Genesis 39
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Si Jose at ang Asawa ni Potifar
39 Nang dinala na si Jose ng mga Ishmaelita sa Egipto, binili siya ni Potifar na isa sa mga opisyal ng Faraon.[a] (Si Potifar ay kapitan ng mga guwardya sa palasyo.)
2 Ginagabayan ng Panginoon si Jose, kaya naging matagumpay siya. Doon siya nakatira sa bahay ng amo niyang Egipcio na si Potifar. 3 Nakita ni Potifar na ginagabayan ng Panginoon si Jose at pinagpapala sa lahat ng ginagawa niya, 4 kayaʼt panatag ang kalooban niya kay Jose. Ginawa niya ito na sarili niyang alipin at tagapamahala ng kanyang sambahayan at ng lahat ng kanyang ari-arian. 5 Mula nang panahong si Jose ang namamahala, binasbasan ng Panginoon ang sambahayan ni Potifar na Egipcio at ang lahat ng ari-arian niya sa kanyang bahay at bukirin. Ginawa ito ng Panginoon dahil kay Jose. 6 Ipinagkatiwala ni Potifar ang lahat kay Jose at wala na siyang ibang iniintindi maliban na lang sa pagpili ng kakainin niya.
Gwapo si Jose at matipuno ang katawan. 7 Hindi nagtagal, nagkagusto sa kanya ang asawa ng kanyang amo. Inakit niya si Jose para sumiping sa kanya.
8 Pero tumanggi si Jose. Sinabi niya sa babae, “Pakinggan nʼyo po ako! Ipinagkatiwala po sa akin ng amo ko ang lahat ng kanyang ari-arian kaya hindi na po siya nag-aalaa sa mga gamit dito sa kanyang sambahayan. 9 Wala na pong hihigit sa akin sa sambahayang ito. Ipinagkatiwala niya sa akin ang lahat maliban lang sa inyo dahil asawa niya kayo. Kaya hindi ko po magagawang pagtaksilan ang amo ko at magkasala sa Dios.” 10 Kahit araw-araw ang pang-aakit ng babae kay Jose na sumiping sa kanya, hindi pa rin siya pumayag.
11 Isang araw, pumasok si Jose sa bahay para magtrabaho. Nagkataon na wala kahit isang alipin sa loob ng bahay. 12 Hinawakan siya sa damit ng asawa ng amo niya at sinabi, “Sipingan mo ako!” Pero tumakbong palabas ng bahay si Jose, at naiwan ang balabal niya na hawak ng babae.
13 Nang makita ng babae na nakalabas si Jose at hawak niya ang balabal nito, 14 tinawag niya ang kanyang mga alipin at sinabi, “Tingnan ninyo! Dinalhan tayo rito ng asawa ko ng isang Hebreo para hamakin tayo. Alam nʼyo ba na pumasok siya sa silid ko para pagsamantalahan ako, pero sumigaw ako. 15 Kaya tumakbo siya palabas, at naiwan niya ang kanyang balabal.”
16 Itinago ng babae ang balabal ni Jose hanggang sa dumating ang kanyang asawa. 17 Isinalaysay niya agad sa asawa niya ang nangyari. Sinabi niya, “Ang Hebreong alipin na dinala mo rito ay gusto akong hamakin dahil pumasok siya sa silid ko para pagsamantalahan ako. 18 Pero tumakbo siya palabas nang sumigaw ako, at naiwan pa nga ang kanyang balabal.”
19 Nang marinig ni Potifar ang salaysay ng kanyang asawa tungkol sa ginawa ni Jose, galit na galit siya. 20 Kaya ipinadakip niya si Jose at ipinasok sa bilangguan ng hari.
Pero kahit nasa bilangguan si Jose, 21 ginagabayan pa rin siya ng Panginoon. At dahil sa kabutihan ng Panginoon, panatag ang loob ng tagapamahala ng bilangguan kay Jose. 22 Kaya ipinagkatiwala niya kay Jose ang pamamahala sa lahat ng bilanggo at ang lahat ng gawain sa bilangguan. 23 Hindi nag-aalala ang tagapamahala ng bilangguan sa mga bagay na ipinagkatiwala niya kay Jose, dahil ginagabayan ng Panginoon si Jose at pinagpapala sa lahat ng ginagawa niya.
Footnotes
- 39:1 Faraon: o, hari ng Egipto.
Genesis 41
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ipinaliwanag ni Jose ang Panaginip ng Faraon
41 Pagkalipas ng dalawang taon, nanaginip ang Faraon[a] na nakatayo siya sa pampang ng Ilog ng Nilo. 2 Sa kanyang panaginip, biglang may umahon na pitong maganda at matabang baka na kumakain ng damo. 3 Maya-maya paʼy may umahon din na pitong pangit at payat na baka, 4 nilapitan ng pitong pangit at payat na baka ang pitong maganda at matabang baka, at kinain. At nagising agad ang Faraon.
5 Muling nakatulog ang Faraon at nanaginip na naman. Sa kanyang panaginip, nakakita siya ng pitong uhay na mataba ang butil na sumulpot sa isang sanga. 6 At sa sanga ring iyon, sumulpot ang pitong uhay na payat ang butil na natuyo dahil sa mainit na hangin na galing sa silangan.[b] 7 Kinain agad ng mapapayat na uhay ang pitong matatabang uhay. At nagising agad ang hari. Akala niyaʼy totoo iyon pero panaginip lang pala.
8 Kinaumagahan, litong-lito ang isip ng Faraon tungkol sa mga panaginip niya, kaya ipinatawag niya ang lahat ng salamangkero at matatalinong tao sa Egipto. Sinabi niya sa kanila ang mga panaginip niya, pero wala ni isa man sa kanila ang makapagpaliwanag kung ano ang kahulugan nito.
9 Pagkatapos, lumapit ang pinuno ng mga tagasilbi niya ng alak at nagsabi, “Naalala ko na po ngayon ang mga kasalanan ko. 10 Hindi po baʼt nagalit kayo noon sa akin at sa pinuno ng mga panadero, at ipinakulong nʼyo po kami sa bahay ng kapitan ng mga guwardya sa palasyo? 11 Isang gabi noon, nanaginip kaming dalawa, at magkaiba po ang kahulugan ng panaginip namin. 12 May kasama kami roon na binatang Hebreo, na alipin ng kapitan ng mga guwardya sa palasyo. Sinabi po namin sa kanya ang panaginip namin at ipinaliwanag niya sa amin ang kahulugan nito. 13 Nagkatotoo ang sinabi niya tungkol sa amin: Pinabalik nʼyo po ako sa trabaho ko at ipinabitin ninyo sa puno ang bangkay ng kasama ko.”
14 Kaya ipinatawag ng Faraon si Jose, at pinalabas siya agad sa bilangguan. Pagkatapos siyang gupitan at ahitan, nagpalit siya ng damit at pumunta sa Faraon.
15 Sinabi ng Faraon sa kanya, “Nanaginip ako pero walang makapagpaliwanag ng kahulugan nito. May nagsabi sa akin na marunong kang magpaliwanag ng kahulugan ng mga panaginip.”
16 Sumagot si Jose, “Hindi po ako, Mahal na Hari, kundi ang Dios ang siyang magbibigay ng kahulugan ng mga panaginip ninyo para sa ikabubuti ninyo.”
17 Sinabi ng Faraon ang panaginip niya kay Jose. Sinabi niya, “Nanaginip ako na nakatayo ako sa pampang ng Ilog Nilo. 18 Biglang may umahon na pitong maganda at matabang baka, at kumain sila ng damo. 19 Maya-maya paʼy may umahon ding pitong pangit at payat na baka. Wala pa akong nakitang baka sa buong Egipto na ganoon kapangit. 20 Kinain ng mga pangit at payat na baka ang pitong matatabang baka na unang nagsiahon. 21 Pero pagkakain nila, hindi man lang halata na nakakain sila ng ganoon dahil ganoon pa rin sila kapapayat. At bigla akong nagising.
22 “Pero nakatulog ulit ako at nanaginip na naman. Nakakita ako ng pitong uhay na mataba ang butil na sumulpot sa isang sanga. 23 At sa sanga ring iyon, sumulpot din ang pitong uhay na payat ang butil at natuyo dahil sa mainit na hangin na galing sa silangan. 24 At kinain ng mga payat na uhay ang pitong matatabang butil na uhay. Sinabi ko na ito sa mga salamangkero, pero wala ni isa man sa kanila ang makapagpaliwanag ng kahulugan nito.”
25 Sinabi ni Jose sa Faraon, “Mahal na Hari, ang dalawang panaginip po ninyo ay iisa lang ang kahulugan. Sa pamamagitan ng mga panaginip ninyo, ipinapahayag sa inyo ng Dios kung ano ang kanyang gagawin. 26 Ang pitong matatabang baka at pitong matatabang uhay ay parehong pitong taon ang kahulugan. 27 Ang pitong payat at pangit na baka at ang pitong payat na butil na uhay na pinatigas ng mainit na hangin na galing sa silangan ay nangangahulugan po ng pitong taong taggutom.
28 “Gaya po ng sinabi ko sa inyo, Mahal na Faraon, ipinapahayag sa inyo ng Dios kung ano po ang kanyang gagawin. 29 Sa loob po ng darating na pitong taon, magiging labis ang kasaganaan sa buong Egipto. 30 Pero susundan po agad ito ng pitong taon na taggutom, at makakalimutan na ng mga tao ang naranasan nilang kasaganaan dahil ang taggutom ay nagdulot ng pinsala sa lupain ng Egipto. 31 Matinding taggutom po ang darating na parang hindi nakaranas ng kasaganaan ang lupain ng Egipto. 32 Dalawang beses po kayong nanaginip, Mahal na Faraon, para malaman nʼyo na itinakda ng Dios na mangyayari ito at malapit na itong mangyari.
33 “Kaya ngayon, Mahal na Faraon, iminumungkahi ko po na dapat kayong pumili ng isang matalinong tao para mamahala sa lupain ng Egipto. 34 Maglagay din po kayo ng mga opisyal sa buong Egipto para ihanda[c] ang lugar na ito sa loob ng pitong taon na kasaganaan. 35 Sa mga panahong iyon, ipaipon nʼyo rin po sa kanila ang lahat ng makokolekta ninyo galing sa mga ani at sa ilalim ng inyong pamamahala, ipatago po ninyo sa kanila ang mga ani sa mga kamalig ng mga lungsod. 36 Ang mga pagkaing ito ay ilalaan para sa mga tao kapag dumating na ang pitong taong taggutom sa Egipto, para hindi sila magutom.”
Ginawang Tagapamahala si Jose sa Egipto
37 Nagustuhan ng hari at ng kanyang mga opisyal ang mungkahi ni Jose. 38 Sinabi niya sa kanyang mga opisyal, “Wala na tayong makikita pang ibang tao na kagaya ni Jose na ginagabayan ng Espiritu ng Dios.”
39 Kaya sinabi ng Faraon kay Jose, “Sapagkat sinabi sa iyo ng Dios ang mga bagay na ito, wala na sigurong iba pang tao na may kaalaman at pang-unawa na kagaya mo. 40-41 Gagawin kita ngayon na tagapamahala ng aking kaharian at gobernador ng buong Egipto, at susunod sa iyo ang lahat ng tauhan ko. Pero mas mataas pa rin ang karapatan ko kaysa sa iyo.” 42 Tinanggal agad ng Faraon ang kanyang singsing na pangtatak at isinuot sa daliri ni Jose. Pinasuotan niya si Jose ng espesyal na damit na gawa sa telang linen at pinasuotan ng gintong kwintas. 43 Ipinagamit din niya kay Jose ang kanyang pangalawang karwahe,[d] at may mga tagapamalita na mauuna sa kanya na sumisigaw, “Lumuhod kayo sa gobernador!” Kaya simula noon, naging gobernador si Jose sa buong lupain ng Egipto.
44 Sinabi pa ng Faraon kay Jose, “Ako ang hari rito sa Egipto, Pero walang sinuman ang gagawa ng kahit ano rito sa Egipto nang walang pahintulot mo.” 45 Pinangalanan niya si Jose ng Zafenat Panea. Pinag-asawa rin niya si Jose kay Asenat na anak ni Potifera na pari mula sa lungsod ng On. Bilang gobernador, si Jose na ang namahala sa Egipto.
46 Si Jose ay 30 taong gulang pa lang nang magsimulang maglingkod sa Faraon. Umalis siya sa palasyo at umikot sa buong Egipto.
47 Tunay ngang naging masagana ang ani sa loob ng pitong taong kasaganaan. 48 At sa panahong iyon, ipinaipon ni Jose ang lahat ng nakolekta galing sa mga ani.[e] Ipinatago niya sa bawat lungsod ang mga ani na galing sa bukid sa palibot nito. 49 Napakarami ng trigong naipon ni Jose; parang kasing dami ng buhangin sa tabing-dagat. Itinigil na lang niya ang pagtatakal nito dahil hindi na ito makayanang takalin.
50 Bago dumating ang taggutom, ipinanganak ang dalawang anak ni Jose kay Asenat na anak ni Potifera na pari ng lungsod ng On. 51 Pinangalanan ni Jose ang panganay na Manase[f] dahil ayon sa kanya, “Dahil sa tulong ng Dios, nakalimutan ko ang mga paghihirap ko at ang aking pananabik sa sambahayan ng aking ama.” 52 Pinangalanan niya ang pangalawa niyang anak na Efraim.[g] Sapagkat ayon sa kanya, “Dahil sa tulong ng Dios, naging masagana ako sa lugar kung saan nakaranas ako ng mga paghihirap.”
53 Natapos na ang pitong taong kasaganaan sa Egipto, 54 at nagsimula na ang pitong taong taggutom katulad ng sinabi ni Jose. May taggutom sa ibaʼt ibang lugar pero may pagkain sa buong Egipto. 55 Dumating ang panahon na naramdaman din ng mga taga-Egipto ang taggutom, kaya humingi sila ng pagkain sa hari. Sinabi ng hari sa kanila, “Pumunta kayo kay Jose dahil siya ang magsasabi sa inyo kung ano ang gagawin ninyo.”
56 Lumaganap ang taggutom kahit saan. At dahil sa matinding taggutom sa buong Egipto, pinabuksan ni Jose ang lahat ng kamalig at pinagbilhan ng pagkain ang mga taga-Egipto. 57 Pumunta rin sa Egipto ang halos lahat ng bansa para bumili ng pagkain kay Jose dahil matindi ang taggutom sa kanilang bansa.
Footnotes
- 41:1 Faraon: o, hari ng Egipto. Ganito rin sa sumusunod na mga talata.
- 41:6 hangin na galing sa silangan: Kung nasa Israel ka, galing sa bandang silangan. Pero kung nasa Egipto ka, galing sa bandang timog.
- 41:34 para ihanda: o, para mangolekta ng 20 porsiyento ng lahat ng ani.
- 41:43 ang kanyang pangalawang karwahe: o, ang karwahe ng opisyal na pangalawa sa kanya.
- 41:48 Tingnan ang 47:24.
- 41:51 Manase: Maaaring ang ibig sabihin, kinalimutan.
- 41:52 Efraim: Maaaring ang ibig sabihin, nagbunga o naging masagana.
Genesis 43
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Bumalik sa Egipto ang mga Kapatid ni Jose
43 Lumala ang taggutom sa Canaan. 2 Naubos na ng pamilya ni Jacob ang pagkaing binili nila sa Egipto. Kaya inutusan ni Jacob ang mga anak niya, “Bumalik kayo roon sa Egipto at bumili ng kahit kaunting pagkain.”
3 Pero sumagot si Juda sa kanya, “Binalaan po kami ng gobernador na huwag na po kaming magpapakita sa kanya kung hindi po namin kasama ang aming kapatid na si Benjamin. 4 Kung pasasamahin po ninyo siya sa amin babalik kami roon para bumili ng pagkain. 5 Pero kung hindi po kayo papayag, hindi po kami magpapakita sa kanya kung hindi namin kasama ang aming kapatid.”
6 Sinabi ni Jacob,[a] “Bakit binigyan nʼyo ako ng malaking problema? Bakit ipinagtapat nʼyo pa sa gobernador na may isa pa kayong kapatid?”
7 Sumagot sila, “Kasi po lagi niya kaming tinatanong tungkol sa pamilya natin. Nagtanong siya kung buhay pa ba ang aming ama at kung may iba pa po kaming kapatid. Kaya sinagot po namin siya. Hindi po namin inaasahan na sasabihin niya sa amin na dalhin namin sa kanya ang kapatid namin.”
8 Kaya sinabi ni Juda sa kanilang ama, “Ama, pumayag na po kayo na isama namin si Benjamin para makaalis na po kami agad at makabili ng pagkain para hindi po tayo mamatay lahat sa gutom. 9 Igagarantiya ko po ang buhay ko para kay Benjamin. Singilin po ninyo ako kung anuman ang mangyari sa kanya. Kung hindi po siya makakabalik sa inyo nang buhay, sisihin po ninyo ako habang buhay. 10 Kung hindi po tayo nagsayang ng panahon, dalawang beses na sana kaming nakabalik.”
11 Sinabi ng kanilang ama, “Kung ganoon, umalis na kayo. Magdala kayo sa mga sisidlan ninyo ng pinakamagandang produkto rito sa ating lugar para iregalo sa gobernador ng Egipto: mga gamot, pulot, pampalasa, pabango, at mga bunga ng pistasyo at almendro. 12 Doblehin ninyo ang dala ninyong pera dahil dapat ninyong ibalik ang perang ibinalik sa mga sako ninyo. Baka nagkamali lang sila noon. 13 Isama ninyo ang kapatid ninyong si Benjamin at bumalik kayo agad sa gobernador ng Egipto. 14 Nawaʼy hipuin ng Makapangyarihang Dios ang puso ng gobernador para mahabag siya sa inyo at ibalik niya sa inyo sina Simeon at Benjamin. Pero kung hindi sila makabalik, tatanggapin ko na lang nang maluwag sa kalooban ko.”
15 Kaya nagdala ang magkakapatid ng mga regalo at dinoble rin nila ang dala nilang pera. Pagkatapos, umalis sila papuntang Egipto kasama si Benjamin, at nakipagkita kay Jose. 16 Pagkakita ni Jose na kasama nila si Benjamin, inutusan niya ang tagapamahalang alipin, “Dalhin mo ang mga taong ito sa bahay. Magkatay ka ng hayop at magluto, dahil magtatanghalian sila kasama ko.”
17 Sinunod ng tagapamahalang alipin ang utos sa kanya. Kaya dinala niya ang magkakapatid sa bahay ni Jose. 18 Natakot ang magkakapatid nang dinala sila sa bahay ni Jose dahil inisip nila, “Baka dinala tayo rito dahil sa perang ibinalik sa mga sako natin noong una nating pagparito. Baka dakpin nila tayo, at kunin ang mga asno natin at gawin tayong mga alipin.”
19 Kaya nakipag-usap sila sa tagapamahalang alipin habang nasa pintuan pa lang sila ng bahay. 20 Sinabi nila, “Ginoo, sandali lang po, may sasabihin lang po kami sa inyo. Pumunta po kami rito noon para bumili ng pagkain. 21 Nang papauwi na po kami, nagpalipas kami ng gabi sa isang lugar. At doon namin binuksan ang mga sako namin at nakita po namin sa loob ang perang ibinayad namin para sa mga pagkain. Narito, ibinabalik na po namin. 22 Nagdala pa po kami ng karagdagang pera para bumili ng pagkain. Hindi po namin alam kung sino ang naglagay ng pera sa mga sako namin.”
23 Sumagot ang tagapamahalang alipin, “Walang anuman iyon, huwag kayong matakot. Ang inyong Dios, na Dios din ng inyong ama, ang siya sigurong naglagay ng perang iyon sa mga sako ninyo. Natanggap ko ang bayad nʼyo noon.” Pagkatapos, dinala niya si Simeon sa kanila.
24 Pinapasok ng tagapamahalang alipin ang magkakapatid sa bahay ni Jose at binigyan ng tubig para makapaghugas sila ng kanilang mga paa. Binigyan din niya ng pagkain ang kanilang mga asno. 25 Inihanda ng magkakapatid ang mga regalo nila kay Jose habang hinihintay nila ang pag-uwi nito. Sapagkat sinabihan sila na doon magtanghalian sa bahay ni Jose.
26 Pagdating ni Jose, yumukod sila sa kanyang harapan bilang paggalang at ibinigay nila ang kanilang mga regalo. 27 Kinamusta sila ni Jose. Pagkatapos, nagtanong din siya, “Kumusta ang ama ninyong matanda na, na binanggit nʼyo noon sa akin? Buhay pa ba siya?”
28 Sumagot sila, “Buhay pa po si ama at mabuti pa naman po siya.” Pagkatapos, yumukod silang muli sa kanya bilang paggalang.
29 Pagkakita ni Jose kay Benjamin na kapatid niyang buo, sinabi niya, “Ito ba ang bunsong kapatid ninyo na ikinuwento nʼyo noon sa akin?” Sinabi niya agad kay Benjamin, “Nawaʼy pagpalain ka ng Dios.” 30 Pagkatapos, mabilis na lumabas si Jose dahil naiiyak na siya sa pangungulila sa kapatid niya. Pumasok siya sa kanyang silid at doon umiyak.
31 Pagkatapos, naghilamos siya at bumalik sa kanila na pinipigil ang kanyang nararamdaman. At nag-utos siya na ihanda na ang pagkain.
32 Iba ang mesa na kinainan ni Jose, iba rin ang kinainan ng kanyang mga kapatid, at iba rin ang sa mga Egipcio na doon din nananghalian. Sapagkat hindi kumakain ang mga Egipcio na kasama ang mga Hebreo sa isang mesa, dahil kasuklam-suklam iyon para sa kanila. 33 Nakaharap kay Jose ang mesang inuupuan ng kanyang mga kapatid. Nagtitinginan ang magkakapatid dahil nagtaka sila na magkakasunod ang pagkakaupo nila sa mesa mula sa panganay hanggang sa bunso. 34 Hinainan sila ng pagkain na galing sa mesa ni Jose pero ang ibinigay kay Benjamin na pagkain ay limang beses ang dami kaysa sa iba. Nagsikain sila at nagsiinom kasama si Jose.
Footnotes
- 43:6 Jacob: sa tekstong Hebreo, Israel.
Genesis 45
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Nagpakilala si Jose sa Kanyang mga Kapatid
45 Hindi na mapigilan ni Jose ang kanyang sarili, kaya pinalabas niya ang kanyang mga alipin. At nang sila na lamang ang naroon, nagpakilala siya sa kanyang mga kapatid. 2 Umiyak nang malakas si Jose kaya narinig ito ng mga Egipcio at ng sambahayan ng Faraon.
3 Sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid, “Ako si Jose! Totoo bang buhay pa ang ating ama?” Pero hindi nakasagot sa kanya ang mga kapatid niya dahil natulala sila.
4 Kaya sinabi ni Jose, “Lumapit kayo sa akin.” Nang lumapit na sila, sinabi niya, “Ako si Jose na kapatid ninyo, ang ipinagbili at dinala nʼyo rito sa Egipto. 5 Ngayon, huwag kayong mag-alala at huwag ninyong sisihin ang sarili nʼyo dahil ipinagbili nʼyo ako rito, dahil ang Dios ang siyang nagsugo sa akin dito para iligtas ang buhay ninyo. 6 Ikalawang taon pa lang ito ng taggutom, at may susunod pang limang taon na walang ani. 7 Pero sinugo ako rito ng Dios para mailigtas kayo at mapanatili ang marami sa inyo rito sa mundo.
8 “Kaya, hindi kayo ang nagpadala sa akin dito kundi ang Dios. Ginawa niya akong tagapayo ng Faraon, tagapamahala ng kanyang sambahayan at ng buong Egipto. 9 Ngayon, magmadali kayong bumalik sa aking ama at sabihin nʼyo sa kanya na ang anak niyaʼy ginawa ng Dios na tagapamahala ng buong Egipto. At sabihin ninyo sa kanya na pinapapunta ko siya rito sa akin sa lalong madaling panahon. 10 Sabihin nʼyo rin sa kanya na maaari siyang tumira sa lupain ng Goshen kasama ang kanyang mga anak at mga apo, mga hayop, at ang lahat ng ari-arian niya, para malapit siya sa akin. 11 Aalagaan ko siya rito sa Goshen dahil may darating pang limang taon na taggutom. Ayaw kong magutom siya at ang kanyang sambahayan, pati ang kanyang mga hayop.”
12 Nagpatuloy si Jose sa pagsasalita, “Ngayong alam nʼyo na, maging ng kapatid kong si Benjamin, na talagang ako si Jose na nakikipag-usap sa inyo. 13 Sabihin nʼyo sa aking ama ang tungkol sa karangalang nakamit ko rito sa Egipto at ang lahat ng nakita ninyo tungkol sa akin. At dalhin nʼyo siya agad dito sa akin.”
14 Pagkatapos, niyakap ni Jose ang kanyang kapatid na si Benjamin, umiiyak siya habang nakayakap kay Jose. 15 Pagkatapos, pinaghahagkan ni Jose ang lahat ng kapatid niya at patuloy siyang umiiyak sa kanila. Pagkatapos noon ay nakipag-usap sa kanya ang mga kapatid niya.
16 Nang makarating ang balita sa palasyo ng Faraon na dumating ang mga kapatid ni Jose, natuwa ang Faraon at ang kanyang mga opisyal. 17 Sinabi ng Faraon kay Jose, “Sabihin mo sa mga kapatid mo na kargahan nila ng pagkain ang mga hayop nila at bumalik sa lupain ng Canaan. 18 Pagkatapos, dalhin nila rito ang kanilang ama at ang kani-kanilang pamilya, dahil ibibigay ko sa kanila ang pinakamagandang lupain sa Egipto at matitikman nila ang pinakamagandang ani nito.
19 “Sabihin mo rin sa kanila na magdala sila ng mga karwahe mula rito sa Egipto para masakyan ng mga asawaʼt anak nila sa paglipat nila rito. At dalhin nila rito ang kanilang ama. 20 Huwag na silang manghinayang sa mga ari-arian nilang maiiwan dahil ang magagandang bagay sa buong Egipto ay magiging sa kanila.”
21 Ginawa ito ng mga anak ni Jacob. At ayon sa utos ng Faraon, binigyan ni Jose ang mga kapatid niya ng mga karwahe at pinabaunan ng pagkain sa kanilang paglalakbay. 22 Binigyan din niya ang bawat isa sa kanila ng damit; pero ang ibinigay niya kay Benjamin ay limang damit at 300 pirasong pilak. 23 Pinadalhan din niya ang kanyang ama ng sampung asnong may mga kargang pinakamagandang ani mula sa Egipto, at sampung babaeng asno na may mga kargang trigo, tinapay at mga baon ng kanyang ama sa paglalakbay. 24 Nang pinaalis na niya ang kanyang mga kapatid, sinabi niyang huwag silang mag-aaway sa daan.
25 Kaya umalis sila sa Egipto at bumalik sa kanilang ama sa Canaan. 26 Pagdating nila roon, sinabi nila sa kanilang ama na buhay pa si Jose, at siya pa nga ang tagapamahala ng buong Egipto. Natulala si Jacob; hindi siya makapaniwala. 27 Pero nang sinabi nila sa kanya ang lahat ng sinabi ni Jose sa kanila, at nang makita niya ang mga karwahe na ipinadala ni Jose para sa pagpunta niya sa Egipto, bigla siyang lumakas. 28 Sinabi ni Jacob, “Naniniwala na ako! Ang anak kong si Jose ay buhay pa. Pupuntahan ko siya bago ako mamatay.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®