Add parallel Print Page Options

Ang Makipot na Pintuan(A)

13 “Pumasok kayo sa makitid na pintuan; sapagkat maluwang ang pintuan at madali ang daan patungo sa pagkawasak, at maraming dumaraan doon. 14 Sapagkat makitid ang pintuan at mahirap ang daan patungo sa buhay, at iilan lamang ang nakatatagpo niyon.

Sa Bunga Makikilala(B)

15 “Mag-ingat kayo sa mga huwad na propeta! Lumalapit sila sa inyo nang nakadamit-tupa, ngunit sa loob ay mga mababangis na asong-gubat. 16 Sa pamamagitan ng kanilang mga bunga, sila'y inyong makikilala. Nakapag-aani ba ng ubas sa halamang tinikan o nakakukuha ba ng igos sa mga dawagan? 17 Kaya't mabuti ang bunga ng bawat mabuting puno, subalit masama ang ibinubunga ng masamang puno. 18 Hindi maaaring magkaroon ng masamang bunga ang mabuting puno, at magkaroon ng mabuting bunga ang masamang puno. 19 Bawat punong masama ang bunga ay pinuputol at itinatapon sa apoy. 20 Kaya't sa pamamagitan ng kanilang bunga ay makikilala ninyo sila.

Hindi Ko Kayo Nakilala Kailanman(C)

21 “Hindi lahat ng tumatawag sa akin ng ‘Panginoon, Panginoon’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi yaon lamang nagsasagawa ng kagustuhan ng aking Amang nasa langit. 22 Marami ang magsasabi sa akin sa araw na iyon, ‘Panginoon, Panginoon, hindi ba't sa iyong pangalan ay nagpahayag kami ng propesiya, nakapagpalayas ng mga demonyo, at sa iyong pangalan din ay gumawa kami ng maraming himala?’ 23 At sasabihin ko naman sa kanila, ‘Kailanma'y hindi ko kayo nakikilala. Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan!’

Ang Matalino at ang Hangal na Nagtayo ng Bahay(D)

24 “Kaya't ang bawat nakikinig sa mga salita kong ito at isinasagawa ang mga ito ay maitutulad ng isang matalinong tao na nagtayo ng kanyang bahay sa ibabaw ng bato. 25 Bumuhos ang ulan at bumaha. Lumakas ang hangin at hinampas ang bahay na iyon, ngunit hindi iyon bumagsak, sapagkat nakatayo sa ibabaw ng bato. 26 At ang bawat nakikinig sa mga salita kong ito, ngunit hindi isinasagawa ang mga ito ay maitutulad sa isang taong hangal na nagtayo ng kanyang bahay sa buhanginan. 27 Bumuhos ang ulan at bumaha. Lumakas ang hangin at hinampas ang bahay na iyon. Nagiba nga ang bahay na iyon at nagkawasak-wasak.” 28 Pagkatapos ni Jesus sa pagsasalita ng mga ito, namangha ang napakaraming tao sa kanyang pagtuturo, 29 sapagkat siya'y nagturo sa kanila nang tulad sa isang may kapangyarihan at hindi katulad ng kanilang mga guro ng Kautusan.

Read full chapter