Mga Gawa 24:1-9
Ang Biblia, 2001
Ang Paratang ng mga Judio kay Pablo
24 Pagkaraan ng limang araw, ang pinakapunong pari na si Ananias ay lumusong na kasama ang ilang matatanda, at ang isang Tertulio na tagapagsalita na siyang nagharap ng sakdal sa gobernador laban kay Pablo.
2 Nang si Pablo[a] ay tawagin, sinimulan siyang paratangan ni Tertulio, na sinasabi,
“Kagalang-galang na Felix, yamang dahil sa iyo'y nagtamo kami ng matagal na kapayapaan, at dumating ang mga pagbabago sa bansang ito dahil sa iyong pagtanaw sa hinaharap.
3 Kinikilala namin ito sa lahat ng mga paraan at sa lahat ng mga dako, na may lubos na pasasalamat.
4 Ngunit upang hindi na kayo maabala pa, hinihiling ko sa iyo sa iyong kagandahang-loob na pakinggan mo kami ng ilang sandali.
5 Natagpuan namin na ang taong ito'y mapanligalig at mapag-udyok ng kaguluhan sa lahat ng mga Judio sa buong daigdig, at isang pinuno sa sekta ng mga Nazareno.
6 Nagtangka pa siya na lapastanganin ang templo ngunit dinakip namin siya.[b]
[7 Ngunit dumating ang pangulong pinunong si Lisias at sapilitang inagaw siya sa aming mga kamay, at inutusan ang mga nagbintang sa kanya na humarap sa inyo.]
8 Sa pamamagitan ng pagsisiyasat ninyo mismo sa kanya, ang lahat ng mga bagay na ito na isinasakdal namin laban sa kanya ay malalaman ninyo mula sa kanya.”
9 At ang mga Judio ay nakisama rin sa pagsasakdal, na sinasabing ang lahat ng mga ito ay totoo.
Read full chapterFootnotes
- Mga Gawa 24:2 Sa Griyego ay siya .
- Mga Gawa 24:6 Sa ibang mga kasulatan ay nakalagay ito: at ibig namin sanang hatulan siya alinsunod sa aming kautusan .