Job 34-36
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
34 Sinabi pa ni Elihu,
2 “Kayong mga nagsasabing marurunong at maraming nalalaman, pakinggan ninyo akong mabuti. 3 Sapagkat kung papaanong alam ng dila ang masarap at hindi masarap na pagkain, alam din ng tainga kung ano ang tama at hindi tamang mga salita. 4 Kaya alamin natin kung ano ang tama, pag-aralan natin kung ano ang mabuti. 5 Sapagkat sinabi ni Job, ‘Wala akong kasalanan pero hindi ako binigyan ng Dios ng katarungan. 6 Kahit na matuwid ako, itinuring akong sinungaling. Kahit na wala akong nagawang kasalanan, binigyan niya ako ng karamdamang walang kagalingan.’
7 “Walang taong katulad ni Job na uhaw sa pangungutya. 8 Ang gusto niyang makasama ay masasama at makasalanang tao, 9 dahil sinabi niya, ‘Walang pakinabang ang tao kung magsisikap siyang bigyan kasiyahan ang Dios!’
10 “Kaya makinig kayo sa akin, kayong mga nagsasabing kayo ay nakakaunawa. Ang Makapangyarihang Dios ay hindi gumagawa ng masama. 11 Ginagantimpalaan niya ang tao ayon sa kanyang mga ginawa; pinakikitunguhan niya ito ayon sa nararapat sa kanyang ugali. 12 Nakatitiyak akong hindi maaaring gumawa ang Makapangyarihang Dios ng masama. Hindi niya maaaring baluktutin ang hustisya. 13 May nagtalaga ba sa kanya para pamunuan ang mundo? May nagbilin ba sa kanya ng mundo? Wala! 14 Kung loloobin ng Dios na kunin ang buhay na ibinigay niya sa tao, 15 lahat ng taoʼy mamamatay at babalik sa lupa.
16 “Job, kung may pang-unawa ka, pakinggan mo ang sasabihin ko: 17 Makakapamuno kaya ang Dios kung ayaw niya ng katarungan? Bakit mo hinahatulan ang matuwid at makapangyarihang Dios? 18 Hindi baʼt siya ang sumasaway sa mga hari at pinunong masama at walang kwenta? 19 Wala siyang itinatangi sa mga pinuno at wala rin siyang pinapanigan, mayaman man o mahirap, dahil silang lahat ay pare-pareho niyang nilikha. 20 Kahit ang taong makapangyarihan ay biglang mamamatay sa gabi nang hindi ginagalaw ng tao.
21 “Binabantayan ng Dios ang lahat ng ginagawa ng tao. 22 Walang madilim na lugar na maaaring pagtaguan ng masama. 23 Hindi na kailangang tawagin pa ng Dios ang tao upang humarap sa kanya para tanungin at hatulan. 24 Hindi na niya kailangang imbestigahan pa ang taong namumuno para alisin ito sa katungkulan at palitan ng iba. 25 Sapagkat alam niya ang kanilang ginagawa, inaalis niya sila sa kapangyarihan at nililipol kahit gabi. 26 Hayagan niya silang pinaparusahan dahil sa kanilang kasamaan. 27 Ginawa niya ito dahil tumigil sila ng pagsunod sa kanya, at binalewala ang kanyang pamamaraan. 28 Inaapi nila ang mga dukha, at narinig ng Dios ang paghingi ng mga ito ng tulong. 29 Pero kahit na tumahimik ang Dios at magtago, walang sinuman ang makapagsasabing mali siya. Ang totoo, binabantayan ng Dios ang tao at mga bansa, 30 para patigilin ang pamumuno ng mga hindi makadios, na siyang bitag na pipinsala sa mga tao.
31 “Job, bakit ayaw mong lumapit sa Dios at sabihin sa kanya, ‘Nagkasala po ako, pero hindi na ako magkakasala pa!’ 32 o, ‘Sabihin nʼyo sa akin ang kasalanan ko. Kung nagkasala ako, hindi ko na ito muling gagawin.’ 33 Papaano sasagutin ng Dios ang kahilingan mo kung hindi ka magsisisi? Ikaw ang magpapasya nito at hindi ako. Kaya sabihin mo sa akin kung ano ang pasya mo.
34 “Ang mga taong marunong at may pang-unawa, na nakikinig sa akin, 35 ay makapagsasabing ang mga sinasabi mo Job ay kamangmangan at walang kabuluhan. 36 Dapat ka ngang lubusang subukin dahil nagsasalita kang gaya ng masamang tao. 37 Dinadagdagan mo pa ang kasalanan mo dahil sa paghihimagsik mo sa Dios. Minamasama moʼt kinukutya ang Dios sa harap namin.”
35 Sinabi pa ni Elihu, 2 “Akala mo baʼy tama ka sa pagsasabing wala kang kasalanan sa harap ng Dios? 3 Pero tinatanong mo rin, ‘Anong pakinabang ko kung akoʼy hindi gagawa ng kasalanan?’
4 “Sasagutin kita pati na ang iyong mga kaibigan. 5 Tumingin ka sa langit at tingnan mo kung gaano kataas ang ulap. 6 Kung magkasala ka, hindi iyon makakaapekto sa Dios, kahit patuloy ka pang magkasala. 7 Kung matuwid ka, ano naman ang kabutihang maibibigay nito sa Dios? 8 Ang maaapektuhan lamang sa ginagawa mong mabuti o masama ay ang iyong kapwa.
9 “Ang mga inaapi ay humihingi ng tulong na iligtas sila sa kamay ng mga makapangyarihang tao. 10 Pero hindi sila tumatawag sa Dios na lumikha sa kanila at nagbibigay ng kalakasan sa panahon ng paghihirap. 11 Hindi sila lumalapit sa Dios na nilikha silang higit na marunong kaysa sa mga hayop at ibon. 12 At kung mananalangin sila, hindi sila sinasagot ng Dios dahil mayayabang sila at masasamang tao. 13 Tunay ngang hindi dinidinig ng Makapangyarihang Dios ang walang kabuluhang paghingi nila ng tulong. 14 Job, lalo ka lang niyang hindi pakikinggan kung sasabihin mong hindi mo nakikita ang kanyang tulong nang idinulog mo ang iyong kalagayan, at pinaghihintay ka lang. 15 Sinabi mo rin na hindi nagpaparusa ang Dios kahit galit siya, at hindi niya pinapansin ang kasamaang ginagawa ng tao. 16 Job, walang saysay ang sinasabi mo. Talagang malinaw na hindi mo alam ang iyong sinasabi.”
36 Nagpatuloy pa si Elihu, 2 “Pagtiyagaan mo pa ako ng kaunti, dahil may sasabihin pa ako para ipagtanggol ang Dios. 3 Marami akong nalalaman at papatunayan ko sa iyo na ang Dios na lumikha sa akin ay tama. 4 Tinitiyak ko sa iyong hindi ako nagsisinungaling, dahil ako na kausap moʼy tunay na marunong.
5 “Makapangyarihan ang Dios, pero wala siyang hinahamak. Nalalaman niya ang lahat ng bagay. 6 Hindi niya pinapayagang mabuhay ang masama, at ang mga inaapi ay binibigyan niya ng katarungan. 7 Hindi niya pinapabayaan ang mga matuwid. Pinararangalan niya sila kasama ng mga hari magpakailanman. 8 Pero kung silaʼy pinahihirapan na parang ginagapos ng kadena, 9 ipinapakita sa kanila ng Dios ang ginawa nilang kasalanan na ipinagmamalaki pa nila. 10 Ipinaririnig niya sa kanila ang kanyang babala at inuutusan silang tumalikod sa kasamaan. 11 Kung susunod sila at maglilingkod sa kanya, buong buhay silang mamumuhay sa kasaganaan at kaligayahan. 12 Pero kung hindi sila susunod, mamamatay sila sa digmaan na kapos sa kaalaman.
13 “Ang mga taong hindi makadios ay nagkikimkim ng galit sa puso, at kahit na pinaparusahan na sila ng Dios, hindi pa rin sila humihingi ng tulong sa kanya. 14 Mamamatay silang kahiya-hiya[a] habang bata pa. 15 Pero sa pamamagitan ng mga paghihirap, tinuturuan ng Dios ang mga tao. Natututo silang makinig sa kanya sa pamamagitan ng mga pagdurusa.
16 “Inilalayo ka ng Dios sa panganib at binibigyan ng kalayaan at kasaganaan. At mapupuno ng masasarap na pagkain ang iyong hapag-kainan. 17 Pero ngayong nararanasan mo ang parusang nararapat sa masasama, hindi ka na makakaiwas sa katarungan. 18 Mag-ingat ka, baka matukso ka sa kayamanan at mailigaw ng malalaking suhol. 19 Makakatulong kaya sa iyong paghihirap ang mga kayamanan moʼt kakayahan? 20 Huwag mong hahanapin ang gabi,[b] ang panahon ng kapahamakan ng mga bansa. 21 Mag-ingat kaʼt huwag gumawa ng masama. Pinahihirapan ka para makaiwas sa kasamaan.
22 “Alalahanin mong ang Dios ay tunay makapangyarihan. Walang guro na katulad niya. 23 Walang makapagtuturo sa kanya kung ano ang dapat niyang gawin, at walang makapagsasabing nagkamali siya. 24 Huwag mong kalimutang purihin ang kanyang mga ginawa gaya ng ginagawa ng iba sa kanilang pag-awit. 25 Nakita ng lahat ang kanyang mga gawa, kahit tinitingnan ito mula sa malayo.[c] 26 Tunay na makapangyarihan ang Dios at hinding-hindi natin kayang unawain ang kanyang kadakilaan. Kahit ang kanyang mga taon ay hindi natin mabibilang.
27 “Ang Dios ang nagpapaakyat ng tubig mula sa lupa at ginagawa niyang ulan. 28 Bumubuhos ang ulan mula sa ulap para sa mga tao. 29 Walang nakakaalam kung paano kumakalat ang ulap, at kung paano kumukulog sa langit kung saan nananahan ang Dios. 30 Masdan mo kung paano niya pinakikidlat sa kanyang paligid, at kung paano nito pinaliliwanag hanggang sa dulo ng dagat. 31 Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Dios, pinamumunuan niya ang mga bansa at binibigyan ng saganang pagkain ang mga tao. 32 Hinahawakan niya ang kidlat at inuutusang tamaan ang sinumang nais niyang patamaan. 33 Ang kulog ay nagpapahiwatig na may bagyong paparating, kahit mga hayop ay alam na itoʼy darating.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®