Add parallel Print Page Options

51 Maawa ka sa akin, Oh Dios, ayon sa iyong kagandahang-loob: ayon sa karamihan ng iyong malumanay na mga kaawaan ay pinawi mo ang aking mga pagsalangsang.

Hugasan mo akong lubos sa aking kasamaan, at linisin mo ako sa aking kasalanan.

Sapagka't kinikilala ko ang aking mga pagsalangsang: at ang aking kasalanan ay laging nasa harap ko.

Laban sa iyo, sa iyo lamang ako nagkasala, at nakagawa ng kasamaan sa iyong paningin: upang ikaw ay ariing ganap pag nagsasalita ka, at maging malinis pag humahatol ka.

Narito, ako'y inanyuan sa kasamaan; at sa kasalanan ay ipinaglihi ako ng aking ina,

Narito, ikaw ay nagnanasa ng katotohanan sa mga loob na sangkap; at sa kubling bahagi ay iyong ipakikilala sa akin ang karunungan.

Linisin mo ako ng hisopo, at ako'y magiging malinis: hugasan mo ako at ako'y magiging lalong maputi kay sa nieve.

Pagparinggan mo ako ng kagalakan at kasayahan; upang ang mga buto na iyong binali ay mangagalak.

Ikubli mo ang iyong mukha sa aking mga kasalanan, at pawiin mo ang aking lahat na mga kasamaan.

10 Likhaan mo ako ng isang malinis na puso, Oh Dios; at magbago ka ng isang matuwid na espiritu sa loob ko.

11 Huwag mo akong paalisin sa iyong harapan; at huwag mong bawiin ang iyong santong Espiritu sa akin.

12 Ibalik mo sa akin ang kagalakan ng iyong pagliligtas: at alalayan ako ng kusang espiritu.

13 Kung magkagayo'y ituturo ko sa mga mananalangsang ang iyong mga lakad; at ang mga makasalanan ay mangahihikayat sa iyo.

14 Iligtas mo ako sa salang pagbububo ng dugo, Oh Dios, ikaw na Dios ng aking kaligtasan; at ang aking dila ay aawit ng malakas tungkol sa iyong katuwiran.

15 Oh Panginoon, bukhin mo ang aking mga labi; at ang aking bibig ay magsasaysay ng iyong kapurihan.

16 Sapagka't hindi ka nalulugod sa hain; na kung dili ay bibigyan kita: wala kang kaluguran sa handog na susunugin.

17 Ang mga hain sa Dios ay bagbag na loob: isang bagbag at may pagsisising puso, Oh Dios, ay hindi mo wawaling kabuluhan.

18 Gawan mo ng mabuti ang iyong mabuting kasayahan sa Sion: itayo mo ang mga kuta ng Jerusalem.

19 Kung magkagayo'y malulugod ka sa mga hain ng katuwiran, sa handog na susunugin at sa handog na susunuging buo: kung magkagayo'y mangaghahandog sila ng mga toro sa iyong dambana.

100 Magkaingay kayo na may kagalakan sa Panginoon, kayong lahat na lupain.

Mangaglingkod kayo na may kasayahan sa Panginoon; magsilapit kayo sa kaniyang harapan na may awitan.

Alamin ninyo na ang Panginoon ay siyang Dios; siya ang lumalang sa atin, at tayo'y kaniya: tayo'y kaniyang bayan, at mga tupa ng kaniyang pastulan.

Magsipasok kayo sa kaniyang mga pintuang-daan na may pagpapasalamat, at sa kaniyang looban na may pagpupuri: mangagpasalamat kayo sa kaniya, at purihin ninyo ang kaniyang pangalan.

Sapagka't ang Panginoon ay mabuti; ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man; at ang kaniyang pagtatapat ay sa lahat ng sali't saling lahi.

103 Purihin mo ang Panginoon, Oh kaluluwa ko: at lahat na nangasa loob ko ay magsisipuri sa kaniyang banal na pangalan.

Purihin mo ang Panginoon, Oh kaluluwa ko, at huwag mong kalimutan ang lahat niyang mabubuting gawa.

Na siyang nagpapatawad ng iyong lahat na mga kasamaan; na siyang nagpapagaling ng iyong lahat na mga sakit;

Na siyang tumutubos ng iyong buhay sa pagkapahamak: na siyang nagpuputong sa iyo ng kagandahang-loob at malumanay na mga kaawaan:

Na siyang bumubusog sa iyong bibig ng mabuting bagay; Na anopa't ang iyong kabataan ay nababagong parang agila.

Ang Panginoon ay nagsasagawa ng mga matuwid na gawa, at ng mga kahatulan na ukol sa lahat na naaapi.

Kaniyang ipinabatid ang kaniyang mga daan kay Moises, ang kaniyang mga gawa sa mga anak ni Israel.

Ang Panginoon ay puspos ng kahabagan at mapagbiyaya, banayad sa pagkagalit at sagana sa kagandahang-loob.

Hindi siya makikipagkaalit na palagi; ni kaniya mang tataglayin ang kaniyang galit magpakailan man.

10 Siya'y hindi gumawa sa atin ng ayon sa ating mga kasalanan, ni gumanti man sa atin ng ayon sa ating mga kasamaan.

11 Sapagka't kung paanong ang mga langit ay mataas kay sa lupa, gayon kalaki ang kaniyang kagandahang-loob sa kanila na nangatatakot sa kaniya.

12 Kung gaano ang layo ng silanganan sa kalunuran, gayon inilayo niya ang mga pagsalangsang natin sa atin.

13 Kung paanong ang ama ay naaawa sa kaniyang mga anak, gayon naaawa ang Panginoon sa kanilang nangatatakot sa kaniya.

14 Sapagka't nalalaman niya ang ating anyo; kaniyang inaalaala na tayo'y alabok.

15 Tungkol sa tao, ang kaniyang mga kaarawan ay parang damo: kung paanong namumukadkad ang bulaklak sa parang ay gayon siya.

16 Sapagka't dinadaanan ng hangin, at napaparam; at ang dako niyaon ay hindi na malalaman.

17 Nguni't ang kagandahang-loob ng Panginoon ay mula ng walang pasimula hanggang sa walang hanggan sa nangatatakot sa kaniya, at ang kaniyang katuwiran ay hanggang sa mga anak ng mga anak;

18 Sa gayong nagiingat ng kaniyang tipan, at sa nagsisialaala ng kaniyang mga utos upang gawin,

19 Itinatag ng Panginoon ang kaniyang luklukan sa mga langit; at ang kaniyang kaharian ay nagpupuno sa lahat.

20 Purihin ninyo ang Panginoon, ninyong mga anghel niya: ninyong makapangyarihan sa kalakasan na gumaganap ng kaniyang salita, na nakikinig sa tinig ng kaniyang salita.

21 Purihin ninyo ang Panginoon, ninyong lahat na hukbo niya; ninyong mga ministro niya, na nagsisigawa ng kaniyang kasayahan.

22 Purihin ninyo ang Panginoon, ninyong lahat na mga gawa niya, sa lahat na dako na kaniyang sakop; purihin mo ang Panginoon, Oh kaluluwa ko.

139 Oh Panginoon, iyong siniyasat ako, at nakilala ako.

Iyong nakikilala ang aking pag-upo at ang aking pagtindig, iyong nauunawa ang aking pagiisip sa malayo.

Iyong siniyasat ang aking landas at ang aking higaan, at iyong kilala ang lahat kong mga lakad.

Sapagka't wala pa ang salita sa aking dila, nguni't, narito, Oh Panginoon, natatalastas mo nang buo.

Iyong kinulong ako sa likuran at sa harapan, at inilapag mo ang iyong kamay sa akin.

Ang ganyang kaalaman ay totoong kagilagilalas sa akin; ito'y mataas, hindi ko maabot.

Saan ako paroroon na mula sa iyong Espiritu? O saan ako tatakas na mula sa iyong harapan?

Kung sumampa ako sa langit, nandiyan ka: kung gawin ko ang aking higaan sa Sheol, narito, ikaw ay nandoon.

Kung aking kunin ang mga pakpak ng umaga, at tumahan sa mga pinakadulong bahagi ng dagat;

10 Doon ma'y papatnubayan ako ng iyong kamay, at ang iyong kanang kamay ay hahawak sa akin.

11 Kung aking sabihin, Tunay na tatakpan ako ng kadiliman, at ang liwanag sa palibot ko ay magiging gabi;

12 Ang kadiliman man ay hindi nakakukubli sa iyo, kundi ang gabi ay sumisilang na parang araw: ang kadiliman at kaliwanagan ay magkaparis sa iyo.

13 Sapagka't iyong inanyo ang aking mga lamang loob: iyo akong tinakpan sa bahay-bata ng aking ina.

14 Ako'y magpapasalamat sa iyo; sapagka't nilalang ako na kakilakilabot at kagilagilalas: kagilagilalas ang iyong mga gawa; at nalalamang mabuti ng aking kaluluwa.

15 Ang katawan ko'y hindi nakubli sa iyo, nang ako'y gawin sa lihim, at yariing mainam sa mga pinakamababang bahagi sa lupa.

16 Nakita ng iyong mga mata ang aking mga sangkap na di sakdal, at sa iyong aklat ay pawang nangasulat, kahit na ang mga araw na itinakda sa akin, nang wala pang anoman sa kanila,

17 Pagka mahalaga rin ng iyong mga pagiisip sa akin, Oh Dios! Pagka dakila ng kabuoan nila!

18 Kung aking bibilangin, higit sila sa bilang kay sa buhangin: pagka ako'y nagigising ay laging nasa iyo ako.

19 Walang pagsalang iyong papatayin ang masama, Oh Dios: hiwalayan nga ninyo ako, Oh mga mabagsik na tao.

20 Sapagka't sila'y nangagsasalita laban sa iyo ng kasamaan, at ginagamit ng iyong mga kaaway ang iyong pangalan sa walang kabuluhan.

21 Hindi ko ba ipinagtatanim sila, Oh Panginoon, na nagtatanim sa iyo? At hindi ba kinapapanglawan ko ang mga yaon na nagsisibangon laban sa iyo?

22 Aking ipinagtatanim sila ng lubos na kapootan: sila'y naging mga kaaway ko.

23 Siyasatin mo ako, Oh Dios, at alamin mo ang aking puso; subukin mo ako, at alamin mo ang aking mga pagiisip:

24 At tingnan mo kung may anomang lakad ng kasamaan sa akin, at patnubayan mo ako sa daang walang hanggan.