Add parallel Print Page Options

Nakabilanggo na noon si Juan na Tagapagbautismo. Nabalitaan niya ang mga ginagawa ni Cristo kaya't nagsugo siya ng ilang mga alagad upang itanong, “Kayo po ba ang ipinangakong darating, o maghihintay pa kami ng iba?” Sumagot si Jesus, “Bumalik kayo kay Juan at sabihin ninyo sa kanya ang inyong naririnig at nakikita. Nakakakita(A) ang mga bulag, nakakalakad ang mga pilay, gumagaling[a] ang mga ketongin, nakakarinig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinapangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita. Pinagpala ang taong hindi nag-aalinlangan sa akin!”

Nang paalis na ang mga alagad ni Juan, nagsalita si Jesus sa mga tao tungkol kay Juan, “Bakit kayo nagpunta sa ilang? Ano ang nais ninyong makita? Isa bang tambo na hinihipan ng hangin? Bakit kayo pumunta sa ilang? Para makita ang isang taong may mamahaling kasuotan? Ang mga nagdaramit ng ganyan ay nasa palasyo ng mga hari! Ano nga ba ang nais ninyong makita? Isang propeta?[b] Oo, siya'y propeta. At sinasabi ko sa inyo, siya'y higit pa sa isang propeta. 10 Sapagkat(B) si Juan ang tinutukoy ng kasulatan, ‘Ipadadala ko ang aking sugo na mauuna sa iyo; ihahanda niya ang iyong daraanan.’ 11 Tandaan ninyo: higit na dakila si Juan na Tagapagbautismo kaysa sinumang isinilang sa daigdig, ngunit ang pinakahamak sa kaharian ng langit ay mas dakila kaysa kanya. 12 Mula(C) nang mangaral si Juan na Tagapagbautismo hanggang ngayon, ang kaharian ng langit ay sapilitang pinapasok ng mga taong mararahas.[c] 13 Sapagkat hanggang sa dumating si Juan, ang mga propeta at ang Kautusan ang siyang nagpahayag tungkol sa kaharian ng langit.[d] 14 Kung(D) naniniwala kayo sa pahayag na ito, si Juan na nga ang Elias na ipinangakong darating. 15 Makinig ang may pandinig!

16 “Saan ko ihahambing ang mga tao sa panahong ito? Ang katulad nila'y mga batang nakaupo sa lansangan at sumisigaw sa kanilang mga kalaro: 17 ‘Tinugtugan namin kayo ng plauta ngunit ayaw ninyong sumayaw! Umawit kami ng awit ng pagluluksa, ngunit ayaw ninyong tumangis!’ 18 Sapagkat nakita nila si Juan na nag-aayuno at di umiinom ng alak, at ang sabi nila, ‘Sinasaniban ng demonyo ang taong iyan.’ 19 Nakita naman nila ang Anak ng Tao na kumakain at umiinom, at ang sabi naman nila, ‘Tingnan ninyo ang taong ito! Matakaw, lasenggo at kaibigan ng mga maniningil ng buwis at makasalanan.’ Gayunman, ang karunungan ng Diyos ay napapatunayang tama sa pamamagitan ng mga gawa nito.”

Babala sa mga Bayang Ayaw Magsisi(E)

20 Pagkatapos, sinumbatan ni Jesus ang mga bayang nakasaksi sa maraming himalang ginawa niya roon sapagkat hindi sila nagsisi't tumalikod sa kanilang mga kasalanan. Sinabi niya, 21 “Kawawa(F) kayo, mga taga-Corazin! Kawawa kayo, mga taga-Bethsaida! Sapagkat kung sa Tiro at Sidon ginawa ang mga himalang ginawa sa inyo, matagal na sanang nagdamit ng sako at naupo sa abo ang mga tagaroon bilang tanda ng kanilang pagsisisi. 22 Ngunit sinasabi ko sa inyo, sa Araw ng Paghuhukom ay mas kahahabagan pa ang mga taga-Tiro at taga-Sidon kaysa inyo. 23 At(G) kayong mga taga-Capernaum, nais pala ninyong itaas ang inyong sarili hanggang langit? Ibabagsak kayo[e] hanggang sa daigdig ng mga patay! Sapagkat kung sa Sodoma ginawa ang mga himalang ginawa sa inyo, sana'y nananatili pa ang bayang iyon magpahanggang ngayon. 24 Ngunit(H) sinasabi ko sa inyo, mas kahahabagan pa ang mga taga-Sodoma kaysa inyo sa Araw ng Paghuhukom!”

Lumapit sa Akin at Magpahinga(I)

25 Nang panahong iyo'y sinabi ni Jesus, “Ama, Panginoon ng langit at lupa, salamat sa iyo, sapagkat inilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at matatalino, at inihayag mo naman sa mga may kaloobang tulad ng sa bata. 26 Oo, Ama, sapagkat ganoon ang nais mo.

27 “Ibinigay(J) na sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang mga pinili ng Anak na pagpahayagan niya.

28 “Lumapit(K) kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at lubhang nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo'y bibigyan ko ng kapahingahan. 29 Pasanin(L) ninyo ang aking pamatok at matuto kayo sa akin sapagkat ako'y maamo at may mababang loob. Makakatagpo kayo sa akin ng kapahingahan 30 sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang pasaning ibibigay ko sa inyo.”

Katanungan tungkol sa Araw ng Pamamahinga(M)

12 Isang(N) Araw ng Pamamahinga, dumaan sina Jesus sa triguhan. Nagugutom ang kanyang mga alagad noon, kaya't sila'y kumuha ng mga butil ng trigo at kumain niyon. Nang makita ito ng mga Pariseo, sinabi nila sa kanya, “Tingnan mo ang ginagawa ng iyong mga alagad. Mahigpit iyang ipinagbabawal ng Kautusan sa Araw ng Pamamahinga!” Sumagot(O) si Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang magutom siya at ang kanyang mga kasama? Pumasok(P) siya sa bahay ng Diyos, kumain ng tinapay na handog at pinakain din niya ang kanyang mga kasama. Labag sa Kautusan ang ginawa nila sapagkat ang mga pari lamang ang may karapatang kumain niyon. Hindi(Q) ba ninyo nababasa sa Kautusan na tuwing Araw ng Pamamahinga, ang mga pari ay may ginagawa sa Templo na bawal gawin sa araw na iyon? Gayunma'y hindi sila nagkakasala! Sinasabi ko sa inyo, may isang naririto na higit na dakila kaysa Templo. Kung(R) nauunawaan lamang ninyo ang kahulugan ng mga salitang ito, ‘Habag ang nais ko at hindi handog,’ hindi sana ninyo hinatulan ang mga walang sala. Sapagkat ang Anak ng Tao ay Panginoon ng Araw ng Pamamahinga.”

Pinagaling ang Lalaking Paralisado ang Kamay(S)

Pagkaalis ni Jesus sa pook na iyon, pumasok siya sa sinagoga. 10 May isang lalaki roon na paralisado ang isang kamay. Naroon din ang ilang taong naghahanap ng pagkakataong maparatangan si Jesus. Tinanong nila si Jesus, “Naaayon ba sa Kautusan ang magpagaling ng maysakit kung Araw ng Pamamahinga?”

11 Sumagot(T) siya, “Kung kayo'y may tupang nahulog sa balon sa Araw ng Pamamahinga, hindi ba ninyo ito iaahon? 12 Higit na mahalaga ang isang tao kaysa isang tupa! Kaya't naaayon sa Kautusan ang gumawa ng mabuti sa Araw ng Pamamahinga.”

13 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat nga ng lalaki ang kanyang kamay at ito'y gumaling gaya ng kabilang kamay. 14 Kaya't umalis ang mga Pariseong naroroon at nag-usap-usap kung paano nila maipapapatay si Jesus.

Ang Lingkod na Hinirang

15 Nang malaman ito ni Jesus, umalis siya sa lugar na iyon. Maraming tao ang sumunod sa kanya, at pinagaling niya ang lahat ng maysakit. 16 Ngunit mahigpit niyang ipinagbilin na huwag nilang ipamalita kung sino siya. 17 Sa gayon, natupad ang sinabi ng Diyos sa pamamagitan ni Propeta Isaias,

18 “Narito(U) ang lingkod ko na aking hinirang,
    ang aking minamahal at lubos na kinalulugdan;
ibubuhos ko sa kanya ang aking Espiritu,
    at siya ang magpapahayag ng katarungan sa mga bansa.
19 Hindi siya makikipag-away o maninigaw,
    ni magtataas ng boses sa mga lansangan,
20 hindi niya babaliin ang tambong marupok,
    hindi rin niya papatayin ang ilawang umaandap,
hanggang katarunga'y hindi nagtatagumpay nang ganap;
21     at ang pag-asa ng mga Hentil, sa kanya ay ilalagak.”

Si Jesus at si Beelzebul(V)

22 Dinala noon kay Jesus ang isang lalaking bulag at pipi na sinasapian ng demonyo. Pinagaling siya ni Jesus kaya't siya'y nakakita at nakapagsalita. 23 Namangha ang lahat at sinabi nila, “Ito na kaya ang Anak ni David?” 24 Nang(W) marinig ito ng mga Pariseo, sinabi nila, “Nakapagpapalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Beelzebul, ang pinuno ng mga demonyo.” 25 Subalit alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya, “Ang bawat kahariang naglalaban-laban ang mga mamamayan ay babagsak, at alinmang bayan o sambahayang sila-sila ang naglalaban ay mawawasak. 26 Kaya't kung si Satanas ang nagpapalayas kay Satanas, kinakalaban niya ang kanyang sarili! Kung gayon, paano pa niya mapapanatili ang kanyang kaharian? 27 Kung ako'y nagpapalayas ng mga demonyo sa kapangyarihan ni Beelzebul, sa kaninong kapangyarihan naman nagpapalayas ng demonyo ang inyong mga tagasunod? Ang ginagawa nila ang magpapatunay na maling-mali kayo. 28 Ngunit kung ako'y nagpapalayas ng mga demonyo sa kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos, nangangahulugang dumating na sa inyo ang kaharian ng Diyos.

29 “Hindi(X) mapapasok ang bahay ng isang taong malakas kung hindi muna siya gagapusin. Kung nakagapos na siya, saka pa lamang malolooban ang bahay niya. 30 Ang(Y) hindi panig sa akin ay laban sa akin, at ang hindi ko kasamang mag-ipon ay nagkakalat. 31 Kaya't sinasabi ko sa inyo, mapapatawad ang anumang kasalanan at paglapastangan, ngunit hindi patatawarin ang paglapastangan sa Espiritu Santo. 32 Sinumang(Z) magsalita laban sa Anak ng Tao ay patatawarin, ngunit sinumang magsalita laban sa Espiritu Santo ay hindi patatawarin, maging sa panahong ito o sa panahong darating.”

Sa Bunga Nakikilala(AA)

33 “Sinasabi(AB) ninyong mabuti ang punongkahoy kung mabuti ang kanyang bunga at masama ang punongkahoy kung masama ang kanyang bunga, sapagkat sa bunga nakikilala ang puno. 34 Lahi(AC) ng mga ulupong! Paano kayong makakapagsabi ng mabubuting bagay gayong kayo'y masasama? Kung ano ang nag-uumapaw sa puso ay siyang sinasabi ng bibig. 35 Mabuti ang sinasabi ng mabuting tao, sapagkat puno ng kabutihan ang kanyang puso. Masama ang sinasabi ng masamang tao, sapagkat puno ng kasamaan ang kanyang puso.

36 “Tandaan ninyo, sa Araw ng Paghuhukom, pananagutan ng tao ang bawat walang kabuluhang salitang sinabi niya. 37 Pawawalang-sala ka, o paparusahan, batay sa iyong mga salita.”

Hinanapan si Jesus ng Palatandaan(AD)

38 Sinabi(AE) naman sa kanya ng ilang tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, “Guro, maaari po bang magpakita kayo sa amin ng isang palatandaan?” 39 Sumagot(AF) si Jesus, “Lahing masama at taksil sa Diyos! Naghahanap kayo ng palatandaan ngunit walang ipapakita sa inyo maliban sa himalang nangyari kay Propeta Jonas. 40 Kung(AG) paanong si Jonas ay tatlong araw at tatlong gabing nasa tiyan ng dambuhalang isda, ang Anak ng Tao ay tatlong araw at tatlong gabi ring nasa ilalim ng lupa. 41 Sa(AH) Araw ng Paghuhukom, tatayo ang mga taga-Nineve at sasaksi laban sa lahing ito, sapagkat nagsisi sila matapos pangaralan ni Jonas. Ngunit higit pa kay Jonas ang naririto. 42 Sa(AI) araw na iyon, sasaksi rin ang Reyna ng Sheba laban sa lahing ito. Naglakbay siya mula pa sa dulo ng daigdig upang masaksihan ang karunungan ni Solomon, ngunit higit pa kay Solomon ang naririto ngayon!”

Ang Pagbabalik ng Masamang Espiritu(AJ)

43 “Kapag ang masamang espiritu ay lumabas mula sa isang tao, siya'y gumagala sa mga lupaing tigang upang maghanap ng mapagpapahingahan. Kung wala itong matagpuan 44 ay sinasabi sa sarili, ‘Babalik ako sa tahanang aking pinanggalingan.’ Pagbalik niya at makita itong walang laman, malinis at maayos, 45 aalis muna siya't magsasama pa ng pitong espiritung mas masama pa kaysa kanya at papasok sila at maninirahan doon. Dahil dito, ang kanyang magiging kalagayan ay mas masama pa kaysa dati. Ganyan ang mangyayari sa masamang lahing ito.”

Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus(AK)

46 Habang si Jesus ay nagsasalita sa maraming tao, dumating ang kanyang ina at mga kapatid. Naghihintay sila sa labas dahil nais nila siyang makausap. [47 May nagsabi kay Jesus, “Nasa labas po ang inyong ina at mga kapatid. Ibig nila kayong makausap.”][f] 48 Ngunit sinabi niya, “Sino ang aking ina at sinu-sino ang aking mga kapatid?” 49 Itinuro niya ang kanyang mga alagad at sinabi, “Sila ang aking ina at mga kapatid. 50 Sapagkat ang sinumang sumusunod sa kalooban ng aking Ama na nasa langit, iyon ang aking ina at mga kapatid.”

Ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik(AL)

13 Noon ding araw na iyon, si Jesus ay lumabas ng bahay at naupo sa tabi ng lawa. Dahil(AM) sa dami ng taong lumalapit sa kanya, sumakay siya sa isang bangka at doon naupo. Tumayo naman sa dalampasigan ang mga tao at sila'y tinuruan niya ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinghaga. Ganito ang sinabi niya:

“May isang magsasakang lumabas upang maghasik. Sa kanyang paghahasik ay may mga binhing nalaglag sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga iyon. May mga binhi namang nalaglag sa mabatong lupa. Dahil manipis lang ang lupa roon, sumibol agad ang mga binhi, ngunit natuyo agad ang mga ito nang mabilad sa matinding init ng araw, palibhasa'y mababaw ang ugat. May mga binhi namang nalaglag sa may matitinik na halaman. Lumago ang mga halamang matitinik at sinakal ng mga ito ang mga binhing tumubo doon. Ngunit ang mga binhing nahasik sa matabang lupa ay namunga; may tig-iisandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpu. Makinig ang may pandinig!”

Ang Layunin ng mga Talinghaga(AN)

10 Lumapit ang mga alagad at tinanong si Jesus, “Bakit po kayo gumagamit ng talinghaga sa kanila?” 11 Sumagot siya, “Ipinagkaloob sa inyo ang karapatang maunawaan ang hiwaga tungkol sa kaharian ng langit, ngunit hindi ito ipinagkaloob sa kanila. 12 Sapagkat(AO) ang mayroon ay bibigyan pa, at lalong magkakaroon; ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa. 13 Nagsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng talinghaga sapagkat tumitingin sila ngunit hindi nakakakita, at nakikinig ngunit hindi naman nakakarinig ni nakakaunawa man. 14 Natutupad(AP) nga sa kanila ang propesiya ni Isaias na nagsasabi,

‘Makinig man kayo nang makinig, hindi kayo makakaunawa kailanman,
    at tumingin man kayo nang tumingin, hindi kayo makakakita kailanman.
15 Sapagkat naging mapurol na ang isip ng mga taong ito;
    mahirap makarinig ang kanilang mga tainga,
    at ipinikit nila ang kanilang mga mata,
kung hindi gayon, sana'y nakakita ang kanilang mga mata,
    nakarinig ang kanilang mga tainga,
    nakaunawa ang kanilang mga isip,
at nagbalik-loob sila sa akin,
    at pinagaling ko sila.’

16 “Subalit(AQ) pinagpala kayo sapagkat nakakakita ang inyong mga mata at nakakarinig ang inyong mga tainga! 17 Tandaan ninyo: maraming propeta at matutuwid na tao ang naghangad na makita ang inyong nasasaksihan at marinig ang inyong napapakinggan subalit hindi nila ito nakita ni narinig.”

Ipinaliwanag ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik(AR)

18 “Makinig kayo at unawain ang kahulugan ng talinghaga tungkol sa manghahasik. 19 Kapag ang isang tao ay nakikinig ng mensahe tungkol sa paghahari ng Diyos ngunit hindi naman niya iyon inuunawa, siya ay katulad ng binhing nalaglag sa daan. Dumarating ang Masama at agad inaalis sa kanyang isip ang mensaheng kanyang napakinggan.

20 “Ang katulad naman ng binhing nalaglag sa mabatong lupa ay ang taong nakikinig ng mensahe na kaagad at masayang tumatanggap nito 21 ngunit hindi tumitimo ang mensahe sa kanyang puso. Sandali lamang itong nananatili, at pagdating ng mga kapighatian at pagsubok dahil sa mensahe, agad siyang tumatalikod sa kanyang pananampalataya.

22 “Ang binhi namang nahulog sa may matitinik na halaman ay ang mga taong nakikinig ng mensahe ngunit dahil sa pagkabalisa sa maraming mga bagay at pagkahumaling sa kayamanan, nawawalan ng puwang sa kanilang puso ang mensahe at hindi ito nagkakaroon ng bunga.

23 “At ang katulad naman ng binhing nahasik sa matabang lupa ay ang mga taong dumirinig at umuunawang mabuti sa mensahe, kaya't ito ay namumunga nang sagana, may tig-iisandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpu.”

Talinghaga tungkol sa mga Damo sa Triguhan

24 Nagsalaysay muli si Jesus sa kanila ng isa pang talinghaga. Sinabi niya, “Ang kaharian ng langit ay katulad ng isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kanyang bukid. 25 Isang gabi, habang natutulog ang mga tao, dumating ang kanyang kaaway, naghasik ng mapanirang damo sa triguhan at saka umalis. 26 Nang tumubo at magbunga ang trigo, lumitaw din ang mapanirang damo. 27 Kaya't pumunta ang mga utusan sa may-ari ng bukid at nagtanong, ‘Hindi po ba mabuting binhi lamang ang inihasik ninyo sa inyong bukid? Bakit po may damo ngayon?’ 28 Sumagot siya, ‘Isang kaaway ang may kagagawan nito.’ Tinanong siya ng mga utusan, ‘Bubunutin po ba namin ang mga damo?’ 29 ‘Huwag, baka mabunot pati ang mga trigo,’ sagot niya. 30 ‘Hayaan na lamang ninyong lumago kapwa ang damo at ang trigo hanggang sa anihan. Sa pag-aani'y sasabihin ko sa mga tagapag-ani, ipunin muna ninyo ang mga damo at inyong pagbigkis-bigkisin at saka sunugin. Pagkatapos, ipunin naman ninyo ang trigo sa aking kamalig.’”

Talinghaga tungkol sa Buto ng Mustasa(AS)

31 Sa pagpapatuloy, isa pang talinghaga ang isinalaysay ni Jesus sa kanila. “Ang kaharian ng langit ay katulad ng isang buto ng mustasa na itinanim ng isang tao sa kanyang bukid. 32 Ang buto ng mustasa ang pinakamaliit sa lahat ng binhi. Ngunit pagtubo nito, ito'y nagiging mas malaki kaysa alin mang halaman at nagiging punongkahoy, kaya't nakakapagpugad ang mga ibon sa mga sanga nito.”

Talinghaga tungkol sa Pampaalsa(AT)

33 Nagsalaysay pa si Jesus ng ibang talinghaga. “Ang kaharian ng langit ay katulad ng pampaalsa na inihalo ng isang babae sa tatlong takal na harina, hanggang umalsa ang buong masa ng harina.”

Ang Paggamit ni Jesus ng mga Talinghaga(AU)

34 Ang lahat ng ito ay sinabi ni Jesus sa mga tao sa pamamagitan ng mga talinghaga, at wala siyang itinuro sa kanila nang hindi sa pamamagitan ng talinghaga. 35 Sa(AV) gayon, natupad ang sinabi ng propeta:[g]

“Magsasalita ako sa pamamagitan ng mga talinghaga,
    ihahayag ko ang mga bagay na inilihim mula pa nang likhain [ang daigdig].”[h]

Kahulugan ng Talinghaga tungkol sa mga Damo sa Triguhan

36 Pagkatapos, iniwan ni Jesus ang mga tao at pumasok siya sa bahay. Lumapit ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanya, “Ipaliwanag po ninyo sa amin ang talinghaga tungkol sa mapanirang damong tumubo sa bukid.” 37 Sumagot si Jesus, “Ang naghahasik ng mabubuting binhi ay ang Anak ng Tao, 38 ang bukid ay ang daigdig, ang mabuting binhi ay ang mga taong kabilang sa kaharian at ang mapanirang damo naman ay ang mga kabilang sa Masama. 39 Ang kaaway na naghasik ng damo ay walang iba kundi ang diyablo. Ang panahon ng pag-aani ay ang katapusan ng daigdig at ang mga tagapag-ani naman ay ang mga anghel. 40 Kung paanong ang mga damo ay tinitipon at sinusunog, ganoon din ang mangyayari sa katapusan ng daigdig. 41 Ipag-uutos ng Anak ng Tao sa kanyang mga anghel na tipunin nila mula sa kanyang kaharian ang lahat ng nagiging sanhi ng pagkakasala at ang lahat ng gumagawa ng masama. 42 Ihahagis nila ang mga ito sa lumalagablab na pugon at doon ay mananangis sila at magngangalit ang kanilang mga ngipin. 43 Ngunit ang mga gumagawa ng matuwid ay magliliwanag na parang araw sa kaharian ng kanilang Ama. Makinig ang may pandinig!”

Ang Natatagong Kayamanan

44 “Ang kaharian ng langit ay katulad ng kayamanang nakabaon sa isang bukid. Nahukay ito ng isang tao ngunit agad itong tinabunan. Tuwang-tuwa siyang umalis at ibinenta ang lahat ng kanyang ari-arian upang bilhin ang bukid na iyon.”

Ang Perlas na Mahalaga

45 “Ang kaharian ng langit ay katulad din ng isang negosyante na naghahanap ng mga mamahaling perlas. 46 Nang makakita siya ng isang perlas na napakahalaga, umuwi siya't ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian at binili ang perlas na iyon.”

Ang Lambat

47 “Ang kaharian ng langit ay katulad din ng isang lambat na inihagis sa dagat at nakahuli ng sari-saring isda. 48 Nang mapuno ang lambat, hinila ito sa pampang. Naupo ang mga tao habang tinitipon nila sa sisidlan ang mabubuting isda at itinatapon naman ang mga isdang hindi mapapakinabangan. 49 Gayundin ang mangyayari sa katapusan ng daigdig, darating ang mga anghel, ihihiwalay ang masasama sa mga matuwid, 50 at ihahagis ang masasama sa naglalagablab na apoy. Doo'y mananangis sila at magngangalit ang kanilang mga ngipin.”

Kayamanang Bago at Luma

51 “Nauunawaan ba ninyo ang lahat ng ito?” tanong ni Jesus. “Opo,” sagot nila. 52 At sinabi niya sa kanila, “Kaya nga, ang bawat tagapagturo ng Kautusan na tinuruan tungkol sa kaharian ng langit ay katulad ng isang pinuno ng sambahayan na naglalabas ng mga bagay na bago at luma mula sa kanyang taguan ng kayamanan.”

Si Jesus ay Hindi Tinanggap sa Nazaret(AW)

53 Umalis si Jesus mula roon matapos niyang isalaysay ang mga talinghagang ito.

Footnotes

  1. Mateo 11:5 gumagaling: Sa Griego ay ginagawang malinis .
  2. Mateo 11:9 Ano nga ba…Isang propeta?: Sa ibang manuskrito’y Bakit nga ba kayo lumabas? Upang makita ang isang propeta?
  3. Mateo 11:12 taong mararahas: o kaya'y taong dumating nang may karahasan .
  4. Mateo 11:13 kaharian ng langit: o kaya'y paghahari ng Diyos .
  5. Mateo 11:23 Ibabagsak kayo: Sa ibang manuskrito'y Ibababa kayo.
  6. Mateo 12:47 Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang talatang 47.
  7. Mateo 13:35 sinabi ng propeta: Sa ibang manuskrito'y sinabi ng propeta Isaias .
  8. Mateo 13:35 ang daigdig: Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang mga salitang ito.