Mga Bilang 1:47-14:42
Ang Biblia, 2001
Ang mga Levita ay Hindi Binilang
47 Subalit ang mga Levita ay hindi binilang na kasama ayon sa lipi ng kanilang mga ninuno.
48 Sapagkat sinabi ng Panginoon kay Moises,
49 “Ang lipi lamang ni Levi ang hindi mo bibilangin, ni hindi mo kukunin ang bilang nila sa mga anak ni Israel;
50 kundi itatalaga mo ang mga Levita sa tolda ng patotoo, at sa lahat ng kasangkapan niyon, at sa lahat ng nauukol doon; kanilang dadalhin ang tolda, at ang lahat ng kasangkapan niyon; at kanilang pangangasiwaan at sila'y magkakampo sa palibot ng tolda.
51 Kapag ililipat ang tolda, tatanggalin ito ng mga Levita at kapag itatayo ang tolda ay itatayo ng mga Levita at ang sinumang ibang lumapit ay papatayin.
52 Ang ibang mga Israelita ay magtatayo ng kanilang mga tolda, ayon sa kani-kanilang pangkat.
53 Subalit ang mga Levita ay magkakampo sa palibot ng tolda ng patotoo, upang huwag magkaroon ng poot sa sambayanan ng mga anak ni Israel. Ang mga Levita ang mangangasiwa ng tolda ng patotoo.”
54 Gayon ang ginawa ng mga anak ni Israel ayon sa lahat na iniutos ng Panginoon kay Moises.
Ang Bilang, mga Kampo, at mga Pinuno ng Bawat Anak ni Israel
2 Nagsalita ang Panginoon kay Moises at kay Aaron, na sinasabi,
2 “Ang mga anak ni Israel ay magkakampo, bawat lalaki sa tabi ng kanyang sariling watawat, na may sagisag ng mga sambahayan ng kanyang mga ninuno; magkakampo sila na nakaharap sa toldang tipanan sa palibot nito.
3 Ang magkakampo sa silangan, sa dakong sinisikatan ng araw, ay ang kabilang sa watawat ng kampo ng Juda, ayon sa kanilang mga pangkat. Ang magiging pinuno sa mga anak ni Juda ay si Naashon na anak ni Aminadab.
4 Ang kanyang pangkat ayon sa nabilang sa kanila ay pitumpu't apat na libo at animnaraan.
5 Ang magkakampo sa tabi niya ay ang lipi ni Isacar; at ang magiging pinuno sa mga anak ni Isacar ay si Natanael na anak ni Suar.
6 Ang kanyang pangkat ayon sa nabilang doon ay limampu't apat na libo at apatnaraan.
7 Sa lipi ni Zebulon ang magiging pinuno sa mga anak ni Zebulon ay si Eliab na anak ni Helon,
8 at ang kanyang pangkat ayon sa nabilang doon ay limampu't pitong libo at apatnaraan.
9 Lahat ng nabilang sa kampo ng Juda ay isandaan at walumpu't anim na libo at apatnaraan, ayon sa kanilang mga pangkat. Sila ang unang susulong.
10 “Sa dakong timog ay ang watawat ng kampo ng Ruben, ayon sa kanilang mga pangkat, at ang magiging pinuno ng mga anak ni Ruben ay si Elisur na anak ni Sedeur.
11 Ang kanyang pangkat ayon sa bilang ay apatnapu't anim na libo at limang daan.
12 Ang magkakampo sa tabi niya ay ang lipi ni Simeon at ang magiging pinuno sa mga anak ni Simeon ay si Selumiel na anak ni Zurishadai.
13 Ang kanyang pangkat at ang nabilang sa kanila ay limampu't siyam na libo at tatlong daan.
14 Kasunod ang lipi ni Gad at ang magiging pinuno sa mga anak ni Gad ay si Eliasaf na anak ni Reuel:[a]
15 Ang kanyang pangkat, at ang nabilang sa kanila ay apatnapu't limang libo animnaraan at limampu.
16 Lahat ng nabilang sa kampo ni Ruben ay isandaan at limampu't isang libo apatnaraan at limampu, ayon sa kanilang mga pangkat. Sila ang pangalawang susulong.
17 “Kung magkagayon, ang toldang tipanan ay susulong na kasama ng pangkat ng mga Levita sa gitna ng mga kampo, ayon sa kanilang pagkakampo ay gayon sila susulong, na bawat lalaki ay sa kanya-kanyang lugar ayon sa kanilang mga watawat.
18 “Sa dakong kanluran ay ang watawat ng kampo ng Efraim, ayon sa kanilang mga pangkat, at ang magiging pinuno sa mga anak ni Efraim ay si Elisama na anak ni Amihud.
19 Ang kanyang pangkat, at ang nabilang sa kanila ay apatnapung libo at limang daan.
20 Katabi niya ang lipi ni Manases at ang magiging pinuno sa mga anak ni Manases ay si Gamaliel na anak ni Pedasur.
21 Ang kanyang pangkat, at ang nabilang sa kanila ay tatlumpu't dalawang libo at dalawandaan.
22 Ang lipi ni Benjamin at ang magiging pinuno sa mga anak ni Benjamin ay si Abidan na anak ni Gideoni.
23 Ang kanyang pangkat, at ang nabilang sa kanila ay tatlumpu't limang libo at apatnaraan.
24 Ang lahat na nabilang sa kampo ng Efraim ay isandaan walong libo at isandaan, ayon sa kanilang mga pangkat. At sila ang pangatlong susulong.
25 “Sa dakong hilaga ay ilalagay ang watawat ng kampo ng Dan, ayon sa kanilang mga pangkat at ang magiging pinuno sa mga anak ni Dan ay si Ahiezer na anak ni Amisadai.
26 Ang kanilang pangkat, at ang nabilang sa kanila ay animnapu't dalawang libo at pitong daan.
27 Ang magkakampo na katabi niya ay ang lipi ni Aser; ang magiging pinuno sa mga anak ni Aser ay si Fegiel na anak ni Ocran.
28 Ang kanyang pangkat, at ang nabilang sa kanila ay apatnapu't isang libo at limang daan.
29 Kasunod ang lipi ni Neftali at ang magiging pinuno sa mga anak ni Neftali ay si Ahira na anak ni Enan.
30 Ang kanyang pangkat, at ang nabilang sa kanila ay limampu't tatlong libo at apatnaraan.
31 Ang lahat na nabilang sa kampo ng Dan, ay isandaan at limampu't pitong libo at animnaraan. Sila ang huling susulong, ayon sa kanilang mga watawat.”
32 Ito ang nabilang sa mga anak ni Israel, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno: ang lahat na nabilang sa mga kampo, ayon sa kanilang mga pangkat ay animnaraan at tatlong libo limang daan at limampu.
33 Subalit ang mga Levita ay hindi binilang na kasama ng mga anak ni Israel gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
34 Gayon ang ginawa ng mga anak ni Israel; ayon sa lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises ay gayon sila nagkampo sa tabi ng kanilang mga watawat, at gayon sila sumulong, na bawat isa'y ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno.
Ang mga Pari at Levita ay Ibinukod
3 Ito ang mga salinlahi nina Aaron at Moises, nang araw na magsalita ang Panginoon kay Moises sa bundok ng Sinai.
2 Ito(A) ang mga pangalan ng mga anak ni Aaron: si Nadab ang panganay, kasunod sina Abihu, Eleazar, at Itamar.
3 Ito ang mga pangalan ng mga anak ni Aaron, na mga paring binuhusan ng langis, na kanyang itinalaga upang maglingkod bilang mga pari.
4 Subalit(B) sina Nadab at Abihu ay namatay sa harap ng Panginoon nang sila'y maghandog ng kakaibang apoy sa harap ng Panginoon sa ilang ng Sinai, at sila'y walang anak. Kaya't sina Eleazar at Itamar ay nanungkulan bilang mga pari sa harap ni Aaron na kanilang ama.
5 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
6 “Ilapit mo ang lipi ni Levi, at ilagay mo sila sa harap ng paring si Aaron upang sila'y maglingkod sa kanya.
7 Kanilang gaganapin ang katungkulan para sa kanya, at sa buong sambayanan sa harap ng toldang tipanan habang sila'y naglilingkod sa tabernakulo.
8 At kanilang iingatan ang lahat ng kasangkapan ng toldang tipanan at ang katungkulan ng mga anak ni Israel habang sila'y naglilingkod sa tabernakulo.
9 Iyong ibibigay ang mga Levita kay Aaron at sa kanyang mga anak. Sila'y lubos na ibinigay sa kanya mula sa mga anak ni Israel.
10 Iyong itatalaga si Aaron at ang kanyang mga anak, at kanilang gaganapin ang kanilang pagkapari; at ang ibang lalapit ay papatayin.”
11 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
12 “Kinuha ko ang mga Levita mula sa mga anak ni Israel sa halip na ang mga panganay na nagbubukas ng bahay-bata sa mga anak ni Israel. Ang mga Levita ay magiging akin.
13 Lahat(C) ng mga panganay ay akin, nang araw na aking lipulin ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Ehipto ay aking itinalaga para sa akin ang lahat ng mga panganay sa Israel, maging tao at hayop man. Sila'y magiging akin; ako ang Panginoon.”
Ang Bilang at Katungkulan ng mga Levita
14 Nagsalita ang Panginoon kay Moises sa ilang ng Sinai, na sinasabi,
15 “Bilangin mo ang mga anak ni Levi, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, at mga angkan; bawat lalaki mula isang buwang gulang pataas ay bibilangin mo.”
16 Kaya't sila'y binilang ni Moises ayon sa salita ng Panginoon, gaya ng iniutos sa kanya.
17 Ito ang mga naging anak ni Levi ayon sa kanilang mga pangalan: sina Gershon, Kohat, at Merari.
18 Ito ang mga pangalan ng mga anak ni Gershon ayon sa kanilang mga angkan: si Libni at si Shimei.
19 Ang mga anak ni Kohat ayon sa kanilang mga angkan ay sina Amram, Izar, Hebron, at Uziel.
20 Ang mga anak ni Merari ayon sa kanilang mga angkan ay sina Mahli at Musi. Ito ang mga angkan ng mga Levita ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno.
21 Kay Gershon galing ang angkan ng mga Libnita, at ang angkan ng mga Shimeita; ito ang mga angkan ng mga Gershonita.
22 Ang nabilang sa kanila, ayon sa bilang ng lahat ng mga lalaki, mula sa isang buwang gulang pataas, ay pitong libo at limang daan.
23 Ang mga angkan ng mga Gershonita ay magkakampo sa likuran ng tabernakulo sa dakong kanluran.
24 Ang magiging pinuno sa sambahayan ng mga ninuno ng mga Gershonita ay si Eliasaf na anak ni Lael.
25 Ang magiging katungkulan ng mga anak ni Gershon sa toldang tipanan ay ang tabernakulo, ang tolda at ang takip nito at ang tabing sa pintuan ng toldang tipanan,
26 ang mga tabing ng bulwagan at ng pintuan ng bulwagan na nasa palibot ng tabernakulo at ng dambana, at ang mga tali niyon na nauukol sa buong paglilingkod doon.
27 Mula kay Kohat ang angkan ng mga Amramita at mga Izarita, at mga Hebronita, at mga Uzielita. Ito ang mga angkan ng mga Kohatita.
28 Ayon sa bilang ng lahat na mga lalaki, mula sa isang buwang gulang pataas ay walong libo at animnaraang gumaganap ng katungkulan sa santuwaryo.
29 Ang mga angkan ng mga anak ni Kohat ay magkakampo sa tagiliran ng tabernakulo, sa gawing timog.
30 Ang magiging pinuno sa sambahayan ng mga ninuno ng mga angkan ng mga Kohatita ay si Elisafan na anak ni Uziel.
31 Ang pangangasiwaan nila ay ang kaban, hapag, ilawan, mga dambana, mga kasangkapan ng santuwaryo na kanilang ginagamit sa paglilingkod, at tabing—lahat ng paglilingkod na may kinalaman sa mga ito.
32 Si Eleazar na anak ng paring si Aaron ay siyang magiging pinuno ng mga pinuno ng mga Levita at mamamahala sa mga may tungkulin sa santuwaryo.
33 Mula kay Merari ang angkan ng mga Mahlita at angkan ng mga Musita: ito ang mga angkan ni Merari.
34 Ang nabilang sa kanila ayon sa bilang ng lahat na mga lalaki, mula sa isang buwang gulang pataas ay anim na libo at dalawandaan.
35 Ang magiging pinuno sa sambahayan ng mga ninuno ng mga angkan ni Merari ay si Suriel na anak ni Abihail. Sila'y magkakampo sa tagiliran ng tabernakulo sa gawing hilaga.
36 Ang pangangasiwaan ng mga anak ni Merari ay ang mga balangkas ng tabernakulo, ang mga biga, ang mga haligi, ang mga patungan, at ang lahat ng kasangkapan—lahat ng paglilingkod doon na may kinalaman sa mga ito;
37 gayundin ang mga haligi sa palibot ng bulwagan, mga patungan, mga tulos, at mga tali ng mga iyon.
38 Ang lahat ng magkakampo sa harap ng tabernakulo sa gawing silangan, sa harap ng toldang tipanan, sa dakong sinisikatan ng araw ay sina Moises at Aaron, at ang kanyang mga anak na mamamahala ng katungkulan sa santuwaryo, upang gampanan ang anumang dapat gawin para sa mga anak ni Israel, at ang sinumang ibang lalapit ay papatayin.
39 Ang lahat ng nabilang sa mga Levita na binilang nina Moises at Aaron sa utos ng Panginoon ayon sa kanilang mga angkan, lahat ng lalaki mula sa isang buwang gulang pataas ay dalawampu't dalawang libo.
40 At sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bilangin mo ang lahat ng mga lalaking panganay sa mga anak ni Israel mula sa isang buwang gulang pataas, at kunin mo ang kanilang bilang ng ayon sa kanilang mga pangalan.
41 Iuukol mo sa akin ang mga Levita (ako ang Panginoon) sa halip na ang lahat ng mga panganay sa mga anak ni Israel; at ang mga hayop ng mga Levita sa halip na ang lahat ng mga panganay sa mga hayop ng mga anak ni Israel.”
42 Kaya't binilang ni Moises ang lahat ng mga panganay sa mga anak ni Israel, gaya ng iniutos sa kanya ng Panginoon.
43 Lahat ng mga panganay na lalaki ayon sa bilang ng mga pangalan, mula sa isang buwang gulang pataas, doon sa nabilang sa kanila ay dalawampu't dalawang libo dalawandaan at pitumpu't tatlo.
Pantubos sa mga Panganay
44 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
45 “Kunin mo ang mga Levita sa halip ng lahat na mga panganay sa mga anak ni Israel, at ang mga hayop ng mga Levita sa halip ng kanilang mga hayop, at ang mga Levita ay magiging akin; ako ang Panginoon.
46 Bilang pantubos sa dalawandaan at pitumpu't tatlong panganay ng mga anak ni Israel na higit sa bilang ng mga lalaking Levita,
47 ay kukuha ka ng limang siklo[b] para sa bawat isa ayon sa ulo; ayon sa siklo ng santuwaryo ay kukunin mo (ang isang siklo ay dalawampung gera[c]).
48 Ibibigay mo kay Aaron at sa kanyang mga anak ang salapi bilang pantubos sa humigit sa bilang.”
49 At kinuha ni Moises ang salaping pantubos sa mga hindi natubos ng mga Levita,
50 mula sa mga panganay ng mga anak ni Israel kinuha niya ang salapi; isang libo tatlong daan at animnapu't limang siklo, ayon sa siklo ng santuwaryo.
51 At ibinigay ni Moises kay Aaron at sa kanyang mga anak ang salaping pantubos ayon sa salita ng Panginoon, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
Ang Paglilingkod ng mga Anak ni Kohat
4 Nagsalita ang Panginoon kay Moises at kay Aaron, na sinasabi,
2 “Kunin ninyo ang bilang ng mga anak ni Kohat, mula sa mga anak ni Levi, ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno.
3 Mula sa tatlumpung taong gulang hanggang sa limampung taong gulang, lahat ng maaaring pumasok sa paglilingkod, upang gumawa ng gawain sa toldang tipanan.
4 Ito ang paglilingkod ng mga anak ni Kohat sa toldang tipanan, sa mga bagay na kabanal-banalan.
5 Kapag ang kampo ay susulong na, papasok si Aaron sa loob at ang kanyang mga anak, at kanilang ibababa ang lambong ng tabing, at kanilang tatakpan niyon ang kaban ng patotoo.
6 Kanilang ilalagay sa ibabaw ang isang takip na balat ng kambing at kanilang lalatagan ang ibabaw ng isang telang asul, at kanilang ilalagay ang mga pasanan niyon.
7 Sa ibabaw ng hapag ng tinapay na handog ay maglalatag sila ng isang telang asul, at kanilang ilalagay sa ibabaw nito ang mga pinggan, at ang sandok, mga mangkok, mga pitsel para sa handog na inumin; at ang palagiang tinapay ay malalagay sa ibabaw niyon.
8 Kanilang lalatagan ang ibabaw ng mga iyon ng telang pula, at kanilang tatakpan ito ng isang panakip na balat ng kambing, at kanilang ilalagay ang mga pasanan.
9 Kukuha sila ng isang telang asul at kanilang tatakpan ang ilawan para sa ilaw, kasama ang mga ilawan, mga pamputol ng mitsa, mga lalagyan, at lahat ng sisidlan ng langis na ginagamit dito.
10 At kanilang ilalagay, pati ang lahat ng kasangkapan niyon sa loob ng isang panakip na balat ng kambing, at kanilang ilalagay sa ibabaw ng isang patungan.
11 Ang ibabaw ng dambanang ginto ay kanilang lalatagan ng isang telang asul, at kanilang tatakpan ng isang panakip na balat ng kambing, at kanilang ilalagay ang mga pasanan niyon.
12 Kanilang kukunin ang lahat ng mga kasangkapan na ukol sa paglilingkod na ginagamit sa santuwaryo. Ang mga ito'y kanilang ilalagay sa isang telang asul, tatakpan ng isang panakip na balat ng kambing, at ipapatong sa patungan.
13 Kanilang aalisin ang mga abo sa dambana at lalatagan ito ng isang telang kulay-ube.
14 Kanilang ipapatong doon ang lahat ng mga kasangkapan ng dambana na ginagamit sa paglilingkod doon, ang apuyan at ang mga pantusok, ang mga pala at ang mga mangkok, lahat ng mga kasangkapan ng dambana. Kanilang lalatagan iyon ng isang panakip na balat ng kambing, at kanilang ilalagay sa mga pasanan niyon.
15 Kapag tapos nang takpan ni Aaron at ng kanyang mga anak ang lahat ng kasangkapan ng santuwaryo, habang sumusulong ang kampo, lalapit ang mga anak ni Kohat upang kanilang buhatin iyon. Subalit huwag nilang hihipuin ang mga banal na bagay, upang hindi sila mamatay. Ang mga bagay na ito sa toldang tipanan ang papasanin ng mga anak ni Kohat.
16 “Ang pangangasiwaan ni Eleazar na anak ng paring si Aaron ay ang langis sa ilaw, ang mabangong insenso, ang patuloy na handog na butil, ang langis na pambuhos, ang pamamahala sa buong tabernakulo at ng lahat na nandoon, ang santuwaryo at ang mga sisidlan niyon.”
17 At nagsalita ang Panginoon kina Moises at Aaron, na sinasabi,
18 “Huwag ninyong hayaang mamatay ang lipi ng mga angkan ng mga Kohatita sa gitna ng mga Levita,
19 ganito mo sila dapat pakitunguhan upang sila'y mabuhay at huwag mamatay, paglapit nila sa mga kabanal-banalang bagay. Si Aaron at ang kanyang mga anak ay paroroon at ituturo sa bawat isa ang kanya-kanyang paglilingkod at ang kanya-kanyang pasanin.
20 Ngunit sila'y huwag papasok upang tingnan ang santuwaryo kahit sandali lang, upang hindi sila mamatay.”
Ang Paglilingkod ng mga Gershonita
21 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
22 “Bibilangin mo rin ang bilang ng mga anak ni Gershon, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno ayon sa kanilang mga angkan;
23 mula sa tatlumpung taong gulang hanggang sa limampung taong gulang ay bibilangin mo sila; ang lahat ng karapat-dapat maglingkod sa gawain ng toldang tipanan.
24 Ito ang paglilingkod ng mga angkan ng mga Gershonita, sa paglilingkod at sa pagdadala ng mga dala-dalahan.
25 Dadalhin nila ang mga tabing ng tabernakulo, ang toldang tipanan, ang takip niyon, ang panakip na balat ng kambing na nasa ibabaw nito, at ang tabing sa pintuan ng toldang tipanan,
26 ang mga kurtina sa bulwagan, ang tabing sa pasukan ng bulwagan na nasa palibot ng tabernakulo at ng dambana, at ang mga tali ng mga iyon, at ang lahat ng kasangkapan sa kanilang paglilingkod; at gagawin nila ang lahat na marapat na gawin sa mga iyon.
27 Nasa pamamahala ni Aaron at ng kanyang mga anak ang buong paglilingkod ng mga anak ng mga Gershonita, ang lahat ng kanilang dadalhin at ang lahat ng kanilang gagawin; at inyong ituturo sa kanila ang mga nauukol sa kanilang dadalhin.
28 Ito ang paglilingkod ng mga angkan ng mga Gershonita sa toldang tipanan at ang gawain nila ay nasa ilalim ng pamamahala ni Itamar na anak ng paring si Aaron.
Katungkulan ng mga Anak ni Merari
29 “Tungkol sa mga anak ni Merari, bibilangin mo sila ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno.
30 Mula sa tatlumpung taong gulang pataas hanggang sa limampung taong gulang ay iyong bibilangin sila, lahat na maaaring pumasok sa paglilingkod, upang gawin ang gawain sa toldang tipanan.
31 At ito ang tungkulin nilang dalhin ayon sa lahat ng paglilingkod nila sa toldang tipanan: ang mga tabla ng tabernakulo, ang mga biga, ang mga haligi, at ang mga patungan.
32 Ang mga haligi sa palibot ng bulwagan, at ang mga patungan, at ang mga tulos, at ang mga tali pati ang lahat ng kasangkapan at iba pang kasamang kagamitan; at ayon sa pangalan, ay ituturo mo sa kanila ang mga kasangkapan na katungkulan nilang dalhin.
33 Ito ang paglilingkod ng mga angkan ng mga anak ni Merari ayon sa lahat ng paglilingkod nila sa toldang tipanan, sa ilalim ng pamamahala ni Itamar na anak ng paring si Aaron.”
Ang Bilang ng mga Levita mula Tatlumpu Hanggang Limampu
34 At binilang nina Moises at Aaron at ng mga pinuno ng sambayanan ang mga anak ng mga Kohatita ayon sa kanilang mga angkan, at ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno,
35 mula tatlumpung taong gulang pataas hanggang limampung taong gulang, ang bawat isa na karapat-dapat maglingkod sa toldang tipanan.
36 Ang nabilang sa kanila ayon sa kanilang mga angkan ay dalawang libo pitong daan at limampu.
37 Ito ang nabilang sa mga angkan ng mga Kohatita, lahat ng naglilingkod sa toldang tipanan na binilang ni Moises at ni Aaron, ayon sa utos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.
38 At ang nabilang sa mga anak ni Gershon, ang kanilang mga angkan, at ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno,
39 mula tatlumpung taong gulang pataas hanggang limampung taong gulang, bawat isa na karapat-dapat maglingkod sa toldang tipanan.
40 Ang nabilang sa kanila, ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, ay dalawang libo animnaraan at tatlumpu.
41 Ito ang nabilang sa mga angkan ng mga anak ni Gershon, sa lahat ng naglingkod sa toldang tipanan na binilang ni Moises at ni Aaron, ayon sa utos ng Panginoon.
42 Ang nabilang sa mga angkan ng mga anak ni Merari ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno,
43 mula tatlumpung taong gulang pataas hanggang limampung taong gulang, bawat isang karapat-dapat maglingkod sa toldang tipanan,
44 ang lahat na nabilang sa kanila ayon sa kanilang mga angkan ay tatlong libo at dalawandaan.
45 Ito ang nabilang sa mga angkan ng mga anak ni Merari na binilang nina Moises at Aaron, ayon sa utos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.
46 Ang lahat na nabilang sa mga Levita, na binilang ni Moises at ni Aaron at ng mga pinuno sa Israel, ayon sa kanilang mga angkan at sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno,
47 mula tatlumpung taong gulang pataas hanggang limampung taong gulang, bawat isang karapat-dapat maglingkod at magdala ng mga pasan na may kinalaman sa toldang tipanan.
48 Ang nabilang sa kanila ay walong libo limang daan at walumpu.
49 Ayon sa utos ng Panginoon ay nabilang sa pamamagitan ni Moises, bawat isa ayon sa kanyang paglilingkod, at ayon sa kanyang dadalhin; ganito niya binilang sila gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
Ang Paglilinis ng Kampo
5 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 “Iutos mo sa mga anak ni Israel na ilabas sa kampo ang bawat ketongin, at bawat may tulo at dinudugo, at ang bawat marumi dahil sa napahawak sa patay.
3 Kapwa ninyo ilalabas ang lalaki at babae. Sa labas ng kampo ninyo sila ilalagay upang hindi madungisan ang kanilang kampo na aking tinitirhan.”
4 Gayon nga ang ginawa ng mga anak ni Israel, at inilabas sila sa kampo; kung paanong sinabi ng Panginoon kay Moises ay gayon ginawa ng mga anak ni Israel.
5 At(D) nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
6 “Sabihin mo sa mga anak ni Israel: Kapag ang isang lalaki o babae ay nakagawa ng anumang kasalanan na nagagawa ng mga tao sa pamamagitan ng pagtataksil sa Panginoon, ang taong iyon ay nagkasala,
7 at kanyang ipahahayag ang kanyang kasalanang nagawa at kanyang pagbabayarang lubos ang kanyang sala, at dadagdagan pa niya ng ikalimang bahagi at ibibigay sa ginawan ng pagkakasala.
8 Subalit kung ang lalaki ay walang kamag-anak na mapagbabayaran ng sala, ang kabayaran sa sala ay mapupunta sa Panginoon para sa pari, bukod sa lalaking tupa na pantubos sa kanya.
9 At ang bawat handog sa lahat ng bagay na banal ng mga anak ni Israel na kanilang dadalhin sa pari ay magiging kanya.
10 Ang mga bagay na banal ng bawat lalaki ay magiging kanya; ang ibigay ng sinumang tao sa pari ay magiging kanya.”
Ang Batas tungkol sa Nagtaksil na Asawa
11 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
12 “Sabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Kung ang asawa ng sinumang lalaki ay lumihis ng landas at hindi naging tapat sa kanya,
13 at may ibang lalaking sumiping sa kanya, at ito'y nakubli sa mga mata ng kanyang asawa at siya ay hindi nahalata kahit na dinungisan niya ang kanyang sarili at walang saksi laban sa kanya, at hindi siya nahuli sa akto,
14 at kung ang diwa ng paninibugho ay dumating sa kanya, at siya'y maninibugho sa kanyang asawa na dumungis sa kanyang sarili o kung ang diwa ng paninibugho ay dumating sa kanya at siya'y naninibugho sa kanyang asawa, bagaman hindi niya dinungisan ang kanyang sarili,
15 dadalhin ng lalaki sa pari ang kanyang asawa, at dadalhin ang handog na hinihingi sa babae, ikasampung bahagi ng isang efa ng harina ng sebada. Hindi niya bubuhusan ng langis o lalagyan man ng kamanyang, sapagkat ito ay handog na butil tungkol sa paninibugho, handog na harinang alaala na nagpapaalala sa kasalanan.
16 “At ilalapit ng pari ang babae, at pahaharapin sa Panginoon.
17 Ang pari ay kukuha ng banal na tubig sa isang lalagyang luwad at dadampot ang pari ng alabok na nasa lapag ng tabernakulo at ilalagay sa tubig.
18 Pahaharapin ng pari ang babae sa Panginoon, at ipalulugay ang buhok ng babae, at ilalagay sa kanyang mga kamay ang handog na butil na alaala, na handog na butil tungkol sa paninibugho, at hahawakan ng pari sa kamay ang mapapait na tubig na nagdadala ng sumpa.
19 Siya'y panunumpain ng pari, at sasabihin sa babae, ‘Kung walang sumiping sa iyo na ibang lalaki, at kung hindi ka bumaling sa karumihan, habang ikaw ay nasa ilalim ng kapamahalaan ng iyong asawa ay maligtas ka nawa sa mapait na tubig na ito na nagdadala ng sumpa.
20 Subalit kung ikaw ay lumihis habang ikaw ay nasa ilalim ng kapamahalaan ng iyong asawa, at kung ikaw ay nadungisan at may ibang lalaking sumiping sa iyo, bukod sa iyong asawa,’
21 panunumpain ng pari ang babae ng panunumpang sumpa, at sasabihin ng pari sa babae, ‘Gagawin ka ng Panginoon na sumpa at kahihiyan sa gitna ng iyong bayan, kapag pinalaylay ng Panginoon ang iyong hita at pinamaga ang iyong katawan.
22 Ang tubig na ito na nagdadala ng sumpa ay pumasok nawa sa iyong katawan, at ang iyong katawan ay pamagain at ang iyong hita ay palaylayin.’ At ang babae ay magsasabi, ‘Amen.’
23 “Pagkatapos ay isusulat ng pari ang mga sumpang ito sa isang aklat, at kanyang tatanggalin sa tubig ng kapaitan.
24 Kanyang ipapainom sa babae ang mapait na tubig na nagdadala ng sumpa at papasok sa kanya ang tubig na nagdadala ng sumpa, at magbubunga ng matinding hapdi.
25 At kukunin ng pari sa kamay ng babae ang handog na butil tungkol sa paninibugho at kanyang iwawagayway ang handog na butil sa harap ng Panginoon, at dadalhin ito sa dambana.
26 Ang pari ay kukuha ng isang dakot ng handog na butil na alaala niyon at susunugin sa ibabaw ng dambana, at pagkatapos ay ipapainom sa babae ang tubig.
27 Kapag napainom na siya ng tubig, at mangyari kung kanyang dinungisan ang kanyang sarili, at siya'y nagtaksil sa kanyang asawa, ang tubig na nagdadala ng sumpa ay papasok sa kanya at magbubunga ng matinding hapdi. Ang kanyang katawan ay mamamaga at ang kanyang hita ay lalaylay; at ang babae ay magiging sumpa sa gitna ng kanyang bayan.
28 Ngunit kung ang babae ay hindi nadungisan, kundi malinis, lalaya siya at magdadalang-tao.
29 “Ito ang batas tungkol sa paninibugho, kapag ang isang babae bagaman nasa ilalim ng kapangyarihan ng kanyang asawa, ay naligaw at dinungisan ang kanyang sarili,
30 o kapag ang diwa ng paninibugho ay dumating sa isang lalaki, at naninibugho sa kanyang asawa; ang babae ay pahaharapin niya sa Panginoon at ilalapat ng pari sa babae ang buong kautusang ito.
31 Ang lalaki ay maliligtas sa kasamaan ngunit ang babae ay mananagot sa kanyang kasamaan.”
Ang Batas tungkol sa mga Nazirita
6 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 “Sabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Kapag ang sinumang lalaki o babae ay gagawa ng panata ng isang Nazirita[d] upang italaga ang sarili para sa Panginoon,
3 ay lalayo(E) siya sa alak at sa matapang na inumin. Siya'y hindi iinom ng tubang mula sa alak, o anumang inuming nakalalasing, ni iinom man ng anumang katas ng ubas o kakain man ng ubas na sariwa o pinatuyo.
4 Sa lahat ng araw ng kanyang pagiging Nazirita, hindi siya kakain ng anumang bagay na ibinubunga ng puno ng ubas, magmula sa mga butil hanggang sa balat.
5 “Sa lahat ng araw ng kanyang panata bilang Nazirita ay walang pang-ahit na daraan sa ibabaw ng kanyang ulo; hanggang sa matapos ang mga araw nang pagkabukod ng kanyang sarili sa Panginoon, siya'y magiging banal; kanyang pababayaang humaba ang buhok ng kanyang ulo.
6 “Sa lahat ng araw ng kanyang pagbubukod ng kanyang sarili para sa Panginoon, ay hindi siya lalapit sa bangkay.
7 Maging sa kanyang ama o sa kanyang ina, o sa kanyang kapatid na lalaki, o babae, kapag sila'y namatay ay hindi siya magpapakarumi, sapagkat ang kanyang pagkakabukod para sa Diyos ay nasa kanyang ulo.
8 Sa lahat ng araw ng kanyang pagkabukod ay banal siya sa Panginoon.
9 “At kung ang sinuman ay biglang mamatay sa tabi niya at nadungisan niya ang kanyang ulong itinalaga, aahitan niya ang kanyang ulo sa araw ng kanyang paglilinis; sa ikapitong araw ay aahitan niya ito.
10 Sa ikawalong araw ay magdadala siya ng dalawang batu-bato o dalawang batang kalapati sa pari sa pintuan ng toldang tipanan.
11 Ihahandog ng pari ang isa na handog pangkasalanan at ang isa'y handog na sinusunog at itutubos sa kanya, sapagkat siya'y nagkasala dahil sa bangkay, at itatalaga niya ang kanyang ulo sa araw ding iyon.
12 At itatalaga niya sa Panginoon ang mga araw ng kanyang pagkabukod, at siya'y magdadala ng isang korderong lalaki na isang taong gulang na handog pangkasalanan subalit ang mga unang araw ay mawawalan ng kabuluhan, sapagkat ang kanyang pagkabukod ay nadungisan.
13 “At(F) ito ang batas tungkol sa Nazirita, kapag natapos na ang mga araw ng kanyang pagkabukod, siya'y dadalhin sa pintuan ng toldang tipanan.
14 At kanyang ihahandog ang kanyang alay sa Panginoon, na isang korderong lalaki na isang taon na walang kapintasan, bilang handog na sinusunog, at isang korderong babae na isang taon na walang kapintasan bilang handog pangkasalanan at isang lalaking tupa na walang kapintasan bilang handog pangkapayapaan,
15 at isang bakol na tinapay na walang pampaalsa, mga munting tinapay ng piling harina na hinaluan ng langis at maninipis na tinapay na walang pampaalsa na pinahiran ng langis, at ang handog na butil niyon at ang mga handog na inumin niyon.
16 Ihaharap iyon ng pari sa harapan ng Panginoon, at ihahandog ang kanyang handog pangkasalanan at ang kanyang handog na sinusunog.
17 Kanyang ihahandog sa Panginoon ang lalaking tupa bilang handog pangkapayapaan na kalakip ng bakol ng mga tinapay na walang pampaalsa. Ihahandog din ng pari ang handog na butil niyon at ang handog na inumin niyon.
18 Ang Nazirita ay mag-aahit ng kanyang ulo ng pagkatalaga doon sa pintuan ng toldang tipanan at kanyang dadamputin ang buhok ng kanyang ulo ng pagkatalaga at ilalagay sa ibabaw ng apoy na nasa ilalim ng alay na handog pangkapayapaan.
19 At kukunin ng pari ang lutong balikat ng tupa, at isang munting tinapay na walang pampaalsa sa bakol, at isang manipis na tinapay na walang pampaalsa, at ilalagay sa mga kamay ng Nazirita, pagkatapos makapag-ahit ng buhok ng kanyang pagkatalaga.
20 Ang mga ito ay iwawagayway ng pari bilang handog na iwinagayway sa harapan ng Panginoon; ito'y banal sa pari, pati ang dibdib na iwinagayway at ang hitang inialay; at pagkatapos nito, ang Nazirita ay maaari nang uminom ng alak.
21 “Ito ang batas para sa Nazirita na nagpanata. Ang kanyang alay sa Panginoon ay magiging ayon sa kanyang panata bilang Nazirita, bukod pa sa kanyang nakayanan; ayon sa kanyang panata na kanyang ipinangako ay gayon niya dapat gawin, ayon sa batas para sa kanyang pagkabukod bilang isang Nazirita.”
Ang Basbas ng Pari sa mga Anak ni Israel
22 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
23 “Sabihin mo kay Aaron at sa kanyang mga anak, ‘Sa ganitong paraan babasbasan ninyo ang mga anak ni Israel; sasabihin ninyo sa kanila:
24 Pagpalain ka nawa ng Panginoon at ingatan ka.
25 Paliwanagin nawa ng Panginoon ang kanyang mukha sa iyo, at mahabag sa iyo.
26 Ilingap nawa ng Panginoon ang kanyang mukha sa iyo, at bigyan ka ng kapayapaan.
27 Gayon nila ilalagay ang aking pangalan sa mga anak ni Israel, at pagpapalain ko sila.”
Alay ng mga Pinuno
7 Nang araw na matapos itayo ni Moises ang tabernakulo, at mabuhusan ng langis at maitalaga, pati ang lahat ng kasangkapan niyon, ang dambana at ang lahat na kasangkapan niyon, at mabuhusan ng langis at maitalaga ang mga iyon,
2 ang mga pinuno ng Israel, ang mga pinuno ng mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, ang mga pinuno sa mga lipi, na mga namamahala roon sa nabilang ay naghandog.
3 Kanilang dinala ang kanilang handog sa harap ng Panginoon, anim na karitong may takip, at labindalawang baka; isang kariton sa bawat dalawa sa mga pinuno, at sa bawat isa'y isang baka; at kanilang inihandog ang mga iyon sa harapan ng tabernakulo.
4 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
5 “Tanggapin mo ang mga ito mula sa kanila, upang ang mga ito'y magamit sa paglilingkod sa toldang tipanan, at ibigay mo sa mga Levita, sa bawat lalaki ang ayon sa kanya-kanyang paglilingkod.”
6 At tinanggap ni Moises ang mga kariton at ang mga baka at ibinigay sa mga Levita.
7 Dalawang kariton at apat na baka ang ibinigay niya sa mga anak ni Gershon, ayon sa kanilang paglilingkod.
8 Apat na kariton at walong baka ang kanyang ibinigay sa mga anak ni Merari, ayon sa kanilang paglilingkod, sa ilalim ng pamamahala ni Itamar na anak ng paring si Aaron.
9 Ngunit sa mga anak ni Kohat ay wala siyang ibinigay, sapagkat iniatas sa kanila ang pangangalaga sa mga banal na bagay na kailangang pasanin sa kanilang mga balikat.
10 Ang mga pinuno ay naghandog rin ng mga alay para sa pagtatalaga ng dambana nang araw na ito ay buhusan ng langis; ang mga pinuno ay naghandog ng kanilang alay sa harap ng dambana.
11 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sila'y maghahandog ng kanilang alay, isang pinuno bawat araw para sa pagtatalaga ng dambana.”
12 At ang naghandog ng kanyang alay nang unang araw ay si Naashon na anak ni Aminadab sa lipi ni Juda.
13 Ang kanyang alay ay isang pinggang yari sa pilak, na ang bigat niyon ay isandaan at tatlumpung siklo, isang mangkok na gawa sa pilak na ang bigat ay pitumpung siklo ayon sa siklo ng santuwaryo; parehong punô ng piling butil na hinaluan ng langis, bilang handog na butil;
14 isang gintong sandok na ang bigat ay sampung siklo, na punô ng insenso,
15 isang batang toro, isang lalaking tupa, isang korderong lalaki na isang taong gulang, na handog na sinusunog;
16 isang lalaki sa mga kambing na handog pangkasalanan.
17 At para sa hain na mga handog pangkapayapaan ay dalawang baka, limang tupang lalaki, limang kambing na lalaki, at limang korderong lalaki na isang taong gulang. Ito ang alay ni Naashon na anak ni Aminadab.
18 Nang ikalawang araw, si Natanael na anak ni Suar, na pinuno ng Isacar ay naghandog.
19 Ang kanyang inihandog na alay ay isang pinggang yari sa pilak na ang bigat ay isandaan at tatlumpung siklo, isang mangkok na yari sa pilak na ang bigat ay pitumpung siklo, ayon sa siklo ng santuwaryo; kapwa punô ng piling harina na hinaluan ng langis, bilang handog na butil;
20 isang sandok na yari sa ginto na ang bigat ay sampung siklo, na punô ng insenso;
21 isang batang toro, isang lalaking tupa, isang korderong lalaki na isang taong gulang, na handog na sinusunog;
22 isang lalaki sa mga kambing na handog pangkasalanan.
23 At para sa hain na mga handog pangkapayapaan ay dalawang baka, limang lalaking tupa, limang kambing na lalaki, at limang korderong lalaki na isang taong gulang. Ito ang alay ni Natanael na anak ni Suar.
24 Nang ikatlong araw ay si Eliab na anak ni Helon, na pinuno sa mga anak ni Zebulon.
25 Ang kanyang alay ay isang pinggang yari sa pilak, na ang bigat niyon ay isandaan at tatlumpung siklo, isang mangkok na yari sa pilak na ang bigat ay pitumpung siklo, ayon sa siklo ng santuwaryo na parehong punô ng piling harina na hinaluan ng langis, bilang handog na butil;
26 isang sandok na yari sa ginto na ang bigat ay sampung siklo, na punô ng insenso;
27 isang batang toro, isang tupang lalaki, isang korderong lalaki na isang taong gulang, na handog na sinusunog;
28 isang lalaki sa mga kambing na handog pangkasalanan.
29 At para sa hain na mga handog pangkapayapaan ay dalawang baka, limang tupang lalaki, limang kambing na lalaki, at limang korderong lalaki na isang taong gulang. Ito ang alay ni Eliab na anak ni Helon.
30 Nang ikaapat na araw ay si Elisur na anak ni Sedeur, na pinuno sa mga anak ni Ruben.
31 Ang kanyang alay ay isang pinggang yari sa pilak, na ang bigat niyon ay isandaan at tatlumpung siklo, isang mangkok na yari sa pilak na ang bigat ay pitumpung siklo, ayon sa siklo ng santuwaryo; kapwa punô ng piling harina na hinaluan ng langis, bilang handog na butil;
32 isang sandok na yari sa ginto na ang bigat ay sampung siklo, na punô ng insenso;
33 isang batang toro, isang lalaking tupa, isang korderong lalaki na isang taong gulang, na handog na sinusunog;
34 isang lalaki sa mga kambing na handog pangkasalanan.
35 At para sa hain na mga handog pangkapayapaan ay dalawang baka, limang tupang lalaki, limang kambing na lalaki, at limang korderong lalaki na isang taong gulang. Ito ang alay ni Elisur na anak ni Sedeur.
36 Nang ikalimang araw ay si Selumiel na anak ni Zurishadai, na pinuno sa mga anak ni Simeon.
37 Ang kanyang alay ay isang pinggang yari sa pilak, na ang bigat niyon ay isandaan at tatlumpung siklo, isang mangkok na yari sa pilak na ang bigat ay pitumpung siklo, ayon sa siklo ng santuwaryo; kapwa punô ng piling harina na hinaluan ng langis, na pinakahandog na butil;
38 isang sandok na yari sa ginto na ang bigat ay sampung siklo, na punô ng insenso;
39 isang batang toro, isang lalaking tupa, isang korderong lalaki na isang taong gulang, na handog na sinusunog;
40 isang lalaki sa mga kambing na handog pangkasalanan.
41 At para sa hain na mga handog pangkapayapaan ay dalawang baka, limang lalaking tupa, limang kambing na lalaki at limang korderong lalaki na isang taong gulang. Ito ang alay ni Selumiel na anak ni Zurishadai.
42 Nang ikaanim na araw ay si Eliasaf na anak ni Deuel, na pinuno sa mga anak ni Gad.
43 Ang kanyang alay ay isang pinggang yari sa pilak, na ang bigat niyon ay isandaan at tatlumpung siklo, isang mangkok na yari sa pilak na ang bigat ay pitumpung siklo, ayon sa siklo ng santuwaryo; kapwa punô ng piling harina na hinaluan ng langis bilang handog na butil;
44 isang sandok na yari sa ginto na ang bigat ay sampung siklo, na punô ng insenso;
45 isang batang toro, isang lalaking tupa, isang korderong lalaki na isang taong gulang, na handog na sinusunog;
46 isang lalaki sa mga kambing na handog pangkasalanan.
47 At para sa hain na mga handog pangkapayapaan ay dalawang baka, limang lalaking tupa, limang kambing na lalaki, at limang korderong lalaki na isang taong gulang. Ito ang alay ni Eliasaf na anak ni Deuel.
48 Nang ikapitong araw ay si Elisama na anak ni Amihud, na pinuno sa mga anak ni Efraim.
49 Ang kanyang alay ay isang pinggang yari sa pilak, na ang bigat niyon ay isandaan at tatlumpung siklo, isang mangkok na yari sa pilak na ang bigat ay pitumpung siklo, ayon sa siklo ng santuwaryo; kapwa punô ng piling harina na hinaluan ng langis bilang handog na butil;
50 isang sandok na yari sa ginto na ang bigat ay sampung siklo, na punô ng insenso;
51 isang batang toro, isang lalaking tupa, isang korderong lalaki na isang taong gulang na handog na sinusunog;
52 isang lalaki sa mga kambing na handog pangkasalanan.
53 At para sa hain na mga handog pangkapayapaan ay dalawang baka, limang lalaking tupa, limang lalaking kambing, at limang korderong lalaki na isang taong gulang. Ito ang alay ni Elisama na anak ni Amihud.
54 Nang ikawalong araw ay si Gamaliel na anak ni Pedasur, na pinuno sa mga anak ni Manases.
55 Ang kanyang alay ay isang pinggang yari sa pilak, na ang bigat niyon ay isandaan at tatlumpung siklo, isang mangkok na yari sa pilak na ang bigat ay pitumpung siklo, ayon sa siklo ng santuwaryo; kapwa punô ng piling harina na hinaluan ng langis, bilang handog na butil;
56 isang sandok na yari sa ginto na ang bigat ay sampung siklo, na punô ng insenso;
57 isang batang toro, isang lalaking tupa, isang korderong lalaki na isang taong gulang, na handog na sinusunog;
58 isang lalaki sa mga kambing na handog pangkasalanan.
59 At para sa hain na mga handog pangkapayapaan ay dalawang baka, limang lalaking tupa, limang kambing na lalaki, at limang korderong lalaki na isang taong gulang. Ito ang alay ni Gamaliel na anak ni Pedasur.
60 Nang ikasiyam na araw ay si Abidan, na anak ni Gideoni, na pinuno sa mga anak ni Benjamin.
61 Ang kanyang alay ay isang pinggang yari sa pilak, na ang bigat niyon ay isandaan at tatlumpung siklo, isang mangkok na yari sa pilak na ang bigat ay pitumpung siklo, ayon sa siklo ng santuwaryo; kapwa punô ng piling harina na hinaluan ng langis, bilang handog na butil;
62 isang sandok na yari sa ginto na ang bigat ay sampung siklo, na punô ng insenso;
63 isang batang toro, isang lalaking tupa, isang korderong lalaki na isang taong gulang, na handog na sinusunog;
64 isang lalaki sa mga kambing na handog pangkasalanan.
65 At para sa hain na mga handog pangkapayapaan ay dalawang baka, limang lalaking tupa, limang kambing na lalaki, at limang korderong lalaki na isang taong gulang. Ito ang alay ni Abidan na anak ni Gideoni.
66 Nang ikasampung araw ay si Ahiezer na anak ni Amisadai, na pinuno sa mga anak ni Dan.
67 Ang kanyang alay ay isang pinggang yari sa pilak, na ang bigat niyon ay isandaan at tatlumpung siklo, isang mangkok na yari sa pilak na ang bigat ay pitumpung siklo, ayon sa siklo ng santuwaryo; kapwa punô ng piling harina na hinaluan ng langis, bilang handog na butil;
68 isang sandok na yari sa ginto na ang bigat ay sampung siklo, na punô ng insenso;
69 isang batang toro, isang lalaking tupa, isang korderong lalaki na isang taong gulang, na handog na sinusunog;
70 isang lalaki sa mga kambing na handog pangkasalanan.
71 At para sa hain na mga handog pangkapayapaan ay dalawang baka, limang lalaking tupa, limang kambing na lalaki, at limang korderong lalaki na isang taong gulang. Ito ang alay ni Ahiezer na anak ni Amisadai.
72 Nang ikalabing-isang araw ay si Pagiel na anak ni Ocran, na pinuno sa mga anak ni Aser.
73 Ang kanyang alay ay isang pinggang yari sa pilak, na ang bigat niyon ay isandaan at tatlumpung siklo, isang mangkok na yari sa pilak na ang bigat ay pitumpung siklo, ayon sa siklo ng santuwaryo; kapwa punô ng piling harina na hinaluan ng langis, bilang handog na butil;
74 isang sandok na yari sa ginto na ang bigat ay sampung siklo, na punô ng insenso;
75 isang batang toro, isang lalaking tupa, isang korderong lalaki na isang taong gulang, na handog na sinusunog;
76 isang lalaki sa mga kambing na handog pangkasalanan.
77 At para sa hain na mga handog pangkapayapaan ay dalawang baka, limang lalaking tupa, limang kambing na lalaki, at limang korderong lalaki na isang taong gulang. Ito ang alay ni Pagiel na anak ni Ocran.
78 Nang ikalabindalawang araw ay si Ahira na anak ni Enan, na pinuno sa mga anak ni Neftali.
79 Ang kanyang alay ay isang pinggang yari sa pilak, na ang bigat niyon ay isandaan at tatlumpung siklo, isang mangkok na yari sa pilak na ang bigat ay pitumpung siklo, ayon sa siklo ng santuwaryo; kapwa punô ng piling harina na hinaluan ng langis, bilang handog na butil;
80 isang sandok na yari sa ginto na ang bigat ay sampung siklo, na punô ng insenso;
81 isang batang toro, isang lalaking tupa, isang korderong lalaki na isang taong gulang, na handog na sinusunog;
82 isang lalaki sa mga kambing na handog pangkasalanan.
83 At para sa hain na mga handog pangkapayapaan ay dalawang baka, limang lalaking tupa, limang kambing na lalaki, at limang korderong lalaki na isang taong gulang. Ito ang alay ni Ahira na anak ni Enan.
84 Ito ang handog para sa pagtatalaga ng dambana nang araw na ito'y buhusan ng langis ng mga pinuno sa Israel: labindalawang pinggang pilak, labindalawang mangkok na yari sa pilak, labindalawang sandok na ginto,
85 na bawat pinggang yari sa pilak ay isandaan at tatlumpung siklo ang bigat, at bawat mangkok ay pitumpu. Lahat ng pilak ng mga sisidlan ay dalawang libo at apatnaraang siklo, ayon sa siklo ng santuwaryo,
86 ang labindalawang sandok na yari sa ginto, punô ng insenso na ang bigat ay sampung siklo bawat isa, ayon sa siklo ng santuwaryo; lahat ng ginto ng mga sandok ay isandaan at dalawampung siklo.
87 Lahat ng mga baka na handog na sinusunog ay labindalawang toro, ang mga lalaking tupa ay labindalawa, ang mga korderong lalaki na isang taon ay labindalawa, at ang mga handog na harina niyon; at ang mga kambing na lalaki na handog pangkasalanan ay labindalawa.
88 Lahat ng mga baka na mga handog pangkapayapaan ay dalawampu't apat na toro, ang mga lalaking tupa ay animnapu, ang mga kambing na lalaki ay animnapu, ang mga korderong lalaki na isang taon ay animnapu. Ito ang alay para sa pagtatalaga sa dambana pagkatapos na mabuhusan ito ng langis.
89 Nang si Moises ay pumasok sa toldang tipanan upang makipag-usap sa Panginoon, narinig niya ang tinig na nagsasalita sa kanya mula sa itaas ng trono ng awa na nasa ibabaw ng kaban ng patotoo, na nasa gitna ng dalawang kerubin; gayon ito nagsalita sa kanya.
Ang Pitong Ilaw sa Santuwaryo
8 Nagsalita(G) ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 “Sabihin mo kay Aaron, ‘Kapag sinindihan mo ang mga ilaw ay magbibigay liwanag ang pitong ilaw sa harap ng ilawan.’”
3 At gayon ang ginawa ni Aaron. Kanyang sinindihan ang mga ilaw upang magliwanag sa harap ng ilawan, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
4 Ito ang pagkagawa ng ilawan, na yari sa gintong pinitpit; mula sa patungan niyon hanggang sa mga bulaklak niyon ay pinitpit ayon sa anyo na ipinakita ng Panginoon kay Moises ay gayon niya ginawa ang ilawan.
Paglilinis sa mga Levita
5 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
6 “Kunin mo ang mga Levita sa gitna ng mga anak ni Israel at linisin mo sila.
7 At ganito ang gagawin mo sa kanila, upang maging malinis sila. Iwisik mo sa kanila ang tubig na panlinis ng kasalanan, ahitan nila ang buong katawan nila, labhan nila ang kanilang mga suot, at sa gayo'y lilinisan nila ang kanilang sarili.
8 Kumuha sila ng isang batang toro at ng handog na butil niyon, na mainam na harina na hinaluan ng langis, at kukuha ka ng ibang batang toro na handog pangkasalanan.
9 Ihaharap mo ang mga Levita sa harap ng toldang tipanan at titipunin mo ang buong sambayanan ng mga anak ni Israel.
10 Ihaharap mo ang mga Levita sa harap ng Panginoon. At ipapatong ng mga anak ni Israel ang kanilang mga kamay sa mga Levita.
11 Ihahandog ni Aaron ang mga Levita sa harap ng Panginoon bilang handog na iwinagayway sa mga anak ni Israel upang kanilang gawin ang paglilingkod sa Panginoon.
12 At ipapatong ng mga Levita ang kanilang mga kamay sa mga ulo ng mga batang toro at ihandog mo ang isa na handog pangkasalanan, at ang isa'y handog na sinusunog sa Panginoon, upang itubos sa mga Levita.
13 Patayuin mo ang mga Levita sa harap ni Aaron at ng kanyang mga anak, at ihahandog mo ang mga iyon bilang handog na iwinagayway sa Panginoon.
14 “Ganito mo ibubukod ang mga Levita mula sa mga anak ni Israel at ang mga Levita ay magiging akin.
15 Pagkatapos nito ay papasok ang mga Levita, upang gawin ang paglilingkod sa toldang tipanan pagkatapos na malinisan mo sila bilang handog na iwinagayway.
16 Sapagkat sila'y buong ibinigay sa akin mula sa mga anak ni Israel; kinuha ko silang kapalit ng lahat ng nagbubukas ng bahay-bata, ng mga panganay sa lahat ng mga Israelita.
17 Sapagkat(H) lahat ng mga panganay sa mga Israelita ay akin, maging tao o hayop. Nang araw na aking lipulin ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Ehipto ay aking itinalaga sila para sa akin.
18 At aking kinuha ang mga Levita sa halip na ang lahat ng mga panganay sa mga Israelita.
19 Aking ibinigay ang mga Levita na kaloob kay Aaron at sa kanyang mga anak mula sa mga anak ni Israel upang gawin nila ang paglilingkod sa mga anak ni Israel sa toldang tipanan, upang ipantubos sa mga anak ni Israel, at nang huwag magkaroon ng salot sa mga anak ni Israel kapag ang mga anak ni Israel ay lumalapit sa santuwaryo.”
20 Ganito ang ginawa nina Moises at Aaron, at ng buong sambayanan ng mga anak ni Israel sa mga Levita. Ayon sa lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises tungkol sa mga Levita, ay gayon ginawa ng mga anak ni Israel sa kanila.
21 Ang mga Levita ay naglinis ng kanilang sarili sa kasalanan, at naglaba ng kanilang mga damit. Sila'y inihandog ni Aaron bilang handog na iwinagayway sa harap ng Panginoon; at si Aaron ay gumawa ng pagtubos sa kanila upang linisin sila.
22 At pagkatapos niyon ay pumasok ang mga Levita upang gawin ang kanilang paglilingkod sa toldang tipanan sa harap ni Aaron at ng kanyang mga anak. Kung paano ang iniutos ng Panginoon kay Moises tungkol sa mga Levita ay gayon ang ginawa nila sa kanila.
23 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
24 “Ito ang nauukol sa mga Levita: mula dalawampu't limang taong gulang pataas ay papasok upang gampanan ang gawaing paglilingkod sa toldang tipanan.
25 Mula sa limampung taong gulang ay titigil sila sa katungkulan sa paglilingkod at hindi na sila maglilingkod.
26 Ngunit sila'y maaaring tumulong sa kanilang mga kapatid sa toldang tipanan sa pagsasagawa ng kanilang mga katungkulan, ngunit sila'y walang gagawing paglilingkod. Gayon ang gagawin mo sa mga Levita tungkol sa kanilang mga katungkulan.”
Batas tungkol sa Paskuwa ng Panginoon
9 Sinabi(I) ng Panginoon kay Moises sa ilang ng Sinai, sa unang buwan ng ikalawang taon pagkatapos na sila'y makaalis sa lupain ng Ehipto,
2 “Ipangilin ng mga anak ni Israel ang paskuwa sa takdang panahon nito.
3 Sa ikalabing-apat na araw ng buwang ito, sa paglubog ng araw ay inyong ipapangilin sa kanyang takdang panahon ayon sa lahat na tuntunin niyon at ayon sa lahat ng ayos niyon ay inyong ipapangilin.”
4 At si Moises ay nagsalita sa mga anak ni Israel upang ipangilin ang paskuwa.
5 Kanilang ipinangilin ang paskuwa nang ikalabing-apat na araw ng unang buwan, sa paglubog ng araw, sa ilang ng Sinai. Ayon sa lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises ay gayon ginawa ng mga anak ni Israel.
6 Mayroon ngang mga lalaki na marurumi dahil sa paghawak sa bangkay ng isang tao, na anupa't hindi nila naipangilin ang paskuwa nang araw na iyon; at humarap sila kina Moises at Aaron nang araw na iyon.
7 At ang mga lalaking iyon ay nagsabi sa kanila, “Kami ay marurumi dahil sa paghawak sa bangkay ng isang tao. Bakit kami ay pipigilin sa pag-aalay ng handog sa Panginoon sa kanyang takdang panahon na kasama ng mga anak ni Israel?”
8 Sinabi ni Moises sa kanila, “Maghintay kayo upang aking marinig ang ipag-uutos ng Panginoon tungkol sa inyo.”
9 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
10 “Sabihin mo sa mga anak ni Israel, Kung ang sinumang tao sa inyo o sa inyong salinlahi ay maging marumi dahil sa paghawak sa isang bangkay, o nasa malayong paglalakbay ay kanyang ipapangilin din ang paskuwa sa Panginoon.
11 Sa ikalabing-apat na araw ng ikalawang buwan, sa paglubog ng araw ay kanilang ipapangilin; kanilang kakainin ito kasama ng mga tinapay na walang pampaalsa at mga gulay na mapait.
12 Wala(J) silang ititira sa mga iyon hanggang sa kinaumagahan, ni babali ng buto niyon, ayon sa lahat ng tuntunin ng paskuwa ay kanilang ipapangilin iyon.
13 Subalit ang lalaking malinis at wala sa paglalakbay na hindi mangingilin ng paskuwa ay ititiwalag sa kanyang bayan sapagkat siya'y hindi nag-alay ng handog sa Panginoon sa takdang panahon, ang taong iyon ay mananagot sa kanyang kasalanan.
14 Sinumang dayuhan na naninirahang kasama ninyo na nagnanais ipangilin ang paskuwa sa Panginoon, ay gagawin niya iyon ayon sa tuntunin ng paskuwa at ayon sa batas. Kayo'y magkakaroon ng isang tuntunin para sa dayuhan at sa katutubo.”
Ang Ulap sa Ibabaw ng Tabernakulo(K)
15 Nang araw na ang tabernakulo ay itayo, tinakpan ng ulap ang tabernakulo, samakatuwid ay ang tabernakulo ng patotoo. Mula sa paglubog ng araw hanggang sa kinaumagahan, iyon ay nasa ibabaw ng tabernakulo na parang anyong apoy.
16 Gayon ito nagpatuloy; iyon ay tinatakpan ng ulap kapag araw, at ng anyong apoy kapag gabi.
17 Tuwing ang ulap ay pumapaitaas mula sa ibabaw ng tolda, naglalakbay ang mga anak ni Israel at sa dakong tigilan ng ulap ay doon tumitigil ang mga anak ni Israel.
18 Sa utos ng Panginoon ay naglalakbay ang mga anak ni Israel, at sa utos ng Panginoon ay tumitigil sila. Kung gaano katagal ang itigil ng ulap sa ibabaw ng tabernakulo ay siya nilang itinitigil sa kampo.
19 Kahit ang ulap ay tumigil sa ibabaw ng tabernakulo ng maraming araw, sinusunod ng mga anak ni Israel ang bilin ng Panginoon at hindi sila naglalakbay.
20 At kung minsan ay nananatili ng ilang araw sa ibabaw ng tabernakulo ang ulap; at ayon sa utos ng Panginoon ay nananatili sila sa mga tolda, at ayon sa utos ng Panginoon ay naglalakbay sila.
21 Kung minsan ang ulap ay nananatili mula sa hapon hanggang sa kinaumagahan. Kapag ang ulap ay pumaitaas sa kinaumagahan ay naglalakbay sila. Maging araw o gabi kapag ang ulap ay pumaitaas ay naglalakbay sila.
22 Maging dalawang araw o isang buwan, o mas mahabang panahon na nakatigil ang ulap sa ibabaw ng tabernakulo na nananatili doon, ay nananatili ang mga anak ni Israel sa mga tolda at hindi naglalakbay, subalit kapag pumaitaas ay naglalakbay sila.
23 Sa utos ng Panginoon ay nagkakampo sila, at sa utos ng Panginoon ay naglalakbay sila. Kanilang sinunod ang bilin ng Panginoon, ang utos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.
Ang mga Trumpetang Pilak
10 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 “Gumawa ka ng dalawang trumpetang pilak; gagawin mo mula sa pinitpit na pilak at iyong gagamitin sa pagtawag sa kapulungan, at kapag kakalasin na ang mga tolda.
3 At kapag hinipan na nila ito, ay magtitipon sa iyo ang buong kapulungan sa pintuan ng toldang tipanan.
4 Ngunit kung isa lamang ang kanilang hihipan, kung gayon ang mga pinuno, ang mga puno ng mga lipi ng Israel ay magtitipon sa iyo.
5 Paghihip ninyo ng hudyat ay susulong ang mga kampo na nasa dakong silangan.
6 At kapag hinipan ninyo ang hudyat sa ikalawang pagkakataon, lulusong ang mga kampo na nasa dakong timog. Sila'y hihihip ng isang hudyat sa tuwing sila'y maglalakbay.
7 Subalit kapag ang sambayanan ay magtitipon ay hihihip kayo, ngunit huwag kayong magpapatunog ng hudyat.
8 Ang mga anak ni Aaron, ang mga pari, ang hihihip ng mga trumpeta; at ang trumpeta ay magiging walang hanggang tuntunin sa inyo sa buong panahon ng inyong mga salinlahi.
9 Kapag makikipaglaban kayo sa inyong lupain laban sa kaaway na lumulupig sa inyo, inyo ngang patutunugin ang hudyat ng trumpeta; at kayo'y aalalahanin sa harap ng Panginoon ninyong Diyos, at kayo'y maliligtas sa inyong mga kaaway.
10 Pati sa mga araw ng inyong kagalakan, at sa inyong mga takdang kapistahan, at sa mga pasimula ng inyong mga buwan, ay inyong hihipan ang trumpeta sa ibabaw ng inyong mga handog na sinusunog, at sa ibabaw ng mga alay ng inyong mga handog pangkapayapaan; at sa inyo'y magiging alaala sa harap ng inyong Diyos. Ako ang Panginoon ninyong Diyos.”
Ang mga Anak ni Israel ay Lumakad mula sa Sinai
11 Nang ikalawang taon, nang ikadalawampung araw ng ikalawang buwan, ang ulap ay pumaitaas mula sa tabernakulo ng patotoo.
12 At ang mga anak ni Israel ay nagsisulong, ayon sa mga yugto ng kanilang paglalakbay mula sa ilang ng Sinai; at ang ulap ay huminto sa ilang ng Paran.
13 Kanilang pinasimulan ang kanilang paglalakbay ayon sa utos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.
14 At unang sumulong ang watawat ng kampo ng mga anak ni Juda ayon sa kanilang mga pangkat; at nangunguna sa kanyang pangkat si Naashon na anak ni Aminadab.
15 Nangunguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Isacar si Natanael na anak ni Suar.
16 Nangunguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Zebulon si Eliab na anak ni Helon.
Ang Pagkakasunud-sunod ng mga Hukbo
17 Nang maibaba ang tabernakulo, lumakad na ang mga anak ni Gershon at ang mga anak ni Merari, na mga may dala ng tabernakulo.
18 Ang watawat ng kampo ni Ruben ay sumulong ayon sa kanilang mga pangkat at nangunguna sa kanyang hukbo si Elisur na anak ni Sedeur.
19 Nanguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Simeon si Selumiel na anak ni Zurishadai.
20 Nanguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Gad si Eliasaf na anak ni Deuel.
21 Ang mga Kohatita ay sumulong na dala ang mga banal na bagay at itinayo ng iba ang tabernakulo bago sila dumating.
22 Ang watawat ng kampo ng mga anak ni Efraim ay sumulong ayon sa kanilang mga pangkat at nangunguna sa kanyang hukbo si Elisama na anak ni Amihud.
23 Nangunguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Manases si Gamaliel na anak ni Pedasur.
24 Nangunguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Benjamin si Abidan na anak ni Gideoni.
25 At ang watawat ng kampo ng mga anak ni Dan na siyang nasa hulihan ng lahat ng mga kampo ay lumakad ayon sa kanilang mga pangkat at nangunguna sa kanyang hukbo si Ahiezer na anak ni Amisadai.
26 Nangunguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Aser si Pagiel na anak ni Ocran.
27 Nangunguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Neftali si Ahira na anak ni Enan.
28 Ganito ang mga paglalakbay ng mga anak ni Israel, ayon sa kanilang mga hukbo, nang sila'y sumulong.
29 Sinabi ni Moises kay Hobab na anak ni Reuel na Midianita, biyenan ni Moises: “Kami ay naglalakbay patungo sa dakong sinabi ng Panginoon, ‘Aking ibibigay sa inyo.’ Sumama ka sa amin at gagawan ka namin ng mabuti sapagkat ang Panginoon ay nangako ng mabuti tungkol sa Israel.”
30 Ngunit sinabi niya sa kanya, “Ako'y hindi aalis; ako'y babalik sa aking sariling lupain at sa aking kamag-anak.”
31 At sinabi ni Moises, “Ipinapakiusap ko sa iyo na huwag mo kaming iwan, sapagkat nalalaman mo kung paanong magkakampo kami sa ilang, at ikaw ay magiging mata para sa amin.
32 At kung ikaw ay sasama sa amin, anumang mabuting gagawin ng Panginoon sa amin, ay siya rin naming gagawin sa iyo.”
33 Kaya't sila'y lumusong mula sa bundok ng Panginoon ng tatlong araw na paglalakbay; at ang kaban ng tipan ng Panginoon ay nasa unahan nila sa loob ng tatlong araw nilang paglalakbay, upang ihanap sila ng dakong kanilang mapagpapahingahan.
34 Ang ulap ng Panginoon ay nasa itaas nila kapag araw, tuwing sila'y susulong mula sa kampo.
Ang Paglabas
35 At(L) kapag ang kaban ay isinulong na, sinasabi ni Moises, “Bumangon ka, O Panginoon, at mangalat nawa ang mga kaaway mo, at tumakas sa harap mo ang napopoot sa iyo.”
36 At kapag nakalapag ay kanyang sinasabi, “Bumalik ka, O Panginoon ng laksang libu-libong Israelita.”
Nagreklamo ang mga Tao
11 Ang bayan ay nagreklamo sa pandinig ng Panginoon, at nang marinig ito ng Panginoon ay nagningas ang kanyang galit, at ang apoy ng Panginoon ay nagningas laban sa kanila, at tinupok ang gilid ng kampo.
2 Ngunit ang bayan ay nagmakaawa kay Moises; at si Moises ay nanalangin sa Panginoon at ang apoy ay namatay.
3 Kaya't ang pangalan ng dakong iyon ay tinawag na Tabera, sapagkat ang apoy ng Panginoon ay nagningas laban sa kanila.
4 At ang nagkakagulong mga tao na nasa gitna nila ay nagkaroon ng matinding pananabik at ang mga anak ni Israel naman ay muling umiyak at nagsabi, “Sana'y mayroon tayong karneng makakain!
5 Ating naaalala ang isda na ating kinakain na walang bayad sa Ehipto; ang mga pipino, mga milon, mga puero, mga sibuyas, at bawang.
6 Ngunit ngayon ang ating lakas ay nanghihina; walang anuman sa ating harapan kundi ang mannang ito.”
7 Ang(M) manna ay gaya ng butil ng kulantro at ang kulay niyon ay gaya ng kulay ng bedelio.
8 Ang mga taong-bayan ay lumilibot at pinupulot iyon, at kanilang ginigiling sa mga gilingan o dinidikdik sa mga lusong, niluluto sa mga palayok, at ginagawa iyong mumunting tinapay. Ang lasa nito ay gaya ng lasa ng tinapay na niluto sa langis.
9 Kapag(N) ang hamog ay nahulog sa ibabaw ng kampo sa gabi, kasama nitong nahuhulog ang manna.
10 Narinig ni Moises ang pag-iiyakan ng bayan sa kanilang sambahayan, na ang lahat ay nasa pintuan ng kanilang tolda. At ang Panginoon ay galit na galit, at sumama ang loob ni Moises.
11 Kaya't sinabi ni Moises sa Panginoon, “Bakit mo ginawan ng masama ang iyong lingkod? Bakit hindi ako nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin, na iyong iniatang sa akin ang pasanin ng buong bayang ito?
12 Akin bang ipinaglihi ang buong bayang ito? Ipinanganak ko ba sila upang iyong sabihin sa akin, ‘Kandungin mo sila sa iyong kandungan, na gaya ng nag-aalagang magulang na kinakalong ang kanyang anak na pasusuhin,’ tungo sa lupain na iyong ipinangako sa kanilang mga ninuno?
13 Saan ako kukuha ng karne upang ibigay sa buong bayang ito? Sapagkat sila'y umiyak sa akin, na nagsasabi, ‘Bigyan mo kami ng karneng makakain namin.’
14 Hindi ko kayang dalhing mag-isa ang buong bayang ito, sapagkat ang pasanin ay napakabigat para sa akin.
15 Kung ganito ang pakikitungong gagawin mo sa akin ay patayin mo na ako. Kung ako'y nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin, huwag mo nang ipakita sa akin ang aking paghihirap.”
Ang Pitumpung Matatanda
16 Kaya't sinabi ng Panginoon kay Moises, “Magtipon ka para sa akin ng pitumpung lalaki sa matatanda sa Israel, na iyong nalalaman na matatanda sa bayan at mga nangunguna sa kanila; at dalhin mo sa toldang tipanan upang sila'y makatayo roon na kasama mo.
17 Ako'y bababa at makikipag-usap sa iyo doon; at ako'y kukuha ng espiritu na nasa iyo at aking isasalin sa kanila. Kanilang dadalhin ang pasanin ng bayan na kasama mo, upang huwag mong dalhing mag-isa.
18 At sabihin mo sa bayan: Italaga ninyo ang inyong sarili para bukas, at kayo'y kakain ng karne, sapagkat kayo'y nagsisiiyak sa pandinig ng Panginoon, na sinasabi, ‘Sinong magbibigay sa amin ng karne na aming makakain? Sapagkat mabuti pa noong nasa Ehipto kami.’ Dahil dito bibigyan kayo ng Panginoon ng karne at kakain kayo.
19 Hindi ninyo kakainin nang isang araw lamang, ni dalawang araw, ni limang araw, ni sampung araw, ni dalawampung araw;
20 kundi isang buong buwan, hanggang sa lumabas sa inyong mga ilong, at inyong pagsawaan; sapagkat inyong itinakuwil ang Panginoon na nasa gitna ninyo, at kayo'y umiyak sa harap niya, na nagsasabi, ‘Bakit pa kami umalis sa Ehipto?’”
21 Ngunit sinabi ni Moises, “Ang bayang kasama ko ay animnaraang libong katao, at iyong sinabi, ‘Akin silang bibigyan ng karne na kanilang makakain sa buong buwan.’
22 Kakatayin ba kaya ang mga kawan at mga bakahan upang magkasiya sa kanila? O ang lahat ng isda sa dagat ay huhulihin sa kanila upang magkasiya sa kanila?”
23 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Umikli na ba ang kamay ng Panginoon? Ngayo'y makikita mo kung ang aking salita ay matutupad sa iyo o hindi.”
24 Kaya't si Moises ay lumabas, at sinabi sa bayan ang mga salita ng Panginoon. Siya'y nagtipon ng pitumpung lalaki sa matatanda sa bayan at kanyang pinatayo sa palibot ng tolda.
25 At ang Panginoon ay bumaba sa ulap at nagsalita sa kanya; at kumuha sa espiritung nasa kanya at isinalin sa pitumpung matatanda at nangyari, na nang bumaba sa kanila ang espiritu ay nagpropesiya sila. Ngunit hindi na nila iyon ginawa muli.
Si Eldad at si Medad
26 Ngunit naiwan ang dalawang lalaki sa kampo; ang pangalan ng isa ay Eldad at ang isa ay Medad at ang espiritu ay bumaba sa kanila. Sila'y kabilang sa nakatala, ngunit hindi lumabas sa tolda kaya't sila'y nagpropesiya sa kampo.
27 Tumakbo ang isang binata at nagsabi kay Moises, “Sina Eldad at Medad ay nagsalita ng propesiya sa kampo.”
28 Si Josue na anak ni Nun, na lingkod ni Moises, na isa sa kanyang mga piling lalaki ay sumagot, “Aking panginoong Moises, pagbawalan mo sila!”
29 Ngunit sinabi ni Moises sa kanya, “Ikaw ba'y naninibugho para sa akin? Mangyari nawa na ang buong bayan ng Panginoon ay maging propeta na ilagay sa kanila ng Panginoon ang kanyang espiritu!”
30 At bumalik sa kampo si Moises at ang matatanda sa Israel.
Ipinadala ang mga Pugo na Kasama ang Salot
31 At lumabas ang isang hangin galing sa Panginoon, at ito'y nagdala ng mga pugo mula sa dagat, at pinalapag sa kampo na may isang araw lakarin sa dakong ito, at isang araw lakarin sa kabilang dako sa palibot ng kampo, mga dalawang siko[e] ang kapal sa ibabaw ng lupa.
32 Ang bayan ay nakatindig sa buong araw na iyon at sa buong gabi, at sa buong ikalawang araw, at nanghuli ng mga pugo. Yaong kaunti ang natipon ay nakatipon ng sampung omer[f] at kanilang ikinalat para sa kanila sa buong palibot ng kampo.
33 Ngunit samantalang ang karne ay nasa kanilang mga ngipin pa bago ito naubos ay nagningas ang galit ng Panginoon laban sa bayan at pinatay ng Panginoon ang mga tao ng matinding salot.
34 Kaya't ang pangalan ng dakong iyon ay tinawag na Kibrot-hataava, sapagkat doon nila inilibing ang bayang nagkaroon ng masidhing pananabik.
35 Mula sa Kibrot-hataava ay naglakbay ang bayan patungo sa Haserot; at sila'y namalagi sa Haserot.
Si Miriam ay Nagkaketong
12 Sina Miriam at Aaron ay nagsalita laban kay Moises dahil sa babaing Cusita na kanyang napangasawa (sapagkat talagang nag-asawa siya ng isang babaing Cusita).
2 At kanilang sinabi, “Ang Panginoon ba'y nagsasalita sa pamamagitan lamang ni Moises? Hindi ba nagsalita rin naman siya sa pamamagitan natin?” At narinig ito ng Panginoon.
3 Ang lalaki ngang si Moises ay napakaamo, higit kaysa lahat ng lalaki sa ibabaw ng lupa.
4 At sinabi agad ng Panginoon kina Moises, Aaron at Miriam, “Lumabas kayong tatlo patungo sa toldang tipanan.” At silang tatlo ay lumabas.
5 Ang Panginoon ay bumaba sa isang haliging ulap, at tumayo sa pintuan ng tolda, at tinawag sina Aaron at Miriam at sila'y kapwa lumapit.
6 At kanyang sinabi, “Pakinggan ninyo ngayon ang aking mga salita. Kung mayroon sa gitna ninyo na isang propeta, akong Panginoon ay magpapakilala sa kanya sa pangitain, at kakausapin ko siya sa panaginip.
7 Ang(O) aking lingkod na si Moises ay hindi gayon; ipinagkatiwala ko sa kanya ang aking buong sambahayan.
8 Sa kanya'y nakikipag-usap ako nang harapan,[g] nang maliwanag, at hindi sa malabong salitaan; at ang anyo ng Panginoon ay kanyang nakikita. Bakit hindi kayo natakot na magsalita laban sa aking lingkod na si Moises?”
9 Ang galit ng Panginoon ay nag-alab laban sa kanila; at siya'y umalis.
10 Nang ang ulap ay lumayo sa tolda, si Miriam ay naging ketongin na kasimputi ng niyebe. Tiningnan ni Aaron si Miriam, at nakita na ito'y ketongin.
11 At sinabi ni Aaron kay Moises, “O panginoon ko, huwag mo kaming parusahan,[h] sapagkat gumawa kaming may kahangalan, at kami ay nagkasala.
12 Huwag mong itulot sa kanya, isinasamo ko sa iyo, na maging parang isang patay na naagnas ang kalahati ng kanyang laman paglabas sa tiyan ng kanyang ina.”
13 At tumawag si Moises sa Panginoon, “Pagalingin mo siya, O Diyos, ipinapakiusap ko sa iyo.”
14 Sinabi(P) ng Panginoon kay Moises, “Kung siya'y niluraan ng kanyang ama sa kanyang mukha, hindi ba niya dadalhin ang kanyang kahihiyan nang pitong araw? Kulungin siyang pitong araw sa labas ng kampo, at pagkatapos ay madadala siyang muli sa loob.”
15 Si Miriam ay pitong araw na kinulong sa labas ng kampo at ang bayan ay hindi umalis upang maglakbay hanggang si Miriam ay nadalang muli sa loob.
16 Pagkatapos nito ay naglakbay ang bayan mula sa Haserot, at nagkampo sa ilang ng Paran.
Nagpadala ng mga Espiya sa Canaan(Q)
13 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 “Magsugo ka ng mga lalaki upang lihim na siyasatin ang lupain ng Canaan, na aking ibibigay sa mga anak ni Israel. Isang lalaki sa bawat isa sa mga lipi ng kanilang mga ninuno ay susuguin ninyo, na bawat isa'y pinuno sa kanila.”
3 Kaya't sinugo sila ni Moises mula sa ilang ng Paran ayon sa utos ng Panginoon. Silang lahat ay mga lalaking pinuno sa mga anak ni Israel.
4 At ito ang kanilang mga pangalan: mula sa lipi ni Ruben ay si Samua na anak ni Zacur;
5 mula sa lipi ni Simeon ay si Shafat na anak ni Hori;
6 mula sa lipi ni Juda ay si Caleb na anak ni Jefone;
7 mula sa lipi ni Isacar ay si Igal na anak ni Jose;
8 mula sa lipi ni Efraim ay si Hosheas na anak ni Nun;
9 mula sa lipi ni Benjamin ay si Palti na anak ni Rafu;
10 mula sa lipi ni Zebulon ay si Gadiel na anak ni Sodi;
11 mula sa lipi ni Jose, samakatuwid ay sa lipi ni Manases ay si Gaddi na anak ni Susi;
12 mula sa lipi ni Dan ay si Amiel na anak ni Gemalli;
13 mula sa lipi ni Aser ay si Sethur na anak ni Micael;
14 mula sa lipi ni Neftali ay si Nahabi na anak ni Vapsi;
15 mula sa lipi ni Gad ay si Geuel na anak ni Maci.
16 Ito ang mga pangalan ng mga lalaki na isinugo ni Moises upang lihim na siyasatin ang lupain. At tinawag ni Moises na Josue si Hosheas na anak ni Nun.
17 Isinugo sila ni Moises upang lihim na siyasatin ang lupain ng Canaan at sinabi sa kanila, “Umakyat kayo sa Negeb at umakyat kayo sa mga kaburulan.
18 Tingnan ninyo kung ano ang lupain, at ang mga taong naninirahan doon, kung sila'y malakas o mahina, kung sila'y kaunti o marami;
19 at kung ano ang lupain na kanilang tinatahanan, kung mabuti o masama; at kung ano ang mga lunsod na kanilang tinatahanan, kung sa mga kampo o sa mga may pader,
20 at kung ang lupain ay mataba o payat, kung mayroong kahoy o wala. Magpakatapang kayo at magdala kayo rito ng mga bunga ng lupain.” Ang panahong iyon ay panahon ng mga unang hinog na ubas.
21 Kaya't sila'y umakyat, at kanilang lihim na siniyasat ang lupain mula sa ilang ng Zin hanggang sa Rehob, sa pagpasok sa Hamat.
22 Sila'y umakyat sa Negeb, at sila'y nakarating sa Hebron; at si Ahiman, si Sesai at si Talmai, na mga anak ni Anak, ay naroon. (Ang Hebron ay itinayo pitong taon bago ang Zoan sa Ehipto).
23 At sila'y dumating sa libis ng Escol, at sila'y pumutol doon ng isang sangang may isang kumpol na ubas, at dinala sa isang pingga ng dalawa sa kanila. Sila'y nagdala rin ng mga prutas na granada, at mga igos.
24 Ang dakong iyon ay tinawag na libis ng Escol, dahil sa kumpol na pinutol ng mga anak ni Israel mula doon.
Ang Masamang Balita ng mga Espiya
25 At sila'y nagbalik pagkatapos na lihim na siyasatin ang lupain, sa katapusan ng apatnapung araw.
26 Sila'y dumating kina Moises at Aaron at sa buong sambayanan ng mga anak ni Israel, sa ilang ng Paran, sa Kadesh; at kanilang dinalhan sila ng balita at ang buong sambayanan, at kanilang ipinakita sa kanila ang bunga ng lupain.
27 Kanilang sinabi sa kanya, “Kami ay dumating sa lupaing iyon na kung saan ay sinugo mo kami, at tunay na iyon ay dinadaluyan ng gatas at pulot; at ito ang bunga niyon.
28 Gayunman, ang mga tao na tumitira sa lupaing iyon ay malalakas, at ang mga bayan ay may pader at napakalalaki; at saka aming nakita roon ang mga anak ni Anak.
29 Ang Amalekita ay naninirahan sa lupain ng Negeb, ang mga Heteo, ang mga Jebuseo, at ang mga Amoreo ay naninirahan sa mga bundok. Ang mga Cananeo ay naninirahan sa tabi ng dagat, at sa mga pampang ng Jordan.”
30 Ngunit pinatahimik ni Caleb ang bayan sa harapan ni Moises, at sinabi, “Ating akyatin agad at sakupin sapagkat kayang kaya nating lupigin iyon.”
31 Ngunit sinabi ng mga lalaking umakyat na kasama niya, “Hindi tayo makakaakyat laban sa mga taong iyon, sapagkat sila'y malalakas kaysa atin.
32 Kaya't sila'y nagdala ng masamang balita tungkol sa lupaing kanilang siniyasat, sa mga anak ni Israel, na sinasabi, “Ang lupain na aming pinaroonan upang lihim na siyasatin ay isang lupain na nilalamon ang mga naninirahan doon; at lahat ng tao na aming nakita roon ay malalaking tao.
33 At(R) nakita namin doon ang mga Nefilim, ang mga anak ni Anak, na mula sa mga Nefilim; at kami sa aming sariling paningin ay naging parang mga tipaklong, at gayundin kami sa kanilang paningin.”
Tumutol ang Buong Kapulungan
14 Kaya't ang buong kapulungan ay sumigaw nang malakas; at ang taong-bayan ay umiyak nang gabing iyon.
2 At nagreklamo ang lahat ng mga anak ni Israel laban kina Moises at Aaron. Sinabi sa kanila ng buong sambayanan, “Namatay na sana tayo sa lupain ng Ehipto! O kaya'y namatay na sana tayo sa ilang na ito!
3 Bakit kaya tayo dinala ng Panginoon sa lupaing ito, upang tayo'y bumagsak sa tabak? Ang ating mga asawa at ang ating mga anak ay magiging biktima. Hindi ba mas mabuti para sa atin na tayo'y magbalik sa Ehipto?”
4 Kaya't sinabi nila sa isa't isa, “Maglagay tayo ng isang pinuno at tayo'y magbalik sa Ehipto.”
5 Nang magkagayon, sina Moises at Aaron ay nagpatirapa sa harap ng buong kapulungan ng bayan ng mga anak ni Israel.
6 Si Josue na anak ni Nun, at si Caleb na anak ni Jefone, na mga kasama ng mga nagsiyasat nang lihim sa lupain, ay pinunit ang kanilang mga damit.
7 At sinabi nila sa buong kapulungan ng mga anak ni Israel, “Ang lupain na aming pinuntahan upang lihim na siyasatin ay isang napakagandang lupain.
8 Kung kalulugdan tayo ng Panginoon ay dadalhin nga niya tayo sa lupaing iyon, at ibibigay niya sa atin; isang lupain na dinadaluyan ng gatas at pulot.
9 Huwag(S) lamang kayong maghimagsik laban sa Panginoon ni matakot sa mga tao ng lupaing iyon, sapagkat sila'y para lamang tinapay sa atin; ang kanyang kalinga ay inalis sa kanila, at ang Panginoon ay kasama natin; huwag kayong matakot sa kanila.”
10 Subalit pinagbantaan sila ng buong sambayanan na babatuhin sila ng mga bato. At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay lumitaw sa toldang tipanan sa lahat ng mga anak ni Israel.
Ang Babala ng Panginoon at ang Pagsamo ni Moises
11 At sinabi ng Panginoon kay Moises, “Hanggang kailan ako hahamakin ng bayang ito? At hanggang kailan sila hindi maniniwala sa akin, sa kabila ng mga tanda na aking ginawa sa kanila?
12 Hahampasin ko sila ng salot, at tatanggalan ko sila ng mana at gagawin kitang isang bansang mas malaki at mas matibay kaysa kanila.”
13 Ngunit(T) sinabi ni Moises sa Panginoon, “Kung gayo'y mababalitaan ito ng mga taga-Ehipto, sapagkat dinala mo ang bayang ito ng iyong kapangyarihan mula sa kanila;
14 at kanilang sasabihin sa mga naninirahan sa lupaing ito. Kanilang nabalitaan na ikaw Panginoon ay nasa gitna ng bayang ito, sapagkat ikaw Panginoon ay nagpakita nang mukhaan, at ang iyong ulap ay nakatindig sa ibabaw ng mga iyon, at ikaw ay nangunguna sa kanila, sa isang haliging ulap sa araw, at sa isang haliging apoy sa gabi.
15 Kung papatayin mo ang bayang ito na parang isang tao, magsasalita nga ang mga bansang nakarinig ng iyong katanyagan at kanilang sasabihin,
16 ‘Sapagkat hindi kayang dalhin ng Panginoon ang bayang ito sa lupain na kanyang ipinangakong ibibigay sa kanila, kaya't kanyang pinaslang sila sa ilang.’
17 At ngayon, idinadalangin ko sa iyo, hayaan mong ang kapangyarihan ng Panginoon ay maging dakila, ayon sa iyong ipinangako,
18 ‘Ang(U) Panginoon ay mabagal sa pagkagalit at sagana sa tapat na pag-ibig, na nagpapatawad ng kasamaan at ng pagsuway, ngunit kailanman ay hindi pinapawalang-sala ang may sala, na dinadalaw ang kasamaan ng mga magulang sa mga anak sa ikatlo at sa ikaapat na salinlahi.
19 Hinihiling ko sa iyo, patawarin mo ang kasamaan ng bayang ito ayon sa kadakilaan ng iyong tapat na pag-ibig, at ayon sa iyong pagpapatawad sa bayang ito, mula sa Ehipto hanggang ngayon.”
20 At sinabi ng Panginoon, “Ako'y nagpatawad ayon sa iyong salita;
21 gayunman,(V) na kung paanong ako'y buháy at kung paanong mapupuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang buong lupa,
22 wala sa mga taong iyon na nakakita ng aking kaluwalhatian at ng aking mga tanda na aking ginawa sa Ehipto at sa ilang, ngunit tinukso pa rin ako nitong makasampung ulit, at hindi dininig ang aking tinig,
23 ang makakakita sa lupain na aking ipinangako sa kanilang mga ninuno, at walang sinuman sa kanila na humamak sa akin ang makakakita nito.
24 Ngunit(W) ang aking lingkod na si Caleb, sapagkat siya'y nagtaglay ng ibang espiritu at sumunod nang lubos sa akin, ay dadalhin ko sa lupain na kanyang pinaroonan; at aariin ng kanyang mga binhi.
25 Ngayon, sapagkat ang mga Amalekita at ang mga Cananeo ay naninirahan sa libis, bumalik kayo bukas at kayo'y maglakbay sa daang patungo sa Dagat na Pula.”
Ang Parusa sa Israel
26 At nagsalita ang Panginoon kina Moises at Aaron, na sinasabi,
27 “Hanggang kailan magrereklamo laban sa akin ang masamang kapulungang ito? Aking narinig ang mga reklamo ng mga anak ni Israel na kanilang sinasabi laban sa akin.
28 Sabihin mo sa kanila, ‘Ako'y buháy, sabi ng Panginoon, kung ano ang sinabi ninyo sa aking pandinig ay gayon ang gagawin ko sa inyo.
29 Ang(X) inyong mga bangkay ay mabubuwal sa ilang na ito; at ang lahat na nabilang sa inyo ayon sa inyong kabuuang bilang, mula sa dalawampung taong gulang pataas na nagreklamo laban sa akin,
30 ay hindi papasok sa lupaing aking ipinangako na patitirahan ko sa inyo, maliban kay Caleb na anak ni Jefone at kay Josue na anak ni Nun.
31 Ngunit ang inyong mga bata, na inyong sinabing magiging mga biktima ay aking papapasukin, at kanilang makikilala ang lupain na inyong itinakuwil.
32 Ngunit tungkol sa inyo, ang inyong mga bangkay ay mabubuwal sa ilang na ito.
33 At(Y) ang inyong mga anak ay magiging palaboy sa ilang na apatnapung taon, at magdurusa dahil sa kawalan ninyo ng pananampalataya, hanggang sa ang huli sa inyong mga bangkay ay humandusay sa ilang.
34 Ayon sa bilang ng mga araw na inyong lihim na ipinagsiyasat sa lupain, samakatuwid ay apatnapung araw, sa bawat araw ay isang taon, inyong pananagutan ang inyong mga kasamaan, nang apatnapung taon, at inyong makikilala ang aking sama ng loob!
35 Akong Panginoon ang nagsalita, tunay na ito'y aking gagawin sa buong masamang kapulungang ito, na nagtitipon laban sa akin. Sa ilang na ito, sila'y magwawakas, at dito sila mamamatay.’”
36 Ang mga lalaki na sinugo ni Moises upang lihim na magsiyasat sa lupain, na bumalik at naging dahilan upang magreklamo ang buong kapulungan laban sa kanya dahil sa paghahatid ng masamang balita laban sa lupain,
37 samakatuwid ay ang mga taong naghatid ng masamang balita tungkol sa lupain ay namatay sa salot sa harap ng Panginoon.
38 Ngunit si Josue na anak ni Nun, at si Caleb na anak ni Jefone ay naiwang buháy sa mga taong iyon na pumaroon upang lihim na siyasatin ang lupain.
Hinabol Hanggang sa Horma(Z)
39 At sinabi ni Moises ang mga salitang ito sa lahat ng mga anak ni Israel at ang bayan ay lubhang nanangis.
40 Kinaumagahan, sila'y maagang bumangon at umakyat sa taluktok ng bundok, na sinasabi, “Narito kami, at kami ay aakyat sa dakong ipinangako ng Panginoon, sapagkat kami ay nagkasala.”
41 Ngunit sinabi ni Moises, “Bakit sinusuway ninyo ngayon ang utos ng Panginoon? Iyan ay hindi magtatagumpay.
42 Huwag kayong umahon, baka kayo'y masaktan sa harap ng mga kaaway, sapagkat ang Panginoon ay hindi ninyo kasama.
Footnotes
- Mga Bilang 2:14 tinatawag na Deuel.
- Mga Bilang 3:47 Tingnan sa Talaan ng mga Timbang at Sukat.
- Mga Bilang 3:47 Tingnan sa Talaan ng mga Timbang at Sukat.
- Mga Bilang 6:2 Ang ibig sabihin ay ibinukod o itinalaga .
- Mga Bilang 11:31 Tingnan sa Talaan ng mga Timbang at Sukat.
- Mga Bilang 11:32 Tingnan sa Talaan ng mga Timbang at Sukat.
- Mga Bilang 12:8 Sa Hebreo ay bibig sa bibig .
- Mga Bilang 12:11 Sa Hebreo ay huwag mong iparatang ang kasalanan sa amin .