ang Cristo.

23 At nang maganap ang maraming mga araw, ay nangagsanggunian ang mga Judio upang siya'y patayin:

24 Datapuwa't napagtalastas ni Saulo ang kanilang banta. At kanilang binantayan naman ang mga pintuang daan sa araw at gabi upang siya'y kanilang patayin:

25 Nguni't kinuha siya sa gabi ng kaniyang mga alagad, at siya'y ibinaba sa kuta na siya'y inihugos na nasa isang balaong.

26 At nang siya'y dumating sa Jerusalem, ay pinagsikapan niyang makipisan sa mga alagad: at silang lahat ay nangatakot sa kaniya, sa di paniniwala na siya'y alagad,

27 Datapuwa't kinuha siya ni Bernabe, at siya'y iniharap sa mga apostol, at sa kanila'y isinaysay kung paanong nakita niya sa daan ang Panginoon, at kinausap siya, at kung paanong siya'y nangaral sa Damasco na may katapangan sa pangalan ni Jesus.

28 At siya'y kasamasama nila, na pumapasok at lumalabas sa Jerusalem,

29 Na nangangaral na may katapangan sa pangalan ng Panginoon: at siya'y nagsalita at nakipagtuligsaan sa mga Greco-Judio; datapuwa't pinagpipilitan nilang siya'y mapatay.

30 At nang maalaman ito ng mga kapatid, ay inihatid nila siya sa Cesarea, at siya'y sinugo nila sa Tarso.

31 Sa gayo'y nagkaroon ng kapayapaan ang iglesia sa buong Judea at Galilea at Samaria palibhasa'y pinagtibay; at, sa paglakad na may takot sa Panginoon at may kaaliwan ng Espiritu Santo, ay nagsisidami.

32 At nangyari, na sa paglalakad ni Pedro sa lahat ng dako, siya'y naparoon naman sa mga banal na nangananahan sa Lidda.

33 At doo'y natagpuan niya ang isang lalake na nagngangalang Eneas, na walo nang taong sumasabanig; sapagka't siya'y lumpo.

34 At sinabi sa kaniya ni Pedro, Eneas, pinagagaling ka ni Jesucristo: magtindig ka, at husayin mo ang iyong higaan. At pagdaka'y nagtindig siya.

35 At siya'y nakita ng lahat ng mga nangananahan sa Lidda at sa Sarona, at sila'y nangagbalik-loob sa Panginoon.

36 Ngayon ay may isang alagad sa Joppe na nagngangalang Tabita, na ang kahuluga'y Dorcas: ang babaing ito'y puspos ng mabubuting gawa at ng pagkaawang gawa na kaniyang ginagawa.

37 At nangyari nang mga araw na yaon, na siya'y nagkasakit, at namatay: at nang siya'y mahugasan na nila, ay kanilang ibinurol siya sa isang silid sa itaas.

38 At sapagka't malapit ang Lidda sa Joppe, pagkabalita ng mga alagad na si Pedro ay naroroon, ay nangagsugo sa kaniya ng dalawa katao, na ipinamamanhik sa kaniya, Huwag kang magluwat ng pagparito sa amin.

39 At nagtindig si Pedro at sumama sa kanila. At pagdating niya, ay inihatid nila sa silid sa itaas: at siya'y niligid ng lahat ng mga babaing bao, na nagsisitangis, at ipinakikita ang mga tunika at ang mga damit na ginawa ni Dorcas, nang ito'y kasama pa nila.

40 Datapuwa't pinalabas silang lahat ni Pedro, at lumuhod, at nanalangin; at pagbaling sa bangkay ay kaniyang sinabi, Tabita, magbangon ka. At iminulat niya ang kaniyang mga mata, at nang makita niya si Pedro, ay naupo siya.

41 At iniabot ni Pedro sa kaniya ang kaniyang kamay, at siya'y itinindig; at tinawag ang mga banal at ang mga babaing bao, at siya'y iniharap niyang buhay.

42 At ito'y nabansag sa buong Joppe: at marami ang mga nagsisampalataya sa Panginoon.

43 At nangyari, na siya'y nanahang maraming mga araw sa Joppe, na kasama ni Simong mangluluto ng balat.

10 At may isang lalake nga sa Cesarea, na nagngangalang Cornelio, senturion ng pulutong na tinatawag na pulutong Italiano.

Isang taong masipag sa kabanalan at matatakutin sa Dios siya at ang buong sangbahayan at naglimos ng marami sa mga tao, at laging nananalangin sa Dios.

Nakita niyang maliwanag, sa isang pangitain, nang may oras na ikasiyam ng araw, na pumapasok na patungo sa kaniya ang isang anghel ng Dios, at nagsasabi sa kaniya, Cornelio.

At siya, sa pagtitig niya sa kaniya, at sa pagkatakot niya, ay nagsabi, Ano ito, Panginoon? At sinabi niya sa kaniya, Ang mga panalangin mo at ang iyong mga paglilimos ay nangapailanglang na isang alaala sa harapan ng Dios.

At ngayo'y magsugo ka ng mga tao sa Joppe, at ipagsama mo yaong Simon, na may pamagat na Pedro;

Siya'y nanunuluyan sa isa na Simong mangluluto ng balat, na ang kaniyang bahay ay nasa tabi ng dagat.

At nang umalis ang anghel na sa kaniya'y nagsalita, ay tumawag siya ng dalawa sa kaniyang mga alila, at ng isang kawal na masipag sa kabanalan sa mga nagsisipaglingkod sa kaniyang parati;

At nang maisaysay na sa kanila ang lahat ng mga bagay, sila'y sinugo niya sa Joppe.

Nang kinabukasan nga samantalang sila'y patuloy sa kanilang paglalakad, at nang malapit na sa bayan, si Pedro ay umakyat sa ibabaw ng bahay upang manalangin, nang may oras na ikaanim;

10 At siya'y nagutom at nagnais kumain: datapuwa't samantalang nangaghahanda sila, ay nawalan siya ng diwa;

11 At nakita niyang bukas ang langit, at may isang sisidlang bumababa, gaya ng isang malapad na kumot, na nakabitin sa apat na panulok na bumababa sa lupa:

12 Na doo'y naroroon ang lahat ng uri ng mga hayop na may apat na paa at ang mga nagsisigapang sa lupa at ang mga ibon sa langit.

13 At dumating sa kaniya ang isang tinig, Magtindig ka, Pedro; magpatay ka at kumain.

14 Datapuwa't sinabi ni Pedro, Hindi maaari, Panginoon; sapagka't kailan ma'y hindi ako kumain ng anomang bagay na marumi at karumaldumal.

15 At muling dumating sa kaniya ang tinig sa ikalawa, Ang nilinis ng Dios, ay huwag mong ipalagay na marumi.

16 At ito'y nangyaring makaitlo: at pagdaka'y binatak sa langit ang sisidlan.

17 Samantalang natitilihang totoo si Pedro sa kaniyang sarili, kung ano ang kahulugan ng pangitaing kaniyang nakita, narito, ang mga taong sinugo ni Cornelio, nang maipagtanong ang bahay ni Simon, ay nangagsitayo sa harapan ng pintuan.

18 At nangagsitawag at nangagtanong kung si Simon, na pinamagatang Pedro, ay nanunuluyan doon.

19 At samantalang iniisip ni Pedro ang tungkol sa pangitain, ay sinabi sa kaniya ng Espiritu, Narito, hinahanap ka ng tatlong tao.

20 Datapuwa't magtindig ka, at manaog ka, at sumama ka sa kanila, na huwag kang magalinlangan ng anoman: sapagka't sila'y aking sinugo.

21 At pinanaog ni Pedro ang mga tao, at sinabi, Narito, ako ang hinahanap ninyo: ano baga ang dahil ng inyong ipinarito?

22 At sinabi nila, Ang senturiong si Cornelio, na taong matuwid at matatakutin sa Dios, at may mabuting patotoo ng buong bansa ng mga Judio, ay pinagpaunawaan ng Dios sa pamamagitan ng isang banal na anghel na ikaw ay paparoonin sa kaniyang bahay, at upang makarinig sa iyo ng mga salita.

23 Kaya't sila'y pinapasok at pinatuloy sila. At nang kinabukasa'y nagbangon siya at umalis na kasama nila, at siya'y sinamahan ng ilang kapatid na mula sa Joppe.

24 At nang kinabukasa'y nagsipasok sila sa Cesarea. At sila'y hinihintay ni Cornelio, na tinipon nito ang kaniyang kamaganakan at ang kaniyang mga kaibigang minamahal.

25 At nangyari, na pagpasok ni Pedro, ay sinalubong siya ni Cornelio, at nagpatirapa sa kaniyang paanan, at siya'y sinamba.

26 Datapuwa't itinindig siya ni Pedro, na sinasabi, Magtindig ka; ako man ay tao rin.

27 At sa pakikipagsalitaan niya sa kaniya, ay pumasok siya, at kaniyang naratnan ang maraming nangagkakatipon:

28 At sinabi niya sa kanila, Nalalaman ninyo na hindi matuwid sa isang taong Judio na makisama lumapit sa isang taga ibang bansa; at gayon ma'y ipinakilala sa akin ng Dios, na sinomang tao'y huwag kong tawaging marumi o karumaldumal:

29 Dahil din dito'y naparito akong hindi tumutol ng anoman, nang ako'y ipasundo. Itinatanong ko nga kung sa anong kadahilanan ipinasundo ninyo ako.

30 At sinabi ni Cornelio, May apat nang araw, hanggang sa oras na ito, na aking ginaganap ang pananalangin sa oras na ikasiyam sa bahay ko; at narito, tumindig sa harapan ko ang isang lalake na may pananamit na nagniningning,

31 At sinabi, Cornelio, dininig ang dalangin mo, at ang iyong mga paglilimos ay inaalaala sa paningin ng Dios.

32 Magsugo ka nga sa Joppe, at ipatawag mo si Simon, na pinamagatang Pedro; siya'y nanunuluyan sa bahay ni Simong mangluluto ng balat, na nasa tabi ng dagat.

33 Pagdaka nga'y nagsugo ako sa iyo; at mabuti ang ginawa mo't naparito ka. Ngayon nga'y kaming lahat ay nangaririto sa paningin ng Dios, upang dinggin ang lahat ng mga bagay na sa iyo'y ipinagutos ng Panginoon.

34 At binuka ni Pedro ang kaniyang bibig, at sinabi, Tunay ngang natatalastas ko na hindi nagtatangi ang Dios ng mga tao:

35 Kundi sa bawa't bansa siya na may takot sa kaniya, at gumagawa ng katuwiran, ay kalugodlugod sa kaniya.

36 Ang salita na kaniyang ipinadala sa mga anak ni Israel, na ipinangangaral ang evangelio ng kapayapaan sa pamamagitan ni Jesucristo (siya'y Panginoon ng lahat:)

37 Talastas ninyo ang salitang ito na nahayag sa buong Judea, magbuhat sa Galilea, pagkatapos ng bautismo na ipinangaral ni Juan;

38 Sa makatuwid baga'y si Jesus na taga Nazaret, kung paanong siya'y pinahiran ng Dios ng Espiritu Santo at ng kapangyarihan: na naglilibot na gumagawa ng mabuti, at nagpapagaling sa lahat ng mga pinahihirapan ng diablo; sapagka't sumasa kaniya ang Dios.

39 At mga saksi kami sa lahat ng mga bagay na ginawa niya sa lupain ng mga Judio, at sa Jerusalem; na siya nama'y kanilang pinatay, na siya'y ibinitin sa isang punong kahoy.

40 Siya'y muling binuhay ng Dios nang ikatlong araw, at siya'y itinalagang mahayag.

41 Hindi sa buong bayan, kundi sa mga saksi na hinirang ng Dios nang una, sa makatuwid baga'y sa amin, na nagsikain at nagsiinom na kasalo niya, pagkatapos na siya'y muling mabuhay sa mga patay.

42 At sa ami'y ipinagbilin niya na magsipangaral kami sa bayan, at saksihan na siya ang itinalaga ng Dios na maging Hukom ng mga buhay at ng mga patay.

43 Siya ang pinatotohanan ng lahat ng mga propeta, na ang bawa't sumasampalataya sa kaniya ay magkakamit ng kapatawaran sa mga kasalanan sa pamamagitan ng kaniyang pangalan.

44 Samantalang nagsasalita pa si Pedro ng mga salitang ito, ay bumaba ang Espiritu Santo sa lahat ng nangakikinig ng salita.

45 At silang sa pagtutuli na nagsisampalataya ay nangamanghang lahat na nagsiparoong kasama ni Pedro, sapagka't ibinuhos din naman sa mga Gentil ang kaloob na Espiritu Santo.

46 Sapagka't nangarinig nilang nangagsasalita ang mga ito ng mga wika, at nangagpupuri sa Dios. Nang magkagayo'y sumagot si Pedro,

47 Mangyayari bagang hadlangan ng sinoman ang tubig, upang huwag mangabautismuhan itong mga nagsitanggap ng Espiritu Santo na gaya naman natin?

48 At inutusan niya sila na magsipagbautismo sa pangalan ni Jesucristo. Nang magkagayo'y kanilang ipinamanhik sa kaniya na matirang mga ilang araw.

11 Nabalitaan nga ng mga apostol at ng mga kapatid na nangasa Judea na nagsitanggap din naman ang mga Gentil ng salita ng Dios.

At nang umahon si Pedro sa Jerusalem, ay nakipagtalo sa kaniya ang mga sa pagtutuli,

Na nagsisipagsabi, Nakisalamuha ka sa mga taong hindi tuli, at kumain kang kasalo nila.

Datapuwa't si Pedro ay nagpasimula, at ang kadahilanan ay isinaysay sa kanilang sunodsunod na sinasabi,

Ako'y nananalangin sa bayan ng Joppe: at sa kawalan ng diwa'y nakakita ako ng isang pangitain, na may isang sisidlang bumababa, na gaya ng isang malapad na kumot, na inihuhugos mula sa langit na nakabitin sa apat na sulok; at dumating hanggang sa akin:

At nang yao'y aking titigan, ay pinagwari ko, at aking nakita ang mga hayop na may apat na paa sa lupa at mga hayop na ganid at ang mga nagsisigapang at mga ibon sa langit.

At nakarinig din naman ako ng isang tinig na nagsasabi sa akin, Magtindig ka, Pedro; magpatay ka at kumain.

Datapuwa't sinabi ko, Hindi maaari, Panginoon: sapagka't kailan man ay walang anomang pumasok sa aking bibig na marumi o karumaldumal.

Nguni't sumagot na ikalawa ang tinig mula sa langit, Ang nilinis ng Dios, ay huwag mong ipalagay na marumi.

10 At ito'y nangyaring makaitlo: at muling binatak ang lahat sa langit.

11 At narito, pagdaka'y nangagsitayo sa tapat ng bahay na aming kinaroroonan, ang tatlong lalake na mga sinugo sa akin buhat sa Cesarea.

12 At iniutos sa akin ng Espiritu na ako'y sumama sa kanila, na huwag magtangi. At nagsisama naman sa akin itong anim na kapatid; at nagsipasok kami sa bahay ng lalaking yaon:

13 At kaniyang isinaysay sa amin kung paanong nakita niya ang anghel na nakatindig sa kaniyang bahay, at nagsasabi, Magsugo ka sa Joppe, at ipagsama mo si Simon, na may pamagat na Pedro;

14 Na siyang magsasaysay sa iyo ng mga salita, na ikaliligtas mo, ikaw at ng buong sangbahayan mo.

15 At nang ako'y magpasimulang magsalita, ay bumaba sa kanila ang Espiritu Santo, na gaya naman ng pagbaba sa atin nang una.

16 At naalaala ko ang salita ng Panginoon, kung paanong sinabi niya, Tunay na si Juan ay nagbautismo ng tubig; datapuwa't kayo'y babautismuhan sa Espiritu Santo.

17 Kung ibinigay nga sa kanila ng Dios ang gayon ding kaloob na gaya naman ng kaniyang ibinigay sa atin, nang tayo'y nagsisisampalataya sa Panginoong Jesucristo, sino baga ako, na makahahadlang sa Dios?

18 At nang marinig nila ang mga bagay na ito, ay nagsitahimik sila, at niluwalhati ang Dios, na sinasabi, Kung gayo'y binigyan din naman ng Dios ang mga Gentil ng pagsisisi sa ikabubuhay.

19 Yaon ngang nagsipangalat sa ibang lupain dahil sa kapighatian na nangyari tungkol kay Esteban ay nangaglakbay hanggang sa Fenicia, at sa Chipre, at sa Antioquia, na hindi nagsaysay kanino man ng salita kundi sa mga Judio lamang.

20 Datapuwa't may ilan sa kanila, mga taong taga Chipre at taga Cirene, na, nang sila'y magsidating sa Antioquia, ay nangagsalita naman sa mga Griego, na ipinangangaral ang Panginoong Jesus.

21 At sumasa kanila ang kamay ng Panginoon: at ang lubhang marami sa nagsisisampalataya ay nangagbalik-loob sa Panginoon.

22 At dumating ang balita tungkol sa kanila sa mga tainga ng iglesia na nasa Jerusalem: at kanilang sinugo si Bernabe hanggang sa Antioquia:

23 Na, nang siya'y dumating, at makita ang biyaya ng Dios, ay nagalak; at kaniyang inaralan ang lahat, na sa kapasiyahan ng puso ay magsipanatili sa Panginoon:

24 Sapagka't siya'y lalaking mabuti, at puspos ng Espiritu Santo at ng pananampalataya: at maraming tao ang nangaparagdag sa Panginoon.

25 At siya'y naparoon sa Tarso upang hanapin si Saulo;

26 At nang siya'y kaniyang masumpungan ay kaniyang dinala siya sa Antioquia. At nangyari, na sa buong isang taon sila'y nakisama sa iglesia, at nagsipagturo sa maraming tao; at ang mga alagad ay pinasimulang tawaging mga Cristiano, sa Antioquia.

27 Nang mga araw ngang ito ay may lumusong sa Antioquia na mga propetang galing sa Jerusalem.

28 At nagtindig ang isa sa kanila na nagngangalang Agabo, at ipinaalam sa pamamagitan ng Espiritu na magkakagutom ng malaki sa buong sanglibutan: na nangyari nang mga kaarawan ni Claudio.

29 At ang mga alagad, ayon sa kaya ng bawa't isa, ay nangagpasiyang magpadala ng saklolo sa mga kapatid na nangananahan sa Judea:

30 Na siya nga nilang ginawa, na ipinadala nila sa mga matanda sa pamamagitan ng kamay ni Bernabe at ni Saulo.

12 Nang panahon ngang yaon ay iniunat ni Herodes ang kaniyang mga kamay upang pahirapan ang ilan sa iglesia.

At pinatay niya sa tabak si Santiago na kapatid ni Juan.

At nang makita niya na ito'y ikinatutuwa ng mga Judio, ay kaniya namang ipinagpatuloy na hulihin si Pedro. At noo'y mga araw ng mga tinapay na walang lebadura.

At nang siya'y mahuli na niya, ay kaniyang inilagay siya sa bilangguan at siya'y ibinigay sa apat na tigaapat na kawal upang siya'y bantayan; na inaakalang siya'y iharap sa bayan pagkatapos ng Paskua.

Kaya nga't si Pedro ay iningatan sa bilangguan: datapuwa't ang iglesia ay maningas na dumalangin sa Dios patungkol sa kaniya.

At nang siya'y malapit nang ilabas ni Herodes, nang gabi ring yaon ay natutulog si Pedro sa gitna ng dalawang kawal, na nagagapos ng dalawang tanikala: at ang mga bantay sa harap ng pintuan ay nangagbabantay ng bilangguan.

At narito, tumayo sa tabi niya ang isang anghel ng Panginoon, at lumiwanag ang isang ilaw sa silid na kulungan: at tinapik si Pedro sa tagiliran, at siya'y ginising, na sinasabi, Magbangon kang madali. At nangalaglag ang kaniyang mga tanikala sa kaniyang mga kamay.

At sinabi sa kaniya ng anghel, Magbigkis ka, at itali mo ang iyong mga pangyapak. At gayon ang ginawa niya. At sinabi niya sa kaniya. Isuot mo sa iyo ang damit mo, at sumunod ka sa akin.

At siya'y lumabas, at sumunod; at hindi niya nalalaman kung tunay ang ginawa ng anghel kundi ang isip niya'y nakakita siya ng isang pangitain.

10 At nang kanilang maraanan na ang una at ang pangalawang bantay, ay nagsirating sila sa pintuang-bakal na patungo sa bayan; na kusang nabuksan sa kanila: at sila'y nagsilabas, at nangagpatuloy sa isang lansangan; at pagdaka'y humiwalay sa kaniya ang anghel.

11 At nang si Pedro ay pagsaulian ng isip, ay kaniyang sinabi, Ngayo'y nalalaman kong sa katotohanan ay sinugo ng Panginoon ang kaniyang anghel at iniligtas ako sa kamay ni Herodes at sa buong pagasa ng bayan ng mga Judio.

12 At nang siya'y makapagnilay na, ay naparoon siya sa bahay ni Maria na ina ni Juan na may pamagat na Marcos; na kinaroroonan ng maraming nangagkakatipon at nagsisipanalangin.

13 At nang siya'y tumuktok sa pintuang-daan, ay lumabas upang sumagot, ang isang dalagang nagngangalang Rode.

14 At nang makilala niya ang tinig ni Pedro, sa tuwa'y hindi niya binuksan ang pintuan, kundi nagtakbo sa loob, ipinagbigay-alam na nakatayo si Pedro sa harap ng pintuan.

15 At kanilang sinabi sa kaniya, Nauulol ka. Datapuwa't buong tiwala niyang pinatunayan na gayon nga. At kanilang sinabi, na yao'y kaniyang anghel.

16 Datapuwa't nanatili si Pedro nang pagtuktok: at nang kanilang buksan, ay nakita nila siya, at sila'y nangamangha.

17 Datapuwa't siya, nang mahudyatan sila ng kaniyang kamay na sila'y tumahimik, ay isinaysay sa kanila kung paanong inilabas siya ng Panginoon sa bilangguan. At sinabi niya, Ipagbigay-alam ninyo ang mga bagay na ito kay Santiago, at sa mga kapatid. At siya'y umalis, at napasa ibang dako.

18 Nang maguumaga na ay hindi kakaunti ang kaguluhang nangyari sa mga kawal, tungkol sa kung anong nangyari kay Pedro.

19 At nang siya'y maipahanap na ni Herodes, at hindi siya nasumpungan, ay siniyasat niya ang mga bantay, at ipinagutos na sila'y patayin. At siya buhat sa Judea ay lumusong sa Cesarea, at doon tumira.

20 At galit na galit nga si Herodes sa mga taga Tiro at taga Sidon: at sila'y nangagkaisang pumaroon sa kaniya, at, nang makaibigan na nila si Blasto na katiwala ng hari, ay kanilang ipinamanhik ang pagkakasundo, sapagka't ang lupain nila'y pinakakain ng lupain ng hari.

21 At isang takdang araw ay nagsuot si Herodes ng damit-hari, at naupo sa luklukan, at sa kanila'y tumalumpati.

22 At ang bayan ay sumigaw, Tinig ng dios, at hindi ng tao.

23 At pagdaka'y sinaktan siya ng isang anghel ng Panginoon, sapagka't hindi niya ibinigay ang kaluwalhatian sa Dios: at siya'y kinain ng mga uod, at nalagot ang hininga.

24 Datapuwa't lumago ang salita ng Dios at dumami.

25 At nagbalik na galing sa Jerusalem si Bernabe at si Saulo, nang maganap na nila ang kanilang ministerio, na kanilang isinama si Juan na may pamagat na Marcos.