Mga Hukom 6:25-32
Ang Biblia, 2001
Giniba ni Gideon ang Dambana ni Baal
25 Nang gabing iyon, sinabi ng Panginoon sa kanya, “Kunin mo ang toro ng iyong ama, ang ikalawang toro na may pitong taong gulang. Ibagsak mo ang dambana ni Baal na pag-aari ng iyong ama, at putulin mo ang sagradong poste[a] na katabi niyon.
26 Ipagtayo mo ng dambana ang Panginoon mong Diyos sa tuktok ng kutang ito, sa tamang ayos. Pagkatapos, kunin mo ang ikalawang toro, at ialay mo bilang isang handog na sinusunog, pati ang kahoy ng sagradong poste[b] na iyong puputulin.”
27 Kaya't kumuha si Gideon ng sampung lalaki sa kanyang mga katulong at ginawa ang ayon sa sinabi ng Panginoon sa kanya; ngunit dahil siya'y takot na takot sa sambahayan ng kanyang ama at sa mga lalaki sa bayan, hindi niya iyon ginawa sa araw kundi sa gabi.
28 Kinaumagahan, nang maagang bumangon ang mga lalaki sa bayan, ang dambana ni Baal ay wasak na, ang sagradong poste[c] na katabi niyon ay pinutol, at ang ikalawang toro ay inihandog sa dambanang itinayo.
29 Sinabi nila sa isa't isa, “Sino ang gumawa ng bagay na ito?” Nang kanilang siyasatin at ipagtanong ay kanilang sinabi, “Si Gideon na anak ni Joas ang gumawa ng bagay na ito.”
30 Nang magkagayo'y sinabi ng mga taong-bayan kay Joas, “Ilabas mo ang iyong anak upang siya'y mamatay, sapagkat kanyang winasak ang dambana ni Baal, at kanyang pinutol ang sagradong poste[d] na katabi niyon.”
31 Ngunit sinabi ni Joas sa lahat ng nakatayong laban sa kanya, “Ipaglalaban ba ninyo si Baal? O ipagtatanggol ba ninyo siya? Sinumang magtanggol sa kanya ay papatayin sa kinaumagahan. Kung siya'y diyos hayaan ninyong ipagtanggol niya ang kanyang sarili, sapagkat ibinagsak ang kanyang dambana.”
32 Kaya't nang araw na iyon, si Gideon[e] ay tinawag na Jerubaal, na ang ibig sabihin ay, “Magsanggalang si Baal laban sa kanya,” sapagkat ibinagsak niya ang kanyang dambana.
Read full chapterFootnotes
- Mga Hukom 6:25 Sa Hebreo ay Ashera .
- Mga Hukom 6:26 Sa Hebreo ay Ashera .
- Mga Hukom 6:28 Sa Hebreo ay Ashera .
- Mga Hukom 6:30 Sa Hebreo ay Ashera .
- Mga Hukom 6:32 Sa Hebreo ay siya .