Awit ni Solomon 7 - Isaias 1
Magandang Balita Biblia
Mangingibig:
7 Ang paa mong makikinis,
O babaing tila reyna,
ang hugis ng iyong hita, isang obra maestra.
2 Ang pusod mo'y anong rikit, mabilog na tila kopa,
laging puno niyong alak na matamis ang lasa.
Balakang mo'y mapang-akit, bigkis-trigo ang kapara,
ang paligid ay tulad ng mga liryong kay gaganda.
3 Ang iyong dibdib, O giliw, parang kambal na usa,
punung-puno pa ng buhay, malulusog, masisigla.
4 Ang leeg mo ay katulad ng toreng gawa sa marmol,
mga mata'y nagniningning, parang bukal sa may Hesbon.
Ilong mo ay ubod ganda, parang tore ng Lebanon,
mataas na nakabantay sa may Lunsod ng Damasco.
5 Para bang Bundok ng Carmel, ulo mong napakaganda,
ang buhok mong tinirintas, kasingganda ng purpura,
kaya naman pati hari'y nabihag mo't nahalina.
6 Kay ganda mo, aking mahal; kay ganda mo, aking sinta,
sa akin ay nagdudulot ka ng galak at ligaya.
7 Kay hinhin ng iyong kilos tulad ng punong palmera,
ang dibdib mong ubod yaman ay tulad ng buwig niya.
8 Puno niya'y aakyatin upang bunga ay pitasin.
Sa tingin ko ang dibdib mo'y buwig ng ubas ang kahambing,
hininga mo ay mabango, mansanas nga ang katuring.
9 Ang tamis ng iyong labi ay katulad ng inumin,
dahan-dahang tumatalab habang ito'y sinisimsim.
Babae:
10 Itong buhay na taglay ko'y sa sinta ko nakalaan,
sa akin siya'y nananabik, lagi akong inaasam.
11 Halika na, aking mahal, tayo na ro'n sa may parang,
ang gabi ay palipasing magkasalo sa ubasan.[a]
12 At pagdating ng umaga, isa-isa nating tingnan
kung ang puno'y nagsusupling, bulaklak ay lumilitaw;
ganoon din ang granada, tingnan natin ang bulaklak,
at doon ay lasapin mo ang pag-ibig kong matapat.
13 Ang halaman ng mondragora ay iyo ngang masasamyo,
bungangkahoy na masarap ay naroon sa ating pinto,
ito'y aking inihanda, inilaan ko sa iyo,
at lahat ng kaaliwan, maging luma maging bago.
8 Bakit kaya ika'y hindi naging isa kong kapatid?
Inaruga ng ina ko, lumaki sa kanyang dibdib,
upang kahit sa lansangan, kung sa iyo ay humalik
ay di tayo papansinin, pagkat tayo'y magkapatid.
2 Sa bahay ng aking ina ikaw ay aking dadalhin
upang doon ituro at ipadama ang paggiliw,
dudulutan ka ng alak, ng masarap na inumin.
3 Sa kaliwa niyang kamay ang ulo ko'y nakaunan
habang ako'y hinahaplos ng kanan niyang kamay.
4 Ipangako n'yo sa akin, mga dalaga sa Jerusalem,
ang aming paglalambingan ay di n'yo gagambalain.
Ang Ikaanim na Awit
Mga Babae:
5 Sino itong dumarating na buhat sa kaparangan,
hawak-hawak pa ang kamay ng kanyang minamahal?
Babae:
Sa puno ng mansanas, ikaw ay aking ginising,
doon mismo sa lugar na iyong sinilangan.
6 Kaya ako'y mahalin mo, sa bisig mo ay ikulong.
O kay lakas ng pag-ibig, panibugho man ay gayon;
sinlakas ng kamatayan, tumutupok, parang apoy.
7 Kahit baha ay di kayang pigilin itong paggiliw,
buhusan man nitong tubig, di makuhang palamigin.
Subukin mong ang pag-ibig ay sa yaman mo daanin,
baka nga ang mangyari ay ikaw pa ang siyang kutyain.
Mga Lalaking Kapatid ng Babae:
8 Kami ay mayro'ng kapatid, dibdib niya ay maliit,
ano kayang dapat gawin kung sa kanya'y may umibig?
9 Kung pader lang sana siya, toreng pilak ay lalagyan,
at kung pintuan lamang siya, tablang sedar, ay lalagyan.
Babae:
10 Ako'y isang batong muog, dibdib ko ang siyang tore;
sa piling ng aking mahal ay panatag ang sarili.
Mangingibig:
11 May ubasan si Solomon sa dako ng Baal-hamon,
mga taong tumitingin, magsasakang tagaroon;
buwis nila'y libong pilak, bawat isa taun-taon.
12 Kung si Haring Solomon ay mayroong libong pilak
at ang mga magsasaka'y may dalawandaang hawak,
ako naman ay mayroong taniman ng mga ubasan.
13 Bawat isang kasama ko'y malaon nang nananabik,
na magmula ro'n sa hardin, ang tinig mo ay marinig.
Babae:
14 Halika na aking sinta, madali aking mahal,
tulad ng pagtakbo ng usa sa kaburulan
na punung-puno ng mababangong halaman.
1 Ang(A) aklat na ito ay naglalaman ng pangitain ni Isaias na anak ni Amoz tungkol sa Juda at sa Jerusalem noong panahon ng paghahari sa Juda nina Uzias, Jotam, Ahaz at Hezekias.
Sumbat sa Bayan ng Diyos
2 Makinig ang kalangitan gayundin ang kalupaan,
sapagkat si Yahweh ay nagsasalita,
“Pinalaki ko't inalagaan ang aking mga anak,
ngunit naghimagsik sila laban sa akin.
3 Nakikilala ng baka ang kanyang panginoon,
at ng asno kung saan siya pinapakain ng kanyang amo;
ngunit hindi ako nakikilala ng Israel,
hindi ako nauunawaan ng aking bayan.”
4 Bansang makasalanan,
mga taong puno ng kasamaan,
mga anak ng masasamang tao,
mga anak ng katiwalian!
Itinakwil ninyo si Yahweh,
nilait ang Banal na Diyos ng Israel
at pagkatapos ay tinalikuran ninyo siya.
5 Bakit patuloy kayong naghihimagsik?
Nais ba ninyong laging pinaparusahan?
Ang isip ninyo'y gulung-gulo,
ang damdamin ninyo'y nanlulumo.
6 Kayo'y punô ng karamdaman mula ulo hanggang paa;
katawan ninyo'y tadtad ng pasa, latay, at dumudugong sugat.
Ang mga ito'y nagnanaknak na at wala pang benda,
at wala man lamang gamot na mailagay.
7 Sinalanta ang inyong bayan,
tupok ang inyong mga lunsod,
sinamsam ng mga dayuhan ang inyong mga lupain,
at winasak ang mga ito sa inyong harapan.
8 Ang Jerusalem lang ang natira,
parang kubong iniwan sa gitna ng ubasan,
parang isang silungan sa gitna ng taniman ng pipino,
parang isang lunsod na kinukubkob ng kalaban.
9 Kung(B) si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat
ay hindi nagtira ng ilan sa ating lahi,
tayo sana'y natulad sa Sodoma at Gomorra.
10 Mga pinuno ng Israel,
pakinggan ninyo si Yahweh!
Ang inyong mga gawa ay kasinsama
ng sa Sodoma at Gomorra.
Kaya't pakinggan ninyo at pag-aralan
ang katuruan ng Diyos ng ating bayan.
11 “Walang(C) halaga sa akin ang dami ng inyong mga handog.
Sawa na ako sa mga tupang sinusunog
at sa taba ng bakang inyong inihahandog;
hindi ako nalulugod sa dugo ng mga toro,
mga kordero at mga kambing.
12 Sinong nag-utos sa inyo na maghandog sa harap ko?
Huwag na ninyong lapastanganin ang aking templo.
13 Huwag na kayong magdala ng mga handog na walang halaga;
nasusuklam ako sa usok ng insenso.
Nababagot na ako sa inyong mga pagtitipon,
kung Pista ng Bagong Buwan at Araw ng Pamamahinga;
ang mga ito'y walang saysay dahil sa inyong mga kasalanan.
14 “Labis akong nasusuklam
sa inyong pagdiriwang ng Pista ng Bagong Buwan at ng iba pang kapistahan;
sawang-sawa na ako sa mga iyan
at hindi ko na matatagalan.
15 Kapag kayo'y nanalangin sa akin,
hindi ko kayo papansinin;
kahit na kayo'y manalangin nang manalangin,
hindi ko kayo papakinggan
sapagkat marami na ang inyong pinaslang.
16 Linisin ninyo ang inyong sarili at magbalik-loob sa akin;
sa aking harapan, kasamaan ninyo'y inyong tigilan.
17 Pag-aralan ninyong gumawa ng makatuwiran;
pairalin ang katarungan;
tulungan ang naaapi;
ipagtanggol ninyo ang mga ulila,
at tulungan ang mga biyuda.
18 “Halikayo at tayo'y magpaliwanagan,” sabi ni Yahweh.
Gaano man kapula ang inyong mga kasalanan,
kayo'y aking papuputiin, tulad ng yelo o bulak.
19 Kung susundin ninyo ang aking sinasabi,
tatamasahin ninyo ang ani ng inyong lupain.
20 Ngunit kung susuway kayo at maghihimagsik,
tiyak na kayo'y mamamatay.
Ito ang mensahe ni Yahweh.
Ang Makasalanang Lunsod
21 “Ang Jerusalem na dating tapat sa akin,
ngayo'y naging isang masamang babae.
Dati'y puspos siya ng katarungan at katuwiran!
Ngayon nama'y tirahan na ng mga mamamatay-tao.
22 Ang iyong pilak ay naging bato,
nahaluan ng tubig ang iyong alak.
23 Naging suwail ang iyong mga pinuno,
kasabwat sila ng mga magnanakaw;
tumatanggap ng mga suhol at mga regalo;
hindi ipinagtatanggol ang mga ulila;
at walang malasakit sa mga biyuda.”
24 Kaya sinabi ng Panginoong Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel,
“Ibubuhos ko ang aking poot sa aking mga kaaway,
maghihiganti ako sa aking mga kalaban!
25 Paparusahan kita at lilinisin,
gaya ng pilak na pinadadaan sa apoy
at tinutunaw upang dumalisay.
26 Bibigyan kita uli ng mga tagapamahalang tulad noong una,
at ng mga tagapayo gaya noong simula,
pagkatapos ay tatawagin kang Lunsod ng Katuwiran,
ang Lunsod na Matapat.”
27 Maliligtas ang Zion sa pamamagitan ng katarungan,
at kayong nagsisisi at nagbabalik-loob.
28 Mapupuksang lahat ang mga suwail at makasalanan,
malilipol ang mga tumalikod kay Yahweh.
29 Mapapahiya kayo dahil sa mga punongkahoy na inyong sinamba,
at sa mga halamanang itinuring ninyong banal.
30 Makakatulad ninyo'y mga nalalagas na dahon ng puno
at halamanang hindi na nadidilig.
31 Ang malalakas na tao'y matutulad sa mga tuyong kahoy,
mga gawa nila'y madaling magliliyab,
parehong matutupok,
sa apoy na walang makakapigil.
Footnotes
- Awit ni Solomon 7:11 ubasan: o kaya'y kanayunan .
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.