Hukom 13-14
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Kapanganakan ni Samson
13 Muling gumawa ng kasamaan ang mga Israelita sa paningin ng Panginoon, kaya ipinasakop sila ng Panginoon sa mga Filisteo sa loob ng 40 taon.
2 Nang panahong iyon, may isang lalaki na ang pangalan ay Manoa. Kabilang siya sa lahi ni Dan, at nakatira siya sa Zora. Ang asawa niya ay baog. 3 Isang araw, nagpakita ang anghel ng Panginoon sa asawa ni Manoa at nagsabi, “Hanggang ngayon ay wala ka pang anak. Pero hindi magtatagal, magbubuntis ka at manganganak ng isang lalaki. 4 Mula ngayon, siguraduhin mong hindi ka na iinom ng alak o anumang uri ng inuming nakakalasing, o kakain ng anumang pagkain na itinuturing na marumi. 5 At huwag mong gugupitan ang buhok niya, sapagkat ang sanggol na isisilang mo ay itatalaga sa Dios bilang isang Nazareo. Ililigtas niya ang Israel sa mga Filisteo.”
6 Pumunta ang babae sa kanyang asawa at sinabi, “Nagpakita sa akin ang isang kamangha-manghang lingkod ng Dios na parang anghel. Hindi ko naitanong kung taga-saan siya at hindi rin niya sinabi kung sino siya. 7 Sinabi niya sa akin na mabubuntis ako at manganganak ng lalaki. Sinabihan din niya ako na huwag iinom ng alak o anumang uri ng inuming nakalalasing, o kumain ng anumang pagkain na itinuturing na marumi, dahil ang sanggol na isisilang ko ay itatalaga sa Dios bilang isang Nazareo mula sa kanyang pagkasilang hanggang sa mamatay siya.”
8 Dahil dito, nanalangin si Manoa, “Panginoon, kung maaari po, pabalikin ninyo ang taong isinugo nʼyo para turuan kami kung ano ang dapat naming gawin sa anak namin kapag isinilang na siya.”
9 Pinakinggan ng Dios ang panalangin ni Manoa. Muling nagpakita ang anghel ng Dios sa asawa ni Manoa habang nakaupo siyang nag-iisa sa bukid. 10 Mabilis niyang hinanap ang asawa niya at sinabi, “Manoa, halika! Narito ang tao na nagpakita sa akin noong isang araw.” 11 Tumayo si Manoa at sumunod sa kanyang asawa. Pagkakita niya sa tao, tinanong niya, “Kayo ba ang nakipag-usap sa asawa ko?” Sumagot siya, “Oo.” 12 Nagtanong si Manoa sa kanya, “Kung matutupad ang sinabi nʼyo, ano po ba ang mga dapat sundin ng batang ito patungkol sa kanyang pamumuhay at sa kanyang gawain?” 13 Sumagot ang anghel, “Kailangang sundin ng asawa mo ang lahat ng sinabi ko sa kanya. 14 Hindi siya kakain ng anumang mula sa ubas. Hindi rin siya iinom ng katas ng ubas o anumang uri ng inuming nakakalasing, o kakain ng anumang pagkain na itinuturing na marumi. Kailangang sundin niya ang lahat ng sinabi ko sa kanya.”
15 Sinabi ni Manoa sa anghel, “Huwag po muna kayong umalis dahil magkakatay kami ng batang kambing para sa inyo.” 16 Sumagot ang anghel, “Kahit hindi ako umalis, hindi ko kakainin ang pagkaing inihanda mo. Mabuti pa kung maghahanda ka ng handog na sinusunog para sa Panginoon.” (Hindi alam ni Manoa na anghel pala iyon ng Panginoon.)
17 Nagtanong si Manoa, “Ano po ang pangalan nʼyo, para mapasalamatan po namin kayo sa oras na matupad ang sinabi nʼyo?” 18 Sumagot ang anghel, “Bakit gusto mong malaman ang pangalan ko? Mahirap itong maintindihan.” 19 Pagkatapos, kumuha si Manoa ng batang kambing at inihandog niya bilang pagpaparangal sa Panginoon, at inilagay niya ito sa ibabaw ng altar na bato para sa Panginoon. Habang nakatitig si Manoa at ang asawa niya, gumawa ang Panginoon ng kamangha-manghang bagay. 20 Nakita nila ang anghel ng Panginoon na pumaitaas sa langit kasama ng naglalagablab na apoy. Dahil sa nakita nila, lumuhod sila at nagpatirapa sa lupa. 21 Doon nila naunawaan na anghel nga iyon ng Panginoon. Mula noon hindi na nila muling nakita ang anghel.
22 Sinabi ni Manoa sa kanyang asawa, “Tiyak na mamamatay tayo dahil nakita natin ang Dios.” 23 Pero sumagot ang kanyang asawa, “Kung gusto ng Panginoon na patayin tayo, hindi sana niya tinanggap ang mga handog natin. Hindi rin sana niya ipinakita sa atin ang himala o sinabi sa atin ang tungkol sa sanggol.”
24 Dumating ang panahon na nanganak ang asawa ni Manoa. Lalaki ang anak niya at pinangalanan nila siyang Samson. Pinagpala ng Panginoon ang sanggol habang lumalaki. 25 Ang Espiritu ng Panginoon ay nagsimulang kumilos sa kanya habang naroon siya sa kampo ng Dan,[a] sa kalagitnaan ng Zora at Estaol.
Si Samson at ang Babae sa Timnah
14 Isang araw, pumunta si Samson sa Timnah, at may nakita siya roon na isang dalagang Filisteo. 2 Nang umuwi siya, nagkwento siya sa mga magulang niya. Sinabi niya, “May nakita ako sa Timnah na isang babaeng Filisteo. Kunin ninyo siya dahil gusto ko siyang mapangasawa.”
3 Pero sumagot ang mga magulang niya, “Bakit gusto mong makapag-asawa ng mula sa mga Filisteong hindi nakakakilala sa Dios?[b] Wala ka bang mapili sa mga kamag-anak o kababayan natin?” Sumagot si Samson sa kanyang ama, “Ah basta, siya po ang gusto kong mapangasawa.” 4 Hindi pala alam ng mga magulang ni Samson na kalooban ng Panginoon ang pasya niya. Sapagkat naghahanap ang Panginoon ng pagkakataon na makipaglaban sa mga Filisteo, dahil sakop ng mga Filisteo ang Israel nang mga panahong iyon.
5 Pumunta si Samson sa Timnah kasama ang mga magulang niya. Nang papunta na si Samson[c] sa mga ubasan sa Timnah, bigla siyang sinalubong ng isang batang leon na umuungal. 6 Pinalakas siya ng Espiritu ng Panginoon, at niluray niya ang leon sa pamamagitan ng mga kamay niya na tulad lang ng pagluray sa batang kambing. Pero hindi niya ito sinabi sa mga magulang niya. 7 At pinuntahan ni Samson ang babae at nakipagkwentuhan. Nagustuhan talaga niya ang babae.
8 Pagkalipas ng ilang araw, bumalik siya sa Timnah para pakasalan ang babae. Doon siya dumaan sa kinaroroonan ng pinatay niyang leon para tingnan ang bangkay nito. At nakita niya ang maraming pulot at pukyutan sa bangkay ng leon. 9 Isinandok niya ang kanyang kamay sa pulot at kinain ito habang naglalakad. Nang makita niya ang kanyang magulang, binigyan niya sila ng pulot, at kinain din nila ito. Pero hindi niya sinabi sa kanila na kinuha niya ito sa bangkay ng leon.
10-11 Pumunta ang ama ni Samson sa bahay ng magiging manugang niya, at doon ay nagpa-piging si Samson ayon sa kaugalian nila na dapat gawin ng isang nobyo. Nang makita nila si Samson, binigyan siya ng 30 binatang lalaki para makasama niya. 12 Sinabi ni Samson sa kanila, “May bugtong ako sa inyo. Kung mahuhulaan nʼyo ito bago matapos ang pitong araw na piging, bibigyan ko kayo ng 30 telang linen at 30 mamahaling damit. 13 Pero kapag hindi nʼyo ito nahulaan, kayo ang magbibigay sa akin ng mga ito.” Sumagot sila, “Sige, sabihin mo sa amin ang bugtong mo.”
14 Sinabi ni Samson,
“Mula sa nangangain, lumabas ang pagkain,
at mula sa malakas, matamis ay lumabas.”
Lumipas ang tatlong araw pero hindi nila ito mahulaan. 15 Nang ikaapat na araw, kinausap nila ang asawa ni Samson, “Hikayatin mo ang asawa mo na ipagtapat niya sa iyo ang sagot sa bugtong para malaman namin. Kung hindi, susunugin ka namin pati ang sambahayan ng iyong ama. Inimbita nʼyo ba kami sa piging na ito para kunin ang mga pag-aari namin?”
16 Kaya pumunta ang babae kay Samson na mangiyak-ngiyak. Sinabi niya, “Hindi mo pala ako mahal. Nagpahula ka ng bugtong sa mga kababayan ko pero hindi mo sinabi sa akin ang sagot.” Sumagot si Samson, “Hindi ko nga sinabi sa mga magulang ko, sa iyo pa kaya?” 17 Mula noon, patuloy na umiyak ang babae hanggang sa ikapitong araw. Kaya sinabi na lang ni Samson sa kanya ang sagot dahil tuloy pa rin ang pangungulit niya. At ang sinabi ni Samson sa kanya ay sinabi rin niya sa kanyang kababayan. 18 Kaya bago matapos ang ikapitong araw, sinagot nila ang bugtong. Sinabi nila kay Samson,
“Wala nang mas tatamis pa sa pulot, at wala nang mas lalakas pa sa leon.”
Sumagot si Samson,
“Kung hindi nʼyo pinilit ang asawa[d] ko,
hindi nʼyo sana nalaman ang sagot.”
19 Pinalakas ng Espiritu ng Panginoon si Samson. Pumunta siya sa Ashkelon at doon pinatay niya ang 30 tao at kinuha ang mga ari-arian at mga damit ng mga ito. Pagkatapos, ibinigay niya ang mga damit sa mga tao na nakasagot ng bugtong niya. Kaya umuwi siya sa magulang niya na galit na galit dahil sa nangyari. 20 Ang asawa ni Samson ay ibinigay sa pangunahing abay sa kanilang kasal.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®